Matapos mamatay si Esteban, may bumangon sa Jerusalem na mahigpit na pag-uusig laban sa mga mananampalataya anupa’t “sila’y nangalat sa mga lupain ng Judea at Samaria.” Si Saulo ay “gumawa ng malaking pinsala sa iglesia, na pumapasok sa bawat tahanan, hinuhuli ang mga lalaki at babae, at dinadala sila sa piitan.” Tungkol sa kanyang malupit na gawain ay sinabi niya pagkatapos: “Tunay na ako ma’y nag-isip, na dapat akong gumawa ng maraming bagay laban sa pangalan ni Jesus ng Nasaret. At ginawa ko rin ito sa Jerusalem: at kinulong ko sa mga bilangguan ang marami sa mga banal.... At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng mga sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila’y pinag-uusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.” Na hindi lamang si Esteban ang nagdusa ng kamatayan ay makikita sa sariling salita ni Saulo, “At nang sila’y ipinapapatay, ay ibinigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila.” Gawa 26:9-11. AGA 79.1
Sa panahong ito ng panganib, si Nicodemo ay may katapangang nagpatotoo ng pananampalataya sa ipinakong Tagapagligtas. Si Nicodemo ay kaanib ng Sanhedrin, at kasama pa ng iba ay nakilos ng mga aral ni Jesus. Sa pagkakita niya ng mga kahanga-hangang gawa ni Kristo, ang pagkahikayat ay dumating sa kanya na tunay ngang ito ay Sugo ng Dios. May pagmamataas na ayaw hayagang ipakilalang siya ay nagmamalasakit sa Gurong mula sa Galilea, nagsikap siyang makakuha ng palihim na panayam. Sa panayam na ito, ay inilahad sa kanya ni Jesus ang panukala ng pagliligtas, at ng Kanyang misyon dito sa lupa; gayunman ay atubili pa rin si Nicodemo. Itinago niya ang katotohanang ito sa kanyang puso, at sa loob ng tatlong taon ay parang maliit lamang ang bunga nito. Bagama’t hindi hayagang kinilala ni Nicodemo si Kristo, sa loob naman ng Sanhedrin ay paulit-ulit na pinigil niya ang mga pakana ng mga seserdote upang sirain Siya. At sa wakas nang si Kristo ay nataas na sa krus, naalaala ni Nicodemo ang mga salita Niya sa gabi ng panayam sa Bundok ng Olibo, “At kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon din ldnakailangang itaas ang Anak ng tao” (Juan 3:14); at nakita niya kay Jesus ang Manunubos ng sanlibutan. AGA 79.2
Kasama ni Jose ng Arimatea, si Nicodemo ang gumugol sa pagpapalibing kay Jesus. Ang mga alagad ay takot na maglantad ng sarili bilang mga tagasunod ni Kristo, ngunit si Nicodemo at Jose ay may katapangang lumantad at nagkaloob ng tulong. Ang tulong ng mayaman at marangal na lalaking ito ay tunay na kailangan sa oras na iyon ng kadiliman. Nagawa nila para sa kanilang patay na Panginoon ang imposibleng magawa ng mga dukhang alagad; at ang kanilang yaman at impluwensya ay nagsanggalang sa kanila sa malaking paraan, sa masamang isipan ng mga saserdote at mga pinuno. AGA 80.1
Ngayon, nang sinisikap ng mga Judiong wasakin ang sanggol na iglesia, si Nicodemo ay lumantad upang ito’y ipagsanggalang. Hindi na nahihintakutan o nagtatanong pa, pinasigla niya ang pananampalataya ng mga alagad, at ginamit ang kanyang kayamanan sa pagtulong upang maitaguyod ang iglesia sa Jerusalem at mapalago ang gawain ng ebanghelyo. Silang sa mga nakaraang panahon ay nagpitagan sa kanya, ngayon ay nag-aglahi at nag-usig sa kanya; at siya’y naging dukha sa mga bagay ng mundo; gayunman ay hind siya nanghina sa pagtatanggol sa katotohanan. AGA 80.2
Ang pag-uusig na dumating sa iglesia sa Jerusalem ay nagbunga ng malaking sigla sa gawain ng ebanghelyo. Nakita ang tagumpay ng pangangaral sa dakong ito, at may panganib na ang mga alagad ay maglumagi doong napakatagal, na hindi na mapansin ang utos ng Panginoong humayo sa buong sanlibutan. Nakalimutang ang lakas upang labanan ang kasamaan ay natatamong higit sa agresibong paggawa, nagsimula silang mag-isip na wala nang gawaing higit pang mahalaga kaysa ipagsanggalang ang iglesia sa Jerusalem sa pagsalakay ng kaaway. Sa halip na turuan ang mga bagong hikayat na magbahagi ng ebanghelyo sa ibang hindi pa nakakarinig nito, nalagay sila sa panganib na lumakad na nasisiyahan sa mga bagay na nagampanan na. At upang pangalatin ang Kanyang mga alagad, upang sa iba’t ibang dako ay gumawa para sa iba, ipinahintulot ng Dios na ang paguusig ay dumating sa kanila. Nang palayasin sa Jerusalem, ang mga mananampalataya ay “nagtungo sa bawat dako na ipinangangaral ang salita.” AGA 80.3
Kabilang sa mga nabigyan ng Tagapagligtas ng utos na, “Magsihayo kayo, at turuan ang lahat ng bansa” (Mateo 28:19), ay buhat sa mga hamak na kalagayan lamang—mga lalaki at babaeng natutuhang mahalin ang Panginoon, at nagpasyang sundin ang Kanyang halimbawa ng hindi makasariling paglilingkod. Sa mga hamak na ito, gayon din sa mga alagad na nakasama ng Tagapagligtas sa panahon ng Kanyang gawain sa lupa, ay nabigay ang mahal na pagkakatiwala. Dadalhin nila sa sanlibutan ang magalak na balita ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo. AGA 81.1
Nang sila’y mangalat dahilan sa pag-uusig, napuspos sila ng sigasig misyonero. Nadama nila ang kapanagutan ng kanilang misyon. Nalaman nilang hawak nila sa kanilang kamay ang tinapay ng buhay para sa isang sanlibutang gutom dito; at sila’y nakilos ng pag-ibig ni Kristo upang maghati ng tinapay sa lahat ng nangangailangan nito. Ang Dios naman ay gumawa sa pamamagitan nila. Saan mang dako sila tumungo, ang mga maysakit ay napagaling at ang mga dukha ay naparangalan ng ebanghelyo. AGA 81.2
Si Felipe, isa sa pitong diakono, ay kabilang sa mga napalayas sa Jerusalem. Siya’y “bumaba sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila si Kristo. At ang karamiha’y nagkakaisang nakildnig sa mga bagay na sinalita ni Felipe, pagkarinig nila at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya. Sapagkat mga karumaldumal na espiritu ang lumalabas sa kanila, na nangagsisigaw ng malakas na tinig: at maraming mga lumpo, at pilay, ang pinagaling. At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon.” AGA 81.3
Ang pabalita ni Kristo sa babaeng taga Samaria na nakausap Niya sa tabi ng balon ni Jacob ay nagbunga. Matapos madinig ang Kanyang mga salita, ang babae ay nagtungo sa mga kalalakihan ng siyudad, na nagsasabi, “Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalaki, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Kristo?” Sila’y sumama sa kanya, narinig si Jesus, at nagsisampalataya sa Kanya. Hindi mapalagay at gustong makarinig pa, nalausap sila sa Kanya na manatili pa. Sa loob ng dalawang araw Siya’y nanatiling kasama nila “at lalo pang marami ang mga nagsisampalataya sa Kanya dahil sa Kanyang salita.” Juan 4:29, 41. AGA 81.4
Nang ang Kanyang mga alagad ay mapalayas mula sa Jerusalem, ang iba ay nakakita ng ligtas na kanlungan sa Samaria. Tinanggap ng mga Samaritano ang mga mensaherong ito ng ebanghelyo, at ang mga nahikayat na Judio ay nagtipon ng masaganang ani mula sa dati nilang pinakamahigpit na kaaway. AGA 81.5
Ang gawain ni Felipe sa Samaria ay kinakitaan ng malaking tagumpay, kaya’t nagsugo siya sa Jerusalem upang humingi ng tulong. Nakitang lalong malinaw ng mga alagad ang kahulugan ng mga salita ni Kristo, “Kayo ay magiging saksi Ko sa Jerusalem, at sa buong Judea, at sa Samaria, at hanggang sa pinakadulo ng lupa.” Gawa 1:8. AGA 82.1
Habang si Felipe ay nasa Samaria pa, inatasan siya ng mensahero ng langit na “tumungo sa timog sa daang patungo sa Gaza mula sa Jerusalem.... At siya ay nagbangon at lumakad.” Hindi niya pinagalinlanganan ang panawagan, o nag-atubili mang sumunod; sapagkat natutuhan na niya ang liksyon ng pakikiayon sa kalooban ng Dios. AGA 82.2
“At, narito, ang isang lalaking taga Etiopia, isang bating na may dakilang kapamahalaan na sakop ni Candace, reyna ng mga Etiope, na siyang namamahala ng lahat niyang kayamanan, at siya’y naparoon sa Jerusalem upang sumamba; at siya’y pabalik na nakaupo sa kanyang karo, at binabasa ang propeta Isaias.” Ang Etiopeng ito ay may magandang kalagayan at malawak na impluwensya. Nakita ng Dios na kung ito ay mahihikayat ay magbabahagi naman sa iba ng liwanag na tinanggap, at magbibigay ng malakas na impluwensya ukol sa ebanghelyo. Mga anghel ng Dios ay umaantabay sa mga nagsasaliksik ng liwanag, at siya ay inilalapit sa Tagapagligtas. Sa paglilingkod ng Banal na Espiritu dinala siya ng Panginoon sa taong makapag-aakay sa kanya sa liwanag. AGA 82.3
Si Felipe ay inatasang lumapit sa Etiope at ipaliwanag dito ang propesiyang binabasa. “Lumapit ka,” ang sabi ng Espiritu, at sumakay ka sa karong ito.” Sa paglapit ni Felipe, nagtanong siya, “Nauunawa mo ba ang binabasa mo? At sinabi niya, Paanong magagawa ko, malibang may pumatnubay sa aking sinuman? At pinakiusapan niya si Felipe na pumanhik at maupong kasama niya.” At ang dako nga ng kasulatang binabasa niya ay ang propesiya ni Isaias patungkol kay Kristo: “Siya’y gaya ng tupa na dinala sa patayan; at kung paanong hindi umimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kanya, gayon din hindi Niya binubuka ang Kanyang bibig: sa Kanyang pagpapakababa’y inalis ang Kanyang paghuhukom: at sino ang maghahayag ng Kanyang lahi? sapagkat inalis sa lupa ang Kanyang buhay.” AGA 82.4
“Kanino sinasabi ng propeta ito? sa kanya bagang sarili, o sa alin- mang iba?” At inilahad ni Felipe sa kanya ang dakilang katotohanan ng pagtubos. Nagsimula sa mga talata ring ito, “ipinangaral sa kanya si Jesus.” AGA 82.5
Ang puso ng lalaking ito ay napuspos ng interes habang ipinaliliwanag sa kanya ang mga Kasulatan; at nang makatapos ang alagad, handa na siyang tanggapin ang liwanag na naibigay. Hindi niya idinahilan ang mataas na tungkulin sa sanlibutan upang tanggihan ang ebanghelyo. ” At sa pagpapatuloy sa daan, ay nakarating sila sa dakong may tubig: at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako’y mabautismuhan? At sinabi ni Felipe, kung ikaw ay nananampalataya ng buong puso ay maaari. At siya’y sumagot at sinabi, Ako’y naniniwala na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios. At iniutos niyang itigil ang karo; at kapwa sila’y lumusong sa tubig; at binautismuhan ni Felipe ang bating.” AGA 83.1
“At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagkat ipinagpatuloy niya ang kanyang lakad na natutuwa. Ngunit nasumpungan si Felipe sa Azoto: at sa pagdadaan ay ipinangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga bayan, hanggang sa dumating siya sa Cesarea.” AGA 83.2
Ang Etiopeng ito ay kumatawan sa maraming taong kailangang maturuan ng mga misyonerong tulad ni Felipe—mga lalaking makikinig sa tinig ng Dios, at hahayo saan man sila isugo Niya. Marami ang nagbabasa ng Kasulatan na hindi maunawaan ang tunay na kahalagahan nito. Sa buong mundo ay maraming mga lalaki at babaeng nakatanaw sa langit. Mga dalangin at luha at pagtatanong ay nagmumula sa mga kaluluwang nananabik sa liwanag, sa biyaya, sa Banal na Espiritu. Sila ay nasa pintuan ng kaharian, naghihintay lamang na papasukin. AGA 83.3
Isang anghel ang umakay kay Felipe sa taong naghahanap ng liwanag, at handa nang tumanggap ng ebanghelyo; at ngayon ang mga anghel ay papatnubay din sa mga paa ng mga manggagawang pahihintulutan ang Banal na Espiritu na magpabanal ng kanilang mga dila at magparangal ng kanilang mga puso. Ang anghel na isinugo kay Felipe ay maaaring siya nang gumawa ng gawain para sa Etiope, ngunit hindi ito ang paraan ng Dios sa paggawa. Panukala Niyang ang tao ang gagawa para sa kanilang kapwa tao. AGA 83.4
Sa pagkakatiwalang nabigay sa mga unang alagad, ang mga mana-nampalataya sa bawat panahon ay mayroong bahagi. Bawat isang tumanggap ng ebanghelyo ay binigyan ng banal na katotohanang dapat ibahagi sa sanlibutan. Ang tapat na bayan ng Dios ay lagi nang masigasig na misyonero, na nagtatalaga ng kanilang kayamanan sa pagpaparangal sa Kanyang pangalan at malawak na ginagamit ang kanilang mga talento sa paglilingkod sa Kanya. AGA 83.5
Ang hindi makasariling paggawa ng mga Kristiano sa nakaraan ay liksyong moral at isang inspirasyon para sa atin ngayon. Ang mga kaanib ng iglesia ng Dios ay dapat na maging maningas sa mabubuting gawa, naghihiwalay ng sarili sa mga ambisyong makalupa, at lumalakad sa yapak Niyang gumawa ng kabutihan. May mga pusong puspos ng malasakit at habag, sila ay maglilingkod sa mga nangangailangan, sa paghahatid sa mga makasalanan ng pagkakilala sa pag-ibig ng Tagapagligtas. Ang ganitong gawain ay nananawagan ng matiyagang paggawa, ngunit nagdudulot ng mayamang pabuya. Silang sasangkot dito na may taimtim na adhikain ay makakakita ng mga taong nahihikayat sa Tagapagligtas; sapagkat ang impluwensyang kasama ng praktikal na pagsasakatuparan ng banal na atas, ay hindi matatanggihan. AGA 84.1
Hindi lamang sa ordinadong ministro nakasalalay ang kapanagutan ng paghayo sa komisyong ito. Bawat isang tumanggap kay Kristo ay tinatawagan sa pagliligtas ng kapwa tao. “Ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Parito. At siyang nakakarinig ay magsabi, Parito.” Apocalipsis 22:17. Ang utos na magbahagi ng paanyayang ito ay ukol sa buong iglesia. Bawat isang tumanggap ng paanyaya ay mag-anyaya rin sa burol at kapatagan na nagsasabing, “Parito.” AGA 84.2
Isang nakamamatay na pagkakamali ang isiping ang gawain ng pagliligtas ng kaluluwa ay nakasalalay lamang sa ministeryo. Ang hamak, natatalagang mananampalataya na binigyan ng Panginoon ng ubasan ng pasanin sa kaluluwa, ay dapat pasiglahin ng mga lalaking pinagkalooban ng Panginoon ng lalong malaking kapanagutan. Silang nakatayo bilang mga lider ng iglesia ng Dios ay dapat makadama na ang utos ng Tagapagligtas ay para sa lahat ng sumasampalataya sa Kanyang pangalan. Isusugo ng Dios sa Kanyang ubasan ang maraming hindi naitalaga sa gawain sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay. AGA 84.3
Daan-daan, oo, libo-libo, ang nakarinig ng pabalita ng kaligtasan, datapuwat nakatayo lamang sa mga pamilihan, na dapat sana ay aktibo sa anumang linya ng paglilingkod. Sa mga ito ay sinasabi ni Kristo, “Bakit kayo nakatayo dito sa maghapon na walang ginagawa?” at Kanyang idinagdag, “Humayo kayo sa ubasan” Mateo 20:6, 7. Bakit kaya kakaunti lamang ang tumutugon sa panawagan? Dahilan kaya na iniisip nilang sila ay hindi kasama sapagkat hindi naman sila tumatayo sa pulpito? Unawain nilang may malaking gawaing dapat gampanan sa labas ng pulpito, sa pamamagitan ng mga natatalagang kaanib ng iglesia. AGA 84.4
Matagal nang ang Dios ay naghihintay sa espiritu ng paglilingkod na lulukob sa buong iglesia upang ang bawat isa ay makagawa para sa Kanya ayon sa kani-kanyang kakayahan. Kapag ang mga kaanib ng iglesia ng Dios ay gagawa ng itinalagang tungkulin sa mga bukirang nangangailangan sa sariling lugar at ibang dako, sa katuparan ng komisyon ng ebanghelyo, ang buong lupa ay mabababalaan, at ang Panginoong Jesus ay babalik na sa lupa sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. “Ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong sanlibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at darating ang wakas.” Mateo 24:14. AGA 85.1