Sa Berea ay nakatagpo si Pablo ng mga Judio na laang magsaliksik ng katotohanang kanyang itinuturo. Ang tala ni Lucas ay nagsasaad: “Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kaysa mga taga Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga Kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito. Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya; gayon din sa mga babaeng Griyego, na may mga kalagayang mahal, at sa mga lalaki, ay hindi kakaunti.” AGA 176.1
Ang mga pag-iisip ng mga taga Berea ay hindi pinakitid ng maling akala. Handa silang magsiyasat sa katotohanan ng mga doktrinang iniaaral ng mga apostol. Kanilang pinag-aralan ang Biblia, hindi sa pag-usyoso lamang, kundi upang maalaman kung ano ang nasusulat tungkol sa ipinangakong Mesias. Sa bawat araw ay nagsaliksik sila ng kinasihang tala; at habang inihahambing ang kasulatan sa kasulatan, ang mga anghel ng langit ay katabi nila, nagpapaliwanag ng kanilang isipan at nagdidiin sa kanilang mga puso. AGA 176.2
Saan mang dako inihahayag ang mga katotohanan ng ebanghelyo, silang taimtim na nagnanais na gumanap ng matuwid ay inaakay sa masikap na pagsasaliksik ng Kasulatan. Kung sa pagtatapos ng kasaysayan ng lupa, silang maaaralan ng katotohahan ay susunod sa halimbawa ng mga taga Berea, na nagsaliksik ng Kasulatan sa bawat araw, at inihahambing sa salita ng Dios ang mga pabalitang dinadala sa kanila, magkakaroon ng malaking bilang na magiging tapat sa kautusan ng Dios, kaysa ngayon na iilan lamang sila. Datapuwat kapag ang hindi popular na katotohanan ng Biblia ay inihayag, marami ang tatangging siyasatin ang mga ito. Bagama’t hindi malabanan ang malinaw na katotohanan ng Biblia, gayunman ay atubili silang pag-aralan ang mga katibayang nakalaan. May nag-iisip na kahit na totoo ang mga doktrinang ito, walang halaga kung tanggapin man nila o hindi ang bagong liwanag; at nananatili silang nanghahawakan sa mga nakalulugod na bungang isip na inihaharap ng kaaway upang iligaw ang kaluluwa. Sa ganito ay nabubulag ng kamalian ang isipan, at ang tao’y nahihiwalay sa Dios. AGA 176.3
Ang lahat ay hahatulan sang-ayon sa liwanag na nabigay sa kanila. Ang Panginoon ay nagsusugo ng mga embahador taglay ang pabalita ng kaligtasan, at silang maldldnig ay mananagot sa paraang kanilang pinakitunguhan ang mga salita ng Kanyang mga lingkod. Silang taimtim na naghahanap ng katotohanan ay maingat na gagawa ng pagsisiyasat ng mga doktrina, sa liwanag ng salita ng Dios. AGA 177.1
Ang mga Judiong hindi nanampalataya sa Tesalonica, na puno ng inggit at muhi sa mga apostol, ay hindi pa nasiyahang mapalayas ang mga ito mula sa sariling siyudad, at sinundan pa sila sa Berea at ginising nila ang damdamin ng mga taong mababa ang uri. Sa pangambang ang karahasan ay gawin kay Pablo kung mananatili ito sa siyudad, ipinadala sila ng mga kapatid sa Atenas, kasama ng ilang mga nahikayat sa Berea. AGA 177.2
Sa ganito sumunod ang pag-uusig sa mga guro ng katotohanan sa mga siyudad na kanilang tinungo. Ang mga kaaway ni Kristo ay di papayag na ang ebanghelyo ay lumaganap, ngunit nagtagumpay silang pahirapang mainam ang paggawa ng mga apostol. Gayunman, sa harap ng hadlang at tunggalian, si Pablo ay matatag na nagpatuloy, may pasyang isagawa ang adhikain ng Dios tulad ng inihayag sa kanya sa pangitain sa Jerusalem: “Isusugo kita sa malayo sa mga Gentil.” Gawa 22:21. AGA 177.3
Ang madaliang pag-alis ni Pablo sa Berea ay umagaw ng pagkakataon sa kanya upang muling madalaw ang mga kapatid sa Tesalonica. AGA 177.4
Pagdating sa Atenas, pinauwi ni Pablo ang mga kapatid mula sa Berea taglay ang pabalita kay Silas at Timoteo upang sumama sa kanya agad. Si Timoteo ay dumating sa Berea bago siya umalis doon, at kasama ni Silas ay nagpatuloy sa gawaing napasimulan na doon, at sa pagtuturo sa mga bagong hikayat ng mga simulain ng pananampalataya. AGA 177.5
Ang siyudad ng Atenas ay malaking siyudad ng paganismo. Dito ang nakaharap ni Pablo ay di tulad sa Listra na mga walang pinagaralan, kundi mga taong tanyag sa kanilang katalinuhan at kultura. Sa bawat dako ay mga estatwa ng kanilang mga diyos at dini-diyos na bayani ng kasaysayan at panulat, at ang mga naggagandahang gusali at mga ipinintang larawan ay kumatawan sa pambansang kaluwalhatian at popular na pagsamba sa mga diyosa na pagano. Ang mga pandama ng bayan ay nasa gayuma ng kagandahan at kamahalan ng sining. Sa bawat dako ay mayroong santuwaryo at templo na ginugulan ng malaking halaga. Mga tagumpay at gawa ng mga kilalang tao ay ibinabandila sa painamagitan ng mga estatwa, groto, at batong parangal. Lahat na ito ay nagbigay larawan sa Atenas bilang dakilang galerya ng sining. AGA 177.6
Sa pagtingin ni Pablo sa kagandahan at dangal ng palibot, at sa pagsamba sa diyus-diyusang laganap, ang kanyang diwa ay nagkaroon ng inggit para sa Dios, na nakikita niyang niwawalang karangalan sa bawat panig. Ang kanyang puso ay nahabag sa bayan ng Atenas, na, sa kabila ng talino at kultura, ay walang pagkakilala sa tunay na Dios. AGA 178.1
Ang apostol ay hindi nadaya ng mga namalas niya sa sentrong ito ng karunungan. Ang kanyang espirituwal na likas ay buhay na buhay sa pang-akit ng makalangit na bagay, anupa’t ang kagalakan at kaluwalhatian ng mga kayamanang hindi lumilipas ang nagpawalang halaga sa kanyang paningin sa karangyaang nakapalibot sa kanya. Sa pagmalas niya sa kagandahan ng Atenas, nadama niya ang gayumang kapangyarihan nito sa mga mahilig sa sining at kultura, at ang kanyang isipan ay tunay na nakilos sa kahalagahan ng gawaing nasa harapan niya. AGA 178.2
Sa dakilang siyudad na ito, kung saan ang Dios ay hindi sinamba, si Pablo ay nahihirapan sa pagkadama na siya’y nag-iisa, at nanabik siya sa malasakit at tulong ng mga kamanggagawa. Malayo sa kapwa tao, nadama niyang tunay siyang nag-iisa. Sa pagsulat niya sa mga taga Tesalonica, inihayag niya ang damdaming ito, “Naiwang nagiisa sa Atenas.” 1 Tesalonica 3:1. Mga sagabal na halos di matatagpusan ay nasa harapan niya, anupa’t halos wala siyang lakas loob na magsimulang mangusap sa mga tao. AGA 178.3
Habang naghihintay kay Silas at Timoteo, si Pablo naman ay naging abala. “Nakipagtalo siya sa mga Judio sa sinagoga, at sa mga banal na tao, at sa bawat araw ay sa mga taong nakasalamuha niya sa pamilihan.” Ngunit ang pangunahing gawain niya sa Atenas ay ihayag ang pabalita ng kaligtasan sa kanilang walang matalinong unawa tungkol sa Dios at sa Kanyang adhikain para sa taong makasalanan. Di magtatagal ay makakaharap ng apostol ang paganismo sa kanyang pinakamatalino at mapang-akit na anyo. AGA 178.4
Di nagtagal ay nalaman ng mga dakilang tao sa Atenas ang tungkol sa gurong ito, na naghaharap sa bayan ng kakaiba at bagong turo. Ilan sa mga ito ay hinanap si Pablo, at nakipag-usap sa kanya. Di nagtagal ay maraming tao na ang nakapalibot sa kanila. Ang ilan ay handang hiyain ang apostol bilang isang mababa lamang ang kalagayan sa buhay at kalagayan sa pag-iisip, at ang mga ito ay ang tanungan sa isa’t isa, “Ano kaya ang sasabihin ng daldalerong ito?” Ang iba naman, “sapagkat ipinangaral niya si Jesus, at ang pagkabuhay na muli,” ay nagwika, “Parang naghaharap siya ng kakatuwang mga diyos.” AGA 179.1
Kabilang sa humarap kay Pablo sa pamilihang bayan ay “ilang pilosopong Epicurio, at ng mga Stoico;” ngunit sila, at lahat pa ng nakipagtagpo sa kanya, agad ay nakita ang higit na kaalamang taglay niya kaysa sa kanila. Ang kapangyarihan ng kanyang pag-iisip ay kumuha ng paggalang ng matatalino; samantalang ang kanyang taimtim at lohikal na pagpapaliwanag at kapangyarihan ng pagsasalita ay kumuha ng pansin ng nakikinig. Ang mga ito ay nakaalam na siya’y hindi isang baguhan, kundi may kakayahang harapin ang lahat ng uri ng tao ng mga argumentong maliwanag at kapani-paniwala bilang taguyod sa mga doktrinang kanyang itinuturo. Sa ganito ay tumayong buong tapang ang apostol, na hinarap ang bawat sumasalungat sa kanilang sariling punto, tinapatan ang kanilang lohika ng lohika rin, pilosopiya ng pilosopiya, galing ng pananalita ng katumbas na kagalingan. AGA 179.2
Tinawag ng mga katunggaling paganong ito ang kanyang pansin sa nangyari kay Socrates, na, sapagkat ito ay nagpakilala ng kakaibang mga diyos, ay hinatulan ng kamatayan; at pinayuhan nila si Pablo na huwag ilagay sa panganib ang kanyang buhay sa katulad na paraan. Ngunit ang pagsasalita ng apostol ay nagpako sa pansin ng bayan, at ang kanyang karunungang hindi mapasubalian ay kumuha ng paggalang at paghanga. Hindi siya napatahimik ng siyensya o panunuya ng mga pilosopo; at ang mga ito sa pagkadamang buo ang pasiya ng apostol na isagawa ang pakay nito sa kanila, at, anuman ang panganib ay magbalita sa kanila, nagpasiya silang bigyan ito ng panahong magsalita. AGA 179.3
Kanilang dinala siya sa burol ni Marte. Ito ay isa sa pinakabanal na lugar sa buong Atenas, at ang mga tala ng naganap dito ay sapat upang ituring nila ito na may mapamahiing paggalang na sa isipan ng marami ay tulad na rin ng hilakbot. Sa dakong ito, madalas na ang mga bagay ng relihiyon ay tinatalakay ng mga taong nagsisilbing hukom sa lahat ng mahahalagang katanungang moral at sibil. AGA 179.4
Dito, malayo sa ingay at galaw ng masikip na lansangan, at ng mga halu-halong usapan, ang apostol ay mapapakinggang walang sagabal. Sa palibot niya ay nagtipon ang mga makata, mga alagad ng sining, at pilosopo—ang mga iskolar at pantas na lalaki ng Atenas, na nagsaad sa kanya: “Maaari ba naming malaman kung ano ang bagong doktrinang ito, na iyong sinasabi? sapagkat nagdadala ka ng mga kakaibang bagay sa aming pakinig: nais naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.” AGA 180.1
Sa sandaling ito ng maselang kapanagutan, ang apostol ay payapa at panatag. Ang kanyang puso ay mabigat sa mahalagang pabalita, at ang mga pangungusap na namutawi sa kanyang bibig ay nagpaniwala sa mga nakikinig na ito ay hindi walang katuturang daldalero lamang. “Kayong mga lalaki ng Atenas,” wika niya, “Nakikita ko na sa lahat ng mga bagay kayo ay mapamahiin. Sapagkat sa aking paglalakad, at pagkamalas ng inyong mga debosyon, nakita ko ang isang altar na may nakasulat, Sa Dios na Hindi Nakikilala. Siyang inyong sinasambang walang kaalaman, Siya ang nais kong ihayag sa inyo.” Sa kabila ng lahat ng karunungan nila, hindi nila kilala ang Dios na lumalang ng sansinukob. Gayunman ay mayroong ilang nananabik sa dagdag pang liwanag. Nais nilang umabot sa Walang Hanggan. AGA 180.2
Nakaturo ang kamay sa templong puno ng mga estatwa, ibinuhos ni Pablo ang buong malasakit ng kanyang pagkatao, at inilantad ang mga kamalian ng relihiyon ng mga taga Atenas. Ang pinakapantas sa mga nakikinig ay namangha sa kanyang mga paliwanag. Nakita nilang ito ay bihasa sa kanilang mga gawa ng sining, ng literatura, at ng kanilang relihiyon. Sa pagturo sa mga estatwa at rebulto, inihayag niyang ang Dios ay di maaaring maitulad sa mga anyong likha ng tao. Ang mga nililok na imaheng ito sa pinakamaliit na paraan ay di maaaring maging kinatawan ng kaluwalhatian ng Jehova. Ipinaalaala niya sa kanila na ang mga imaheng ito ay walang buhay, at kontrolado lamang ng kapangyarihan ng tao, na gagalaw lamang kung pagagalawin ng tao; at kung magkagayon, silang sasamba sa mga ito ay higit na mataas sa lahat ng paraan sa kanilang sinasamba. AGA 180.3
Inakay ni Pablo ang isipan ng mga tagapakinig na sumasamba sa mga diyos sa kabila ng hangganan ng kanilang huwad na relihiyon sa isang tunay na pagkakilala sa Dios, na kanilang tinatawag na “Dios na Hindi Nakikilala.” Ang Dios na ito, na ngayon ay ipinakikilala niya sa kanila, ay di umaasa sa tao, ni hindi nangangailangan ng anumang bagay mula sa kamay ng tao upang madagdagan ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian. AGA 180.4
Ang bayan ay nadala sa paghanga sa taimtim at lohikal na paglalahad ni Pablo ng katangian ng tunay na Dios—ng Kanyang kapangyarihang lumalang at Kanyang nakapangyayaring pasya. Sa kanyang masigasig at mainit na pagsasalita ay inihayag ng apostol, “Ang Dios na lumalang ng sanlibutan at lahat ng naroroon, sa pagkakitang Siya ang Panginoon ng langit at lupa, at tumatahan hindi sa mga templong gawa ng kamay ng tao; o sinasamba man ng kamay ng tao tulad ng isang nangangailangan ng anumang bagay, sa pagkamalas na Siya ang nagbibigay ng lahat ng buhay, at hininga, at ng lahat ng bagay.” Ang mga kalangitan ay napakaliit upang maglulan ng Dios, gaano pa kaya ang mga templong gawa ng kamay ng tao! AGA 181.1
Sa panahong iyon ng maraming antas ng lipunan, na ang mga karapatan ng tao ay madalas na nayuyurakan, inilahad ni Pablo ang mga dakilang katotohanan ng pagiging magkakapatid ng tao, sa paghahayag na ang Dios “ay ginawang isang dugo ang lahat ng mga bansa upang manahan sa ibabaw ng lupa.” Sa paningin ng Dios, ang lahat ay magkakapantay; at sa Manlalalang ay marapat na iukol ng bawat nilalang ang lubos na pagtatapat. Ipinakita rin ng apostol kung paano sa pamamagitan ng pakikitungo ng Dios sa tao, ang Kanyang adhikaing biyaya at kahabagan ay parang gintong sinulid na nakahabi. At “itinakda ang kanilang talagang ayos ng kapanahunan, at mga hangganan ng kanilang mga tahanan; upang kanilang hanapin ang Panginoon, baka sakaling maapuhap nila Siya, at Siya’y masumpungan nila, bagaman Siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin.” AGA 181.2
Habang nakaturo sa mga lalaking nakapaligid sa kanya, inilarawan niya ang Dios bilang isang Ama, at sila ay mga anak sa mga salitang hiram sa kanilang isang makata. “Sa Kanya tayo ay nabubuhay,” kanyang sinabi; “at nagsisikilos at mayroon tayong pagkatao; na gaya naman ng sinabi ng isa sa inyong manunula, Sapagkat tayo nama’y sa Kanyang lahi. Yamang tayo nga’y lahi ng Dios, ay hindi natin dapat isiping ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao. AGA 181.3
“Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas nga ng Dios; datapuwat ngayo’y ipinag-uutos sa mga tao na magsisi silang lahat sa lahat ng dako.” Sa kapanahunan ng kadiliman bago ang pagparito ni Kristo, ang banal na Tagapamahala ay kaunting nagpabaya sa mga diyus-diyusan ng mga pagano; ngunit ngayon, sa pamamagitan ng Kanyang Anak, Kanyang ipinadala sa tao ang mga liwanag ng katotohanan; at Kanyang inaasahan sa lahat ang pagsisisi para sa kaligtasan, hindi lamang mula sa mahihirap at mapagpakumbaba, kundi mula sa mga mapagmataas na pilosopo at prinsipe ng sanlibutan “Sapagkat Siya’y nagtakda ng isang araw, na Kanyang ipaghuhukom sa sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng Lalaldng Kanyang itinalaga; na ito’y pinatunayan Niya sa lahat ng mga tao, nang Siya’y buhayin Niyang mag-uli sa mga patay.” Nang magsalita na si Pablo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, “ang ilan ay nanlibak sa kanya: at nagsabi, Pakikinggan ka na naming muli tungkol dito.” AGA 181.4
Sa ganito ay nagwakas ang paggawa ng apostol sa Atenas, ang sentro ng karunungang pagano sapagkat ang mga taga Atenas ay nagpatuloy sa kanilang panghahawakan sa idolatriya, at iniwan ang liwanag ng tunay na relihiyon. Kapag ang isang bayan ay tunay na nasisiyahan sa kanilang mga sariling naabot na, kaunti na lamang ang maaasahan pa sa kanila. Bagama’t nagmamalaki sa kanilang karunungan at kultura, ang mga taga Atenas naman ay pabulusok sa kasamaan, at kasiyahan sa mga malalabong misteryo ng idolatriya. AGA 182.1
May mga nakinig kay Pablo na ang katotohanan ay nakasumpong ng pagtanggap; ngunit ayaw nilang magpasakop sa Dios, at tanggapin ang kaligtasan. Walang galing na pananalita, walang puwersa ng argumento, ang makakahikayat sa makasalanan. Tanging ang kapangyarihan ng Dios ang makapag-aangkop ng katotohanan sa puso. Ang taong palaging tatalikod sa kapangyarihang ito ay di na maaabot pa. Ang mga Griyego ay naghanap ng karunungan, datapuwat ang pabalita ng krus ay kahangalan sa kanila, sapagkat pinahalagahan nila ang sariling karunungan higit sa karunungang galing sa itaas. AGA 182.2
Sa pagmamataas nila sa katalinuhan at karunungan ng tao ang ebanghelyo ay hindi gaanong nagtagumpay sa mga taga Atenas. Ang taong bihasa sa mundo ngunit lalapit kay Kristo bilang hamak na makasalanang waglit, ay makakatagpo ng karunungang magliligtas; ngunit silang lalapit na nagmamalald sa sariling karunungan, ay mabibigong makatanggap ng liwanag at kaalamang tanging Siya ang makapagbibigay. AGA 182.3
Sa ganito ay hinarap ni Pablo ang paganismo sa kanyang panahon. Ang paggawa niya sa Atenas ay di lubusang bigo. Si Dionisio, na isang pangunahing mamamayan sa siyudad, at ang ilan pa, ay tumanggap sa pabalita ng ebanghelyo, at lubusang nakisanib sa mga mananampalataya. AGA 182.4
Ang Inspirasyon ang nagbigay sa atin ng ganitong pananaw sa buhay ng taga Atenas, na, sa kabila ng lahat na karunungan, sining, at kaginhawahan ay lulong naman sa bisyo, at dito ay maaaring makita kung paanong ang Dios, sa pamamagitan ng Kanyang lingkod, ay maaaring sumansanla sa idolatriya, at mga kasalanan ng isang bayang mapagmataas, at nag-aaring ganap sa sarili. Ang mga salita ng apostol, at ang paglalarawan ng kanyang ugali at kapaligiran, ay dnugaygayan ng inspirasyon, at napasalin sa mga lahi, bilang saksi sa di matitinag niyang pagtitiwala, tapang sa kabila ng kalungkutan at kahirapan, at ng tagumpay na natamo niya para sa Kristianismo sa dakong ito na pinakapuso ng paganismo. AGA 183.1
Ang mga salita ni Pablo ay may taglay na kayamanan ng kaalaman para sa iglesia. Nasa kalagayan siyang madali niyang masabi ang mga bagay na magpapagalit sa mayayabang na nakikinig, at nagdulot naman sana ng kahirapan sa kanya. Kung ang pagsasalita niya ay naging tuwirang atake sa kanilang mga diyos at mga dakilang lalaki ng siyudad, nalagay sana siya sa malaking panganib tulad ng naging kapalaran ni Socrates. Datapuwat sa talinong dulot ng banal na pagibig, maingat na inakay niya ang isipan ng nakikinig mula sa kanilang mga diyos na pagano, at inilahad ang tungkol sa tunay na Dios, na hindi nila kilala. AGA 183.2
Ngayon ang mga katotohanan ng Kasulatan ay dapat madala sa mga dakilang tao ng lupa, upang sila ay makapamili sa pagsunod sa kautusan ng Dios o pagsunod sa prinsipe ng kasamaan. Ang Dios ay naglalahad sa kanila ng mga walang hanggang katotohanan,—katotohanang magpapapantas sa kanila sa kaligtasan, ngunit hindi Siya namimilit sa kanila na tanggapin ito. Kung ang tao ay tatalikod dito, iiwanan Niya sila sa magiging bunga ng sariling gawa. AGA 183.3
“Sapagkat ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; ngunit ito’y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas. Sapagkat nasusulat, Iwawalat Ko ang karunungan ng marurunong, at isasawala Ko ang kabaitan ng marurunong.” “Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanlibutang ito, upang hiyain Niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan, upang hiyain Niya ang mga bagay na malalakas, at ang mga bagay na mababa ng sanlibutan, at ang mga bagay na hinamak ang pinili ng Dios, upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga.” 1 Corinto 1:18, 19, 27, 28. Marami sa pinakadakilang iskolar at mambabatas, ang pinakatanyag na mga tao sa lupa, ang sa mga huling araw ay tatalikod sa liwanag, sapagkat ang karunungan ng sanlibutan ay di nakikilala ang Dios. Gayunman, dapat pasulungin ng mga lingkod ng Dios ang mga pagkakataon upang maghayag ng katotohanan sa mga taong ito. Ang ilan ay kikilala sa kanilang kawalang kaalaman tungkol sa Dios at lalagay sa paanan ni Jesus bilang mga maamong mag-aaral sa Punong-guro. AGA 183.4
Sa bawat pagsisikap na maabot silang nasa mas mataas na lipunan, ang manggagawa ng Dios ay nangangailangan ng malakas na pananampalataya. Ang mga bagay ay maaaring mahirap sa tingin; ngunit sa pinakamadilim na oras ay may tanglaw mula sa itaas. Ang kalakasan nilang umiibig at naglilingkod sa Dios ay mananariwa bawat araw. Ang pagkaunawa tungkol sa Walang Hanggan ay nasa kanilang paglilingkod, upang sa pagsasagawa ng adhikain ng Dios ay di sila magkamali. Ang mga manggagawang ito ay dapat manghawakan ng kanilang tiwala sa Dios mula sa pasimula hanggang katapusan, alalahaning palagi na ang liwanag ng katotohanan ng Dios ay dapat maglagos sa nakapalibot na kadiliman sa lupa. Walang panlulupaypay sa paglilingkod sa Dios. Ang pananampalataya ng bawat natatalagang manggagawa ay dapat makatayo sa bawat pagsubok na haharapin. Ang Dios ay laan at may kakayahang magkaloob sa Kanyang mga lingkod ng lahat ng kalakasang kailangan nila at ng karunungang sapat sa lahat ng pangangailangan. Higit pa na sasapatan Niya ang pinakamataas na inaasahan ng mga maglalagak ng pagtitiwala sa Kanya. AGA 184.1