Si apostol Pablo, sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Tesalonica, ay hinulaan ang napakalaking pagtalikod na magreresulta sa pagkakatatag ng kapangyarihan ng kapapahan. Kanyang sinabi na ang araw ni Cristo ay hindi darating, “malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan. Siya ay sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba; anupa’t siya’y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos.” At bukod pa dito, binabalaan ng apostol ang kanyang mga kapatiran na “ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na” (2 Tesalonica 2:3, 4, 7). Kahit noon pa mang unang panahon ay nakita na niyang gumagapang papasok sa iglesya ang mga kamalian na maghahanda ng daan para sa paglitaw ng kapapahan. ADP 31.1
Unti-unti, sa umpisa’y palihim at tahimik, at pagkatapos ay mas lantaran habang lumalakas at nagkakaroon ng kapamahalaan sa isipan ng mga tao, ipinagpatuloy ng “hiwaga ng kasamaan” ang kanyang mapandaya at lapastangang gawain. Halos hindi halata, ang mga kaugalian ng paganismo ay nakapasok sa iglesyang Kristiyano. Ang espiritu ng pakikipagkompromiso at pakikiayon ay napigilan pansamantala dahil sa matinding pag-uusig na dinanas ng iglesya sa ilalim ng paganismo. Ngunit nang tumigil na ang pag-uusig, at ang Kristiyanismo ay nakapasok na sa mga bulwagan ng palasyo ng mga hari, isinaisantabi nito ang mapagpakumbabang kasimplihan ni Cristo at ng Kanyang mga alagad kapalit ng karangyaan at kapurihan ng mga paganong pari at pinuno; at sa lugar ng mga ipinag-uutos ng Diyos ay ipinalit nito ang mga kuru-kuro at mga tradisyon ng tao. Ang naturingang pagkahikayat ni Constantino, noong unang bahagi ng ikaapat na siglo, ay nagdulot ng malaking katuwaan; at ang sanlibutan, na nakadamit sa anyo ng katuwiran, ay pumasok sa iglesya. Ang gawain ng kasamaan ay mabilis ngayong sumulong. Ang paganismo, bagaman parang nalupig na, ay naging mananagumpay. Ang espiritu nito ang kumontrol sa iglesya. Ang mga doktrina, mga seremonya, at mga pamahiin nito ay isinama sa pananampalataya at pagsamba ng mga nagsasabing tagasunod ni Cristo. ADP 31.2
Ang kompromisong ito sa pagitan ng paganismo at ng Kristiyanismo ay nagresulta sa paglitaw ng “taong makasalanan” na inihula sa propesiya bilang isang sumasalungat at itinataas ang kanyang sarili laban sa Diyos. Ang napakalaking sistema ng maling relihiyong ito ay isang obra-maestra ng kapangyarihan ni Satanas—isang monumento ng kanyang mga pagsisikap na iluklok ang kanyang sarili sa trono upang pamunuan ang mundo sang-ayon sa kanyang kagustuhan. ADP 31.3
Si Satanas dati ay nagsikap na makagawa ng isang pakikipagkompromiso kay Cristo. Siya’y lumapit sa Anak ng Diyos doon sa panunukso sa ilang, at habang ipinapakita sa Kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kaluwalhatian ng mga ito, ay nag-alok na ibibigay ang lahat sa Kanyang mga kamay, kung Kanyang kikilalanin ang paghahari ng prinsipe ng kadiliman. Sinaway ni Cristo ang mapangahas na manunukso at sapilitan siyang pinaalis. Ngunit mas matagumpay si Satanas sa paghaharap ng ganon ding tukso sa mga tao. Upang matamo ang mga makasanlibutang pakinabang at karangalan, ang iglesya ay natukso na subukang matamo ang pagsang-ayon at tulong ng mga dakilang tao sa lupa; at nang maitakwil na nga si Cristo, ito’y nahimok na ibigay ang katapatan nito sa kinatawan ni Satanas—ang obispo ng Roma. ADP 31.4
Isang pangunahing doktrina ng Romanismo na ang papa ang siyang nakikitang ulo ng pansanlibutang iglesya ni Cristo at pinagkalooban ng mataas na kapamahalaan sa mga obispo at mga pastor sa lahat ng bahagi ng sanlibutan. Higit pa dito, ang papa ay binigyan ng mga pinakataguri mismo ng Kadiyosan. Siya ay tinatawag na “Panginoong Diyos na Papa” (tingnan ang Apendiks) at idineklarang hindi maaaring magkamali. Kanyang hinihingi ang pagsamba ng lahat ng tao. Ang gayong pag-aangkin na ipinilit ni Satanas doon sa panunukso sa ilang ay iginigiit pa rin niya sa pamamagitan ng Simbahan ng Roma, at napakarami ang handang magkaloob sa kanya ng pagsamba. ADP 31.5
Ngunit yung mga natatakot at gumagalang sa Diyos ay hinarap ang mapanghamon sa Langit na pagkukunwaring ito gaya ng pagharap ni Cristo sa panunukso ng mapandayang kaaway: “Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at Siya lamang ang iyong paglingkuran” (Lucas 4:8). Ang Diyos ay hindi nagbigay ng anumang pahiwatig sa Kanyang Salita na meron Siyang hinirang na sinumang tao na magiging ulo ng iglesya. Ang doktrina ukol sa kataastaasang kapangyarihan ng kapapahan ay tuwirang salungat sa mga turo ng Kasulatan. Ang papa ay hindi maaaring magkaroon ng kapangyarihan sa iglesya ni Cristo malibang sa pamamagitan ng pang-aagaw. ADP 32.1
Ang mga Romanista ay nagpumilit na ibato sa mga Protestante ang paratang na pagtalikod sa katotohanan at sadyang paghiwalay mula sa tunay na iglesya. Ngunit ang mga paratang na ito’y mas nauukol sa kanilang sarili. Sila ang mga naglapag sa watawat ni Cristo at umalis sa “pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal” (Judas 3). ADP 32.2
Alam na alam ni Satanas na ang Banal na Kasulatan ay magbibigay-kapangyarihan sa mga tao na makita ang kanyang mga pandaraya at mapaglabanan ang kanyang kapangyarihan. Maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan ay nilabanan ang kanyang mga pagsalakay sa pamamagitan ng Salita. Sa bawat pagsalakay ay iniharap ni Cristo ang panangga ng walang-hanggang katotohanan, na sinasabi, “Nasusulat.” Sa bawat tukso ng kaaway ay inilaban Niya ang karunungan at kapangyarihan ng Salita. Upang mapanatili ni Satanas ang paghahari niya sa mga tao, at maitatag ang kapangyarihan ng kapapahang mang-aagaw, kailangang panatilihin niya silang walang-alam sa mga Kasulatan. Itinataas ng Biblia ang Diyos at ang mga taong may-hangganan ay inilalagay nito sa kanilang tamang kalagayan; kung kaya’t ang mga banal na katotohanan nito ay dapat maitago at sugpuin. Ang pangangatwirang ito ay tinanggap at ginamit ng Simbahang Romano. Sa loob ng daan-daang taon ang pagpapalaganap ng Biblia ay ipinagbawal. Ang mga tao ay pinagbabawalang magbasa nito o magkaroon nito sa kanilang mga tahanan, at ang mga walang-prinsipyong pari at obispo ang nagpaliwanag sa mga turo nito upang mapanatili ang kanilang mga pagkukunwari. Sa gayon ang papa ay naging halos pansanlibutang kinikilala bilang kahalili ng Diyos sa lupa, na pinagkalooban ng kapang-yarihan sa iglesya at sa pamahalaan. ADP 32.3
Dahil naalis na ang tagapagtuklas ng kamalian, si Satanas ay gumawa ayon sa kanyang kagustuhan. Ipinahayag ng propesiya na ang kapapahan ay “iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan” (Daniel 7:25). Ang gawaing ito ay hindi nito pabagalbagal na tinangka. At upang ang mga nahikayat mula sa paganismo ay mabigyan ng isang pamalit sa pagsamba sa diyus-diyosan, at sa gayo’y maitaguyod ang kanilang naturingang pagtanggap sa Kristiyanismo, ang pagsamba sa mga imahen at sa mga banal na alaala ay unti-unting ipinasok sa pagsambang Kristiyano. Sa wakas ay naitatag ng kautusan ng isang pangkalahatang konsilyo ang sistemang ito ng pagsamba sa diyus-diyosan (tingnan ang Apendiks). Upang makumpleto ang lapastangang gawain, ang Roma ay nangahas na alisin sa kautusan ng Diyos ang ikalawang utos, na nagbabawal sa pagsamba sa mga imahen, at hinati ang ikasampung utos upang mapanatiling sampu ang bilang. ADP 32.4
Ang espiritu ng pagbibigay-loob sa pa-ganismo ay nagbukas ng daan para sa mas higit na pagbabale-wala sa kapamahalaan ng Langit. Si Satanas, na gumagawa sa pamamagitan ng mga hindi natatalagang lider ng simbahan, ay pinakialaman din ang ikaapat na utos, at nagtangkang isaisantabi ang napakatanda nang Sabbath, ang araw na binasbasan at ginawang banal ng Diyos (Genesis 2:2, 3), at kapalit nito ay itaas ang kapistahang ipinangingilin ng mga pagano bilang “kagalang-galang na araw ng pagsamba sa araw.” Ang pagbabagong ito ay hindi lantarang tinangka nang una. Noong mga unang dantaon ang tunay na Sabbath ay iniingatan ng lahat ng Kristiyano. Sila’y naninibugho para sa karangalan ng Diyos, at naniniwala na ang Kanyang kautusan ay hindi-mababago, kaya’t masigasig nilang pinangalagaan ang kabanalan ng mga alituntunin nito. Ngunit si Satanas ay gumawa nang may matinding pandaraya sa pamamagitan ng kanyang mga kinatawan upang maisakatuparan ang kanyang layunin. Upang ang pansin ng mga tao ay matawag sa Linggo, ito’y ginawang kapistahan bilang parangal sa muling pagkabuhay ni Cristo. Ang mga serbisyong panrelihiyon ay idinaos sa araw na ito; ngunit ito’y itinuturing na araw ng paglilibang, at ang Sabbath ay may kabanalan pa ring ipinangingilin. ADP 32.5
Upang maihanda ang daan para sa gawaing pinapanukala niyang maisagawa, tinukso ni Satanas ang mga Judio noong bago pumarito si Cristo, na pabigatan ang Sabbath ng pinakamahihigpit na pananagutan, at ginawang isang pasanin ang pangingilin nito. Ngayon, bilang pagsasamantala sa idinulot niyang pagkakilala dito sa maling liwanag, hinamak niya ito bilang isang bagay na itinatag ng mga Judio. Samantalang ang mga Kristiyano ay pangkalahatang nagpapatuloy na ipangilin ang Linggo bilang isang napakasayang kapistahan, inakay naman niya sila na gawing isang pagaayuno ang Sabbath, isang araw ng kalungkutan at kapanglawan, upang maipakita ang kanilang pagkamuhi sa Judaismo. ADP 33.1
Sa unang bahagi ng ikaapat na siglo, si emperador Constantino ay nagpalabas ng isang kautusan na ginagawang pampublikong kapistahan sa buong imperyo ng Roma ang Linggo. (Tingnan ang Apendiks). Ang araw ng pagsamba sa araw ay iginagalang ng kanyang mga paganong sakop at kinikilala ng mga Kristiyano; patakaran ng emperador na pag-isahin ang magkakasalungat na kapakanan ng paganismo at Kristiyanismo. Pinilit siyang gawin ito ng mga obispo ng simbahan, na dahil pinasisigla ng mga ambisyon at pagkauhaw sa kapangyarihan, ay nadaramang kapag magkaparehong araw na ang ipinangilin kapwa ng mga Kristiyano at mga pagano, itataguyod nito ang naturingang pagtanggap sa Kristiyanismo ng mga pagano at sa gayo’y mapapasulong ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng iglesya. Ngunit samantalang maraming Kristiyanong may takot sa Diyos ang unti-unti nang natutuksong ituring na ang Linggo ay nagtataglay ng isang antas ng kabanalan, kanila pa ring pinanghahawakan ang tunay na Sabbath bilang banal sa Panginoon at ipinapangilin ito bilang pagsunod sa ikaapat na utos. ADP 33.2
Hindi pa natapos ng punong-mandaraya ang kanyang gawain. Siya’y disididong tipunin ang daigdig ng Kristiyanismo sa ilalim ng kanyang bandila at disididong gamitin ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang kahalili, ang mapagmalaking papa na nag-aangking kinatawan ni Cristo. Sa pamamagitan ng mga paganong hindi gaanong hikayat, ng mga ambisyosong obispo, at ng mga kaanib ng iglesyang maibigin sa sanlibutan ay naisagawa niya ang kanyang layunin. Malalawakang konsilyo ang maya’t maya nang idinaos, kung saan ang mga matataas na pinuno ng simbahan mula sa buong sanlibutan ay nagpupulong. Halos sa lahat ng konsilyo, ang Sabbath na itinatag ng Diyos ay idinidiin pababa, samantalang ang Linggo naman ay itinataas. Sa gayon, ang paganong kapistahan sa wakas ay pinarangalan bilang itinatag ng Diyos, samantalang ang Sabbath ng Biblia ay ipinahayag na isang naiwang alaala ng Judaismo, at ang mga nangingilin nito ay idinideklarang dapat sumpain. ADP 33.3
Ang dakilang tumalikod ay nagtagumpay sa pagtataas ng kanyang sarili “laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba” (2 Tesalonica 2:4). Kanyang pinangahasang baguhin ang nag-iisang utos sa banal na kautusan na walang-pagkakamaling ituturo ang buong sangkatauhan sa tunay at buhay na Diyos. Sa ikaapat na utos, ang Diyos ay nahahayag bilang Manlalalang ng mga langit at ng lupa, at sa ganong paraan ay kaiba sa lahat ng mga huwad na diyos. Ang ikapitong araw ay ginawang banal bilang kapahingahang araw para sa tao upang magsilbing isang alaala ng paglalang. Ito’y ginawa upang laging pamalagiin sa isipan ng mga tao ang buhay na Diyos bilang pinagmumulan ng buhay at pinag-uukulan ng paggalang at pagsamba. Si Satanas ay nagsisikap na ibaling ang mga tao mula sa kanilang katapatan sa Diyos, at sa pagsunod sa Kanyang kautusan; kung kaya’t kanyang itinutuon ang kanyang mga pagsisikap laban lalo na sa kautusang iyon na nakaturo sa Diyos bilang Siyang Manlalalang. ADP 33.4
Ipinipilit ngayon ng mga Protestante na ang muling pagkabuhay ni Cristo sa Linggo ang dahilan kung bakit ito’y naging Sabbath ng mga Kristiyano. Ngunit wala namang mga patunay sa Kasulatan. Walang gayong paggalang na ibinigay sa araw na iyon si Cristo o ang Kanyang mga alagad. Ang pangingilin ng Linggo bilang isang institusyong Kristiyano ay nagmula sa “hiwaga ng kasamaan” (2 Tesalonica 2:7) na kahit pa noong kapanahunan ni Pablo ay nagsisimula na sa kanyang gawain. Saan at kailan inampon ng Panginoon ang anak na ito ng kapapahan? Anong matibay na dahilan ang maibibigay para sa pagbago na hindi ipinapahintulot ng mga Kasulatan? ADP 33.5
Nang ikaanim na siglo ang kapapahan ay naitatag nang matibay. Ang luklukan ng kapangyarihan nito ay inilagay sa lunsod ng imperyo, at ang obispo ng Roma ay ipinahayag na siyang ulo ng buong iglesya. Ang paganismo ay napalitan ng kapapahan. Ibinigay ng dragon sa hayop ang “kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan” (Apocalipsis 13:2). At nagsimula na ngayon ang 1,260 taon ng kalupitan ng kapapahan na inihula sa mga propesiya ng Daniel at ng Apocalipsis (Daniel 7:25; Apocalipsis 13:5-7. Tingnan ang Apendiks). Ang mga Kristiyano ay pinilit na pumili alinman dito: ang isuko ang kanilang katapatan at tanggapin ang pagsamba at mga seremonya ng kapapahan, o kaya’y sayangin ang kanilang buhay sa mga bartolina o magdanas ng kamatayan sa pamamagitan ng iba’t ibang pagpapahirap, pagsunog, o sa palakol ng mamumugot-ulo. Natupad ngayon ang mga sinabi ni Jesus: “Kayo’y ipagkakanulo maging ng mga magulang at mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang iba sa inyo. Kayo’y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa Aking pangalan” (Lucas 21:16, 17). Nagsimula ang pag-uusig sa mga tapat, nang may mas matinding pagngangalit kaysa sa mga nauna, at ang sanlibutan ay naging isang malawak na lugar ng labanan. Sa loob ng daan-daang taon ang iglesya ni Cristo ay nakasumpong ng kanlungan sa pagkakabukod at karimlan. Kaya nga ang sabi ng propeta: “Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya’y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw” (Apocalipsis 12:6). ADP 34.1
Ang pag-akyat ng Simbahang Romano sa kapangyarihan ay siyang palatandaan ng pasimula ng Madilim na Kapanahunan. Habang nadadagdagan ang kapangyarihan nito, ay lalo namang lumalalim ang kadiliman. Ang pananampalataya ay nalipat mula kay Cristo na Siyang tunay na saligan, patungo sa papa ng Roma. Sa halip na magtiwala sa Anak ng Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan at para sa walang-hanggang kaligtasan, ang mga tao ay umasa sa papa, at sa mga pari at mga obispo na binigyan niya ng kapamahalaan. Sila’y tinuruan na ang papa raw ang kanilang tagapamagitan sa lupa at walang makakalapit sa Diyos malibang sa pamamagitan niya; at bukod pa rito, siya raw ang tumatayong kapalit ng Diyos sa kanila, kung kaya’t dapat na tahasang sundin. Ang isang paglihis sa kanyang mga utos ay sapat nang dahilan para sa pinakamalupit na kaparusahan na dadapo sa katawan at kaluluwa ng mga nagkasala. Sa gayon ang isipan ng mga tao ay ibinaling mula sa Diyos patungo sa nagkakamali, nagkakasala, at malulupit na tao, hindi lang nga sa kanila kundi lalo na sa prinsipe ng kadiliman mismo, na ginagamit ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan nila. Ang kasalanan ay ikinubli sa damit ng kabanalan. Kapag ang Kasulatan ay sinugpo, at ituring na ng tao ang kanyang sarili bilang pinakamataas, ang maaasahan lang natin ay ang panggugulang, pandaraya, at nakapagpapababang kasamaan. Sa pagtataas sa mga kautusan at mga tradisyon ng tao ay nakikita ang kabulukang laging nagreresulta sa pagsasaisantabi sa mga kautusan ng Diyos. ADP 34.2
Iyon ay mga panahon ng panganib para sa iglesya ni Cristo. Ang mga tapat na tagapagdala ng watawat ay talagang kakaunti lang. Bagaman ang katotohanan ay hindi binayaang walang mga saksi, ang kamalian at pamahiin kung minsan ay parang lubusan nang mananaig, at ang tunay na relihiyon ay parang mawawala na sa lupa. Ang ebanghelyo ay kinaligtaan, ngunit ang mga seremonya ng relihiyon ay pinarami at ang mga tao ay pinabigatan ng mga pinakamahihirap na pananagutan. ADP 34.3
Sila’y hindi lamang tinuruan na umasa sa papa bilang kanilang tagapamagitan, kundi magtiwala sa sarili nilang mga gawa upang tumubos sa kasalanan. Ang mga mahahabang paglalakbay, mga pagpipinitensya, pagsamba sa mga banal na alaala, pagpapatayo ng mga simbahan, dambana, at mga altar, ang pagbabayad ng malaking halaga sa simbahan—ang mga ito at maraming iba pang gawaing kapareho nito ay ipinag-utos upang payapain ang galit ng Diyos o kaya’y makuha ang Kanyang pagsang-ayon; na para bang ang Diyos ay katulad sa tao, na magagalit sa mga munting bagay, o mapapayapa ng mga regalo o mga pagpipinitensya! ADP 34.4
Sa kabila ng mga kasamaang laganap, kahit sa gitna ng mga lider ng Romanong Simbahan, ang impluwensya nito ay parang patuloy pa ring lumalakas. Sa pagtatapos ng ikawalong siglo, ipinalabas ng mga makapapa ang pahayag na noong mga unang panahon ng iglesya, ang mga papa ng Roma ay nagtataglay raw ng ganon ding espirituwal na kapangyarihan na hawak nila ngayon. Upang itatag ang pahayag na ito, dapat gumamit ng ilang kaparaanan upang bigyan ito ng isang pagpapakita ng kapamahalaan; at ito’y agad na iminungkahi ng ama ng kasinungalingan. Ang mga sinaunang kasulatan ay hinuwad ng mga monghe. Ang mga kautusan daw ng mga konsilyo na hindi naman naririnig dati ay natuklasan, na nagtatatag sa pansanlibutang paghahari ng papa mula pa noong mga unang kapanahunan. At buong kasakimang tinanggap ng iglesyang nagtakwil sa katotohanan ang mga pandarayang ito. (Tingnan ang Apendiks). ADP 35.1
Ang iilang mga tapat na tagapagtayo sa tunay na saligan (1 Corinto 3:10) ay nalito at nahadlangan, habang ang mga basura ng maling doktrina ay nakaharang sa gawain. Kagaya ng mga tagapagtayo sa pader ng Jerusalem noong kapanahunan ni Nehemias, ang iba ay malapit nang sabihing, “Ang lakas ng mga tagapasan ay nauubos, at marami pang basura, hindi kami makagawa sa pader” (Nehemias 4:10). Dahil pagod na sa patuloy na pakikipagpunyagi sa pag-uusig, pandaraya, kasamaan at lahat ng iba pang mga balakid na magagawa ni Satanas upang hadlangan ang kanilang pagsulong, ang iba na matagal nang tapat na mga tagapagtayo ay nasiraan ng loob; at alang-alang sa kapayapaan at kaligtasan ng kanilang mga pag-aari at ng kanilang buhay, sila’y tumalikod sa tunay na saligan. Ang iba naman, na walang takot sa pagsalungat ng kanilang mga kaaway, ay buong tapang na ipinahayag: “Huwag kayong matakot sa kanila. Inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak” (talatang 14); at kanilang ipinagpatuloy ang gawain, na ang bawat isa ay nakasakbat ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran (Efeso 6:17). ADP 35.2
Ganon ding espiritu ng pagkamuhi at paglaban sa katotohanan ang pumupukaw sa mga kaaway ng Diyos sa lahat ng panahon, at ang ganon ding maingat na pagbabantay at katapatan ay laging kinakailangan ng Kanyang mga lingkod. Ang mga sinabi ni Cristo sa unang mga alagad ay angkop din sa Kanyang mga tagasunod sa pagtatapos ng panahon: “Ang sinasabi Ko sa inyo ay sinasabi Ko sa lahat, Maging handa kayo” (Marcos 13:37). ADP 35.3
Ang kadiliman ay parang lalong kumakapal. Ang pagsamba sa mga imahen ay mas naging laganap. Ang mga kandila ay sinisindihan sa harap ng mga imahen, at ang mga dasal ay inaalay sa kanila. Ang mga kalokohan at mapamahiin talagang kaugalian ay laganap. Ang isipan ng mga tao ay talagang lubos na kinukontrol ng pamahiin anupa’t parang ang isip mismo ay nawalan na ng pamamahala. Hangga’t ang mga pari at mga obispo mismo ay mahihilig sa kalayawan, mahahalay, at tiwali, walang maaaring asahan kundi malubog din sa kawalang-alam at bisyo ang mga taong umaasa sa kanila para sa pamamatnubay. ADP 35.4
Isa pang hakbang sa panunungkulan ng kapapahan ang ginawa, nang sa ika-11 siglo ay ipinahayag ni Pope Gregory VII ang pagiging perpekto ng Romanong Simbahan. Kasama sa mga pahayag na kanyang ipinalabas ay ang nagsasabi na ang simbahan raw ay hindi nagkamali kailanman, ni magkakamali kailanpaman, sang-ayon sa mga Kasulatan. Ngunit wala namang kasamang mga patunay sa Kasulatan ang paggigiit na ito. Inangkin din ng mapagmataas na papa ang kapangyarihan na magpatalsik ng mga emperador sa trono, at ipinahayag na walang hatol na binigkas niya ang maaaring baliktarin ninuman, sa halip ay tanging karapatan niya ang baliktarin ang mga kapasyahan ng lahat ng iba pa. (Tingnan ang Apendiks). ADP 35.5
Ang isang kapansin-pansing halimbawa ng mapagmalupit na likas ng tagapagtaguyod na ito ng kawalang-pagkakamali ay naipakita sa kanyang pagtrato sa emperador ng Germany na si Henry IV. Dahil sa pangangahas na bale-walain ang kapamahalaan ng papa, ang emperador na ito ay idineklarang tiwalag sa iglesya at inalis sa trono. Dahil sa takot sa pang-iiwan at mga banta ng sarili niyang mga prinsipe, na sa utos ng papa ay nasulsulang maghimagsik laban sa kanya, nadama ni Henry ang pangangailangang makipagpayapaan sa Roma. Kasama ang kanyang asawa at isang tapat na alipin, kanyang tinawid ang Alps sa kalagitnaan ng taglamig, upang ibaba ang sarili niya sa harapan ng papa. Pagdating sa kastilyo na tinitirhan ni Gregory, siya’y dinala, na di kasama ang kanyang mga guwardya, sa isang bulwagan sa labas, at doon, sa matinding ginaw ng taglamig, na walang talukbong ang ulo at walang panyapak ang mga paa, at gula-gulanit ang damit, ay hinintay niya ang pahintulot ng papa na tawagin siya sa harapan nito. Bumaba lamang ang papa upang siya’y patawarin nang makatatlong araw na siyang tuluytuloy sa pag-aayuno at pangungumpisal. Ngunit kahit noon, ay sa kondisyon lamang na ang emperador ay maghihintay pa sa pahintulot ng papa bago ibalik ang korona o magamit ang kapangyarihan ng pagkahari. At si Gregory, na tuwang-tuwa sa kanyang pagtatagumpay ay ipinagmalaki na tungkulin niya ang hilahing pababa ang pagmamataas ng mga hari. ADP 35.6
Anong laki ng pagkakaiba sa pagitan ng abusadong kahambugan ng mapagmataas na papang ito at ng kaamuan at kabutihang-loob ni Cristo, na inilalarawang nakikiusap sa pintuan ng puso upang Siya’y tanggapin (Apocalipsis 3:20), upang Siya’y makapasok para magdala ng kapatawaran at kapayapaan, at nagturo sa Kanyang mga alagad na, “Sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo” (Mateo 20:27). ADP 36.1
Nasaksihan ng paglipas ng mga dantaon ang patuloy na pagdami ng kamalian sa mga doktrinang ipinalalabas ng Roma. Kahit bago pa man naitatag ang kapapahan, ang mga turo ng mga paganong pilosoper ay nakatanggap na ng pansin at nagkaroon na ng impluwensya sa iglesya. Maraming nagpanggap ng pagkahikayat ang nanghawak pa rin sa mga aral ng kanilang paganong pilosopiya, at hindi lamang ipinagpatuloy ang personal na pag-aaral nito, kundi ipinilit pa ito sa iba bilang paraan ng pagpapalawak ng kanilang implu-wensya sa mga pagano. Ang mga malulubhang pagkakamali sa gayon, ay naipasok sa pananampalatayang Kristiyano. Ang tanyag sa mga ito ay ang paniniwala sa natural na pagiging walang-kamatayan ng tao at sa pagkakaroon niya ng malay kapag namatay. Ang doktrinang ito ang naglagay ng pundasyong kung saan itinatag ng Roma ang pananawagan sa mga santo at ang pagsamba kay Birheng Maria. Mula dito ay sumulpot din ang maling aral ng walang-hanggang pagpapahirap para sa mga hindi-nagsisi, na una nang isinama sa relihiyon ng kapapahan. ADP 36.2
At pagkatapos ang daan ay inihanda para sa pagpapasok ng isa pa ring imbensyon ng paganismo, na pinangalanang purgatoryo ng Roma, at ginamit para takutin ang mga mapaniwalain at mapamahiing karamihan. Sa pamamagitan ng maling paniniwalang ito ay napagtibay ang pagkakaroon ng isang lugar ng pagpapahirap, kung saan ang mga kaluluwang hindi karapat-dapat sa walang-hanggang kapahamakan ay magdaranas ng parusa para sa kanilang mga kasalanan, at mula dito, kapag napalaya na sa karumihan, sila’y papapasukin na sa langit. (Tingnan ang Apendiks). ADP 36.3
Isa pa ring imbento ang kinakailangan upang mapakinabangan ng Roma ang takot at mga bisyo ng mga tagasunod nito. Ito’y pinunan ng doktrina ng indulhensya. Ang lubos na kapatawaran ng mga kasalanan, sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa hinaharap, at paglaya mula sa lahat ng mga sakit at parusang mapapala ay ipinangako sa lahat ng sasapi sa mga digmaan ng papa upang palawakin ang kanyang makalupang kaharian, parusahan ang kanyang mga kaaway, o kaya’y lipulin yung mga nangangahas na tumanggi sa kanyang espirituwal na paghahari. Ang mga tao ay tinuruan din, na sa pamamagitan ng pagbabayad ng pera sa simbahan ay maaari nilang mapalaya ang kanilang sarili mula sa kasalanan, at mapalaya rin ang mga kaluluwa ng kanilang mga namatay nang kaibigan na nakakulong sa nagpapahirap na apoy. Sa ganyang paraan, napuno ng Roma ang kanyang mga kabang-yaman ng salapi at natustusan ang karangyaan, luho, at bisyo ng mga nagkukunwaring kinatawan ni Cristo, na Siyang wala man lang kahit mapagpahingahan ng Kanyang ulo. (Tingnan ang Apendiks). ADP 36.4
Ang ordinansa ng Kasulatan tungkol sa huling hapunan ng Panginoon ay pinalitan ng mapagsamba sa diyus-diyosang pag-aalay ng misa. Sa pamamagitan ng walang-kabuluhan nilang seremonya, ang mga pari ng kapapahan ay nagkukunwari na ang simpleng alak at tinapay ay nagagawa nilang tunay na “katawan at dugo ni Cristo.”—Cardinal Wiseman, The Real Presence of the Body and Blood of Our Lord Jesus Christ in the Blessed Eucharist, Proved From Scripture, lecture 8, sec. 3, par. 26. Sa lapastangang pangangahas ay hayagan nilang inaangkin ang kapangyarihang makalikha ng Diyos, ang Manlalalang ng lahat ng bagay Ang mga Kristiyano ay inuutusang magpahayag ng kanilang pagsampalataya sa nakakapangilabot, at insulto sa Langit na maling paniniwalang ito, kung ayaw nilang maparusahan ng kamatayan. Ang maraming bilang na tumanggi ay sinunog. (Tingnan ang Apendiks). ADP 37.1
Noong ika-13 siglo ay itinatag ang pinakakakila-kilabot sa lahat ng mga makinarya ng kapapahan—ang Inquisition. Ang prinsipe ng kadiliman ay gumawa sa mga lider ng pamunuan ng kapapahan. Sa mga lihim na kapulungan nila, ay kinuntrol ni Satanas at ng kanyang mga anghel ang isipan ng mga masasamang tao, samantalang hindi nakikitang nakatayo sa kalagitnaan ang isang anghel ng Diyos, na isinusulat ang nakakapanghilakbot na tala ng napakawalang-katarungang mga utos nila at isinusulat ang kasaysayan ng mga gawaing lubhang kalagim-lagim sa mga mata ng tao. “Ang dakilang Babilonia” ay “lasing sa dugo ng mga banal” (Apocalipsis 17:5, 6). Ang mga sugat-sugat na anyo ng milyun-milyong martir ay sumisigaw sa Diyos para sa paghihiganti laban sa tumalikod na kapangyarihang iyan. ADP 37.2
Ang kapapahan ay naging hari-harian sa sanlibutan. Ang mga hari at mga emperador ay nagpasailalim sa mga utos ng papa sa Roma. Ang kapalaran ng mga tao, parehong sa panahong kasalukuyan at sa walang-hanggan, ay parang nasa ilalim ng kanyang pamamahala. Sa loob ng daandaang mga taon ang doktrina ng Roma ay malawakan at lubos na tinatanggap, ang mga seremonya nito ay may paggalang na isinasagawa, ang mga kapistahan nito ay laganap na ipinagdiriwang. Ang mga pari nito ay labis na iginagalang at masaganang tinutustusan. Ngayon lang nagtamo ang Romanong Simbahan ng mas dakilang karangalan, karangyaan, o kapangyarihan. ADP 37.3
Ngunit “ang katanghaliang tapat ng kapapahan ay siyang hatinggabi ng san-libutan”—J .A. Wylie, The History of Protestantism, b. 1, ch. 4. Ang Banal na Kasulatan ay halos hindi alam, hindi lamang ng mga tao, kundi pati ng mga pari. Gaya ng mga Fariseo noong una, kinamuhian ng mga lider ng kapapahan ang liwanag na magbubunyag sa kanilang mga kasalanan. Dahil naalis na ang kautusan ng Diyos, na siyang pamantayan ng katuwiran, sila’y walang limitasyong gumamit ng kapangyarihan, at ginawa ang mga kasamaan nang walang pumipigil. Lumaganap ang dayaan, kasakiman, at malaking kasamaan. Ang mga tao ay walang inaatrasang krimeng papakinabangan nila ng kayamanan at posisyon. Ang mga palasyo ng mga papa at mga obispo ay eksena ng nakapandidiring kahalayan. Ang ilan sa mga naghaharing papa ay nagkasala sa mga krimen na talagang nakakasuklam anupa’t pinagsikapan ng mga pinuno sa lupa na patalsikin ang mga matataas na pinunong ito ng simbahan na parang mga halimaw na lubhang napakasama para hayaan na lang. Sa loob ng daan-daang taon ang Europa ay hindi sumulong sa kaalaman, sa sining, o sibilisasyon. Isang moral at pangkaisipang pagkaparalisa ang dumating sa Sangkakristiyanuhan. ADP 37.4
Ang kalagayan ng sanlibutan sa ilalim ng kapangyarihan ng Roma ay nagbigay ng isang nakakatakot at kapansin-pansing katuparan sa mga sinabi ni propeta Hoseas: “Ang Aking bayan ay nawawasak dahil sa kakulangan ng kaalaman; sapagkat itinakwil mo ang kaalaman, itinatakwil din kita...yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Diyos, Akin ding lilimutin ang iyong mga anak.” “Walang katapatan o kabaitan man, ni kaalaman tungkol sa Diyos sa lupain. Naroon ang panunumpa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya; sila’y gumagawa ng karahasan, upang ang pagdanak ng dugo ay masundan ng pagdanak ng dugo” (Hoseas 4:6,1, 2). Ganyan ang mga resulta ng pagwawaksi sa Salita ng Diyos. ADP 37.5