Ang gawain ng reporma sa Sabbath na isasagawa sa mga huling araw ay inihula sa propesiya ni Isaias: “Ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo’y magpairal ng katarungan, at gumawa ng matuwid; sapagkat ang Aking pagliligtas ay malapit nang dumating, at ang Aking katuwiran ay mahahayag. Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng Sabbath at hindi ito nilalapastangan, at umiiwas sa paggawa ng anumang kasamaan.” “At ang mga dayuhan na sumanib sa Panginoon, upang maglingkod sa Kanya at ibigin ang pangalan ng Panginoon, at maging Kanyang mga lingkod, bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito, at nag-iingat ng Aking tipan—sila ay dadalhin Ko sa Aking banal na bundok, at pasasayahin Ko sila sa Aking bahay dalanginan” (Isaias 56:1, 2, 6, 7). ADP 259.1
Ang mga salitang ito ay nauukol sa panahong Kristiyano, gaya ng ipinakikita ng konteksto: “Ang sabi ng Panginoong Diyos na nagtitipon ng mga itinapon mula sa Israel, titipunin Ko pa ang iba sa kanya bukod sa mga natipon na” (Isaias 56:8). Dito’y ipinahiwatig ang pagtitipon ng mga Hentil sa pamamagitan ng ebanghelyo. At doon sa mga nagpaparangal sa Sabbath ay isang pagpapala ang binigkas. Kaya’t ang pananagutan sa ikaapat na utos ay umaabot lampas pa sa panahon ng pagkapako, pagkabuhay na muli, at pag-akyat sa langit ni Cristo hanggang sa panahon na ipapangaral na ng Kanyang mga lingkod sa lahat ng mga bansa ang mensahe ng magandang balita. ADP 259.2
Ang Panginoon ay nag-uutos sa pamamagitan din ng propetang iyon: “Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng Aking mga alagad” (Isaias 8:16). Ang tatak ng kautusan ng Diyos ay makikita sa ikaapat na utos. Ito lamang sa sampu ang nagpapakita sa pangalan at taguri ng Tagapagbigay ng kautusan. Sinasabi nito na Siya ang Lumikha ng langit at lupa, at sa gayo’y ipinapakita ang Kanyang karapatan sa paggalang at pagsamba kaysa sa lahat ng iba pa. Maliban sa utos na ito, ay wala nang iba sa Sampung Utos ang nagpapakita kung kaninong kapamahalaan ang nagbigay sa kautusan. Nang ang Sabbath ay palitan ng kapapahan, ang tatak ay inalis sa kautusan. Ang mga alagad ni Jesus ay tinatawagang ibalik ito, sa pamamagitan ng pag-aangat sa Sabbath ng ikaapat na utos sa tamang kalagayan nito bilang tagapagpaalaala sa Manlalalang at bilang tanda ng Kanyang kapamahalaan. ADP 259.3
“Sa kautusan at sa patotoo.” Bagaman napakarami ng mga magkakasalungat na doktrina at teorya, ang kautusan naman ng Diyos ay siyang tanging di-nagkakamaling tuntunin na pagsusubukan ng lahat ng opinyon, doktrina, at teorya. Sabi ng propeta, “Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga” (Isaias 8:20). ADP 259.4
Muli, ang utos na ito ay ibinigay, “Sumigaw ka nang malakas, huwag kang magpigil, ilakas mo ang iyong tinig na parang trumpeta; at iyong ipahayag sa Aking bayan ang kanilang pagsuway, at sa sambahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.” Hindi ang makasalanang sanlibutan kundi yung mga tinatawag ng Panginoon na “Aking bayan” ang dapat sumbatan sa kanilang mga paglabag. Inihayag pa Niya, “Gayunma’y hinahanap nila Ako araw-araw, at kinalulugdan nilang malaman ang Aking mga daan; na parang sila’y isang bansa na gumawa ng kabutihan, at ang tuntunin ng kanilang Diyos ay hindi tinalikuran” (Isaias 58:1, 2). Dito ay ipinapakita ang isang grupo ng mga tao na sa sarili’y nag-aakalang matuwid na sila, at parang kakakitaan ng malaking interes sa paglilingkod sa Diyos; subalit ang malupit at seryosong pagsaway ng Tagasaliksik ng mga puso ay nagpapatunay na kanilang niyuyurakan ang mga banal na utos. ADP 259.5
Kaya’t itinuturo ng propeta ang utos na tinalikuran: “Ikaw ay magbabangon ng mga patibayan ng maraming sali’t saling lahi; at ikaw ay tatawaging Ang tagapaghusay ng sira, Ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan. Kung iyong iurong ang iyong paa sa Sabbath sa paggawa ng iyong kalayawan sa Aking banal na kaarawan, at iyong tawagin ang Sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon na marangal; at iyong pararangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, ni magsasalita ng iyong mga sariling salita: Kung magkagayo’y malulugod ka nga sa Panginoon” (Isaias 58:12-14). Ang hulang ito ay angkop din sa ating kapanahunan. Ang sira ay ginawa sa kautusan ng Diyos nang ang Sabbath ay baguhin ng kapangyarihan ng Roma. Subalit dumating na ang panahon upang ibalik sa dati ang itinatag na ito ng Diyos. Ang sira ay dapat ayusin, at ang patibayan ng maraming sali’t saling lahi ay dapat ibangon. ADP 259.6
Ang Sabbath na pinabanal ng pagpapahinga at pagpapala ng Lumikha, ay ipinangilin ni Adan sa banal na Eden noong wala pa siyang kasalanan; ipinangilin ni Adan nang siya’y palayasin sa kanyang maligayang kalagayan, na bagaman nagkasala ay nagsisi naman. Ito’y ipinangilin ng lahat ng patriyarka, mula kay Abel hanggang kay Noe na matuwid, hanggang kay Abraham, at kay Jacob. Noong ang piniling bayan ay alipin in sa Ehipto, sa gitna ng laganap na pagsamba sa diyus-diyosan ay marami ang nakalimot sa kautusan ng Diyos; ngunit nang palayain ng Panginoon ang Israel ay may makapanindigbalahibong kadakilaan Niyang ipinahayag ang Kanyang kautusan sa nagkakatipong karamihan, upang kanilang malaman ang Kanyang kalooban, at sa gayo’y matakot at sumunod sa Kanya magpakailanman. ADP 260.1
Mula nang araw na iyon hanggang sa kasalukuyan ay napanatili sa lupa ang kaalaman sa kautusan ng Diyos, at ang Sabbath ng ikaapat na utos ay naipangingilin. Bagaman nagtagumpay ang “taong makasalanan” sa pagyurak sa banal na araw ng Diyos, gayunma’y kahit sa panahon ng kanyang paghahari ay may mga tapat na kaluluwa pa ring nakatago sa mga lihim na lugar na nagpaparangal dito. Mula noong panahon ng Repormasyon ay laging may ilang tao sa bawat henerasyon na nagpapanatili sa pangingilin nito. Bagaman madalas na nasa gitna ng paninira at pag-uusig, isang patuloy na patotoo ang dinala nila ukol sa pamamalagi ng kautusan ng Diyos, at sa banal na pananagutan sa Sabbath ng paglalang. ADP 260.2
Ang mga katotohanang ito ayon sa ipinahahayag sa Apocalipsis 14 kaugnay sa “walang hanggang ebanghelyo,” ay siyang magpapakita sa kaibahan ng iglesya ni Cristo sa panahon ng Kanyang pagpapakita. Sapagkat ipinahahayag bilang bunga ng mensaheng may tatlong bahagi na, “Narito ang... mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak nang matatag sa pananampalataya ni Jesus” (Apocalipsis 14:12). At ito ang kahuli-hulihang mensaheng ipapahayag bago dumating ang Panginoon. Kaagad-agad pagkatapos na ito’y maipahayag, ang Anak ng Tao ay nakita ng propeta na dumarating sa kaluwalhatian upang gapasin na ang aanihin sa lupa. ADP 260.3
Yung mga tumanggap sa liwanag na may kinalaman sa santuwaryo at sa hindi mababagong kautusan ng Diyos, ay napuspos ng katuwaan at pagkamangha nang makita nila ang kagandahan at pagkakatugma ng sistema ng katotohanang nabuksan sa kanilang pang-unawa. Nais nilang maibahagi sa lahat ng Kristiyano ang liwanag na napakahalaga para sa kanila; at hindi nila mapigil ang maniwalang ito’y tatanggaping may katuwaan. Ngunit hindi tanggap ng maraming nagsasabing tagasunod ni Cristo ang mga katotohanang magpapaging-iba sa kanila sa sanlibutan. Ang pagsunod sa ikaapat na utos ay nangangailangan ng sakripisyong inurungan naman ng nakararami. ADP 260.4
Nang maipahayag ang mga pag-aangkin ng Sabbath, marami ang nangatwiran ayon sa paniniwala ng mga makasanlibutan. Ang sabi nila: “Sa simula pa lang ay ipinangilin na namin ang Linggo, ipinangilin ito ng aming mga ninuno, at maraming mabubuti at banal na tao ang masayang namatay samantalang ipinangingilin ito. Kung sila ay tama, tama rin kami. Ang pangingilin ng bagong Sabbath na ito ay mag-aalis sa amin sa magandang pakikisama ng sanlibutan, at mawawalan kami ng impluwensya sa kanila. Anong aasahang maisasagawa ng isang maliit na grupong nangingilin ng ikapitong araw laban sa buong mundong nangingilin ng Linggo?” Sa ganyan ding pangangatwiran sinikap na ikatwiran ng mga Judio ang pagtatakwil nila kay Cristo. Ang kanilang mga ninuno ay tinatanggap ng Diyos sa paghahain nila ng kanilang mga handog, at bakit nga naman hindi makakasumpong ng kaligtasan ang mga anak sa pagsunod sa ganon ding hakbangin? Ganon din naman, noong panahon ni Luther, ang mga makapapa ay nangatwiran na ang mga tapat na Kristiyano ay namatay sa pananampalatayang Katoliko, at kung ganon, ang relihiyong iyon ay sapat na para sa kaligtasan. Ang ganyang pangangatwiran ay lalabas na mabisang sagabal sa lahat ng pagsulong sa pananampalataya o pagsasakabuhayang ukol sa relihiyon. ADP 260.5
Iginiit ng marami na ang pangingilin ng Linggo ay isang matatag nang doktrina at laganap nang kaugalian ng iglesya sa loob ng marami nang dantaon. Salungat sa katwirang ito, atin nang naipakita na ang Sabbath at ang pangingilin nito, ay mas napakatanda na at mas laganap, kasintanda pa nga ng sanlibutan mismo, at taglay ang pagpapatibay kapwa ng mga anghel at ng Diyos. Nang ilagay ang mga pundasyon ng lupa, nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa, ay inilagay din naman ang pundasyon ng Sabbath (Job 38:6, 7; Genesis 2:1-3). Sadyang matuwid na hingin ng pagkatatag na ito ang ating paggalang: ito’y hindi itinalaga ng kapamahalaan ng tao, at hindi nakasalig sa anumang tradisyon ng tao; ito’y itinatag ng Matanda sa mga Araw, at ipinag-utos ng Kanyang walang-hanggang Salita. ADP 261.1
Nang ang pansin ng mga tao ay makuha sa paksa ng reporma sa Sabbath, binaluktot ng mga tanyag na ministro ang Salita ng Diyos, at ang patotoo nito ay binigyan ng mga paliwanag na pinakamabisang makapagpapatahimik sa mga nagtatanong na isipan. At yung mga hindi personal na nagsasaliksik ng Kasulatan, ay nasiyahan nang tanggapin ang mga pala-palagay na naaayon sa kanilang kagustuhan. Sa pamamagitan ng pangangatwiran, ng panloloko, ng mga tradisyon ng mga Church Fathers, at ng kapamahalaan ng simbahan, ay sinikap ng marami na ibagsak ang katotohanan. Ang mga tagapagtaguyod nito ay higit na nag-aral ng kanilang mga Biblia upang ipagtanggol ang katotohanan ng ikaapat na utos. Ang mga hamak na tao, na nasasandatahan lamang ng Salita ng katotohanan ay nakatagal sa mga pag-atake ng mga taong may pinag-aralan, na sa pagkabigla at galit ay natuklasang walang kapangyarihan ang kanilang mahuhusay na pandaraya laban sa simple at tapatang pangangatwiran ng mga taong mas bihasa sa mga Banal na Kasulatan kaysa sa kadalubhasaan ng mga paaralan. ADP 261.2
Dahil sa kawalan ng patotoo ng Biblia para sa panig nila, marami ang naggiit nang may kakulitang walang-pagod—na kinalimutan kung paanong ang ganon ding pangangatwiran ay ginamit laban kay Cristo at sa Kanyang mga alagad—“Bakit hindi nauunawaan ng mga dakilang tao namin ang paksang ito tungkol sa Sabbath? Sa halip ay iilan lang ang naniniwala na gaya ninyo. Hindi pupuwedeng kayo ang tama at mali ang lahat ng taong may pinag-aralan sa sanlibutan.” ADP 261.3
Upang mapasinungalingan ang ganyang mga katwiran, kailangan lang na banggitin ang mga turo ng Kasulatan at ang kasaysayan ng mga pakikitungo ng Panginoon sa Kanyang bayan sa lahat ng kapanahunan. Ang Diyos ay gumagawa sa pamamagitan nung mga dumirinig at sumusunod sa Kanyang tinig, nung mga magsasalita, kung kinakailangan, ng mga katotohanang hindi kaluluguran, nung mga hindi natatakot magsaway ng mga laganap na kasalanan. Ang dahilan kung bakit hindi Niya malimit na pinipili ang mga taong may pinag-aralan at may mataas na katungkulan para manguna sa mga kilusan ng pagrereporma, ay sapagkat nagtitiwala sila sa kanilang mga doktrina, teorya, at mga sistema ng teolohiya, at nararamdamang hindi na kailangan pang maturuan sila ng Diyos. Yung mga may personal na pakikipag-ugnayan lang sa Bukal ng kaalaman ang makakaunawa o makakapagpaliwanag ng mga Kasulatan. Yung mga taong bahagya lang nakapag-aral sa mga paaralan ang tinatawagan minsan upang magpahayag ng katotohanan, hindi dahil wala silang pinag-aralan, kundi dahil hindi sila labis na nagtitiwala sa sarili upang maturuan pa ng Diyos. Nag-aral sila sa paaralan ni Cristo, at ang kanilang kapakumbabaan at pagkamasunurin ang siyang nagpadakila sa kanila. Sa pagkakatiwala sa kanila ng kaalaman ng Kanyang katotohanan, ang Diyos ay nagbibigay sa kanila ng isang karangalan, na kung ihahambing dito ay nawawalan ng kabuluhan ang makalupang karangalan at ang kadakilaan ng tao. ADP 261.4
Karamihan sa mga Adventista ay hindi tinanggap ang katotohanan tungkol sa santuwaryo at sa kautusan ng Diyos, at marami rin ang tumalikod sa kanilang pananampalataya sa Kilusang Adventista at mas tinanggap ang mali at magkakasalungat na pananaw sa mga hula na may kaugnayan sa gawaing iyon. Ang iba naman ay nadala sa kamalian ng paulit-ulit na pagtatakda ng tiyak na panahon para sa pagparito ni Cristo. Ipinakita sana sa kanila ng liwanag na ngayo’y sumisikat sa paksa ng santuwaryo, na wala nang panahong ukol sa propesiya ang makakaabot pa sa ikalawang pagdating; na ang eksaktong panahon ng pangyayaring ito ay hindi inihula. Subalit dahil sa pagtalikod sa liwanag, nagpatuloy silang paulit-ulit na magtakda ng panahon para sa pagparito ng Panginoon, at ganon din sila kadalas na nabigo. ADP 261.5
Nang ang iglesya sa Tesalonica ay tumanggap ng mga maling pananaw tungkol sa pagparito ni Cristo, pinayuhan sila ni apostol Pablo na subuking maigi ang kanilang mga inaasahan at paghihintay sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Binanggit niya sa kanila ang mga hulang nagbubunyag sa mga pangyayaring magaganap bago dumating si Cristo, at ipinakita na wala silang batayan upang asahan ang Kanyang pagdating sa kanilang kapanahunan. “Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan” (2 Tesalonica 2:3), ang kanyang salita ng babala. Kung pagbibigyan ang mga inaasahang hindi naman pinagtitibay ng Kasulatan, sila’y hahantong sa isang maling hakbangin; ilalantad lang sila ng kabiguan sa pagtuya ng mga hindi naniniwala at sila’y mapapasapanganib na bumigay sa panghihina ng loob at matutuksong mag-alinlangan sa mga kato-tohanang kinakailangan para sa kanilang kaligtasan. Ang paalaala ng apostol sa mga taga-Tesalonica ay naglalaman ng mahahalagang aral para doon sa mga nabubuhay sa mga huling araw. Maraming Adventista ang nakadama na malibang maipako nila ang kanilang pananampalataya sa isang tiyak na panahon para sa pagdating ng Panginoon ay hindi sila magiging masigasig at masikap sa gawain ng paghahanda. Subalit habang ang kanilang mga pag-asa ay paulit-ulit na napupukaw, para lamang mawasak, ang kanilang pananampalataya ay nakakatanggap ng matinding dagok anupa’t halos nagiging imposible na para sa kanila ang makilos ng mga dakilang katotohanan ng propesiya. ADP 262.1
Ang pangangaral ng tiyak na panahon para sa paghuhukom, sa pagkakabigay ng unang mensahe, ay kagustuhan ng Diyos. Ang pagbilang sa mga panahon ukol sa hula, kung saan nakabatay ang mensahe, na inilalagay ang katapusan ng 2,300 araw sa taglagas ng 1844 ay nananatiling walang maipipintas. Ang paulit-ulit na pagsisikap upang makakita ng mga bagong petsa para sa pagsisimula at pagtatapos ng mga panahong ito ukol sa hula, at ang maling paliwanag na kinakailangan upang mapatotohanan ang mga paniniwalang ito, ay hindi lamang naglalayo ng mga isipan mula sa napapanahong katotohanan kundi nagpupukol din ng paghamak sa lahat ng pagsisikap na maipaliwanag ang mga propesiya. Kung mas madalas ang pagtatakda ng tiyak na panahon para sa ikalawang pagparito, at mas malawak na ito’y itinuturo, mas nakakaangkop din ito sa mga layunin ni Satanas. Kapag nakalipas na ang panahon, ay ginigising niya ang pagtuya at paglait sa mga tagapagtaguyod nito, at sa gayo’y nagdadala ng kasiraan sa dakilang Kilusang Adventista ng 1843 at 1844. Yung mga nagpupumilit sa kamaliang ito, ay magtatakda na lang sa wakas ng napakalayo nang petsa sa hinaharap para sa pagparito ni Cristo. Sa gayon, sila’y maaakay na mamayapa sa maling kasiguruhan, at marami ang madadaya hanggang sa huli na ang lahat. ADP 262.2
Ang kasaysayan ng sinaunang Israel ay isang kapansin-pansing larawan ng nakaraang karanasan ng grupo ng Adventista. Ginabayan ng Diyos ang Kanyang bayan sa Kilusang Adventista, kagaya ng paggabay Niya sa mga anak ni Israel palabas sa Ehipto. Sa malaking kabiguan ay sinubok ang kanilang pananampalataya na katulad din ng mga Hebreo doon sa Dagat na Pula. Kung patuloy lang sana silang nagtiwala sa gumagabay na kamay na sumakanila sa kanilang nakaraang karanasan, nakita sana nila ang pagliligtas ng Diyos. Kung tinanggap lang sana nung lahat ng nagkakaisang gumawa sa gawain noong 1844 ang mensahe ng ikatlong anghel at ipinahayag ito sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ang Panginoon sana ay gumawang may kapangyarihan sa kanilang mga pagsisikap. Ang baha ng liwanag ay ibinuhos sana sa sanlibutan. Maraming taon na sana ngayong nabigyan ng babala ang mga naninirahan sa lupa, tapos na sana ang pangwakas na gawain, at si Cristo ay dumating na sana para sa katubusan ng Kanyang bayan. ADP 262.3
Hindi kalooban ng Diyos na ang Israel ay maglagalag ng 40 taon sa ilang; gusto Niyang dalhin sila diretso sa lupain ng Canaan at itatag sila roon na isang banal at maligayang bayan. Subalit “sila’y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya” (Hebreo 3:19). Dahil sa kanilang pagbalik sa dating kasamaan at pagtalikod, sila ay nangapahamak sa ilang, at nagbangon ng iba upang pumasok sa Lupang Pangako. Sa ganon ding paraan, hindi kalooban ng Diyos na ang pagparito ni Cristo ay maantala nang ganon katagal, at ang Kanyang bayan ay manatili pa rin ng marami pang taon sa sanlibutang ito ng kasalanan at kalungkutan. Subalit ang kawalan ng pananampalataya ang naghiwalay sa kanila sa Diyos. Nang tanggihan nilang gawin ang gawaing itinalaga Niya sa kanila, nagbangon Siya ng iba upang magpahayag sa mensahe. Dahil sa pagkahabag sa sanlibutan ay ipinagpapaliban ni Jesus ang Kanyang pagdating, upang ang mga makasalanan ay magkaroon ng pagkakataong marinig ang babala at makasumpong ng kanlungan sa Kanya, bago ibuhos ang galit ng Diyos. ADP 262.4
Ngayon, gaya ng mga nakaraang panahon, ang pagpapahayag ng katotohanan na sumasaway sa mga kasalanan at kamalian ng kasalukuyang panahon ay gigising ng pagsalungat. “Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang ang kanyang mga gawa ay huwag malantad” (Juan 3:20). Nang makita ng mga tao na hindi nila mapaninindigan ang kanilang paniniwala sa pamamagitan ng Kasulatan, ipinasya ng marami na panindigan ito kahit anong mangyari, at taglay ang espiritu ng masamang hangarin ay tinuligsa nila ang karakter at mga motibo nung mga nagtatanggol sa kinayayamutang katotohanan. Iyan din ang patakarang itinataguyod sa lahat ng panahon. Si Elias ay sinabing nanggugulo sa Israel, si Jeremias ay traydor, si Pablo ay tagadungis ng templo. Mula nang panahong iyon hanggang ngayon, yung mga nagtatapat sa katotohanan ay tinutuligsa bilang mapanghimagsik, heretikal, o manggugulo. Ang karamihan na lubhang hindi naniniwala para tumanggap sa tiyak na salita ng hula ay madali namang naniniwala at walang tanung-tanong na tinatanggap ang isang bintang laban doon sa mga nangangahas na sumaway sa mga kasalanan ng kasalukuyang panahon. Ang espiritung ito ay lalago pa nang lalago. At malinaw na itinuturo ng Biblia na papalapit na ang panahon na ang mga batas ng pamahalaan ay makakabangga nang husto ang kautusan ng Diyos anupa’t ang sinumang gustong sumunod sa lahat ng banal na utos ay dapat may katapangang humarap sa kahihiyan at kaparusahan na para bang manggagawa ng kasamaan. ADP 263.1
Sa liwanag nito, ano ang tungkulin ng sugo ng katotohanan? Ipapalagay kaya niya na huwag na lang dapat ipahayag ang katotohanan, dahil malimit na ang dulot lamang nito ay ang kilusin ang mga tao na iwasan o labanan ang mga pag-aangkin nito? Hindi; gaya ng mga unang Repormador ay wala siyang dahilan para ipagkait ang patotoo ng Salita ng Diyos, nang dahil lang sa lumilikha ito ng pagkontra ng mga tao. Ang pagpapahayag ng pananampalataya na ginawa ng mga banal at ng mga martir ay isinulat para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon. Ang mga buhay na halimbawang iyon ng kabanalan at matatag na katapatan ay napasaatin upang bigyangtapang yung mga tinatawagan ngayong sumaksi para sa Diyos. Sila’y nakatanggap ng biyaya at katotohanan hindi lamang para sa kanilang sarili, kundi sa pamamagitan nila, ay maliwanagan ang mundo ng pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos ba ay nagbigay ng liwanag sa Kanyang mga lingkod sa panahong ito? Kung gayon ay dapat nila itong pagliwanagin sa sanlibutan. ADP 263.2
Noong unang panahon ay sinabi ng Panginoon sa isang nagsalita sa Kanyang pangalan, “Hindi ka papakinggan ng sambahayan ni Israel; sapagkat ayaw nila Akong pakinggan.” Gayunman ay sinabi Niya, “Iyong sasabihin ang Aking mga salita sa kanila, pakinggan man nila o hindi” (Ezekiel 3:7; 2:7). Sa lingkod ng Panginoon sa panahong ito ay sinasabi ang utos na, “Ilakas mo ang iyong tinig na parang trumpeta; at iyong ipahayag sa Aking bayan ang kanilang pagsuway, at sa sambahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan” (Isaias 58:1). ADP 263.3
Hangga’t meron siyang pagkakataon, ang sinumang nakatanggap ng liwanag ng katotohanan ay may ganon ding banal at nakakatakot na pananagutan gaya ng propeta ng Israel na dinatnan ng salita ng Panginoon, na sinasabi: “Anak ng tao, inilagay kitang bantay sa sambahayan ni Israel; tuwing maririnig mo ang salita mula sa Aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa Akin. Kapag Aking sinabi sa masama, O masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay, at ikaw ay hindi nagsalita upang bigyang babala ang masama sa kanyang lakad; ang masamang iyon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin Ko sa iyong kamay. Ngunit kung iyong bigyan ng babala ang masama upang tumalikod sa kanyang lakad at hindi siya tumalikod sa kanyang lakad, mamamatay siya sa kanyang kasamaan, ngunit iniligtas mo ang iyong buhay” (Ezekiel 33:7-9). ADP 263.4
Ang malaking sagabal kapwa sa pagtanggap at pagpapalaganap ng katotohanan, ay ang katunayang kalakip nito ang hirap at kahihiyan. Ito lamang ang nag-iisang argumentong laban sa katotohanan na hindi kailanman mapasinungalingan ng mga tagapagtaguyod nito. Ngunit hindi nito nahahadlangan ang mga tunay na tagasunod ni Cristo. Hindi nila hinihintay na maging tanyag ang katotohanan. Dahil kumbinsido sa kanilang tungkulin, kusa nilang tinatanggap ang krus, at gaya ni apostol Pablo ay itinuturing nila na “inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian” (2 Corinto 4:17); at gaya ng isang tao noong unang panahon ay “itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alangalang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto” (Hebreo 11:26). ADP 264.1
Anuman ang kanilang pagpapahayag ng paniniwala, yun lamang mga taong ang puso’y naglilingkod sa sanlibutan ang kumikilos ayon sa patakaran sa halip na sa prinsipyo ukol sa mga bagay na panrelihiyon. Dapat nating piliin ang tama dahil ito’y tama, at hayaan natin sa Diyos ang mga kalalabasan. Sa mga taong may prinsipyo, pananampalataya, at tapang ay utang ng sanlibutan ang mga dakilang reporma nito. Sa pamamagitan ng ganyang mga tao dapat isulong ang gawain ng reporma sa panahong ito. ADP 264.2
Ganito ang sabi ng Panginoon: “Makinig kayo sa Akin, kayong nakakaalam ng katuwiran, ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng Aking kautusan. Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao, at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait. Sapagkat sila’y lalamunin ng bukbok na parang bihisan, at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa; ngunit ang Aking katuwiran ay magiging magpakailanman, at ang Aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi” (Isaias 51:7, 8). ADP 264.3