Bago ang Repormasyon ay merong napakaunting kopya lamang ng Biblia kung minsan; ngunit hindi binayaan ng Diyos na ang Kanyang Salita ay malipol nang lubusan. Ang mga katotohanan nito ay hindi dapat nakatago magpakailanman. Mapapakawalan Niya ang mga Salita ng buhay na kasindali ng pagbukas Niya sa mga pintuan ng bilangguan at sa mga bakal na tarangkahan upang palayain ang Kanyang mga lingkod. Sa iba’t ibang bansa ng Europa ay kinilos ng Espiritu ng Diyos ang mga tao upang magsaliksik ng katotohanan na gaya ng paghahanap sa mga nakatagong kayamanan. Nang sa tulong ng Diyos ay naakay sa Banal na Kasulatan, pinag-aralan nila ang mga banal na pahina nito nang may matinding pananabik. Sila’y laang tanggapin ang liwanag, anuman ang mangyari sa kanilang sarili. Bagaman hindi nila nakita nang malinaw ang lahat ng bagay, ipinaunawa naman sa kanila ang maraming katotohanang matagal nang nakalimutan. Bilang mga tagapagbalitang sugo ng langit, sila’y humayo na nilalagot ang mga kadena ng kamalian at pamahiin, at tinatawagan yung mga matagal nang inaalipin, na bumangon at igiit ang kanilang kalayaan. ADP 48.1
Maliban sa mga Waldenses, ang Salita ng Diyos sa mahabang panahon ay sinarhan sa mga wikang ang mga nakapag-aral lamang ang may alam; ngunit dumating na ang panahon upang isalin ang mga Kasulatan at ibigay sa mga tao sa iba’t ibang bansa sa kanilang sariling wika. Nakalampas na ang sanlibutan sa hatinggabi nito. Ang mga panahon ng kadiliman ay nawawala na, at sa maraming lugar ay lumitaw na ang mga palatandaan ng dumarating na pagbubukang-liwayway. ADP 48.2
Noong ika-14 na siglo ay bumangon sa England ang “tala sa umaga ng Repor-masyon.” Si John Wycliffe ang siyang tagapagbalita ng reporma, hindi lamang sa England, kundi sa buong Sangkakristiyanuhan. Ang dakilang protesta laban sa Roma na pinahintulutan nitong bigkasin niya ay hindi mapapatahimik. Binuksan ng protestang iyon ang pakikipagpunyagi na magreresulta sa paglaya ng mga tao, ng mga iglesya, at ng mga bansa. ADP 48.3
Si Wycliffe ay nakatanggap ng liberal na edukasyon, at para sa kanya, ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan. Siya’y kilala noong kolehiyo sa kanyang maalab na kabanalan ganon din sa kanyang mga kapansin-pansing talento at mahusay na karunungan. Sa kanyang pagkauhaw sa kaalaman ay sinikap niyang malaman ang lahat ng sangay ng pag-aaral. Siya’y nag-aral ng pilosopiya ng pamantasan, ng mga kanoniko ng simbahan, at ng batas ng pamahalaan, lalo na ng sarili niyang bansa. Sa mga huli niyang paggawa ay malinaw ang naging kahalagahan ng unang pagsasanay na ito. Ang lubos na kaalaman sa pilosopiyang ukol sa teorya ng panahon niya ay nakatulong sa kanya para ilantad ang mga kamalian nito; at dahil sa kanyang pag-aaral ng batas ng bansa at ng simbahan, siya’y nahandang sumagupa sa malaking pakikipagpunyagi para sa kalayaang sibil at panrelihiyon. Baga-man magagamit niya ang mga sandatang kinuha mula sa Salita ng Diyos, ay nagkamit din siya ng disiplinang pangkaisipan ng mga paaralan, at alam niya ang mga taktika ng mga magagaling na tao sa paaralan. Ang lakas ng kanyang talino at ang lawak at pagiging lubos ng kanyang kaalaman ay nagtamo ng paggalang kapwa ng mga kaibigan at mga kaaway. May kasiyahang nakita ng kanyang mga tagasunod na ang kanilang tagapagtanggol ay pangunahin sa mga matatalinong tao sa kanilang bansa; at ang kanyang mga kaaway ay nahadlangang hamakin ang gawain ng reporma sa pama-magitan ng paglalantad sa kawalang-alam o kahinaan ng mga tagasuporta nito. ADP 48.4
Noong nasa kolehiyo pa si Wycliffe, ay nagsimula na siyang mag-aral ng Kasulatan. Noong mga unang panahong iyon, na ang Biblia ay nasusulat lamang sa mga sinaunang wika, ang mga nakapag-aral ay nabigyang pagkakataon na makarating sa bukal ng katotohanan na sarado sa mga taong hindi nakapag-aral. Kaya ang daan ay naihanda na para sa gawain ni Wycliffe sa hinaharap bilang isang Repormador. Ang mga taong may kaalaman ay nag-aral ng Salita ng Diyos, at natuklasang nahahayag doon ang dakilang katotohanan ng Kanyang biyayang walang-bayad. Sa kanilang mga pagtuturo ay ipinalaganap nila ang pagkaalam sa katotohanang ito, at inakay ang iba na bumaling sa mga Buhay na Kapahayagan. ADP 49.1
Nang ang pansin ni Wycliffe ay matuon sa mga Kasulatan, sinimulan niyang siyasatin ito nang may ganon ding kalubusan na nagpadalubhasa sa kanya sa kaalaman ng mga paaralan. Dati’y nakadama na siya ng isang malaking pangangailangan, na hindi kayang punan kahit ng kanyang mga pag-aaral sa pamantasan ni ng mga turo ng simbahan. Sa Salita ng Diyos ay nasumpungan niya yaong dati na niyang hinahanap, na hindi naman niya nakita. Dito ay nakita niyang hayag ang panukala ng kaligtasan, at si Cristo ay inihahayag bilang tanging tagapamagitan para sa tao. Itinalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod kay Cristo at ipinasyang ipahayag ang mga katotohanang natuklasan niya. ADP 49.2
Gaya ng mga sumunod na Repormador, hindi rin nakita ni Wycliffe sa simula ng kanyang gawain kung saan siya nito dadalhin. Hindi niya sinadyang ilagay ang kanyang sarili laban sa Roma. Ngunit ang pagmamahal sa katotohanan ay hindi maaaring hindi siya gawing kalaban ng kasinungalingan. Habang mas malinaw niyang nakikita ang mga kamalian ng kapapahan, mas masigasig naman niyang ipinahahayag ang turo ng Biblia. Nakita niyang tinalikuran ng Roma ang Salita ng Diyos kapalit ng tradisyon ng tao; walang-takot niyang inakusahan ang mga pari ng pagwawaksi sa mga Kasulatan, at ipinag-utos na ang Biblia ay ibalik sa mga tao, at ang kapamahalaan nito ay itatag uli sa simbahan. Siya ay magaling at masigasig na tagapagturo, at isang mangangaral na magaling magsalita, at ang araw-araw niyang buhay ay pagpapatunay sa mga katotohanang ipinangangaral niya. Ang kanyang kaalaman sa mga Kasulatan, ang tindi ng kanyang pangangatwiran, ang kalinisan ng kanyang buhay, at ang matatag niyang tapang ng loob at integridad ay nagbigay sa kanya ng pangkalahatang paghanga at tiwala. Marami sa mga tao ang hindi na nasisiyahan sa dati nilang pananampalataya habang nakikita nila ang kasamaang laganap sa Simbahang Romano, at sinalubong nila nang may di-maitatagong kagalakan ang mga katotohanang ipinakita ni Wycliffe; ngunit ang mga pinuno ng kapapahan ay napuno ng galit nang kanilang makita na nagiging mas malawak ang impluwensya ng Repormador na ito kaysa kanila. ADP 49.3
Si Wycliffe ay malakas makaamoy ng kamalian, at walang-takot niyang inatake ang maraming pang-aabusong pinahihintulutan ng kapamahalaan ng Roma. Habang nagsisilbing ministro para sa hari, siya’y matapang na nanindigan laban sa pagbubuwis na inaangking karapatan ng papa mula sa hari ng England, at ipinakita na ang pag-aangkin ng kapapahan ng awtoridad sa mga pinuno ng pamahalaan ay salungat kapwa sa pangangatwiran at kapahayagan. Ang mga hinihingi ng papa ay pumukaw na ng malaking galit, at ang mga turo ni Wycliffe ay gumawa ng isang impluwensya sa mga matatalinong tao sa bansa. Ang hari at ang mga maharlika ay nagkaisang huwag tanggapin ang pagaangkin ng papa sa kapangyarihang sibil at huwag magbayad ng buwis. Kung kaya’t isang mabisang hagupit ang tumama sa paghahari ng kapapahan sa England. ADP 49.4
Ang isa pang kasamaan na kinalaban ng Repormador sa isang matagal at matapang na pakikipaglaban ay ang itinatag na samahan ng mga prayleng nabubuhay sa panglilimos. Ang mga prayleng ito ay dumagsa sa England na sinasalanta ang kadakilaan at kasaganaan ng bansa. Ang industriya, edukasyon, moralidad, lahat ay nadama ang nakakalantang impluwensya nito. Ang buhay ng katamaran at panglilimos ng mga monghe ay hindi lamang isang malaking pag-ubos sa kayamanan ng mga tao, kundi paghamak din sa kapaki-pakinabang na paggawa. Ang mga kabataan ay naging masama at tiwali. Dahil sa impluwensya ng mga prayle, marami sa kanila ang nahimok na pumasok sa kumbento at italaga ang kanilang sarili sa isang monastikong pamumuhay, at ito’y hindi lamang walang pahintulot ng mga magulang, kundi kahit pa nga hindi nila alam, at labag sa kanilang mga utos. Isa sa mga unang Church Fathers ng Simbahang Romano, sa paggigiit na mas mataas daw ang mga karapatan ng pamumuhay sa monasteryo kaysa sa mga obligasyon ng pagmamahal at katungkulan sa magulang, ay nagsabi: “Kahit pa humiga ang iyong ama sa iyong pintuan, na umiiyak at tumatangis, at ipakita ng iyong ina ang katawan na nagdalantao sa iyo at ang mga dibdib na nagpasuso sa iyo, tiyakin mong sila’y iyong yayapakan, at magpatuloy ka diretso kay Cristo.” Dahil sa “hindi makataong pagkahalimaw” na ito, na siyang itinawag ni Luther dito bandang huli, na “mas kauri pa ng asong-gubat at ng pinunong malupit kaysa ng isang Kristiyano at tao,” ang puso ng mga anak ay pinatigas laban sa kanilang mga magu-lang.—Barnas Sears, The Life of Luther, pahina 70, 69. Ganyan pinawalang-saysay ng mga pinuno ng kapapahan ang kautusan ng Diyos dahil sa kanilang tradisyon, gaya ng mga Fariseo noong una. Ganyan naging malungkot ang mga tahanan, at ang mga magulang ay pinagkaitan ng pakikisama ng kanilang mga anak. ADP 49.5
Pati ang mga estudyante sa mga unibersidad ay nadaya rin ng mga maling paglalarawan ng mga monghe, at naakit na umanib sa kanilang mga samahan. Marami ang nagsisi bandang huli sa hakbanging ito; dahil nakita nilang sinira nila ang sarili nilang buhay at nagdala ng kalungkutan sa kanilang mga magulang; ngunit minsang nakatali na sa bitag ay imposible nang makamit pa nila ang kanilang kalayaan. Maraming mga magulang, dahil sa takot sa impluwensya ng mga monghe, ay hindi na lang pinag-aral ang kanilang mga anak sa mga pamantasan. May kapansinpansing pag-unti ng mga estudyanteng pumapasok sa malalaking sentro ng pagaaral. Ang mga paaralan ay humina at ang kawalang-alam ay lumaganap. ADP 50.1
Ang papa ay nagbigay sa mga mongheng ito ng kapangyarihang marinig ang mga pangungumpisal at magkaloob ng kapatawaran. Ito’y naging bukal ng malaking kasamaan. Dahil disididong dagdagan ang kanilang pakikinabangin, ang mga prayle ay handang-handa na magkaloob ng kapatawaran anupa’t ang lahat ng uri ng kriminal ay dumulog sa kanila, at bilang bunga, ang pinakamasasamang bisyo ay mabilis na dumami. Ang mga maysakit at mga mahihirap ay binayaang maghirap, samantalang ang mga handog na dapat sanang magpagaan sa kanilang mga pangangailangan ay napunta sa mga monghe, na may mga pagbabantang hinihingi ang limos ng mga tao, na tinutuligsa ang kalapastanganan nung mga ayaw magbigay ng handog sa kanilang mga samahan. Sa kabila ng kanilang pagpapanggap ng kahirapan, ang kayamanan ng mga prayle ay patuloy na dumadami, at lalong ipinakita ng kanilang magagarang gusali at maluluhong hapag-kainan ang lumalagong paghihirap ng bansa. At habang inuubos ang kanilang panahon sa luho at kalayawan, isinusugo nila bilang kahalili ang mga taong walangalam, na ang alam lang ay magkuwento ng mga kataka-takang istorya, mga alamat, at mga patawa upang libangin ang mga tao, at gawin silang mas lalong nauutu-uto ng mga monghe. Gayon pa man ang mga prayle ay nagpatuloy na panatilihin ang kanilang kapangyarihan sa mapamahiing karamihan, at pinaniwala sila na ang lahat ng panrelihiyong katungkulan ay binubuo ng pagkilala sa pangingibabaw ng papa, sa pagsamba sa mga santo, at pagbibigay ng handog sa mga monghe, at ito raw ay sapat na upang magkaroon sila ng lugar sa langit. ADP 50.2
Ang mga nakapag-aral at banal na tao ay bigong nagpakapagod upang makagawa ng isang pagbabago sa mga monastikong samahang ito; ngunit si Wycliffe, na may mas maliwanag na pananaw, ay humampas sa ugat ng kasamaan, na sinasabing ang sistema mismo ay mali, kung kaya’t ito’y dapat buwagin. Ang pagtalakay at pagtatanong ay nagigising. Sa paglilibot ng mga monghe sa bansa, na ibinibenta ang kapatawaran ng papa, marami ang nakapag-isip na pagdudahan ang posibilidad na mabibili ng pera ang kapatawaran, at kanilang naitanong na hindi kaya dapat silang humingi ng kapata- waran sa Diyos sa halip na sa papa sa Roma. (Tingnan ang Apendiks para sa pahina 36). Hindi lang iilan ang nabahala sa kasibaan ng mga prayle, na ang kasakiman ay parang walang kabusugan. “Ang mga monghe at mga pari ng Roma,” ang sabi nila, “ay kinakain kami na gaya ng kanser. Dapat kaming iligtas ng Diyos, kung hindi ay mapapahamak ang mga tao.”—D'Aubigné, b. 17, ch. 7. Upang pagtakpan ang kanilang katakawan, ang mga nanglilimos na mongheng ito ay nagsabing ginagaya raw nila ang halimbawa ng Tagapagligtas, na sinasabing si Jesus at ang Kanyang mga alagad ay tinustusan ng mga pagkakawanggawa ng mga tao. Ang pahayag na ito ay nagdulot ng pinsala sa kanilang layunin, sapagkat inakay nito ang maraming tao sa Biblia upang personal na malaman ang katotohanan—isang resulta na sa lahat ng iba pa ay pinakaayaw ng Roma. Ang isipan ng mga tao ay naituro sa Bukal ng katotohanan, na hangaring itago ng Roma. ADP 50.3
Si Wycliffe ay nagsimulang magsulat at maglathala ng mga polyeto laban sa mga prayle, gayon man, ay hindi para makipagtalo sa kanila kundi gisingin ang isipan ng mga tao sa mga turo ng Biblia at sa Mayakda nito. Ipinahayag niya na ang taglay na kapangyarihang magpatawad o magtiwalag ng papa ay katulad lang din nung sa mga karaniwang pari, at walang tao ang talagang maititiwalag malibang matamo muna niya ang hatol ng Diyos. Wala nang mas mabisa pa ritong paraan para maisagawa niya ang pagpapabagsak sa napakalaking sistema ng pamamahalang espirituwal at sibil na itinayo ng papa, kung saan ang mga kaluluwa at katawan ng milyun-milyong tao ay ginagawang bihag. ADP 51.1
Sa muli, si Wycliffe ay tinawagang ipagtanggol ang mga karapatan ng pamahalaan ng England laban sa mga panghihimasok ng Roma; at dahil nahirang na embahador ng hari, dalawang taon siyang namalagi sa Netherlands, na nakikipagpulong sa mga komisyonado ng papa. Dito’y kanyang nakaugnayan ang mga pari’t obispo mula sa France, Italy, at Spain, at siya’y merong pagkakataong tingnan ang nasa likod ng mga pangyayari, at magtamo ng kaalaman tungkol sa maraming bagay na maaaring nanatiling lingid sa kanya sa England. Marami siyang nalaman na mas magpapabuti pa sa mga huling gawain niya. Sa mga kinatawang ito mula sa mga bulwagan ng kapapahan ay nabasa niya ang tunay na likas at mga layunin ng pamunuan ng simbahan. Siya’y bumalik sa England upang sabihin nang mas hayagan at may higit na sigasig ang dati na niyang itinuturo, na sinasabing ang kasakiman, kahambugan, at pandaraya ay siyang mga diyos ng Roma. ADP 51.2
Sa isa sa kanyang mga polyeto ay kanyang sinabi tungkol sa papa at sa kanyang mga tagasingil: “Nakukuha nila sa ating lupain ang kabuhayan ng mga mahihirap na tao, at ang libu-libong halaga ng pera ng hari sa isang taon para sa mga sakramento at mga espirituwal na bagay, na isinumpang erehiya ng simonya (pagbebenta ng katungkulan sa simbahan at mga espirituwal na bagay), at kanilang pinapasang-ayon at pinapasustento ang buong Sangkakristiyanuhan sa erehiyang ito. At siguradong kahit pa may isang malaking burol ng ginto ang ating lupain, at walang ibang taong kukuha dito maliban sa tagasingil ng mapagmataas at makasanlibutang paring ito, sa paglipas ng panahon ang burol na ito ay mauubos; sapagkat lagi siyang kumukuha ng pera sa ating bansa; at wala namang ibinabalik kundi ang sumpa ng Diyos dahil sa kanyang simonya.”—John Lewis, History of the Life and Suffering of J. Wiclif, p. 37. ADP 51.3
Hindi nagtagal pagkatapos niyang bumalik sa England, si Wycliffe ay hinirang ng hari na padre superyor ng Lutterworth. Ito ay isang kasiguruhan na ang hari kahit papaano ay hindi nagalit sa kanyang hayagang pagsasalita. Ang impluwensya ni Wycliffe ay nadama sa paghubog sa pagkilos ng hukuman ganon din sa paghubog sa paniniwala ng bansa. ADP 51.4
Hindi nagtagal at ang mga pagbabanta ng papa ay ibinato laban sa kanya. Tatlong kautusan ng papa ang ipinadala sa England—isa sa pamantasan, isa sa hari, at isa sa mga obispo—lahat ay nag-uutos ng madalian at disididong pagkilos upang patahimikin ang guro ng erehiya. (August Neander, General History of the Christian Religion and Church, period 6, sec. 2, pt. 1 par. 8. Tingnan din ang Apendiks). Pero bago pa dumating ang mga kautusan ng papa, ang mga obispo, sa kanilang kasigasigan ay ipinatawag na si Wycliffe para sa paglilitis. Ngunit dalawa sa pinakamakapangyarihang prinsipe sa kaharian ang sumama sa kanya sa hukuman; at ang mga tao, na nakapalibot sa gusali at mabilis na nagsisipasok, ay ikinatakot nang husto ng mga hukom anupa’t ang paglilitis ay pansa-mantalang ipinagpaliban, at siya’y pinayagang umalis nang mapayapa. Hindi nagtagal, si Edward III, na sa kanyang katandaan ay sinisikap na impluwensyahan ng mga obispo laban sa Repormador, ay namatay at ang dating tagapagtanggol ni Wycliffe ay naging pansamantalang hari ng kaharian. ADP 51.5
Ngunit ang pagdating ng mga kautusan ng papa ay nagpatong sa buong England ng isang di-mababagong utos na hulihin at ikulong ang erehe. Ang mga hakbanging ito ay malinaw na nakaturo sa posteng pagsusunugan. Parang tiyak nang di-magtatagal at si Wycliffe ay magiging biktima na rin ng paghihiganti ng Roma. Ngunit Siyang nagpahayag sa isang tao noong unang panahon, “Huwag kang matakot...Ako ang iyong kalasag” (Genesis 15:1), ay muling iniunat ang Kanyang mga kamay upang ingatan ang Kanyang lingkod. Dumating ang kamatayan, hindi sa Repormador, kundi sa papa na nag-utos na siya’y patayin. Namatay si Gregory XI, at ang mga paring nagtipun-tipon para litisin si Wycliffe ay naghiwa-hiwalay. ADP 52.1
Ang pamamatnubay ng Diyos ay higit pa ring nanaig sa mga pangyayari upang bigyang pagkakataon ang pagsulong ng Repormasyon. Ang kamatayan ni Gregory ay sinundan ng pagkakahirang sa dalawang magkalabang papa. Dalawang magkatunggaling kapangyarihan, na bawat isa’y nag-aangking hindi siya nagkakamali, ang ngayo’y humihingi ng pagsunod. (Tingnan ang Apendiks para sa pahina 31 at 51). Bawat isa’y nananawagan sa mga mananampalataya na tulungan siya sa pakikidigma doon sa isa, na ipinipilit ang kanyang mga ipinag-uutos sa pamamagitan ng mga kakila-kilabot na pagsumpa laban sa mga kaaway niya, at mga pangakong gantimpala doon sa langit sa mga sumusuporta sa kanya. Ang pangyayaring ito ay nagpahina nang husto sa kapangyarihan ng kapapahan. Ang magkalabang pangkat ay ginawa ang lahat nilang magagawa upang tuligsain ang isa’t isa, at si Wycliffe ay pansamantalang nakapahinga. Ang pag sumpa at ganting-paratang ay nagsalimbayan mula sa isang papa tungo sa isa pang papa, at ang mga agos ng dugo ay dumanak upang patunayan ang magkasalungat nilang sinasabi. Ang mga krimen at iskandalo ay dumagsa sa mga simbahan. Samantalang ang Repormador naman, sa mapayapang pagpapahinga sa kanyang parokya sa Lutterworth, ay masipag na gumagawa upang ang mga tao ay ituro mula sa mga nag-aaway na papa patungo kay Jesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan. ADP 52.2
Ang pagkakahati, pati na ang lahat ng paglalaban-laban at katiwaliang dulot nito ay naghanda ng daan para sa Repormasyon sa pamamagitan ng pagpapakita sa mga tao kung ano talaga ang kapapahan. Sa inilathala niyang polyetong, “On the Schism of the Popes,” tinawagan ni Wycliffe ang mga tao na isip-isipin kung ang dalawang paring ito ay hindi nga ba’t nagsasalita ng katotohanan sa pagtuligsa sa isa’t isa bilang anticristo. “Ang Diyos,” sabi niya “ay hindi na hahayaang maghari ang demonyo sa iisang ganyang pari lamang, kundi...gumawa ng pagkakahati sa dalawa, upang ang mga tao, sa pangalan ni Cristo, ay mas madaling mapanagumpayan silang dalawa”—R. Vaughan, Life and Opinions of John de Wycliffe, vol. 2, p. 6. ADP 52.3
Ipinangaral ni Wycliffe ang ebanghelyo sa mga mahihirap, gaya ng kanyang Panginoon. Hindi pa nakontento sa pagpapalaganap ng liwanag sa mga simple nilang tahanan sa sarili niyang parokya sa Lutterworth, kanyang ipinasya na ito’y maihatid sa lahat ng bahagi ng England. Upang maisagawa ito, siya’y bumuo ng isang samahan ng mga mangangaral, mga simple at tapat na taong nagmamahal sa katotohanan at walang ibang mas ninanais kaysa palawakin ito. Ang mga taong ito’y pumunta kahit saan, na nagtuturo sa mga palengke, sa mga lansangan ng malalaking lunsod, at sa mga makikipot na daan sa kabukiran. Hinanap nila ang mga matatanda, ang mga maysakit, ang mga mahihirap at inilahad sa kanila ang masayang balita ng biyaya ng Diyos. ADP 52.4
Bilang propesor ng teolohiya sa Oxford, ipinangaral ni Wycliffe ang Salita ng Diyos sa mga bulwagan ng unibersidad. Buong katapatan niyang ipinahayag ang katotohanan sa mga estudyanteng tinuturuan niya, anupa’t natanggap niya ang taguring “Ang Doktor ng Ebanghelyo.” Ngunit ang magiging pinakamalaking gawain niya sa kanyang buong buhay ay ang pagkasalin ng mga Kasulatan sa wikang English. Sa sinulat niyang, On the Truth and Meaning of Scripture, ipinahayag niya ang kanyang hangaring isalin ang Biblia, upang mabasa ng bawat tao sa England sa wikang kinamulatan nila ang mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos. ADP 52.5
Ngunit biglaang nahinto ang kanyang mga gawain. Bagaman wala pa siyang 60 taon, ang walang-tigil na paggawa, pagaaral at ang mga pagtuligsa ng kanyang mga kaaway ay nakapagpahina sa kanya, at maagang nagpatanda sa kanya. Siya’y dinapuan ng mapanganib na sakit. Ang balita ay naghatid ng malaking kagalakan sa mga prayle. Inisip nila ngayon na siya’y masaklap na magsisisi sa kasamaang ginawa niya sa simbahan at nagmamadali silang nagtungo sa kanyang silid upang makinig sa kanyang pangungumpisal. Ang mga kinatawan ng apat na samahang panrelihiyon, na may kasamang apat na opisyal, ay nagtipon sa palibot ng taong inaakala nilang mamamatay na. “Ang kamatayan ay nasa mga labi mo na,” sabi nila; “kilusin ka nawa ng iyong mga pagkakamali, at bawiin mo sa aming harapan ang lahat ng iyong sinabing ikinapinsala namin.” Ang Repormador ay tahimik na nakinig, pagkatapos ay pinakiusapan niya ang nag-aasikaso sa kanya na ibangon siya mula sa kanyang higaan at nang tumingin nang tuwid sa kanila habang sila’y nakatayo at naghihintay sa kanyang pagbawi, ay sinabi niya sa isang matatag at makapangyarihang tinig na madalas na ikinanginginig nila: “Ako’y hindi mamamatay, kundi mabubuhay; at muling ibubunyag ang masasamang gawain ng mga prayle.”—D’Aubigné, b. 17, ch. 7. Nabigla’t napahiya, ang mga monghe ay nagmamadaling lumabas sa silid. ADP 53.1
Ang mga sinabi ni Wycliffe ay natupad. Siya’y nabuhay upang ilagay sa mga kamay ng kanyang mga kababayan ang sandatang pinakamakapangyarihan sa lahat laban sa Roma—upang ibigay sa kanila ang Biblia, ang kinatawang itinakda ng Langit upang magpalaya, magbigay-liwanag, at magturo ng ebanghelyo sa mga tao. Napakarami at napakalalaki ng mga sagabal na dapat pagtagumpayan sa pagsasagawa ng gawaing ito. Si Wycliffe ay pinabigatan nang husto ng pagkamasasakitin; alam niyang iilang taon na lang ang nalalabi sa kanya para sa paggawa, nakita niya ang pakikilaban na dapat niyang sagupain; ngunit palibhasa’y pinalakas ng mga pangako ng Salita ng Diyos ang kanyang loob, siya’y nagpatuloy nang walang-takot. Sa buong lakas ng mga kakayahan niyang pangkaisipan, at yaman sa karanasan, siya ay iningatan at inihanda ng natatanging pamamatnubay ng Diyos para dito, sa pinakadakila sa lahat niyang gawain. Samantalang ang Sangkakristiyanuhan ay puno ng kaguluhan, pinagbuti ng Repormador ang kanyang piniling gawain sa kanyang kumbento sa Lutterworth, nang hindi alintana ang bagyong nagngangalit sa labas. ADP 53.2
Sa wakas ang gawain ay natapos—ang kauna-unahang nagawang salin ng Biblia sa English. Ang Salita ng Diyos ay nabuksan sa England. Ang Repormador ay hindi na ngayon natatakot sa bilangguan o sa pinagsusunugan. Nailagay na niya sa kamay ng mga taga-England ang isang liwanag na hindi mapapatay. Sa pagkabigay ng Biblia sa kanyang mga kababayan, nakagawa siya nang higit upang lagutin ang mga tanikala ng kawalang-alam at kasamaan, higit upang palayain at iangat ang kanyang bansa, kaysa sa kailanma’y nagawa ng pinakamahuhusay na tagumpay sa mga larangan ng digmaan. ADP 53.3
Palibhasa’y hindi pa noon alam ang kasanayan sa paglilimbag, mapaparami lamang ang mga kopya ng Biblia sa pamamagitan ng mabagal at nakakapagod na paggawa. Napakalaki ng kagustuhang magkaroon ng Aklat na ito, anupa’t napakaraming nagkusang sumama sa gawain ng pagkopya nito, ngunit ang mga tagakopya ay nahihirapang tustusan ang pangangailangan. Ang gusto ng ibang mas mayayamang bumibili ay buong Biblia. Ang iba nama’y kapiraso lamang. Sa maraming pangyayari’y ilang pamilya ang nagsasama-sama upang makabili ng isang kopya. Sa ganitong paraan, ang Biblia ni Wycliffe ay nakapasok din sa wakas sa tahanan ng mga tao. ADP 53.4
Ang pagpukaw sa pangangatwiran ng mga tao ay nagpakilos sa kanila mula sa walang-tutol nilang pagpapasakop sa mga aral ng papa. Itinuro ngayon ni Wycliffe ang pagkakakilanlang doktrina ng mga Protestante—ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at ang Kasulatan lamang ang tanging hindi nagkakamali. Ipinalaganap ng mga mangangaral na isinugo niya ang Biblia, pati ang mga sinulat ng Repormador, at may lubhang tagumpay anupa’t ang bagong pananampalataya ay tinanggap ng halos kalahati ng mga tao sa England. ADP 53.5
Ang paglabas ng mga Kasulatan ay nagdala ng pangamba sa mga maykapangyarihan sa simbahan. Ngayo’y dapat nilang sagupain ang isang ahensyang mas makapangyarihan pa kaysa kay Wycliffe—isang ahensyang laban dito’y walang gaanong magagawa ang kanilang mga sandata. Noong panahong iyon ay wala pang batas sa England na nagbabawal sa Biblia, sapagkat hindi pa ito nailimbag dati sa wika ng mga tao doon. Ang ganyang mga batas ay saka pa lang isinabatas at mahigpit na ipinatupad. Samantala, sa maikling panahon ay nagkaroon ng pagkakataon para sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos, sa kabila ng mga pagpupunyagi ng mga pari. ADP 54.1
Muling nagsabwatan ang mga pinuno ng kapapahan upang patahimikin ang tinig ng Repormador. Sa harap ng tatlong hukuman ay sunud-sunod siyang ipinatawag para sa paglilitis, ngunit wala namang naitulong. Una’y isang kapulungan ng mga obispo ang nagdeklarang heretikal ang kanyang mga isinulat, at palibhasa’y nakuha sa kanilang panig ang kabataang hari na si Richard II, nakakuha sila ng isang utos mula sa hari na ibibilanggo ang lahat na may hawak ng mga doktrinang kinundena. ADP 54.2
Si Wycliffe ay umapela mula sa kapulungan patungo sa Batasang pambansa; walang-takot niyang inihabla ang pamunuan ng simbahan sa pambansang konsilyo, at hiniling ang reporma sa mga napakalalaking abuso na ipinahintulot ng simbahan. Taglay ang nakakakumbinsing kapamahalaan, kanyang inilarawan ang mga pangangamkam at katiwalian ng pamunuan ng kapapahan. Ang kanyang mga kaaway ay nataranta. Napilit nang magpasakop ang mga kaibigan at mga tagasuporta ni Wycliffe, at tiwalangtiwala nang inaasahan na ang Repormador mismo, sa kanyang katandaan, nag-iisa at wala nang kaibigan, ay yuyukod na sa pinagsanib na kapamahalaan ng hari at ng kapapahan. Ngunit sa halip na ganito ay nasumpungan ng mga makapapa na sila’y talo. Ang Batasang pambansa, na kinilos ng mga makaantig-damdaming panawagan ni Wycliffe, ay pinawalang-bisa ang mapagmalupit na kautusan, at ang Repormador ay malaya na uli. ADP 54.3
Sa pangatlong beses ay dinala uli siya sa paglilitis, at ngayon nama’y sa pinakamataas nang hukuman ng simbahan sa kaharian. Dito ay walang pagpanig na ipinakikita sa erehiya. Dito sa wakas ay magtatagumpay na ang Roma, at ang gawain ng Repormador ay mapapatigil na. Ganyan ang inaakala ng mga makapapa. Kung maisasagawa lamang nila ang kanilang layunin, si Wycliffe ay mapipilitang itakwil ang kanyang mga doktrina, o kung hindi’y aalis sa hukuman para lamang sunugin. ADP 54.4
Ngunit si Wycliffe ay hindi tumalikod; ayaw niyang magkunwari. Walang-takot niyang pinanindigan ang kanyang mga turo at nilabanan ang mga bintang ng mga umuusig sa kanya. Di alintana ang kanyang sarili, ang kanyang katungkulan, at ang okasyong iyon, kanyang tinawagan sa harapan ng makalangit na hukuman ang mga nakikinig sa kanya, at tinimbang ang kanilang mga pangangatwiran at pandaraya sa timbangan ng walang-hanggang katotohanan. Ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay nadama sa silid ng kapulungang iyon. Isang pambighani mula sa Diyos ang napasa mga tagapakinig. Parang wala silang lakas na umalis sa lugar na iyon. Gaya ng mga palasong mula sa lalagyan ng pana ng Panginoon, ang mga salita ng Repormador ay tumusok sa kanilang mga puso. Ang paratang na erehiya na isinampa nila laban sa kanya, ay may kapani-paniwalang puwersang naibalik niya sa kanila. “Bakit sila’y nangahas na ikalat ang kanilang mga kamalian?” tanong niya. “Para makinabang, upang gawing kalakal ang biyaya ng Diyos.” ADP 54.5
“Kanino, sa palagay ninyo kayo nakikipaglaban?” ang panghuling sabi niya, “Sa isang matandang nasa bingit na ng libingan? Hindi! Kundi sa Katotohanan— Katotohanang mas malakas kaysa sa inyo, at dadaig sa inyo.”—Wylie, b. 2, ch. 13. Pagkasabi nito siya’y umalis sa kapulungan at wala ni isa man sa kanyang mga kaaway ang nagtangkang pumigil sa kanya. ADP 54.6
Halos tapos na ang gawain ni Wycliffe; ang bandila ng katotohanan na matagal na niyang dala-dala ay malapit nang mahulog sa kanyang kamay; ngunit dapat ulit siyang sumaksi para sa ebanghelyo. Ang katotohanan ay dapat ipahayag sa muog mismo ng kaharian ng kamalian. Si Wycliffe ay ipinatawag para litisin sa hukuman ng papa sa Roma na madalas na nagpadanak sa dugo ng mga banal. Hindi siya bulag sa mga panganib na nagbabanta sa kanya, pero pupunta pa rin sana siya kung hindi lamang ginawang imposible ng biglaang pagkaparalisa ang siya’y maglakbay. Ngunit bagaman ang kanyang tinig ay hindi maririnig sa Roma, siya’y makakapagsalita sa pamamagitan ng sulat, at ito’y kanyang ipinasyang gawin. Mula sa kanyang kumbento, ang Repormador ay sumulat sa papa, isang sulat, na bagaman magalang ang tono at Kristiyano ang diwa, ay isang matalim na saway sa karangyaan at pagmamalaki ng pangasiwaan ng papa. ADP 55.1
“Tunay na ako’y nagagalak,” sabi niya, “na ilahad at ihayag sa bawat tao ang pananampalatayang akin ngang pinanghahawakan, at lalo na sa obispo ng Roma: na yamang ipinapalagay ko talagang ito nga’y tama at totoo, ay kukumpirmahin naman niya nang maluwag sa kalooban ang sinasabi kong pananampalataya, o kung mali man ito, ay itatama niya ito. ADP 55.2
“Una, ipinalalagay kong ang ebanghelyo ni Cristo ay siyang buong katawan ng kautusan ng Diyos.... Aking ipinaaabot at pinanghahawakan na ang obispo ng Roma ay pinakahigit na saklaw ng kautusan ng ebanghelyo sa lahat ng tao, yamang siya ang kahalili ni Cristo dito sa lupa. Sapagkat ang kadakilaan sa mga alagad ni Cristo ay hindi nakabatay sa mga makalupang dignidad o karangalan, kundi sa malapit at tamang pagtulad kay Cristo sa Kanyang pamumuhay at ugali....si Cristo, sa panahon ng Kanyang pamumuhay dito ay isang pinakamahirap na tao, na itinatakwil at tinatanggihan ang lahat ng makasanlibutang pamumuno at karangalan... ADP 55.3
“Walang tapat na tao ang dapat na sumunod maging sa papa mismo o sa kanino mang banal na tao, maliban sa mga katangiang nagagaya niya sa Panginoong Jesu-Cristo; sapagkat si Pedro at ang mga anak ni Zebedeo, dahil sa paghahangad ng karangalang pansanlibutan, na salungat sa pagsunod sa mga yapak ni Cristo, ay nagkasala, kung kaya’t sa mga pagkakamaling ito’y hindi dapat sila tularan... ADP 55.4
“Dapat bayaan ng papa sa mga pamahalaan ang lahat ng makalupang pamamahala at pamumuno, at bukod dito ay mabisang kilusin at pangaralan ang lahat niyang opisyales; sapagkat ganon ang ginawa ni Cristo, lalo na ng Kanyang mga apostol. Dahil dito, kung ako ma y nagkakamali sa alinman sa mga bahaging ito, buong kapakumbabaan kong ipapasakop ang aking sarili sa pagtutuwid, kahit sa kamatayan, kung hinihingi ng pangangailangan; at kung kaya ko lang gumawa ayon sa aking kalooban, o maghangad sa sarili kong katauhan, ako’y tiyak na haharap sa obispo ng Roma; ngunit kataliwas nito ay dinalaw ako ng Panginoon, at tinuruan akong sumunod sa Diyos sa halip na sa mga tao.” ADP 55.5
Sa pagtatapos ay sinabi niya: “Tayo’y manalangin sa ating Diyos na sana’y kilusin Niya nang husto ang ating Pope Urban VI sa kanyang pagsisimula, upang siya pati na ang kanyang mga opisyales ay makatulad sa Panginoong Jesu-Cristo sa pamumuhay at sa pag-uugali; at upang mabisa nilang maturuan ang mga tao, at upang ang mga tao rin naman ay may katapatang tumulad sa kanila sa ganon ding landasin.”—John Foxe, Acts and Monuments, vol. 3, pp. 49, 50. ADP 55.6
Ganyan iniharap ni Wycliffe sa papa at sa kanyang mga kardinal ang kaamuan at kapakumbabaan ni Cristo, na ipinapakita, hindi lamang sa kanila mismo, kundi sa buong Sangkakristiyanuhan ang kaibahan sa pagitan nila at ng Panginoon na sinasabi nilang kinakatawanan nila. ADP 55.7
Lubos na inaasahan ni Wycliffe na ang kanyang buhay ang magiging kapalit ng kanyang katapatan. Ang hari, ang papa, at ang mga obispo ay nagkakaisa upang maisagawa ang kanyang kapahamakan, at parang tiyak nang pinakamatagal na ang ilang buwan at siya’y susunugin na. Ngunit ang kanyang tibay ng loob ay hindi natitinag. “ Bakit sinasabi ninyong ang korona ng pagiging martir ay matagal pa? ” sabi niya. “ Ipangaral ninyo ang ebanghelyo ni Cristo sa mga mapagmataas na kawani ng simbahan, at hindi kayo mabibigo sa pagiging martir. Ano! Dapat akong mamuhay at tumahimik na lang?.... Hindi kailanman! Hayaang ang dagok ay dumating, hinihintay ko ang pagdating nito.”—D'Aubigné, b. 17, ch. 8. ADP 55.8
Ngunit ipinagsanggalang pa rin ng pamamatnubay ng Diyos ang Kanyang lingkod. Ang taong ito na sa buong buhay niya ay tumayong may katapangan sa pagtatanggol sa katotohanan, na arawaraw na nanganganib ang buhay, ay hindi magiging biktima ng galit ng kanyang mga kaaway. Si Wycliffe ay hindi kailanman nagsikap na ipagsanggalang ang kanyang sarili, kundi ang Panginoon ang naging tagapagsanggalang niya; at ngayon, nang ang kanyang mga kaaway ay nakatitiyak na sa kanilang biktima, inalis siya ng kamay ng Diyos at inilagay sa hindi nila maaabot. Sa iglesya niya sa Lutterworth, nang magsasagawa na siya ng Komunyon siya’y natumba, inatake ng paralisis, at sa maikling panahon ay binawian ng buhay. ADP 56.1
Itinakda ng Diyos kay Wycliffe ang kanyang gawain. Inilagay Niya ang Salita ng katotohanan sa kanyang bibig, at naglagay Siya ng bantay sa palibot niya upang ang salitang ito ay makarating sa mga tao! Ang buhay niya’y iningatan at ang kanyang gawain ay pinahaba, hanggang sa mailagay ang isang pundasyon para sa dakilang gawain ng Repormasyon. ADP 56.2
Si Wycliffe ay galing sa karimlan ng Ma-dilim na Kapanahunan. Walang sinumang nauna sa kanya na ang gawain ay mapagbabalangkasan niya ng kanyang sistema ng pagrereporma. Palibhasa’y ibinangong gaya ni Juan Bautista upang gampanan ang isang natatanging misyon, siya ang tagapagbalita ng isang bagong kapanahunan. Pero sa sistema ng katotohanan na kanyang ipinahayag ay merong isang pagkakasundo at kabuuan na hindi nahigitan ng mga Repormador na sumunod sa kanya, at hindi naabot ng iba, kahit daan-daang taon na ang lumipas. Napakalawak at napakalalim ang nailagay na pundasyon, napakatibay at napakatumpak ng balangkas, anupa’t hindi na kinakailangan pang ito’y muling itayo nung mga sumunod sa kanya. ADP 56.3
Ang dakilang kilusang sinimulan ni Wycliffe, na magpapalaya sa budhi at sa katalinuhan, at magpapalaya sa mga bansang matagal nang nakatali sa karo ng pagtatagumpay ng Roma, ay galing sa Biblia. Nandito ang pinagmumulan ng agos na iyon ng pagpapala, na gaya ng tubig ng buhay, ay dumadaloy sa lahat ng panahon mula noong ika-14 na siglo. Tinanggap ni Wycliffe nang may lubos na pananampalataya ang Banal na Kasulatan bilang kinasihang kapahayagan ng kalooban ng Diyos, isang sapat na panuntunan ng pananampalataya at pamumuhay. Siya ay naturuang ituring na banal, at dinagkakamaling sanggunian ang Simbahan ng Roma, at tanggapin nang walang-alinlangang paggalang ang isang libong taon nang naitatag na mga aral at kaugalian nito; ngunit siya’y tumalikod sa lahat ng ito upang makinig sa Banal na Salita ng Diyos. Ito ang sangguniang iginigiit niyang kilalanin ng mga tao. Sa halip na ang simbahan na nagsasalita sa pamamagitan ng papa, kanyang ipinahayag na ang tanging tunay na sanggunian ay ang tinig ng Diyos na nagsasalita sa pamamagitan ng Kanyang Salita. At hindi lamang niya itinuro na ang Biblia ay sakdal na kapahayagan ng kalooban ng Diyos, kundi ang Banal na Espiritu ang siyang tanging tagapagpaliwanag nito, at dapat personal na malaman ng bawat tao ang kanyang katungkulan sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga itinuturo nito. Ganyan niya ibinaling ang isipan ng mga tao mula sa papa at sa Simbahan ng Roma patungo sa Salita ng Diyos. ADP 56.4
Si Wycliffe ay isa sa mga pinakadakilang Repormador. Sa lawak ng pagkaunawa, sa linaw ng isipan, sa matatag na paninindigan sa katotohanan, at sa katapangang ipagtanggol ito, ay iilan lamang ang nakapantay sa kanya sa mga sumunod sa kanya. Ang malinis na buhay, walang-sawang kasipagan sa pag-aaral at paggawa, walang dungis na integridad, at pagmamahal at katapatang gaya ni Cristo sa kanyang paglilingkod, ang magpapakilala sa pinakaunang Repormador na ito. At ito’y sa kabila ng kadilimang pangkaisipan at kasamaang moral ng panahong kinamulatan niya. ADP 56.5
Ang karakter ni Wycliffe ay isang patotoo sa nakakapagturo at bumabagong kapangyarihan ng Banal na Kasulatan. Kung naging ano siya ay gawa ng Biblia. Ang pagsisikap na maunawaan ang mga dakilang katotohanan ng kapahayagan ay nagdudulot ng kasiglahan at lakas sa lahat ng kakayahan. Pinalalawak nito ang isipan, pinatatalas ang pang-unawa, at pinahihinog ang pagpapasya. Ang pag-aaral ng Biblia ay magpapadakila sa bawat iniisip, damdamin at mithiin na hindi magagawa ng ibang uri ng pag-aaral. Ito’y nagbibigay ng katatagan ng layunin, pagtitiyaga, tapang, at tibay ng loob; pinipino nito ang karakter, at pinababanal ang kaluluwa. Ang isang masikap at magalang na pag-aaral ng Kasulatan, na naghahatid sa isipan ng nag-aaral sa direktang pakikipag-ugnayan sa walang-hanggang isipan, ay maghahandog sa sanlibutan ng mga taong may mas matalas at mas aktibong isipan, at saka may mas marangal na prinsipyo kaysa sa mga naibunga ng pinakamahusay na pagsasanay na magagawa ng pilosopiya ng tao. “Ang paghahayag ng Iyong mga salita,” sabi ng mang-aawit, “ay nagbibigay ng kaliwanagan; nagbibigay ng unawa sa walang karunungan” (Awit 119:130). ADP 56.6
Ang mga doktrinang naituro ni Wycliffe ay patuloy na lumaganap nang ilang panahon; ang kanyang mga tagasunod na nakilalang Wycliffites at Lollards, ay hindi lamang binagtas ang England, kundi nangalat sa iba pang mga lupain dala ang kaalaman sa ebanghelyo. Ngayong ang kanilang lider ay patay na, ang mga mangangaral ay gumawa nang may higit pang sigasig kaysa dati, at napakaraming tao ang nagtipun-tipon upang makinig sa kanilang mga itinuturo. Ang ilan sa mga mahal na tao, at pati na ang asawa ng hari ay kasama sa mga nahikayat. Sa maraming lugar ay may kapansinpansing pagbabago sa mga ugali ng tao, at ang mga mapagsamba sa diyus-diyosang simbolo ng Romanismo ay inalis sa mga iglesya. Ngunit di-nagtagal at ang walangawang bagyo ng pag-uusig ay sumambulat sa mga nagtangkang tumanggap sa Biblia bilang kanilang gabay. Ang mga hari ng England, na gustung-gustong palakasin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkuha sa suporta ng Roma, ay hindi nag-atubiling isakripisyo ang mga Repormador. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng England, ang pagsunog ay ipinag-utos laban sa mga alagad ng ebanghelyo. Sunud-sunod ang naging mga martir. Ang mga tagapagtaguyod ng katotohanan, na hinatulang mamatay at pinahirapan, ay walang magawa kundi ibuhos na lang ang kanilang mga pagdadalamhati sa pandinig ng Panginoon ng mga Hukbo. Bagaman tinutugis bilang mga kaaway ng iglesya at mga taksil sa kaharian, nagpatuloy silang mangaral sa mga liblib na lugar, naghahanap ng kublihan sa mga hamak na tahanan ng mahihirap ayon sa pinakamabuti nilang magagawa, at madalas ay nagtatago sa mga kuweba at mga yungib. ADP 57.1
Sa kabila ng galit ng pag-uusig, isang panatag, taos-puso, tapat, at matiyagang protesta laban sa umiiral na katiwalian ng pananampalatayang panrelihiyon ang patuloy na binibigkas sa loob ng daan-daang taon. Ang mga Kristiyano noong unang panahong iyon ay meron lamang bahagyang kaalaman sa katotohanan, ngunit natutunan nilang mahalin at sundin ang Salita ng Diyos, at matiyaga silang nagtiis alang-alang dito. Kagaya nung mga alagad sa panahon ng mga apostol, isinakripisyo ng marami ang kanilang mga makalupang pag-aari para sa gawain ni Cristo. Yung mga pinahintulutang tumira sa kanilang mga tahanan ay may kagalakan ding pinatira ang mga kapatiran nilang napalayas, at nang sila ay pinalayas na rin, magalak nilang tinanggap ang kapalaran ng mga taong itinatakwil. Totoo na ang libu-libong natakot sa galit ng kanilang mga tagausig, ay binili ang kanilang kalayaan kapalit ng kanilang pananampalataya, at nakalabas sa kanilang mga bilangguan, na nakasuot ng damit ng nagsisisi, upang ihayag ang kanilang pagtalikod. Ngunit hindi kakaunti—at kabilang sa kanila ay mga taong isinilang na maharlika ganon din ang mga hamak at mabababa—ang nagbigay ng walangtakot na patotoo sa katotohanan sa loob ng mga bartolinang piitan, sa mga “Lollard towers,” at sa gitna ng pagpapahirap at ng apoy ay natutuwa sila na sila’y itinuring na karapat-dapat na malaman “ang pakikisama sa Kanyang mga kahirapan.” ADP 57.2
Hindi nagawa ng mga makapapa ang gusto nilang gawin kay Wycliffe nang siya’y nabubuhay pa, at ang kanilang galit ay hindi masiyahan habang ang kanyang bangkay ay tahimik na namamahinga sa libingan. Sa utos ng Konsilyo ng Constance, mahigit 40 taon na pagkatapos ng kanyang kamatayan, ang kanyang mga buto ay hinukay at sinunog sa publiko, at ang abo ay itinapon sa kalapit na batis. “Ang batis na ito,” sabi ng isang matandang manunulat, “ay inihatid ang kanyang abo sa Avon, mula Avon patungo sa Savern, at mula Savern patungo sa makikipot na dagat, at mula sa mga ito patungo sa pinakamalaking karagatan. At sa gayon, ang abo ni Wycliffe ay simbolo ng kanyang doktrina, na ngayon ay kalat na sa buong sanlibutan.”—T. Fuller, Church History of Britain, b. 4, sec. 2, par. 54. Hindi nakita ng kanyang mga kaaway ang kahulugan ng kanilang masamang ginawa. ADP 57.3
Ang mga isinulat ni Wycliffe ang nagtulak kay John Huss ng Bohemia, na itakwil ang marami sa mga kamalian ng Romanismo at pumasok sa gawain ng pagrereporma. Kaya’t sa dalawang bansang ito, na talagang magkalayo, ang binhi ng katotohanan ay naihasik. Mula sa Bohemia ay nakarating sa ibang mga lupain ang gawain. Ang isipan ng mga tao ay naibaling sa Salita ng Diyos na matagal nang nakalimutan. Isang banal na kamay ang naghahanda ng daan para sa Dakilang Repormasyon. ADP 58.1