Na hindi para bang sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi ang ating tinanggap buhat nang pasimuia, na tayo'y mag-ibigan sa isa't isa. 2 Juan 1:5. PnL
Ang pag-ibig na ito ay siyang katibayan o katunayan ng kanilang pagiging-alagad. “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay Aking mga alagad,” sabi ni Jesus, “kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” Kapag ang mga tao ay magkakasamang nabibigkis, hindi sa pamamagitan ng dahas o pagmamalasakit sa sarili, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig, ay kanilang ipinakikita ang paggawa ng isang impluwensyang nakatataas sa bawat impluwensya ng tao. Pagka nakikita ang ganitong pagkakaisa, ito’y katunayan na ang larawan ng Diyos ay naipapanumbalik sa tao, na isang bagong simulain ng buhay ang naitatanim. Ito’y nagpapakilalang may kapangyarihang makapanindigan sa lahat ng lakas ng kasamaan ang likas ng Diyos, at ang biyaya ng Diyos ay nakasusupil sa kasakimang katutubo sa pusong laman ng tao. PnL
Ang pag-ibig na ito, kapag nakikita na sa iglesya, ay tiyak na kikilos sa galit ni Satanas. Hindi madaling landasin ang iginuhit ni Cristo para sa Kanyang mga alagad. “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan,” wika Niya, “ay inyong talastas na Ako muna ang kinapootan bago kayo. Kung kayo’y taga-sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang kanyang sarili: ngunit sapagkat kayo’y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo’y hinirang Ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo’y Aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon. Kung Ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang paguusigin din; kung tinupad nila ang Aking salita, ang inyo man ay kanilang tutuparin din. Datapwat ang lahat ng mga bagay na ito’y gagawin nila sa inyo dahil sa Aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa Akin ay nagsugo.” Ang ebanghelyo ay dapat palaganapin sa pamamagitan ng masigasig na pakikibaka, sa gitna ng pagsalungat, panganib, kawalan, at paghihirap. Ngunit ang lahat ng gumagawa ng gawaing ito ay sumusunod lang sa mga hakbang ng kanilang Panginoon. PnL
Ikinatuwa ni Cristo na lalong malaki ang magagawa Niya para sa Kanyang mga alagad kaysa mahihingi o maiisip nila. Nagsalita Siyang may katiyakan, palibhasa ay batid Niyang makapangyarihang utos ang ibinigay na noon pa mang bago nilalang ang sanlibutan. Alam Niyang ang katotohanan, na nalalangkapan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ay magwawagi sa pakikilaban sa masama; at ang bandilang nabahiran ng dugo ay matagumpay na wawagayway sa ibabaw ng mga sumusunod sa Kanya. Alam Niyang ang buhay ng Kanyang nagtitiwalang mga alagad ay magiging katulad ng sa Kanya, isang sunud-sunod na mga pagtatagumpay, na sa tingin dito ay hindi itinuturing na tagumpay, ngunit doon sa kabilang buhay ay kinikilalang tagumpay. . . . PnL
Si Cristo ay hindi nabigo, ni hindi rin nanghina ang Kanyang loob, at kaya nga ang Kanyang mga alagad ay dapat ding magpakita ng gayunding matibay na pananampalataya. Dapat silang mamuhay na gaya ng Kanyang pagkakapamuhay, at gumawang gaya ng Kanyang ginawa, sapagkat sila’y umaasa sa Kanya bilang ang dakilang Punong Manggagawa.— The Desire Of Ages, pp. 678, 679. PnL