Sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kapighatian. 2 Timoteo 3:1. PnL
Sinabi ni Cristo sa pamamagitan ng propesiya na babangon ang mga mandaraya, na sa kanilang impluwensya ay “sasagana” ang “kasamaan,” at “ang pag-ibig” ng marami ay “manlalamig.” (Mateo 24:12.) Nagbabala Siya sa mga alagad na higit na manganganib ang iglesya sa kasamaang ito kaysa mga pag-uusig ng kaaway. Muli at muli ay nagbabala si Pablo sa mga mananampalataya tungkol sa mga bulaang guro. Ang panganib na ito, higit sa lahat, ay dapat bantayan; sapagkat sa pagtanggap sa mga bulaang guro, mabubuksan ang pintuan sa mga kamalian at sa pamamagitan nito’y mapadidilim ng kaaway ang pandama sa mga bagay na espirituwal at maliliglig ang pagtitiwala ng mga bagong hikayat sa pananampalataya sa ebanghelyo. Si Cristo ang pamantayan kung saan sila dapat nakasalig ang lahat ng mga doktrina. Lahat ng hindi katugma ng Kanyang mga turo ay dapat tanggihan. Si Cristo na ipinako dahilan sa kasalanan, si Cristo na bumangon sa mga patay, si Cristo na pumanhik sa itaas—ito ang siyensya ng kaligtasang dapat nilang matutuhan at ituro. PnL
Ang mga babala ng salita ng Diyos tungkol sa mga panganib na haharapin ng Cristianong iglesya ay para sa atin din ngayon. Tulad sa panahon ng mga apostol, sinikap ng mga taong wasakin ang pananampalataya sa Kasulatan sa pamamagitan ng mga tradisyon at pilosopiya, gayundin ngayon na sa nakahahalinang isipan ng mas “mataas na kritisismo,” ebolusyon, espirituwalismo, teosopiya at panteismo, ang kaaway ng katuwiran ay nagsisikap na umakay ng mga kaluluwa sa mga ipinagbabawal na landas. Sa marami, ang Biblia ay nagiging ilawang walang langis, sapagkat ibinaling nila ang kanilang mga pag-iisip sa mga daluyan ng haka-hakang paniniwala na naghahatid ng kaguluhan at maling pagkaunawa. Ang gawain ng “mas mataas na kritisismo,” sa paghihimay, pagpapalagay, muling pagbabalangkas, ay nagwawasak ng pananampalataya sa Biblia bilang banal na paghahayag ng Diyos. Ninanakaw nito sa Diyos ang kapangyarihang magkontrol, mag-angat, at magpasigla sa buhay ng tao. Sa espirituwalismo, marami ang natuturuang maniwala na ang kagustuhan ang pinakamataas na batas, na ang lisensya ay kalayaan, na ang tao ay mananagot lang sa sarili. PnL
Ang alagad ni Cristo ay makasasagupa ng mga ganitong “nakahahalinang mga salita” na binigyang babala ng apostol sa mga mananampalataya sa Colosas. Makahaharap niya ang mga pagpapaliwanag ng espirituwalismo sa Biblia, datapwat hindi nila dapat itong tanggapin. Ang kanilang tinig ay dapat madinig sa matatag na pagpapatibay ng mga walang hanggang katotohanan ng Kasulatan. Ang kanilang mga mata ay nananatiling nakatuon kay Cristo, sila’y patuloy na lalakad sa landas na inilahad sa kanila, na itinatakwil ang mga isipang hindi kaayon ng Kanyang turo. Ang katotohanan ng Diyos ang siyang dapat na maging paksa ng kanilang pagbubulaybulay. Ituturing nila ang Biblia bilang tinig ng Diyos na tuwirang nagsasalita sa kanila. Sa ganito ay makasusumpong sila ng karunungang banal.— The Acts Of The Apostles , pp. 473-475. PnL