Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako, ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo. Awit 34:11. PnL
Kung ano ang mga magulang, sa malaking bahagi, ay magiging gayundin ang mga anak. Ang mga pisikal na kalagayan ng mga magulang, ang kanilang disposisyon at gana sa pagkain, ang kanilang mental at moral na pagkahilig, sa malaki man o sa maliit na antas, ay mabubuong muli sa kanilang mga anak. PnL
Kapag mas marangal ang layunin, mas mataas ang mental at espirituwal na mga kaloob, at kapag mas mabuti ang pag-unlad ng pisikal na lakas ng mga magulang, mas mabuti ang magiging pagpapalaki nila sa kanilang mga anak. Sa paglilinang nang pinakamabuti para sa kanilang sarili, ang mga magulang ay nakaiimpluwensya sa pagbubuo ng lipunan at pagpapataas sa hinaharap na mga henerasyon. PnL
Kailangang maiintindihan ng mga magulang ang kanilang responsibilidad. Ang mundo ay puno ng silo para sa mga paa ng mga talubata. Marami ang naaakit ng isang buhay ng pagkamakasarili at pagpapalayaw sa laman. Hindi nila nauunawaan ang mga nakatagong panganib o nakatatakot na kahihinatnan ng landas na tila daan ng kasiyahan para sa kanila. Sa pamamagitan ng pagpapakasasa ng pagnanasa at kapusukan, nasasayang ang kanilang mga lakas, at milyun-milyon ang napapahamak sa mundong ito at sa mundong darating. Dapat maalaala ng mga magulang na talagang haharap ang kanilang mga anak sa ganitong mga tukso. Bago pa man ang pagkapanganak ng bata, ang paghahanda ay dapat magsimula na, ito ang tutulong upang matagumpay na mapaglabanan ang digmaan laban sa kasamaan. PnL
May lalong higit na responsibilidad ang nakasalalay sa ina. Siya, na sa kanyang dugo ng buhay ay natustusan ang bata at nagbuo sa katawang pisikal, ay nagbabahagi rin sa mga ito ng mental at espirituwal na mga impluwensya na gumagawi sa pagbubuo ng isipan at ng karakter. Si Jokebed, na inang Hebreo, na may matibay na pananampalataya, ay hindi “natakot sa utos ng hari” (Hebreo 11:23), na sa kanya ipinanganak si Moises, na tagapagligtas ng Israel. Si Ana, ang babae ng panalangin at may pagpapakasakit sa sarili at makalangit na inspirasyon, na siyang nagsilang kay Samuel, ang batang tinuruan ng langit, ang matapat na tagahatol, ang may tatag ng mga paaralang ukol sa Diyos. Si Elizabeth na kamag-anak at kapamilya sa espiritu ni Maria ng Nazaret, na siyang ina ng tagapagbalita ng Tagapagligtas. . . . PnL
Ang epekto ng mga impluwensya sa pagbubuntis ay tinitingnan ng maraming mga magulang bilang isang kaunting sandali lang; subalit hindi ganito ang tingin ng langit dito. Ang mensaheng inihatid ng isang anghel ng Diyos, at dalawang beses na ibinigay sa pinakataimtim na paraan [tingnan ang Hukom 13:7, 13, 14], ay nagpapakita dito bilang nararapat sa ating pinakamaingat na pagpapahalaga.— The Ministry Of Healing, pp. 371, 372. PnL