Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit. Lucas 10:18. PnL
Taglay ang malaking pagmamayabang, ay pinagbawalan ng mga rabi ang mga tao na huwag tanggapin ang mga bagong aral na itinuturo ng bagong gurong ito [Jesus]; sapagkat ang Kanyang mga teorya at mga gawain ay nasasalungat sa mga turo ng mga magulang. Pinaniwalaan ng mga tao ang itinuro ng mga saserdote at mga Fariseo, sa halip na pagsikapan sa sarili nilang maalaman ang itinuturo ng salita ng Diyos. Pinarangalan nila ang mga saserdote at mga pinuno sa halip na ang parangalan ay ang Diyos, at tinanggihan nila ang katotohanan upang maingatan nila ang kanilang mga nakasanayang tradisyon. Marami ang napapaniwala at halos susunod na lang; subalit hindi nila sinunod ang iniuutos ng kanilang damdamin, at sa gayo’y hindi sila napabilang sa panig ni Cristo. Ipinakilala ni Satanas ang kanyang mga tukso, hanggang sa ang liwanag ay lumitaw na parang kadiliman. Sa ganyang paraan tumanggi ang marami sa katotohanan na sana ay siyang nagligtas sa kanilang kaluluwa. PnL
Sinasabi ng Tunay na Saksi, “Narito, Ako’y nakatayo sa pintuan, at tumutuktok.” (Apocalipsis 3:20.) Bawat babala, saway, at pakiusap na nakapaloob sa Salita ng Diyos o sinasalita man ng Kanyang mga tagapagbalita, ay isang katok sa pintuan ng puso. Iyon ang tinig ni Jesus na humihiling na Siya’y papasukin. Bawat katok na dipinakikinggan, ay lalong nagpapahina sa kalooban na magbukas. Ang mga udyok ngayon ng Banal na Espiritu kung hindi papansinin, ay hindi na magiging kasinlakas ng sa bukas. Hindi na gaanong makikintalan ang puso, hanggang sa mawala na sa alaala ang kaigsian ng buhay at pati ng buhay na walang-hanggan. Ang hatol sa atin sa paghuhukom ay hindi dahil sa tayo’y namali, kundi dahil sa kinaligtaan natin ang mga pagkakataong padala ng langit na makilala natin ang katotohanan. PnL
Ang 70 [tingnan sa Lucas 10:1] ay tulad din sa mga apostol na nagsitanggap ng di-pangkaraniwang sukat ng kasiglahan sa kanilang pagmimisyon. Nang matapos na nila ang kanilang gawain, nagsibalik silang natutuwa, na nangagsasabing, “Panginoon, pati ang mga demonyo ay sumusuko sa amin sa pamamagitan ng Iyong pangalan.” Sumagot si Jesus. “Nakita Ko si Satanas na nahuhulog na parang kidlat buhat sa langit.” Nagdaan sa isip ni Jesus ang mga tanawin ng nakaraan at ng hinaharap. Nakita Niya si Lucifer nang ito’y unang ihagis buhat sa langit. Natanaw din Niya ang dumarating Niyang paghihirap na doon ay malalantad ang tunay na likas ng magdaraya. . . . PnL
Sa kabila ng krus ng kalbaryo, na kasama ang kadalamhatian at kahihiyan nito, ay tiningnan ni Jesus ang dakilang huling araw, na ang prinsipe ng kapangyarihan ng himpapawid ay ipapahamak sa lupang laon nang dinungisan ng kanyang paghihimagsik. Natanaw ni Jesus na nawakasan na magpakailanman ang gawain ng kasamaan, at ang kapayapaan ng Diyos ay nag-uumapaw sa lupa at langit.— The Desire Of Ages, pp. 489, 490. PnL