Kaya, kung sasabihin nila sa inyo, “Tingnan ninyo, Siya'y nasa ilang,” huwag kayong lumabas. “Tingnan ninyo, Siya'y nasa mga silid,” huwag ninyong paniwalaan. Mateo 24:26. PnL
Datapwat ang bayan ng Diyos ay hindi maililigaw. Ang mga iniaaral ng bulaang cristo na ito’y hindi katugma ng Banal na Kasulatan. Ang pagpapalang kanyang binigkas ay sa mga sumasamba sa hayop at sa kanyang larawan, na siya ring mga taong sinabi ng banal na Kasulatan na bubuhusan ng poot ng Diyos na walang halong habag. PnL
At, bukod sa riyan ay, hindi ipahihintulot na maparisan ni Satanas ang paraan ng pagparito ni Cristo. Binalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang bayan laban sa pandayang ito, at maliwanag Niyang ipinagpauna ang paraan ng Kanyang ikalawang pagparito. . . . “Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.” (Mateo 24:24-27, 31.) Ang pagparitong ito’y hindi matutularan. Ito’y maaalaman ng kalahatan—masasaksihan ng buong sanlibutan. PnL
Iyon lang nagsipag-aral ng buong sikap ng Banal na Kasulatan, at tumanggap ng pagibig sa katotohanan, ang maliligtas sa malakas na pandaya na bibihag sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng patotoo ng Banal na Kasulatan ay mapagkikilala nila ang magdaraya sa kanyang balatkayo. Darating sa lahat ang panahon ng pagsubok. Sa pagliliglig na gagawin ng tukso, ay mahahayag ang tunay na Cristiano. Matitibay na ba ngayon ang mga tao ng Diyos, na anupa’t hindi sila pahihinuhod sa mga pinatutunayang ng kanilang pandama? Sa ganyan bagang kalagayan ay manghahawak sila sa Banal na Kasulatan at sa Banal na Kasulatan lang? Kung mangyayari ay hahadlangan sila ni Satanas sa paghahandang makatayo sa araw na iyon. Aayusin niya ng gayon na lang ang mga bagay na anupa’t masasarhan niya ang kanilang daraanan, babalakidan sila ng mga kayamanan sa lupa, at pagdadalhin sila ng mabibigat at nakapapagal na pasanin, upang malugmok ang kanilang mga puso sa pag-aalaala sa buhay na ito, at sa gayo’y dumating sa kanila ang araw ng pagsubok gaya ng isang magnanakaw. PnL
Tulad ng ipinag-utos ng iba’t ibang pinuno ng sangka-cristianuhan laban sa mga nag-iingat ng kautusan, ang pagtatanggol ng pamahalaan ay aalisin at sila ay pabayaan na sa mga nangagnanasang sila’y ipahamak, ang bayan ng Diyos ay tatakas mula sa mga bayan at mga nayon at magtitipun-tipon sa maliliit na pulutong at maninirahan sa mga ilang at sa mga tagong lugar. Ang marami ay magkakanlong sa matitibay na kuta ng mga bundok. Tulad sa mga Cristiano sa mga libis ng Piyamonte, gagawin nilang mga santuwaryo ang mataas na dako, at pasasalamatan nila ang Diyos dahil sa “magiging muog ng malalaking bato.” (Isaias 33:16.) Datapwat marami mula sa lahat ng bansa, sa lahat ng uri ng tao, marangal at aba, mayaman at dukha, itim at puti, ang ihahagis sa pinakamasama at pinakamabagsik na pagkabusabos.— The Great Controversy , pp. 625, 626. PnL