Panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang walang makaagaw ng iyong korona. Apocalipsis 3:11. PnL
Kung susuotin ng iglesya ang damit ng katuwiran ni Cristo, na inaalis ang lahat ng pagkamasunurin sa sanlibutan, nasa harapan niya ang bukang-liwayway ng maningning at maluwalhating araw. Ang pangako ng Diyos sa kanya ay mananayo magpakailanman. Siya’y gagawin Niyang walang katapusang kagalingan, isang kagalakan ng maraming salinlahi. Ang katotohanan, na pinalalagpas ng mga humahamak at tumatanggi rito, ay magtatagumpay. Bagaman sa ilang pagkakataon ay parang naaantala ito, gayunman ay hindi kailanman matitigil. Pagkakalooban Niya ito ng dagdag na puwersa, upang makapagbigay pa nang higit na impluwensya. Taglay ang lakas ng langit, ito’y maglalagos sa pinakamalakas na sagabal at magtatagumpay sa bawat hadlang. PnL
Ano ang nagpanatili sa Anak ng Diyos sa Kanyang buhay ng paggawa at sakripisyo? Nakita Niya ang mga bunga ng paghihirap ng Kanyang kaluluwa at Siya’y nasiyahan. Sa pagtingin sa walang hanggan, nakita Niya ang kaligayahan nilang sa pamamagitan ng Kanyang kahihiyan ay napatawad at nagtamo ng walang hanggang buhay. Narinig Niya ang sigaw ng tagumpay ng mga tinubos. Narinig Niya ang mga tinubos na umaawit ng awit ni Moises at ng Kordero. PnL
Maaari tayong makatanaw sa hinaharap, sa kapalaran ng langit. Sa Biblia ay nakalarawan ang mga kaluwalhatian ng hinaharap, mga tanawing iginuhit ng kamay ng Diyos, at ang mga ito’y mahal para sa Kanyang iglesya. Sa pananampalataya ay maaari tayong tumayo sa pintuan ng walang hanggang siyudad, at makinig sa mabiyayang pagtanggap na ibinigay sa mga taong sa buhay na ito’y nakipagtulungan kay Cristo, na itinuring ito bilang isang karangalan na magdusa para sa Kanya. Sa pagkarinig ng mga salitang, “Magsiparito kayong mga pinagpala ng Aking Ama,” inialay nila ang kanilang mga korona sa paanan ng Manunubos, na nagsasabing, “Karapat-dapat ang Korderong pinaslang upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at karangalan, at kaluwalhatian, at pagpapala Karangalan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay mapasa-kanyang nakaupo sa luklukan, at sa Kordero magpakailankailanman.” (Mateo 25:34; Apocalipsis 5:12, 13.) PnL
Doon ay mababati ng mga tinubos ang mga taong naghatid sa kanila sa Tagapagligtas, at ang lahat ay magsasama-samang pumuri sa Kanyang namatay upang ang tao ay magkaroon ng buhay na tulad ng sa Diyos. Nagwakas na ang tunggalian. Tapos na ang bagabag at pag-aalitan. Pinupuno ng mga Awitin ng tagumpay ang buong kalangitan sa pag-awit sa kagalakan ng mga tinubos. Karapat-dapat, karapat-dapat ang Korderong pinaslang, at muling nabubuhay, isang nagtagumpay na mananagumpay.— THE ACTS OF The Apostles, pp. 601, 602. PnL