Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon. Josue 24:15. LBD 157.1
Binili tayo ng mahalagang dugo ni Cristo tulad ng isang korderong walang kapintasan. Anong halaga ito, walang kapantay, walang katapusan! Ngunit bagaman binili tayo ni Cristo, at inaanyayahan tayong lumapit sa Kanya, ipinakikita pa rin ng mundo ang mga atraksyon nito sa atin, at nagsusumikap para sa pamumuno nito. Ang pag-ibig ba sa Diyos, o pag-ibig sa mundo, ang magtatagumpay sa labanang ito? Nagbabantay ng bawat daanan patungo sa puso ng tao si Satanas at ang kanyang mga masasamang anghel, na naghahangad na mapilit ang mga kaluluwang tanggapin ang masasamang mungkahi. Nagpapakita ang kaaway ng mga suhol upang maakit tayo sa mundo, tulad ng panunuhol niya kay Cristo sa ilang ng tukso. Malibang umasa tayo sa kapangyarihang wala at hiwalay sa ating sarili, magtatagumpay ang kaaway sa pagtupad ng ating pagkawasak. Ngunit sa pagtingin kay Jesus, sa pag-aaral ng Kanyang buhay at karakter, sa taimtim na paghahangad na maging katulad Niya, kikiling sa tamang direksyon ang ating isipan, upang mapagtagumpayan natin ang pagkamakasarili, at pumili ng landas ng katuwiran. . . . LBD 157.2
Nakikiusap ako sa mga kabataan: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.” May pangangailangan para sa isang tiyak na pagpili; sapagkat sinabi ni Jesus, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at kayamanan.” . . . LBD 157.3
Kung puno ng pag-ibig kay Cristo ang puso ninyo, makikitang mas malakas Siya kaysa mga damdaming namumuno sa inyo, na ang kalayawan ay nag-alis ng marangal na hangarin, at iniwan ang kaluluwa sa kapangyarihan ng mga tukso ni Satanas. . . . Kapag napakilos ang puso ng makasalanan, isinusuko niya ang kanyang kalooban sa kalooban ng Diyos. . . . Nakikita niya kay Jesus ang di-mapantayang kagandahan, at nabibihag ang kanyang puso.— The Youth’s Instructor, October 27, 1892. LBD 157.4