Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng Kanyang likas, at Kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang salita. Nang magawa na Niya ang paglilinis ng mga kasalanan, Siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan. Hebreo 1:3. LBD 19.1
Sino si Cristo?—Siya ang bugtong na Anak ng buhay na Diyos. Siya sa Ama ay tulad ng salitang naghahayag ng kaisipan—gaya ng kaisipang naririnig. Si Cristo ang salita ng Diyos. Sinabi ni Cristo kay Felipe, “Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama.” Ang Kanyang mga salita ay alingawngaw ng salita ng Diyos. Larawan si Cristo ng Diyos, ang kaliwanagan ng Kanyang kaluwalhatian, ang tunay na larawan ng Kanyang likas.— The Youth’s Instructor, June 28, 1894. LBD 19.2
Bilang isang personal na likas, ipinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang Anak. Si Jesus, ang kaliwanagan ng kaluwalhatian ng Ama, “at ang tunay na larawan ng Kanyang likas” (Hebreo 1:3), ay natagpuan sa anyo ng isang tao. Dumating Siya sa sanlibutan bilang isang personal na Tagapagligtas. Bilang isang personal na Tagapagligtas, umakyat Siya sa kaitaasan. Bilang isang personal na Tagapagligtas, namamagitan Siya sa mga bulwagan sa kalangitan. Sa harapan ng luklukan ng Diyos naglilingkod para sa atin ang “isang katulad ng isang Anak ng Tao” (Apocalipsis 1:13). LBD 19.3
Nilambungan ni Cristo, na siyang Liwanag ng sanlibutan, ang nakasisilaw na kaliwanagan ng Kanyang kadiyusan, at dumating upang mabuhay bilang isang tao sa gitna ng mga tao, upang makilala nila ang Manlalalang nang hindi nasusunog. . . . Dumating si Cristo upang turuan ang mga tao kung ano ang ninanasa ng Diyos na kanilang matutuhan. Sa mga kalangitan sa kaitaasan, sa kalupaan, sa malawak na mga tubig ng karagatan, makikita natin ang mga gawa ng Diyos. Nagpapatotoo ang lahat ng mga bagay na nilalang sa Kanyang kapangyarihan, karunungan, at pag-ibig. Ngunit hindi natin matututuhan mula sa mga bituwin o sa karagatan o sa talon ang personalidad ng Diyos kung paano ito nahayag kay Cristo.—Testimonies for the Church, vol. 8, p. 265. LBD 19.4
Maawain, mapagmahal, mahabagin, laging nagmamalasakit sa kapwa, kinatawan Niya ang karakter ng Diyos, at laging abala sa paglilingkod sa Diyos at sa tao. . . . Kung paanong nasa makataong likas si Cristo, gayundin ang ninanasa ng Diyos sa Kanyang mga tagsunod. Dapat tayong mabuhay sa Kanyang kalakasan na may kadalisayan at karangalan na siyang isinakabuhayan ng Tagapagligtas.— Testimonies for the Church, vol. 8, pp. 286, 289. LBD 19.5