Mapapalad kayo kapag kayo’y nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa Akin. Mateo 5:11. LBD 306.1
Walang sinumang lumakad sa gitna ng mga tao na mas malupit na siniraan kaysa Anak ng Tao. Kinutya at hinamak Siya dahil sa walang-tinag Niyang pagsunod sa mga prinsipyo ng banal na kautusan ng Diyos. Nagalit sila sa Kanya nang walang dahilan. Gayunman ay mahinahon Siyang tumayo sa harap ng Kanyang mga kaaway, sinasabi na ang panlilibak ay bahagi ng mana ng Cristiano, pinapayuhan ang Kanyang mga tagasunod kung paano haharapin ang mga pana ng masamang hangarin, sinasabihan silang huwag manghina kapag inuusig. LBD 306.2
Bagaman maaaring paitimin ng paninira ang reputasyon, hindi nito kayang dungisan ang karakter. Nasa pag-iingat iyan ng Diyos. Hangga’t hindi tayo pumapayag na magkasala, walang kapangyarihan, ng tao man o demonyo, ang makapaglalagay ng bahid sa kaluluwa. Ang taong nagtitiwala ang puso sa Diyos ay magkapareho lang sa panahon ng pinakamahihirap niyang pagsubok at pinakapangit na kalagayan at sa panahon ng kasaganaan, kapag parang nasa kanya ang liwanag at pabor ng Diyos. Ang kanyang mga salita, ang kanyang mga motibo, at ang kanyang mga kilos, ay maaaring maliin at pasinungalingan, pero bale-wala ito sa kanya, dahil may mas malalaking kapakanan siyang nakataya. Tulad ni Moises, nakapagtitiis Siya na para bang “nakakakita sa Kanya na hindi nakikita” (Hebreo 11:27) . . . . LBD 306.3
Kilala ni Cristo ang lahat ng di-nauunawaan at minamali ng mga tao. Kayang maghintay ng Kanyang mga anak sa payapang pagpapasensya at pagtitiwala gaano man sila sinisiraan at hinahamak; sapagkat walang nakatago na hindi mahahayag, at pararangalan din Niya sa presensya ng mga tao at mga anghel ang mga nagpaparangal sa Diyos. LBD 306.4
“Kapag kayo’y nilalait at inuusig ng mga tao,” sabi ni Jesus, “magalak kayo at magsayang maigi” (Mateo 5:11, 12).— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 53, 54. LBD 306.5
“Malaki ang gantimpala . . . sa langit” ng mga saksi para kay Cristo sa pamamagitan ng pag-uusig at kahihiyan. Samantalang naghahanap ang mga tao ng makalupang ari-arian, itinuro sila ni Jesus sa makalangit na gantimpala. Pero hindi Niya inilalagay ang lahat ng ito sa buhay na darating; nagsisimula na ito dito.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 57. LBD 306.6