Subalit kasama ni Jose ang Panginoon at nagpakita sa kanya ng tapat na pag-ibig, at pinagkalooban siya ng biyaya sa paningin ng bantay sa bilangguan. Genesis 39:21. LBD 318.1
Itinuring ni Jose na pinakamalaking kalamidad na maaaring mangyari sa kanya ang pagkakabenta sa kanya sa Ehipto; pero nakita niya ang pangangailangang magtiwala sa Diyos nang higit pa sa kanyang ginagawa nang protektado pa siya ng pagmamahal ng kanyang ama. Dala ni Jose ang Diyos sa Ehipto, at kita ang katotohanang ito sa masayahin niyang pagkilos sa gitna ng kanyang kalungkutan. Kung paanong nagdulot ang kaban ng Diyos ng kapahingahan at kasaganaan sa Israel, gayundin naghatid ng pagpapala sa Ehipto ang mapagmahal sa Diyos at may-takot sa Diyos na kabataang ito. Ito ay talagang litaw na litaw anupa’t iniuukol ni Potifar, na may-ari ng bahay na pinaglingkuran niya, ang lahat ng natamo niyang pagpapala sa nabili niyang alila.— The Youth’s Instructor, March 11, 1897. LBD 318.2
Pinanatili ng relihiyon na magiliw ang kanyang pag-uugali at mainit at matatag ang pakikiramay sa sangkatauhan, sa kabila ng lahat ng pagsubok sa kanya. May mga taong kapag nakaramdam na inabuso sila, ay nagiging matabang, madamot, masungit, at walang-galang sa kanilang mga salita at kilos. Lumulubog silang nanlulupaypay, nasusuklam, at nagagalit sa iba. Subalit isang Cristiano si Jose. Pagkapasok na pagkapasok niya sa buhay sa bilangguan, isinagawa na agad niya ang lahat ng kaningningan ng kanyang mga Cristianong prinsipyo; pinasimulan niyang gawing kapaki-pakinabang ang kanyang sarili sa iba. Pinasukan niya ang mga problema ng mga kapwa niya bilanggo. Masayahin siya, sapagkat isang siyang Cristianong maginoo. Inihahanda siya ng Diyos sa ilalim ng pagsasanay na ito para sa kalagayang may malaking pananagutan, karangalan, at kapakinabangan, at handa naman siyang matuto; buong kabutihan niyang isinapuso ang mga liksyong gustong ituro sa kanya ng Panginoon. Natutuhan niyang magpasan ng pamatok sa kanyang kabataan. Natutuhan niyang mamahala sa pamamagitan ng pagkatuto munang siya mismo ay sumunod. . . . LBD 318.3
Ang bahaging ginampanan ni Jose kaugnay ng mga tagpo sa malungkot na bilangguan, ay siyang sa wakas ay nag-angat sa kanya sa tagumpay at karangalan. Balak ng Diyos na magtamo siya ng karanasan sa pamamagitan ng mga tukso, kabiguan, at kahirapan, upang ihanda siyang punan ang isang mataas na katungkulan. Dala ni Jose kahit saan ang kanyang relihiyon, at ito ang sekreto ng walang-tinag niyang pagtatapat.— The S.D.A. Bible Commentary, vol. 1, p. 1097. LBD 318.4