Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin akong mabuti, at isang malaking karamihan ng tao, na walang makabilang, mula sa bawat bansa at lipi at bayan at wika, ang nakatayo sa harapan ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay. Apocalipsis 7:9. LBD 361.1
Kasama ng mga nakatira sa lupa, na nakakalat sa bawat lupain, ay iyong mga hindi lumuhod kay Baal. Kagaya ng mga bituin sa langit, na lumilitaw lamang kapag gabi, ang mga tapat na ito ay magliliwanag kapag tinakpan na ng kadiliman ang lupa at ng makapal na dilim ang mga tao (Isaias 60:2). Sa paganong Africa, sa mga Katolikong lupain ng Europe at ng South America, sa China, sa India, sa mga isla ng dagat, at sa lahat ng madidilim na sulok ng lupa, ang Diyos ay may reserbadong papawirin ng mga pinili na magliliwanag pa lang sa gitna ng kadiliman, na inihahayag nang buong linaw sa tumalikod na sanlibutan ang bumabagong kapangyarihan ng pagsunod sa Kanyang kautusan. Kahit ngayon sila ay lumilitaw na sa bawat bansa, sa gitna ng bawat wika at bayan; at sa oras ng pinakamalalim na pagtalikod, kapag pinatanggap na ng sukdulang pagsisikap ni Satanas ang “lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin” (Apocalipsis 13:16), sa ilalim ng parusang kamatayan, ng tanda ng katapatan sa maling araw ng kapahingahan, ang mga tapat na ito, na “walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis,” ay “lumiliwanag . . . tulad ng mga ilaw sa sanlibutan” (Filipos 2:15).— Prophets and Kings, pp. 188, 189. LBD 361.2
Tandaan nating may malaking pagkikita-kitang mangyayari di-magtatagal. Nasa harapan lang natin ang walang-hanggang buhay, at ang lunsod ng Diyos. Naroon ang mga anghel ng Diyos, at naroon din si Cristo.— Manuscript 101, 1908. LBD 361.3
Bubukas ang pintuan ng siyudad sa nangingintab nitong mga bisagra, at ang mga bansang nag-ingat sa katotohanan ay papasok (Isaias 26:2). Lalagyan ang bawat ulo ng isang korona. Sasabihin ang mga salitang, “Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan” (Mateo 25:34). Para kanino ito inihanda?—Para sa mga masunurin; iyong mga tumutupad sa Kanyang mga utos, at gumagawa sa Kanyang kalooban. . . . Habang kinakalabit ng mga banal na anghel ang kanilang mga alpa, gusto ng Panginoon na sumabay ka, kinakanta ang awit ng pagtatagumpay sa lunsod ng Diyos.— Manuscript 113, 1908. LBD 361.4