Mula sa isang buhay na mayaman sa karanasan at isang pusong naliwanagan ng banal na mga kapahayagan, si Ellen G. White, habang naglalakbay sa landas ng buhay, ay laging handang magbigay ng tulong o magsalita ng salitang pampalakas ng loob. Isang anak na lalaki o babae ng Diyos ang bawat Cristiano para sa kanya, na may napakaraming pagkakataon sa kanyang harapan, at mga anghel ng Diyos na nasa kanyang tabi upang magbantay at gumabay sa kanya. Umagos mula sa kanyang walang kapaguran at kinasihang panulat ang napakaraming mga mensahe tungkol sa pagbibigay-lakas ng loob, payo, turo, at pagpapaliwanag. Mula sa isang sanlinggo hanggang sa panibagong sanlinggo sa pamamagitan ng YOUTH’S INSTRUCTOR, nangusap siya sa mga kabataan ng iglesia, at hinarap niya sa REVIEW AND HERALD ang mga kaanib nito sa pangkalahatan. Iningatan ng kanyang mga aklat sa mas permanenteng anyo ang mga turo at mga babalang ito upang mabasa ng lahat. Marami ang nakinabang sa pamamagitan ng mga pakikipagtalastasang personal na inilaan sa kanila. LBD 4.1
Natipon sa tomong ito, sa pamamagitan ng mga pang-araw-araw na babasahin, ang mga angkop na payo at turo mula sa pinagsamang mga isinulat ni E. G. White na naingatan sa tanggapan ng Ellen G. White Publications. Maraming beses na naglalarawan ang mga mensahe para sa isang araw ng isang panibagong pananaw dahil si Ellen White, sa iba’t ibang kalagayan ng kanyang karanasan, ay nagbahagi ng mga salita ng kaluguran at pampalakas-loob. Sa bawat pagkakataon, hinalaw man ito sa aklat, artikulo sa peryodiko, o manuskrito, nakatala ang reperensyang pinagkunan. Binuo ang tomong ito sa ilalim ng direksyon ng mga Trustees na pinagkatiwalaan ni Gng. White ng kanyang mga naisulat, at sang-ayon sa kanyang mga tagubilin sa Board na ito. LBD 4.2
Madaling mapansin na sa pagsisikap na mapanatili sa iisang pahina ang babasahin para sa isang araw at kasabay nito ay makapagbigay ng maayos na paglalahad, may mga pagkakataong kinailangang paigsiin ang mga piling pananalita. Ipinakikita ang mga ganitong pagpapaigsi ng mga bantas na ellipsis. LBD 4.3
Ang maihatid ng tomong ito ang bawat mambabasa sa isang mas malalim na pagpapahalaga sa kung ano ang kahulugan ng pagiging isang anak ng Diyos, ang taos-pusong hangarin ng mga naglimbag at LBD 4.4
Mga Katiwala ng Ellen G. White Publications
Washington, D.C.