Sapagkat ang Diyos ang nagsabi, “Magningning ang ilaw sa kadiliman,” na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay-liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo. 2 Corinto 4:6. TKK 196.1
Dapat talagang maging mga kinatawan ni Cristo ang mga Kristiyano; hindi sila dapat maging mga nagkukunwari. Bubuo ba ang sanlibutan ng kanilang pagkaunawa sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay na gumagamit lamang ng pangalan ni Cristo, at hindi ginagawa ang Kanyang mga gawa? Titingalain ba nila ang mga nag-aangking mananampalataya, ngunit sa kanilang mga puso ay hindi nananampalataya, na nagtataksil sa banal na pagtitiwala, at ginagawa ang mga gawain ng kaaway, at nagsasabing, “O, Cristiano ang mga ito, at sila'y madadaya at nagsisinungaling, at hindi mapagkakatiwalaan”? Hindi tunay na kinatawan ng Diyos ang mga ito. TKK 196.2
Ngunit hindi iiwan ng Diyos ang sanlibutan para madaya. May mga natatanging mga tao sa mundo ang Diyos, at hindi Siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid, sapagkat kanilang ginagawa ang gawain ni Cristo. Kanilang ipinakikita na iniibig nila ang Diyos, sapagkat kanilang sinusunod ang Kanyang mga utos. Taglay nila ang larawan ng banal. Sila'y panoorin sa sanlibutan, sa mga anghel, at sa mga tao. Sila'y nakikipagtulungan sa mga lingkod ng kalangitan, at higit kinikilala at niluluwalhati ang Panginoon nilang mga gumagawa ng pinakamabuting gawain. TKK 196.3
Nahahayag ang tunay na kabanalan ng puso sa pamamagitan ng mabuting mga salita at mabuting mga gawa, at nakikita ng mga tao ang gawa ng mga umiibig sa Diyos. Nag-uumapaw sa mabuting gawa ang totoong Kristiyano, nagbubunga siya ng marami. Nagpapakain siya ng mga nagugutom, dinaramtan ang mga hubad, dumadalaw sa mga may sakit, at naglilingkod sa mga nagdurusa. Ang mga Kristiyano ay taos-pusong nagbibigay pansin sa mga bata sa kanyang paligid na handang mapahamak sa mapandayang tukso ng kaaway. . . . Mayroong mga kabataang nakapalibot sa atin kung saan ang mga miyembro ng iglesya ay may tungkulin; sapagkat namatay si Cristo para sa kanila doon sa krus ng Kalbaryo para bilhin para sa kanila ang kaloob na kaligtasan. Mahalaga sila sa paningin ng Diyos, at nais ng Diyos ang kanilang walang-hanggang kaligayahan. TKK 196.4
Ang nagliligtas na gawain ni Cristo ay lubos kung gagawin lamang ng iglesya ang kanilang bahagi, na tumitindig at nagniningning dahil ang kanilang liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa kanila. Tumatawag si Jesus para sa boluntaryong pakikisangkot sa bahagi ng Kanyang mga lingkod para sa masigasig na paggawang nagpapatuloy para sa kaligtasan ng mga kaluluwa.— REVIEW AND HERALD, January 29,1895 . TKK 196.5