Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan, 2 Timoteo 2:15, TKK 218.1
Hayaang maghanap ng oportunidad ang mga guro at mga estudyante para ipahayag si Cristo sa kanilang mga pag-uusap. Ang ganoong pagsaksi ay higit na magiging epektibo kaysa maraming sermon. . . . TKK 218.2
Mga estudyante, hanggang maaari ay gawin ninyong sakdal ang inyong buhay sa paaralan. Isang beses lamang magdadaan diyan, at napakahalaga ng mga oportunidad na ibinibigay sa inyo. Hindi niyo kailangang matuto lamang sa halip ay isagawa ang mga aral ni Cristo. Habang ginagawa ang iyong pag-aaral, mayroon kang pagkakataong magsabi ng mga kahanga-hangang katotohanan ng Salita ng Diyos. Palaguin ang gayong mga pagkakataon. Pagpapalain ng Diyos ang bawat minutong ginugol dito. Panatilihin ang iyong pagiging simple at pag-ibig sa mga kaluluwa, at aakayin ka ng Diyos sa ligtas na mga daan. Ang mayamang karanasang nakuha mo ay magiging higit na mahalaga sa ginto at pilak o mahahalagang mga bato. TKK 218.3
Hindi mo alam kung saang posisyon maaari kang tawagin pagdating ng panahon. Maaaring gamitin ka ng Diyos kung paanong ginamit si Daniel, ang magdala ng kaalaman sa katotohanan sa mga makapangyarihan ng sanlibutan. Nakabatay sa iyo na magsabi kung magkakaroon ka ng husay at kaalaman para magawa ang trabahong ito. Maaari kang bigyan ng Diyos ng husay sa lahat ng kaalaman. Matutulungan ka Niyang maiangkop ang iyong sarili sa linya ng pag- aaral na iyong kinuha. Gawin mong pangunahing isipan na makakuha ng tama, mataas, at nag-aangat na mga prinsipyo. Nais ng Diyos na maging saksi ka para sa Kanya. Hindi Niya nais na nakatayo ka lamang; nais Niyang tumakbo ka sa daan ng Kanyang mga kautusan. TKK 218.4
Nais gamitin ni Cristo ang bawat estudyante bilang kinatawan Niya. Dapat tayong makipagtulungan sa Kanya na nagbigay ng Kanyang sarili sa iyo. Gaano kalaking pagpapala ang darating sa ating mga paaralan kung ang mga guro at ang mga estudyante ay magtatalaga ng kanilang sarili, puso, isip, kaluluwa, at kalakasan, sa paglilingkod sa Panginoon bilang Kanyang katulong! Kanyang kasamang mangagawa—iyon ang maaaring maging kung sino ka kung iyong isusuko ang iyong sarili sa Kanyang pag-iingat. Maingat ka Niyang pangungunahan, at tutulungan ka Niyang tuwirin ang mga daan para sa iyong sarili at para sa iba. Bibigyan ka Niya ng kaalaman at karunungan, at ang pagiging nararapat sa ganap na paglilingkod.— COUNSELS TO PARENTS AND TEACHERS, pp. 554, 555 . TKK 218.5