“Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan,’” Lucas 18:13, TKK 295.1
Dapat tayong madalas na nananalangin. Ang pagbubuhos ng Espiritu ng Diyos ay sagot sa taimtim na pananalangin. Ngunit tandaan ang katotohanang ito tungkol sa mga alagad. Ang tala ay nagsasabi, “Silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar. Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo. Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo” (Mga Gawa 2:1-4). TKK 295.2
Hindi sila nagtipon para pag-usapan ang mga maliliit na piraso ng iskandalo. Hindi nila hinahangad na ilantad ang bawat mantsa na makikita nila sa pagkatao ng isang kapatid. Nadama nila ang kanilang espiritwal na pangangailangan, at nagsumamo sa Panginoon para sa banal na unsyon para tulungan silang madaig ang kanilang mga kahinaan, at upang maging karapatdapat sa gawain ng pagliligtas sa iba. Nanalangin sila nang may matinding kasigasigan nang maibuhos sa kanilang mga puso ang pag-ibig ni Cristo. TKK 295.3
Ito ang malaking pangangailangan natin ngayon sa bawat iglesya ng ating bayan. Sapagkat “kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago” (2 Corinto 5:17). Nilinis ng pag-ibig ni Jesus mula sa kaluluwa ang hindi kanais-nais sa pagkatao. Pinatalsik lahat ng pagkamakasarili, tinanggal lahat ng inggit at masamang pananalita, at isang lubos na pagbabago ang nalikha sa puso. “Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan” (Galacia 5:22, 23). “Ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan” (Santiago 3:18). TKK 295.4
Sinasabi ni Pablo na “tungkol sa kautusan”—sa mga bagay na may kinalaman sa panlabas na kilos—siya ay “walang kapintasan,” ngunit kung ang espiritwal na katangian ng kautusan ang naunawaan, nang siya'y tumingin sa banal na salamin, nakita niya ang kanyang sarili na isang makasalanan. Nang hinusgahan sa pamamagitan ng pamantayan ng tao, umiwas siya sa kasalanan, subalit nang tumingin siya sa kalaliman ng kautusan ng Diyos, at nakita ang kanyang sarili gaya ng pagtingin ng Diyos sa kanya, yumuko siya sa kahihiyan, at ipinagtapat ang kanyang pagkakasala.— REVIEW AND HERALD, July 22,1890 . TKK 295.5