Sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa kanyang mga yapak, “Siya'y hindi nagkasala, at walang natagpuang pandaraya sa kanyang bibig” Nang siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kanyang sarili doon sa humahatol na may katarungan, Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa punungkahoy, upang tayo'y mamatay sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran; dahil sa kanyang mga sugat ay gumaling kayo, 1 Pedro 2:21-24. TKK 378.1
Sa lahat ng ating kapighatian si Jesus ay napighati, at nagging sakdal ang Tagapagtatag ng ating kaligtasan sa pamamagitan ng pagdurusa. Sa buhay na ito mapapatunayan tayo kung kakayanin natin ang pagsubok ng Diyos. Darating sa atin ang mga tukso ni Satanas, at masusubukan tayo, subalit ang pinakamahalagang katanungan sa atin ay Madadaig ba tayo? o tayo ba ay magiging mananagumpay? . . . Gaya ng ating dakilang Halimbawa, maaari nating salubungin si Satanas sa pamamagitan ng sandata ng Salita ng Diyos, sinasabi sa kanya habang tinutukso tayong gumawa ng masama, “Nasusulat” (Mateo 4:4). TKK 378.2
Mas nalalaman ni Satanas kaysa sa maraming nagpapahayag na Kristiyano kung ano ang nasusulat, sapagkat isa siyang masigasig na mag-aaral ng Biblia, at gumagawa siya upang baluktutin ang katotohanan, at ihatid ang tao sa landas ng pagsuway. Inihahatid niya ang tao na pabayaan ang pagsasaliksik ng Salita ng Diyos; sapagkat alam niyang nagpapatotoo ito laban sa kanya, na masama ang kanyang mga gawa. Inilalarawan siya nito bilang tumalikod na anghel na nahulog mula sa langit, at hinila ang marami sa mga hukbo ng langit kasunod niya sa isang kurso ng paghihimagsik laban sa kanilang Manlalalang. TKK 378.3
Patuloy na nagsusumikap si Satanas na ilayo ang mga isipan ng tao mula sa Diyos at sa Kanyang Salita. Alam niyang kapag nagawa niyang magdulot sa tao ng kapabayaan sa Salita ng Diyos, madali na lamang niya silang mapapalayo mula sa mga alituntunin nito, at sa huli ay makalimutan ang kanilang Manlilikha. Pagkatapos ay tatanggap sila ng mga payo at mga tagubilin sa kaaway ng Diyos at tao, at bubuo ng samahan ang masasamang tao at masasamang anghel laban sa Diyos ng langit. TKK 378.4
Sasailalim sa mga pagsubok at mga tukso ang mga magiging tapat sa Diyos; subalit kung sila ay tunay na buhay sa Diyos, at ang kanilang buhay ay natatago sa Diyos kasama ni Cristo, malalaman nila kung paano magkaroon ng mga pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tapat at masunurin.— SIGNS of THE TIMES, August 28,1893 . TKK 378.5