“Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis. Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan” Mateo 25:3, 4, TKK 14.1
Marami ang kaagad-agad na tumatanggap sa katotohanan, pero bigo silang isabuhay ang katotohanan, at ang impluwensiya nito ay hindi tumatagal. Katulad sila nung mga dalagang hangal, na walang langis sa kanilang mga lalagyan kasama ng kanilang mga ilawan. Ang langis ay simbolo ng Banal na Espiritu, na napapasa-kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Yung mga masisikap na nagsasaliksik ng Kasulatan nang may lubhang pananalangin, na nagtitiwala sa Diyos sa matibay na pananampalataya, na tumutupad sa Kanyang mga utos, ay makakasama ng mga kinakatawanan ng matatalinong dalaga. Ang turo ng Salita ng Diyos ay hindi oo at hindi, kundi oo at amen. TKK 14.2
Malawak ang mga ipinagagawa ng ebanghelyo. Sabi ng apostol, “At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan Niya” (Colosas 3:17). “Kaya kung kayo man ay kumakain, umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos” (1 Corinto 10:31). Ang praktikal na kabanalan ay hindi makakamit sa pamamagitan ng pagbibigay ng lugar sa mga dakilang katotohanan ng Biblia sa bulwagan sa labas ng puso. Kailangang madala ang relihiyon ng Biblia sa malalaki't maliliit na gawain sa buhay. Dapat nitong maibigay ang mga makapangyarihang motibo at prinsipyo na kokontrol sa karakter at mga pagkilos ng Kristiyano.... TKK 14.3
Ang langis na kailangang-kailangan nung mga kinakatawanan ng mga hangal na dalaga ay hindi inilalagay sa labas. Kailangan nilang dalhin ang katotohanan sa santuwaryo ng kaluluwa, para ito'y makalinis, makapino, at makapagpabanal. Hindi teorya ang kailangan nila; kundi ang mga sagradong katuruan ng Biblia, na hindi walang-katiyakan at bukud-bukod na mga doktrina kundi mga buhay na katotohanan, na may-kinalaman sa mga walang-hanggang interes na nakasentro kay Cristo. Ang kumpletong sistema ng banal na katotohanan ay nasa Kanya. Ang kaligtasan ng kaluluwa, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ay siyang haligi at suhay ng katotohanan. TKK 14.4
Yung mga nagsasanay ng tunay na pananampalataya kay Cristo ay ipinakikita ito sa pamamagitan ng kabanalan ng karakter, sa pagsunod sa kautusan ng Diyos. Nakikita nila na ang katotohanang nakay Jesus ay abot hanggang langit, at saklaw ang walang hanggan. Nauunawaan nila na ang karakter ng Kristiyano ay dapat kumatawan sa karakter ni Cristo, at dapat na mapuno ng biyaya at katotohanan. Sa kanila ibinibigay ang langis ng biyaya, na tumutustos sa liwanag na hindi aandap- andap. Ang Banal na Espiritu sa puso ng mananampalataya ay ginagawa siyang kumpleto kay Cristo.— REVIEW AND HERALD, September 17,1895. TKK 14.5