“Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos,” 1 Corinto 2:11, TKK 107.1
Hindi pagbuo o pag-imbento ng isang bagong bagay ang kapahayagan, kundi ang paghahayag, hanggang sa maipahayag ang mga ito, ang mga bagay na hindi alam ng mga tao. Ang mga dakila at walang hanggang katotohanan na nasa ebanghelyo ay nahahayag sa pamamagitan ng masikap na paghahanap at pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos. Pinangungunahan ng banal na Tagapagturo ang pag-iisip ng mapagpakumbabang nagsasaliksik para sa katotohanan; at sa pamamagitan ng paggabay ng Banal na Espiritu, nahahayag sa kanya ang mga katotohanan ng Salita. At wala nang higit pang tiyak at mabuting paraan ng kaalaman kaysa sa magabayan sa ganitong paraan. Ang pangako ng Tagapagligtas ay “Kapag dumating na ang Espiritu ng katotohanan, papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:13). Nauunawaan natin ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng Banal na Espiritu. TKK 107.2
Isinulat ng mang-aawit, “Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan? Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa Iyong salita. Hinanap kita nang buong puso ko; O huwag nawa akong maligaw sa mga utos Mo!... Buksan Mo ang aking mga mata upang makita ko, ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan Mo” (Awit 119:9-18). TKK 107.3
Sinasabihan tayong hanapin ang katotohanan na parang nakatagong kayamanan. Binubuksan ng Panginoon ang pang-unawa ng tunay na naghahanap ng katotohanan; at binibigyan siya ng kakayahan ng Banal na Espiritu upang tanggapin ang mga katotohanan ng kapahayagan. Ito ang tinutukoy ng mang-aawit sa kanyang kahilingang buksan ang kanyang mga mata upang makita ang mga bagay na kamangha-mangha mula sa kautusan. Kapag nauuhaw ang kaluluwa para sa mga kabutihan ni Jesu-Cristo, binibigyang lakas ang pag-iisip upang tanggapin ang mga kaluwalhatian ng mas mabuting mundo. Sa pamamagitan lamang ng tulong ng banal na Tagapagturo mauunawaan natin ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Sa paaralan ni Cristo tayo matututong maging maamo at mapagpakumbaba dahil ibinibigay sa atin ang kaunawaan ng mga hiwaga ng Kadiyosan. TKK 107.4
Siyang kumasi sa Salita ang tunay na tagapagpaliwanag ng Salita. Inilarawan ni Cristo ang Kanyang mga turo sa pamamagitan ng pagtawag ng pansin ng Kanyang mga tagapakinig sa mga payak na batas ng kalikasan, at sa mga pangkaraniwang bagay na kanilang nakita at nahawakan. Sa ganitong paraa'y nadadala ang kanilang mga pag-iisip mula sa natural tungo sa espiritwal.— SABBATH-SCHOOL WORKER, December 1,1909. TKK 107.5