“Upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos. Subalit sa mga may gulang na ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng panahong ito, o ng mga pinuno sa panahong ito, na ang mga ito'y mauuwi sa wala. Kundi nagsasalita kami tungkol sa karunungan ng Diyos, na hiwaga at inilihim, na itinalaga ng Diyos bago ang mga panahon para sa ikaluluwalhati natin” 1 Corinto 2:5-7. TKK 114.1
Tinatanggap kayo sa Minamahal. Nagkaroon ako ng pinakataimtim na pagnanasang dalisayin ninyo ang isang karakter na Kristiyano, hindi sa inyong sariling kalakasan, kundi sa kalakasan at sa kabutihan at katuwiran ni Cristo. Ang pagbibigay ng Banal na Espiritu ang pinakadakilang regalo na maibibigay ng Diyos sa taong may kamatayan. Ito'y libre para sa lahat at sa kaloob na ito'y walang pagtutuos. Tanging ipinakita ng regalong ito ang pag-upo ng bugtong na Anak ng Diyos sa Kanyang kaharian ng pamamagitan. Dito, ang kaloob ng Mang-aaliw, ipinapakita ng Panginoong Diyos ng kalangitan sa tao ang sakdal na pakikipagkasundo na Kanyang isinagawa sa pagitan Niya at sa tao. “Taglay natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa” sabi ng apostol, “na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing, na doo'y naunang pumasok para sa atin” (Hebreo 6:19, 20). TKK 114.2
Hindi ba't sinabi ng Diyos na Kanyang ibibigay ang Banal na Espiritu sa kanila na humihingi sa Kanya? At hindi ba isang tunay at totoong Gabay ang Espiritu? Tila natatakot ang iba na paniwalaan ang salita ng Diyos, na para bang ito'y magiging kapangahasan sa kanila. Nananalangin sila na turuan sila ng Panginoon ngunit natatakot na kilalanin ang ipinangakong salita ng Diyos at maniwala na sila'y naturuan Niya. Habang mapagpakumbaba tayong lumalapit sa ating Ama sa langit at may espiritung handa at nasasabik na maturuan, bakit natin pagdududahan ang pagtupad ng Diyos sa kanyang sariling pangako? Hindi ka dapat mag-alinlangan sa Kanya maski isang sandali at sa paggawa nito'y siraan Siya ng puri. TKK 114.3
Kapag nagsumikap ka na malaman ang Kanyang kalooban, bahagi mo sa pagkilos kasama ang Diyos na maniwala ka na pangungunahan at gagabayan ka at pagpapalain sa paggawa ng Kanyang kalooban. Maaari tayong mawalan ng tiwala sa ating sarili na maaari nating bigyan ng maling interpretasyon ang Kanyang mga turo, ngunit kahit ito'y ipanalangin ninyo at magtiwala sa Kanya, at magtiwala pa rin sa Kanya hanggang sa sukdulan, na pangungunahan ka ng Kanyang Banal na Espiritu upang maipaliwanag nang wasto ang Kanyang mga panukala at ang paggawa ng Kanyang pangangalaga.— Manuscript RELEASES, vol. 6, pp. 223, 224 . TKK 114.4