“Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga” Isaias 8:20. TKK 118.1
Palaging tumuturo ang Banal na Espiritu sa nakasulat na Salita, at tumatawag ng pansin sa dakilang pamantayang moral ng katuwiran. Napakabuting bagay na maparangalan ng Diyos sa pagkakaroon ng pagkakataong magpatotoo sa katotohanan. Sinabi ni Cristo sa Kanyang mga alagad bago Siya umakyat at tinanggap Siya ng mga anghel hanggang mawala sa kanilang pagtingin, “Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi Ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa” (Gawa 1:8). Ginawa silang angkop na magpatotoo tungkol kay Cristo sa pamamagitan ng makalangit na kaloob ng Banal na Espiritu. TKK 118.2
Nais kong idiin sa inyo ang katotohanan na sa kanilang nananahan si Jesus sa puso sa pamamagitan ng pananampalataya ay talagang tumanggap na sila ng Banal na Espiritu. Tiyak na tumatanggap ng Banal na Espiritu upang maging kanyang Tagapayo, Tagapagbanal, Gabay, at Saksi ang bawat isang tumatanggap kay Jesus bilang kanyang personal na Tagapagligtas. Habang mas malapit na lumalakad ang mananampalataya kasama ng Diyos, nagiging mas malinaw ang kanyang pagsaksi, at, bilang bunga nito, magiging mas makapangyarihan ang impluwensiya ng kanyang patotoo sa iba tungkol sa pag-ibig ng Tagapagligtas; lalo siyang makapagbibigay ng ebidensya na pinapahalagahan niya ang Salita ng Diyos. Ito'y kanyang pagkain, inumin upang masiyahan ang kaluluwang nauuhaw. Pinapahalagahan niya ang pagkakataon na matutuhan ang kalooban ng Diyos mula sa Kanyang Salita. TKK 118.3
May ilang kaluluwa na nag-aangking mananampalataya ang nagwalang-bahala at bumaling mula sa Salita ng Diyos. Kinaligtaan nila ang Biblia, iyong kamangha-manghang Aklat na gabay, ang tunay na sumusubok sa lahat ng kaisipan, at sinasabi nilang nasa kanila ang Espiritu upang turuan sila, na dahil dito'y hindi na kailangan ang pagsasaliksik sa Kasulatan. Ang lahat ng mga katulad nito'y sumusunod sa pandaraya ni Satanas, sapagkat nagkakasundo ang Espiritu at ang Salita. Sinasabi ng Kasulatan, “Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga.” Nagiging malaya lamang siya na pinalalaya ng katotohanan.— MANUSCRIPT RELEASES, vol. 14, pp. 70, 71 . TKK 118.4