“Hindi Ko kayo iiwang nag-iisa, Ako'y darating sa inyo,” Juan 14:18, TKK 131.1
Ninais ni Cristo na maunawaan ng Kanyang mga alagad na hindi Niya sila pababayaang mga ulila. “Hindi Ko kayo iiwang nagiisa,” sinabi Niya; “Ako'y darating sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na Ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo Ako; sapagkat Ako'y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo” (Juan 14:18, 19). Ito'y mahalaga at maluwalhating katiyakan sa buhay na walang hanggan! Bagama't mawawala Siya, ang kanilang kaugnayan sa Kanya'y magiging katulad ng anak sa magulang nito. TKK 131.2
“Sa araw na iyon,” sinabi Niya, “ay malalaman ninyong Ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa Akin, at Ako'y nasa inyo” (Juan 14:20). Ginusto Niyang maidiin sa mga pag-iisip ng mga alagad ang pagkakaiba sa pagitan nilang nasa sanlibutan at silang nakay Cristo. Malapit na Siyang mamatay, ngunit ninais Niya na malaman nila na Siya'y mabubuhay muli. At bagama't, pagkatapos ng Kanyang pagakyat sa langit, mawawala Siya sa kanila, ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya maaari nilang makita at makilala Siya, at magkakaroon Siya ng katulad na mapagmahal na pagkalinga sa kanila noong kasama pa nila Siya.... TKK 131.3
Dumarating sa atin ang mga salitang binigkas sa mga alagad sa pamamagitan ng kanilang mga sariling salita. Ang Mang-aaliw ay atin at gayon din ay sa kanila, sa lahat ng oras at sa bawat lugar, sa lahat ng kapanglawan at sa bawat kahirapan, kapag tila madilim ang mga maaaring mangyari at nakakagulo ng pag-iisip ang hinaharap, at pakiramdam nati'y nag-iisa tayo at walang magawa. Ito ang mga panahon na ipapadala ang Mang-aaliw bilang tugon sa ating panalangin ng pananampalataya. TKK 131.4
Walang mang-aaliw na kagaya ni Cristo, napakamagiliw at napakatotoo. Nadarama Niya ang ating kahinaan. Nangungusap sa puso ang Kanyang Espiritu. Maaaring mahiwalay tayo sa ating mga kaibigan dahil sa mga pangyayari; maaaring umagos ang malawak at balisang karagatan sa pagitan natin at sa kanila. Bagama't naroon pa rin ang matapat na pagkakaibigan, maaaring hindi nila maipapakita ito sa pamamagitan ng paggawa para sa atin niyong malugod na tatanggapin. Ngunit walang pangyayari, walang distansya, ang makapaghihiwalay sa atin mula sa makalangit na Mang-aaliw. Saanman tayo naroon, saanman tayo magtungo, palagi Siyang naroon, na ibinigay sa lugar ni Cristo, upang kumilos para sa Kanya. Palagi Siyang nasa ating kanang kamay, upang bumigkas ng mga salitang marahan at nakapagpapaginhawa; upang umalalay, magbigay-lakas, magtaas, at magpasaya. TKK 131.5
Ang impluwensiya ng Banal na Espiritu ay buhay ni Cristo sa kaluluwa. Gumagawa ang Espiritu sa loob at sa pamamagitan ng lahat ng tumatanggap kay Cristo. Silang nakakakilala sa pananahan sa kalooban ng Espiritung ito ay maglalahad ng bunga nito—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan.— REVIEWAND HERALD, Oetober26,1897. TKK 131.6