At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin Ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo'y sinabi ko, “Narito ako; suguin Mo ako!” Isaias 6:8. TKK 151.1
Manalangin at gumawa. Mas marami ang magagawa ng panalanging mapagpakumbaba at katulad ng kay Cristo kaysa sa maraming mga salita na walang panalangin. Gumawa kayo sa kapayakan, at gagawa ang Panginoon kasama ng kanbaser. Gagawa ng impresyon ang Banal na Espiritu sa mga pag-iisip nilang makikinig sa mga salita ng mga nakatalagang ministro ng Diyos, na nangangaral ng Kanyang Salita. Sumasama ang katulad na ministeryo ng mga banal na anghel sa kanya na nagbibigay ng kanyang sarili sa pagkakanbas ng mga aklat para sa edukasyon ng mga tao sa kung ano ang katotohanan. TKK 151.2
Makakagawa nang mabisa ang mga lalaki at babae kung mararamdaman nila sa kanilang puso na ginagawa nila ang gawain ng Panginoon sa paglilingkod sa mga kaluluwang hindi nakakaalam sa katotohanan para sa kapanahunang ito. Nagpapatunog sila ng babala sa mga malalaki at maliliit na daanan upang maghanda ng isang bayan para sa dakilang araw ng Diyos na paparating sa sanlibutan. Wala nang oras na dapat maaksaya. Kailangan nating pasiglahin ang gawain. Sino ang hahayo ngayon na taglay ang ating mga lathalain? Itulot na mabasa nila ang ika-anim na kabanata ng Isaias, at tanggapin ang mga aralin nito. TKK 151.3
“Nang magkagayo'y sinabi ko: ‘Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo!’ Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana. Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, ‘Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na’ At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Sinong susuguin Ko, at sinong hahayo para sa atin?’ Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Narito ako; suguin Mo ako’ ” (Isaias 6:5-8). TKK 151.4
Mauulit ang kapahayagang ito kung lumalapit ang mga kanbaser sa tabi ni Cristo, na suot ang Kanyang pamatok, at natututo sa bawat araw mula sa Kanya kung paano taglayin ang mga mensahe ng kapayapaan at kaaliwan sa mga nalulumbay at nanghihina, sa malumbay at nasiraang-loob. Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sarili Niyang Espiritu, inihahanda sila ni Cristo na siyang dakilang Tagapagturo na gampanan ang isang mabuti at mahalagang gawain.— THE BIBLE ECHO, September 18,1899. TKK 151.5