Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan, kung natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti. 1 Pedro 2:2, 3. KDB 177.1
Iminumungkahi namin sa bawat mag-aaral ang Aklat ng mga aklat bilang pinakamabuting pag-aaral para sa karunungan ng tao, ang aklat na naglalaman ng karunungang kailangan para sa buhay na ito at sa buhay na darating. . . . Ang mag-aaral sa buhay na ito na naging pamilyar sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos at nakadarama ng kanilang kapangyarihang nakapagpapabago sa kanyang puso, ay kakatawan sa karakter ni Cristo sa sanlibutan sa maayos na pamumuhay at maka-diyos na pag-uugali.— Counsels to Parents, Teachers, and students, pp. 395, 396. KDB 177.2
Kung paanong sa buhay, gayon din sa paglago. Ang Diyos ang nagpapamukadkad sa usbong at nagpapabunga sa bulaklak. Lumalaki ang binhi sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, “una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.” . . . Lumalaki ang mga halaman at bulaklak hindi sa pamamagitan ng sarili nilang pag-aaruga o pagkabalisa o pagsisikap, kundi sa pamamagitan ng pagtanggap sa inihanda ng Diyos para magsagawa sa kanilang buhay. Hindi magagawa ng bata, sa pamamagitan ng anumang pag-aalala o sariling kapangyarihan, na magdagdag sa sarili nitong taas. Gayundin, hindi mo makakamit ang paglagong espirituwal sa pamamagitan ng pag-aalala o sariling pagsisikap. Ang halaman, ang bata, ay lumalaki sa pamamagitan ng pagtanggap mula sa kapaligiran nito yaong naglilingkod sa buhay nito—hangin, sikat ng araw, at pagkain. Kung ano ang mga regalong ito ng kalikasan sa hayop at halaman, gayon si Cristo sa kanila na nagtitiwala sa Kanya. . . . Sa hindi matutumbasang kaloob ng Kanyang Anak, pinalibutan ng Diyos ang buong sanlibutan ng kapaligiran ng biyaya, na kasing tunay ng hangin na umiikot sa sanlibutan. Ang lahat ng pipiling hingahin ang hanging nagbibigay-buhay na ito ay mabubuhay, at lalaki hanggang sa taas na sukat ng mga lalaki at babae kay Cristo Jesus. Kung paanong bumabaling ang bulaklak sa araw . . . gayon ang ating pagbaling sa Araw ng Katuwiran, . . . upang ang ating karakter ay lumago sa wangis ni Cristo.— steps to Christ, pp. 67, 68. KDB 177.3