Sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya. Mateo 6:8. KDB 198.1
Mismong si Jesus, noong Siya'y nanahan kasama ng mga tao, ay madalas na nananalangin. Kinilala ng ating Tagapagligtas ang ating mga pangangailangan at kahinaan, kung saan Siya'y naging isang nagsusumamo, isang humihiling, na naghahanap mula sa Kanyang Ama ng mga sariwang tustos ng lakas, upang Siya'y lumabas na handa para sa tungkulin at pagsubok. Siya ang ating halimbawa sa lahat ng mga bagay. Siya'y isang kapatid na lalaki sa ating mga kahinaan, “na tinukso sa lahat ng paraan gaya natin;” ngunit bilang ang walang kasalanan, ang Kanyang likas ay tumanggi sa kasamaan; tiniis Niya ang mga pakikibaka at pagpapahirap sa kaluluwa sa isang mundo ng kasalanan. Ginawang isang pangangailangan at pribilehiyo ng Kanyang pagkatao ang pananalangin. Nakasumpong Siya ng kaaliwan at kagalakan sa pakikipagniig sa Kanyang Ama. At kung ang Tagapagligtas ng mga tao, ang Anak ng Diyos, ay nakadama ng pangangailangan ng panalangin, gaano pa kayang higit na dapat madama ng mga mahihina at makasalanang mortal ang pangangailangan ng taimtim at patuloy na pananalangin. KDB 198.2
Naghihintay ang ating Ama sa langit na ipagkaloob sa atin ang kabuuan ng Kanyang pagpapala. Pribilehiyo nating uminom nang higit sa bukal ng pag-ibig na walang hanggan. Nakapagtatakang napakakaunti ng ating pananalangin! Ang Diyos ay handa at nananabik na makinig sa taos-pusong panalangin ng pinakamapagkumbaba sa Kanyang mga anak, subalit mayroon pa ring higit na nakikitang pag-aatubili sa bahagi natin sa pagsasabi sa Diyos ng ating mga ninanais. Ano ang maiisip ng mga anghel ng langit sa mga kawawang taong walang magawa, na napapailalim sa tukso, kapag ang puso ng Diyos na may walang- hanggang pag-ibig ay nagnanasa sa kanila, handang bigyan sila ng higit pa sa kanilang mahihiling o maiisip, subalit ganoon kaliit ang kanilang pananalangin, at mayroong napakaliit na pananampalataya?— steps to Christ, pp. 93, 94. KDB 198.3
Ang panalangin ay pagbubukas ng puso sa Diyos gaya sa isang kaibigan. Hindi dahil kinakailangan ito para ipaalam sa Diyos kung ano tayo, kundi para tulungan tayong tanggapin Siya. Hindi ibinababa ng panalangin ang Diyos sa atin, kundi tayo ang iniaangat sa Kanya.— Ibid., p. 93. KDB 198.4