Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin. Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan. Roma 12:12, 13. KDB 217.1
Ang pagtitiyaga sa pananalangin ay ginawang isang kondisyon ng pagtanggap. Dapat tayong manalangin lagi, kung nais nating lumago sa pananampalataya at karanasan. Dapat tayong maging “matiyaga sa pananalangin,” upang “magpatuloy sa pananalangin, at magbantay na may pasasalamat.” . . . Ang walang-tigil na panalangin ay ang di-nababagabag na pakikiisa ng kaluluwa sa Diyos, upang ang buhay mula sa Diyos ay dumaloy sa ating buhay; at mula sa ating buhay, ang kadalisayan at kabanalan ay dumaloy pabalik sa Diyos. KDB 217.2
May pangangailangan para sa pagsusumikap sa pananalangin; huwag hayaang may makahadlang sa iyo. Gawin ang lahat ng pagsisikap para mapanatiling bukas ang pakikipag-isa sa pagitan ni Jesus at ng iyong sariling kaluluwa. Hanapin ang bawat pagkakataon na humayo kung saan ang pananalangin ay hindi nagagawa. Ang mga talagang naghahanap ng pakikipag-isa sa Diyos, ay makikita sa pulong ng pananalangin, tapat na gagawin ang kanilang tungkulin, at taimtim at sabik na umani ng lahat ng mga benepisyong maaari nilang makuha. Mapabubuti nila ang bawat pagkakataong mailagay ang kanilang mga sarili kung saan sila makatatanggap ng mga sinag ng liwanag mula sa langit. KDB 217.3
Dapat tayong manalangin sa pamilya; at higit sa lahat hindi natin dapat pabayaan ang lihim na pananalangin; sapagkat ito ang buhay ng kaluluwa. Imposibleng umunlad ang kaluluwa samantalang napababayaan ang pananalangin. Hindi sapat ang pampamilya at pampublikong pananalangin lamang. Sa pag-iisa, hayaang bukas na mailagay ang kaluluwa sa sumisiyasat na mata ng Diyos. Ang lihim na pananalangin ay maririnig lamang ng Diyos na dumidinig ng panalangin. Walang mausisang tainga ang dapat makarinig ng pasanin ng gayong mga kahilingan. Sa lihim na panalangin, ang kaluluwa ay malaya mula sa mga nakapaligid na impluwensiya, malaya sa kaguluhan. Kalmado, subalit taimtim na aabot ito sa Diyos. Matamis at nananahan ang magiging impluwensiyang nagmumula sa Kanya na nakakikita sa lihim, na ang tainga ay bukas para makinig sa panalanging nagmumula sa puso.— Steps to Christ, pp. 97, 98. KDB 217.4