O inyong subukan at tingnan na mabuti ang PANGINOON! Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong. Awit 34:8. KDB 25.1
Kaya sa pamamagitan ng pananampalataya sila ay magkakaroon ng pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng nasubukang kaalaman. Napatunayan sa kanilang mga sarili ang pagiging totoo ng Kanyang Salita, ang katotohanan ng Kanyang mga pangako. Kanilang naranasan, at kanilang nalamang ang Diyos ay mabuti. Ang minamahal na si Juan ay may kaalamang natamo sa pamamagitan ng kanyang sariling karanasan. . . . Sa gayon ay maaari rin ang iba, sa pamamagitan ng sarili nilang karanasan, na “ilagay ang kanilang tiwala rito, na ang Diyos ay totoo.” Siya ay makapagpapatotoo roon sa mga bagay na siya mismo ang nakakita at nakarinig at nakaramdam ng kapangyarihan ni Cristo. Siya'y makapagpapatotoo na: “Kailangan ko ng tulong, at natagpuan ko ito kay Jesus. Ang lahat ng pangangailangan ay ipinagkaloob, ang pagkagutom ng aking kaluluwa ay nasapatan; ang Biblia para sa akin ay kapahayagan ni Cristo. Naniniwala ako kay Jesus dahil para sa akin Siya ay Diyos na Tagapagligtas. Naniniwala ako sa Biblia dahil natagpuan ko ito bilang tinig ng Diyos sa aking kaluluwa.” KDB 25.2
Ating pribilehiyo na abutin ang mas mataas at higit pang mataas, para sa higit na maliwanag na pagpapahayag ng karakter ng Diyos. Nang si Moises ay nanalangin, “Ipakita mo sa akin, idinadalangin ko sa iyo, ang iyong kaluwalhatian,” hindi siya sinaway ng Panginoon, sa halip ay sinagot ang kanyang dalangin. Ipinahayag ng Diyos sa Kanyang lingkod, “Aking pararaanin ang lahat kong kabutihan sa harapan mo, at aking ipahahayag ang aking pangalang ‘Ang PANGINOON’ sa harapan mo.” Kasalanan ang nagpapadilim sa ating mga isipan at nagpapalabo ng ating mga pang-unawa. Habang inaalis ang kasalanan sa ating mga puso, ang liwanag ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo, nagbibigay liwanag sa Kanyang Salita at inilalarawan mula sa mukha ng kalikasan, lalo pang higit na ipahahayag na Siya ay “puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan.” Sa Kanyang liwanag ay makikita natin ang liwanag, hanggang ang isipan at ang puso at ang kaluluwa ay mabago tungo sa larawan ng Kanyang kabanalan.— Testimonies for the Church, vol. 8, pp. 321, 322. KDB 25.3