Ang mga pantas ay magniningning na tulad ng kaningningan ng langit; at ang mga nagpabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanpaman. Daniel 12:3. KDB 319.1
Kung ano tayo sa langit ay ipinaaaninag ng kung ano tayo ngayon sa karakter at banal na paglilingkod. Si Cristo mismo ang nagsabi, “Ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” Itong gawain Niya sa lupa ay siya ring gawain Niya sa langit. At ang ating gantimpala sa paggawang kasama si Cristo sa sanlibutang ito ay ang higit na kapangyarihan at mas malawak na pribilehiyo ng paggawa kasama Niya sa sanlibutang darating.— Christ’s object Lessons, p. 361. KDB 319.2
Gaano karami ang mga gumagawang walang pagkamakasarili at kapagalan para sa kanila na higit sa kanilang maaabot at kaalaman! Humihiga sa huling pagtulog ang mga magulang at mga guro, na tila walang kabuluhan ang gawain ng kanilang buhay; hindi nila nalalaman na ang kanilang katapatan ay nagbukas ng mga bukal ng pagpapala na hindi titigil sa pag-agos; sa pamamagitan lamang ng pananampalataya nila makikita na ang mga batang kanilang sinanay ay magiging pagpapala at inspirasyon sa kanilang kapwa, at mauulit ang impluwensiya nang makalibong beses. KDB 319.3
Maraming manggagawa ang nagbibigay ng mga mensahe ng kalakasan at pag-asa at katapangan sa sanlibutan, mga salitang nagdadala ng biyaya sa mga puso sa bawat lupain; ngunit kakaunti ang nalalaman niyang nagsusumikap sa pag-iisa at karimlan tungkol sa mga resulta ng kanyang paggawa. Sa ganitong paraan nabibigay ang mga kaloob, nabubuhat ang mga pasan, nagagampanan ang gawain. Naghahasik ng binhi ang mga tao kung saan mula sa mga ito'y makaaani ang iba ng mayamang bunga sa ibabaw ng kanilang mga libingan. . . . Balang araw makikita ang aksyon at reaksyon ng lahat ng mga ito. KDB 319.4
Sa bawat kaloob na ibinigay ng Diyos, na nagdadala sa mga tao sa hindi makasariling pagsisikap, ang talaan ay iniingatan sa langit. Isa sa mga pag- aaral at gantimpala sa makalangit na paaralan ay ang bakasin ang mga malawak na linya nito, ang tingnan silang napataas at napadakila ng ating mga pagsusumikap.— EDUCATION, p. 306. KDB 319.5