Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo; at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan, kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; at hindi ka tutupukin ng apoy.Isaias 43:2. KDB 321.1
Sa ating kapanahunan, marami sa mga lingkod ng Diyos, na bagaman walang masamang ginagawa, ay magdurusa ng kahihiyan at abuso sa mga kamay nilang, sa pagkilos ni Satanas, ay puno ng pag-iimbot at relihiyosong pagkapanatiko. Partikular na babangon ang poot ng tao laban sa kanila na nag-iingat sa Sabbath ng ikaapat na utos; at sa huli'y tutuligsain sila bilang karapat-dapat mamatay. . . . KDB 321.2
Dapat na ihayag ng Kanyang mga anak na Siya lamang ang tanging layon ng kanilang pagsamba, at walang anuman . . . ang makapag-uudyok sa kanilang gawin ang pinakamaliit na pagsang-ayon sa bulaang pagsamba. Sa tapat na puso ang mga utos ng mga makasalanan at may-hangganang tao ay lulubog sa kawalang-halaga kapag itinabi sa Salita ng walang-hanggang Diyos. Susundin ang katotohanan kahit pagkakulong o pagpapatapon o kamatayan ang resulta nito.— Prophets and Kings, pp. 512, 513. KDB 321.3
Sa lahat ng kapanahunan naturuan at nadisiplina sa paaralan ng pagsubok ang mga pinili ng Tagapagligtas. Lumakad sila sa makikitid na landas sa lupa; dinalisay sila sa hurno ng paghihirap. Tiniis nila ang pagsasalungat, kagalitan, at paninirang-puri para kay Jesus, sumunod sila sa Kanya sa matinding pakikipagtunggali; tiniis nila ang pagtanggi sa sarili at dumanas ng mapait na mga kabiguan. . . . Umiibig sila nang labis, dahil napatawad sila nang labis. Dahil nakibahagi sila sa mga pagdurusa ni Cristo, ginawa silang angkop na makibahagi kasama Niya sa Kanyang kaluwalhatian.— The Great Controversy, pp. 649, 650. KDB 321.4