Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo, at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon, manumbalik ka sa akin sapagkat ikaw ay tinubos ko. Isaias 44:22. KDB 59.1
Ang puso ng Walang-hanggang Pag-ibig ay nananabik sa kanila na nararamdamang walang kapangyarihang makawala sa mga patibong ni Satanas; at magiliw na iniaalok Niya na palakasin sila upang mabuhay para sa Kanya. . . . Ikaw na bumabasa, pinili mo ba ang iyong sariling landas? Ikaw ba ay napalayo sa Diyos? Ninais mo bang magtamasa ng bunga ng pagkakasala, na kalaunan ay masumpungang ang mga ito ay abo sa iyong mga labi? At ngayon, ang iyong mga panukala sa buhay ay nahadlangan at ang pag-asa ay namatay, ikaw ba ay nakaupong nag-iisa at malungkot? Ang tinig na iyon na matagal ng nangungusap sa iyong puso, subalit hindi mo pinakinggan, ay naririnig mo ngayong malinaw, “Bumangon kayo at humayo, sapagkat hindi ito lugar na pahingahan; dahil sa karumihan na lumilipol sa pamamagitan ng malubhang pagkawasak.” . . . Huwag mong pakinggan ang mungkahi ng kaaway na lumayo ka muna kay Cristo hanggang mapabuti mo ang iyong sarili; hanggang sa ikaw ay karapat-dapat na para makalapit sa Diyos. Kung hihintayin mo ang panahong iyon, hindi ka na makalalapit pa.— Prophets and Kings, pp. 316-320. KDB 59.2
Ang panukala ng langit sa kaligtasan ay sapat na malawak upang yakapin ang buong mundo. Ninanais ng Diyos na hingahan ng hininga ng buhay ang mahinang sangkatauhan. Hindi Niya pahihintulutang mabigo ang kahit na sinong kaluluwa na nagnanasang tapat ng bagay na mas mataas at kagalang-galang na higit sa anumang maiaalok ng sanlibutan. Patuloy na isinusugo Niya ang Kanyang mga anghel sa kanila, na samantalang napalilibutan ng mga pangyayaring nakapanlulupaypay, gayunman ay nananalangin sa pananampalataya para sa kapangyarihang higit sa kanilang mga sarili na mag-aangkin sa kanila at magdadala ng kaligtasan at kapayapaan. Sa iba't ibang mga paraan ang Diyos ay maghahayag ng Kanyang sarili sa kanila, at pahihintulutang maranasan ang mga pagpapala na magpapatatag ng kanilang pagtitiwala sa Isa na nagkaloob ng Kanyang sarili bilang pantubos para sa lahat.— Ibid, pp. 377, 378. KDB 59.3