At ngayon, O Israel, ano ba ang hinihingi sa iyo ng PANGINOON mong Diyos? Kundi matakot ka sa PANGINOON mong Diyos, lumakad ka sa lahat ng kanyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang PANGINOON mong Diyos ng buong puso at ng buong kaluluwa mo. Deuteronomio 10:12. KDB 64.1
Pahintulutang maikintal sa mga kabataan ang kaisipang hindi sila sa ganang kanila. Pag-aari sila ni Cristo. Sila ang binili ng Kanyang dugo, ang inaangkin ng Kanyang pag-ibig. Nabubuhay sila sapagkat pinananatili Niya sila sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Ang kanilang oras, kanilang lakas, kanilang mga kakayahan ay Kanya, upang palaguin, upang sanayin, upang magamit para sa Kanya. Kasunod ng mga anghel na nilalang, ang pamilya ng tao, na ginawa ayon sa wangis ng Diyos, ang pinakamarangal sa Kanyang mga gawang nilikha. Nais ng Diyos na sila'y maging lahat ng ginawa Niyang posibleng maging nila, at gawin ang lahat ng kanilang makakaya sa pamamagitan ng mga kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila. KDB 64.2
Ang buhay ay misteryoso at sagrado. Ito ang kapahayagan ng Diyos mismo, ang pinanggagalingan ng lahat ng buhay. Mahalaga ang mga oportunidad nito, at dapat na masigasig na pagbutihin. Kapag nawala, sila'y mawawala magpakailanman. KDB 64.3
Sa harap natin ay inilalagay ng Diyos ang kawalang-hanggan, kasama ang mga katotohanan nito, at nagbibigay sa atin ng pagkaunawa sa walang hanggan at walang kasiraang mga tema. Naghahandog Siya ng mahalaga, at dakilang katotohanan, upang umunlad tayo tungo sa isang ligtas at siguradong landas, sa paghahanap sa isang bagay na karapat-dapat sa masigasig na paggamit ng lahat ng ating mga kakayahan. KDB 64.4
Tinitingnan ng Diyos ang maliit na binhi na Siya mismo ang bumuo, at nakikitang nakabalot sa loob nito ang magandang bulaklak, ang palumpong, o ang matayog at mayabong na puno. Gayundin ay nakikita Niya ang mga posibilidad sa bawat tao. Narito tayo na may layunin. Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang plano para sa ating buhay, at nais Niya na maabot natin ang pinakamataas na pamantayan ng pag-unlad. Nais Niya na tayo'y nagpapatuloy na lumalago sa kabanalan, sa kaligayahan, at kapakinabangan.— The Ministry of Healing, pp. 396-398. KDB 64.5