Ngunit ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng PANGINOON: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan. Jeremias 31:33. KDB 73.1
Ang parehong kautusan na nakaukit sa mga tapyas ng bato, ay isinulat ng Banal na Espiritu sa mga tapyas ng puso. Sa halip na tayo ay sumulong na magtatag ng sarili nating mga katuwiran, ating tinatanggap ang katuwiran ni Cristo. Ang Kanyang dugo ay tumubos sa ating mga kasalanan. Ang Kanyang pagsunod ay tinanggap para sa atin. Pagkatapos ang pusong binago ng Banal na Espiritu ay magkakaroon ng “mga bunga ng Espiritu.” Sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo tayo ay mabubuhay sa pagsunod sa kautusan ng Diyos na nasulat sa ating mga puso. Taglay ang Espiritu ni Cristo, tayo ay lalakad gaya ng Kanyang paglakad. Sa pamamagitan ng propeta, Kanyang ipinahayag tungkol sa Kanyang sarili, “kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko; ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.” At nang kasama ng mga tao ay sinabi Niya, “hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa kanya.” . . . Ang gawain ng Diyos ay pareho sa lahat ng panahon, bagaman mayroong iba't ibang antas ng paglago, at iba't ibang kapahayagan ng Kanyang kapangyarihan, para tugunan ang pangangailangan ng mga tao sa iba't ibang mga kapanahunan. Simula sa kauna-unahang pangako ng ebanghelyo, hanggang sa panahon ng mga patriyarka at panahon ng mga Judio, at kahit na sa kasalukuyang panahon, laging mayroong unti-unting paghahayag ng layunin ng Diyos sa panukala ng pagliligtas. KDB 73.2
Ang Tagapagligtas na sinisimbuluhan ng mga ritwal at seremonya ng kautusang Judio ay ang mismong parehong inihayag sa ebanghelyo. Ang mga ulap na bumabalot sa Kanyang anyong Diyos ay hinahawi; ang ulap at tabing ay naalis; at si Jesus, ang Manunubos ng sanlibutan, ay hayag na nakikita. Siyang nagpahayag ng kautusan mula sa Sinai, at nagkaloob kay Moises ng detalye ng kautusang ritwal, ay Siya ring nagsalita ng Sermon sa Bundok.— Patriarchs and Prophets, pp. 372, 373. KDB 73.3