Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya. Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo. Efeso 4:14, 15. KDB 173.1
Sa pagdadalisay ng Cristianong katangian, mahalagang magpursigi sa paggawa ng mabuti. Nais kong idiin sa ating kabataan ang kahalagahan ng pagtitiyaga at kasiglahan sa gawain ng paghuhubog ng karakter. Mula sa pinakamurang edad, kailangang ihabi sa karakter ang mga prinsipyo ng mahigpit na integridad, upang makamit ng mga kabataan ang pinakamataas na pamantayan ng pagkalalaki at pagkababae. Dapat nilang palaging panatilihin sa kanilang harapan ang katotohanang sila'y binili sa halaga, at dapat nilang luwalhatiin ang Diyos sa kanilang mga katawan at espiritu, na Kanyang pag-aari. . . . KDB 173.2
Gawain ng kabataan ang sumulong sa araw-araw. Sinasabi ni Pedro, “tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman; ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-diyos at ang pagiging maka-diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig. Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.” KDB 173.3
Ang lahat ng magkakasunod na hakbang na ito'y hindi dapat panatilihin sa imahinasyon, at binibilang habang nag-uumpisa; kundi itinutuon ang paningin kay Jesus, na may paninging nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, at gagawa kayo ng pagsulong. Hindi ninyo maaabot ang ganap na sukat ng kataasan ni Cristo sa loob ng isang araw, at malulubog kayo sa kabiguan kung makikita ninyo ang lahat ng kahirapan na kailangang salubungin at mapanagumpayan. Si Satanas ay nariyan na kailangan ninyong labanan, at sisikapin niya sa pamamagitan ng bawat posibleng pakana upang akitin ang inyong pag-iisip mula kay Cristo.— Messages to Young People, pp. 45, 46. KDB 173.4