Kabanata 42—Ang Sali't Saling Sabi
Sa pag-asa ng mga eskriba at mga Pariseo na makikita nila si Jesus sa Kapistahan ng Paskuwa, ay nagumang sila ng patibong para sa Kaniya. Datapwa't palibhasa'y talastas ni Jesus ang kanilang panukala, kaya hindi Siya dumalo sa pagtitipong ito. “Nang magkagayo'y nagsilapit sa Kaniya ang mga Pariseo, at ilan sa mga eskriba.” Sapagka't hindi Siya nagpunta sa kanila, sila naman ang pumaroon sa Kaniya. May isang panahong wari'y tatanggapin ng mga tao ng Galilea si Jesus bilang Mesiyas, at ang kapangyarihan ng mga saserdote sa purok na yaon ay masisira na. Ang misyon ng Labindalawa, na nagpapakilala ng kalawakan ng gawain ni Kristo, at nagdadala naman sa mga alagad sa lantarang pakikitunggali sa mga rabi, ay muling gumising ng pagkainggit sa mga pinuno sa Jerusalem. Ang mga tiktik na inutusan nila sa Capernaum noong unang bahagi ng ministeryo ni Kristo, na nagsikap na paratangan Siya ng paglabag sa Sabado, ay nangalito; gayunma'y matibay ang kapasiyahan ng mga rabi na isakatuparan ang kanilang panukala. Ngayo'y iba na namang mga tiktik ang isinugo upang magmatyag ng Kaniyang mga kilos, at humanap ng ilang maipaparatang laban sa Kaniya.BB 559.1
Gaya nang dati, ang batayan ng pagtatalo o pagrerek- lamo ay ang Kaniyang di-pagpansin sa mga utos na ayon sa sali't saling sabi na idinagdag ng mga Hudyo sa kautusan ng Diyos. Ang mga sali't saling sabing ito ay ginawa umano upang mapangalagaan ang pagtalima sa kautusan, subali't ang totoo'y itinuring nila ang mga ito na lalo pang banal kaysa sa kautusan mismo. Pagka nakakasalungat ng mga ito ang mga utos na ibinigay sa Sinai, ay inuuna nilang sundin ang mga sali't saling sabi ng mga rabi.BB 559.2
Ang isa sa mga utos na napakahigpit na ipinatupad ay ang tungkol sa seremonyal ng paglilinis. Ang isang pagkukulang sa mga paraang dapat ganapin bago kumain ay itinuring na isang kalait-lait na pagkakasala, na dapat parusahan sa buhay na ito at sa kabilang buhay; at itinuring ding isang mabuting gawa na paksain ang sumasalansang.BB 560.1
Ang mga utos tungkol sa paglilinis ay di-mabilang. Ang buong buhay man ng tao ay halos hindi pa sapat upang mapag-aralan at matutuhan ang lahat ng mga ito. Ang kabuhayan niyaong mga nagsikap tumalima sa mga tagubilin ng mga rabi ay isang matagal at mahabang pagpupunyagi na makaiwas sa pagkahawa sa mga karumihang espirituwal, at isang walang-katapusang paulitulit na paliligo at mga paglilinis. Samantalang ang mga tao ay halos nauubos ang panahon sa pagsisikap na matupad ang mga kaliit-liitang tuntunin, at ang mga palatuntunang hindi naman iniuutos ng Diyos, ay napalayo na ang kanilang isip sa mga dakilang simulain ng Kaniyang kautusan.BB 560.2
Hindi sinunod ni Kristo at ng Kaniyang mga alagad ang mga seremonyal na paglilinis na ito, at ang di-pagsunod na ito ang ginawang batayan ng mga tiktik ng kanilang pagpaparatang. Gayon man, hindi sila gumawa ng tuwirang pagtuligsa kay Kristo, kundi sila'y lumapit sa Kaniya na pinupuna ng Kaniyang mga alagad. Sa harap ng karamihan ay sinabi nila, “Bakit ang Iyong mga alagad ay nagsisilabag sa salit' saling sabi ng matatanda? Sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay?”BB 560.3
Kailanma't ang pabalita ng katotohanan ay tumatalab sa mga kaluluwa na may tanging kapangyarihan, inuudyukan ni Satanas ang kaniyang mga kampon na lumikha ng pagtatalo tungkol sa isang maliit na bagay. Sa ganitong paraa'y napagsisikapan niyang maalis ang pansin sa tunay na paksang pinag-uusapan. Kailanma't may isang mabuting gawaing pinasisimulan, may mga maninirang handa agad makipagtalo tungkol sa mga paraan o mga alituntunin, upang maihiwalay ang isip sa tunay na mga pangyayari. Kapag sa malas ang Diyos ay handa nang gumawa sa isang tanging paraan para sa Kaniyang bayan, huwag nga silang padadala sa isang pakikipagtalo na magbubunga lamang ng pagkapahamak ng mga kaluluwa. Ang mga katanungang dapat bumagabag sa atin ay, Ako ba'y may buhay na pananampalataya sa Anak ng Diyos? Ang akin bang kabuhayan ay katugma ng kautusan ng Diyos? “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan: nguni't ang hindi sumasampalataya sa Anak ay hindi makakakita ng buhay.” “At sa ganito'y nalalaman natin na Siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang Kaniyang mga utos.” Juan 3:36; 1 Juan 2:3.BB 561.1
Hindi tinangka ni Jesus na ipagtanggol ang Kaniyang sarili ni ang mga alagad man Niya. Wala Siyang ginawang pagbanggit sa mga ipinaparatang laban sa Kaniya, kundi nagpatuloy Siya na ipakilala ang diwang nag-udyok sa mga taong ito na mahihigpit magpatupad ng mga rito ng mga tao. Binigyan Niya sila ng halimbawa ng kung ano ang paulit-ulit nilang ginagawa, at ng kanilang kagagawa pa lamang bago sila dumating na naghahanap sa Kaniya. “Totoong itinatakwil ninyo ang utos ng Diyos,” wika Niya, “upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't saling sabi. Sapagka't sinabi ni Moises, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ang manungayaw sa ama o sa ina, ay mamamatay siyang walangpagsala: datapwa't sinasabi ninyo, Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay Corban, samakatwid baga'y, hain sa Diyos; siya'y magiging malaya. At hindi na ninyo siya pinabayaang gumawa ng anuman na ukol sa kaniyang ama o sa kaniyang ina.” Isinasaisantabi nila ang ikalimang utos na parang walang kabuluhan, nguni't mahigpit na mahigpit naman sila sa pagtupad ng mga sali't saling sabi ng mga matatanda. Itinuro nila sa mga tao na ang pagtatalaga sa templo ng kanilang mga ariarian ay isang tungkuling lalong banal pa kaysa pagtataguyod o pagbuhay sa kanilang mga magulang; at gaanuman kalaki ang pangangailangan ng mga magulang, isang kalapastangan na ibigay sa kanila ang alinmang bahagi ng naitalaga na. Sapat nang sabihin ng isang walang-utang-na-loob na anak ang salitang “Corban” sa kaniyang pag-aari, sa gayon iyon ay naitatalaga sa Diyos, at iyon ay masasarili niya at magagamit habang siya'y nabubuhay, at pagkamatay naman niya ay saka iyon magagamit sa serbisyo sa templo. Sa ganitong paraan ay malaya siya, sa buhay man siya at sa patay, na hamakin at iringin ang kaniyang mga magulang, sa ilalim ng balabal ng pagkukunwaring iyon ay itinalaga sa Diyos.BB 561.2
Sa salita man o sa gawa, ay di-kailanman binawasan ni Jesus ang tungkulin ng tao na maghandog ng mga hain at mga kaloob sa Diyos. Si Kristo ang nagbigay ng mga tagubilin ng kautusan tungkol sa pagbibigay ng mga ikapu at mga handog. Nang naririto pa Siya sa lupa ay pinuri Niya ang dukhang babaing nagbigay ng lahat niyang tinatangkilik sa kabang-yaman ng templo. Nguni't ang wari'y pagsisikap para sa Diyos na ipinakikita ng mga saserdote at mga rabi ay isang pagkukunwari upang maikubli ang kanilang hangarin na maitanyag ang sarili. Nadaya nila ang mga tao. Ang mga taong ito'y nagdadala ng mabibigat na pasaning hindi naman iniutos ng Diyos. Maging ang mga alagad ni Kristo ay hindi lubos na malaya sa bigat ng pasang namana nila sa kahambugan at kapangyarihan ng mga rabi. Ngayon, sa pamamagitan ng paghahayag ng tunay na diwa ng mga rabi, ay pinagsikapan ni Jesus na mahango Niya sa pagkaalipin ng sali't saling sabi ang lahat ng mga tunay na naghahangad na maglingkod sa Diyos.BB 562.1
“Kayong mga mapagpaimbabaw,” winika Niya sa mga tusong tiktik, “mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi, Ang bayang ito'y iginagalang Ako ng kanilang mga labi; datapwa't ang kanilang puso ay malayo sa Akin. Datapwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa Akin, na itinuturong kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.” Ang mga salita ni Kristo ay isang paghatol sa lahat ng aral ng mga Pariseo. Sinabi Niyang dahil sa ang kanilang mga utos ay inilalagay nilang higit pang mataas kaysa mga utos ng Diyos, inilalagay ng mga rabi ang kanilang mga sarili na mataas pa sa Diyos.BB 563.1
Ang mga inutusang buhat sa Jerusalem ay nalipos ng galit. Hindi nila maparatangang si Kristo ay isang manlalabag ng kautusang ibinigay sa Sinai, sapagka't ipinagtanggol pa nga Niya ang kautusan laban sa kanilang mga sali't saling sabi. Ang mga dakilang utos ng kautusan, na Kaniyang ipinakilala, ay lumitaw na kaibang-kaiba sa maliliit na tuntuning ginawa ng mga tao.BB 563.2
Sa karamihang nagkakatipon, at pagkatapos ay sa Kaniyang mga alagad, ay ipinaliwanag ni Jesus na ang karumihan o pagkahawa ay hindi nagbubuhat sa labas, kundi sa loob. Ang kalinisan at karumihan ay nauukol sa kaluluwa. Ang nagpaparumi sa tao ay ang masamang gawa, ang masamang salita, ang masamang isipan, ang pagsalansang sa kautusan ng Diyos, at hindi ang pagpapabaya o pagkukulang sa panlabas na mga seremonyang ginawa ng tao.BB 563.3
Napansin ng mga alagad ang matinding galit ng mga tiktik nang mabunyag na ang kanilang bulaang aral. Nakita nila ang mga nagngingitngit na tingin, at narinig ang kanilang mga ungol ng di-kasiyahan at paghihiganti. Palibhasa'y nalimutan nila na madalas patunayan ni Kristo na Siya'y nakababasa ng nilalaman ng puso na gaya ng isang bukas na aklat, sinabi nila sa Kaniya ang nagawa ng Kaniyang mga salita. Sa pag-asa nilang Siya'y maaaring makipagkasundo sa mga galit na pinuno, ay sinabi nila kay Jesus, “Nalalaman Mo bagang nangagdamdam ang mga Pariseo, pagkarinig nila ng pananalitarg ito?”BB 563.4
Siya'y sumagot, “Ang bawa't halamang hindi itinanim ng Aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.” Ang mga kaugalian at mga sali't saling sabing lubhang pinahahalagahan ng mga rabi ay sa sanlibutang ito, hindi mula sa langit. Gaanuman kalaki ang kapangyarihan nila sa mga tao, ay hindi nila makakaya ang pagsubok ng Diyos. Ang bawa't katha ng taong inihalili sa mga utos ng Diyos ay masusumpungang walang-halaga sa araw na yaon pagka “dadalhin ng Diyos ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti, o maging ito'y masama.” Eclesiastes 12:14.BB 564.1
Hanggang ngayon ay hindi tumitigil ang paghahalili ng mga utos ng tao sa mga utos ng Diyos. Sa gitna man ng mga Kristiyano ay may nasusumpungan pang mga utos at mga kaugaliang walang higit na mabuting kinasasaligan kundi ang mga sali't saling sabi ng mga magulang. Ang mga utos na ganito, na nakasalig lamang sa kapangyarihan ng tao, ay mga inihalili sa itinakda ng Diyos. Nanghahawak ang mga tao sa kanilang mga sali't saling sabi, at gumagalang sa kanilang mga kaugalian, at nagkikimkim ng galit laban sa mga nagpapakilala sa kanila na sila'y namamali. Sa araw na ito, na tayo'y inaatasang ating alalahanin ang mga utos ng Diyos at ang pananampalataya ni Jesus, ay nakikita natin ang gayunding pag-aalitang namalas noong mga kaarawan ni Kristo. Tungkol sa nalabing bayan ng Diyos ay ganito ang nasusulat, “Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Diyos, at mga may patotoo ni Jesus.” Apocalipsis 12:17.BB 564.2
Datapwa't “ang bawa't halamang hindi itinanim ng Aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.” Sa lugar ng kapangyarihan ng tinatawag na mga ama ng iglesya, ay inaatasan tayo ng Diyos na tanggapin ang salita ng walang-hanggang Ama, ang Panginoon ng langit at ng lupa. Dito lamang di-nahahaluan ng kamalian ang katotohanan. Sinabi ni David, “Ako'y may higit na unawa kaysa lahat ng tagapagturo sa akin: sapagka't ang Iyong mga patotoo ay gunita ko. Ako'y nakakaunawa nang higit kaysa sa may katandaan, sapagka't aking iniingatan ang mga tuntunin Mo.” Awit 119:99, 100. Lahat nga ng mga tumatanggap sa kapangyarihan ng tao, sa mga kaugalian ng iglesya, o sa mga sali't saling sabi ng mga ama ng iglesya, ay makinig at mag-ingat sa babalang inihahatid ng mga salita ni Kristo, “Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa Akin, na itinuturong kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”BB 565.1