Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Bukal Ng Buhay

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 67—Sa Aba ng mga Pariseo

    Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 23; Marcos 12:41-44; Lukas 20:45-47; 21:1-4.

    Huling araw yaon ng pagtuturo ni Kristo sa loob ng templo. Sa napakalaking pulutong na nagkakatipon sa Jerusalem, ay sa Kaniya napako ang pansin ng lahat; nagsiksikan ang mga tao sa mga patyo ng templo, na pinanonood ang pagtatalong kasalukuyang nagaganap, at buong kasabikan nilang pinakikinggan ang bawa't salitang namumutawi sa Kaniyang mga labi. Wala pang gayong tanawin na nasaksihan na nang una. Doo'y nakatayo ang kabataang Galileo, na walang tinataglay na karangalang panlupa ni tatak man ng pagkahari. Nakapaligid sa Kaniya ang mga saserdote na nakadamit ng magagarang kagayakan, ang mga pinunong ang mga kasuutan at mga insigniya ay nagpapakilala ng kanilang mataas na katungkulan, at ang mga eskriba naman ay may mga taglay na mga balumbon sa kanilang mga kamay, na madalas nilang tinutukoy sa pag-uusap. Tahimik at payapang nakatayo si Jesus sa harap nila, na taglay ang dignidad ng isang hari. Palibhasa'y taglay Niya ang kapangyarihan ng langit, walang panganganinong tiningnan Niya ang Kaniyang mga katunggali, na nagsitanggi at nagsihamak sa Kaniyang mga turo, at nangauuhaw sa Kaniyang dugo. Tulung-tulong silang nagsituligsa sa Kaniya, nguni't walang nangyari sa kanilang balak na Siya'y masilo at mahatulan. Sunod-sunod na hamon ang sinagupa Niya, na inihaharap ang dalisay at maliwanag na katotohanan na katuwas ng kadiliman at mga kamalian ng mga saserdote at mga Pariseo. Inilahad Niya sa mga namumunong ito ang tunay nilang kalagayan, at ang kaparusahang tiyak na darating sa kanila kung sila'y pilit na magpapatuloy sa kanilang masasamang gawa. Ang babala ay buong katapatang ibinigay. Nguni't may isa pang gawaing dapat gawin si Kristo. Isa pang layunin ang dapat matupad.BB 876.1

    Lumaki nang lumaki ang pagkawili ng mga tao kay Kristo at sa Kaniyang gawain. Nahalina sila ng Kaniyang turo, subali't labis din naman silang nagulumihanan. Iginalang nila ang mga saserdote at mga rabi dahil sa kanilang katalinuhan at kaanyuang wari'y banal. Sa lahat ng mga bagay na ukol sa relihiyon ay naging lagi na silang matalimahin sa kanilang kapangyarihan. Nguni't ngayo'y nakita nilang sinisikap siraan ng mga taong ito si Jesus, isang gurong ang kabutihan at karunungan ay higit pang nagniningning sa bawa't tuligsang isinasaboy sa Kaniya. Nakita nila ang nangakasimangot na mga mukha ng mga saserdote at mga matatanda, at doo'y nahalata nila ang kanilang pagkagapi at pagkalito. Ipinagtaka nila kung bakit ang mga pinuno ay ayaw maniwala kay Jesus, gayong napakaliwanag naman at napakasimple ng Kaniyang mga turo. Sila na rin sa kanilang mga sarili ay hindi nila malaman kung anong hakbang ang kanilang gagawin. Kaya buong kasabikan nilang minatyagan ang mga kilos niyaong mga lagi nilang sinusunod ang mga payo.BB 877.1

    Sa mga talinhagang binigkas ni Kristo, ang layunin Niya ay babalaan ang mga pinuno at turuan ang mga taong ibig na paturo. Nguni't kailangang magsalita pa rin nang lalong maliwanag. Dahil sa paggalang nila sa mga sali't saling sabi at sa bulag nilang pagsampalataya sa masamang pagkasaserdote, ang bayan ay naalipin. Ang mga tanikalang ito ay kailangang lagutin ni Kristo. Ang likas ng mga saserdote, mga pinuno, at mga Pariseo ay kailangang lubusan pang malantad.BB 877.2

    “Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Pariseo,” wika Niya, “sa luklukan ni Moises: lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipag-utos, ay gawin ninyo at ganapin; datapwa't huwag kayong magsigawa nang alinsunod sa kanilang mga gawa: sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa.” Ipinamamarali ng mga eskriba at mga Pariseo na mayroon silang kapangyarihang katulad ng kay Moises. Inaangkin nilang sila ang humalili sa kaniya bilang mga tagapagpaliwanag ng kautusan at bilang mga hukom ng mga tao. Sapagka't gayon sila, ay hinihingi nila sa mga tao na sila'y lubos na igalang at talimahin. Iniutos naman ni Jesus sa mga nagsisipakinig sa kaniya na gawin nila ang mga itinuturo ng mga rabi na alinsunod sa kautusan, nguni't huwag nilang susundin ang kanilang halimbawa. Sapagka't sila na rin ay hindi gumaganap ng kanilang itinuturo.BB 878.1

    At marami silang itinurong salungat sa mga Kasulatan. Sinabi ni Jesus, “Sila'y nangagbibigkas ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalahin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri.” Naglagda ang mga Pariseo ng napakaraming mga alituntunin, na ang pinagsasaligan ng mga ito ay ang sali't-saling sabi, at naghigpit sila nang walang kadahi-dahilan sa kalayaan ng tao. At ang ilang bahagi ng kautusan ay ipinaliwanag nila sa paraang inuutusan nila ang mga tao na ganapin ang mga palatuntunang sila na rin ay lihim na di-gumaganap, at kung sila'y mahuling hindi tumutupad ng mga ito, ay sinasabi nilang sila'y hindi saklaw ng mga iyon.BB 878.2

    Ang lagi nilang layunin ay ipakita ang kanilang kabanalan. Kahit na gaano kabanal ang isang bagay ay hindi nila pakukundanganan matupad lamang ang layuning ito. Tungkol sa Kaniyang mga utos ay ganito ang sinabi ng Diyos kay Moises, “Iyong itatali na pinakatanda sa iyong kamay, at magiging mga pinakatali sa iyong noo.” Deuteronomio 6:8. Ang mga salitang ito ay may malalim na kahulugan. Pagka binubulay ang salita ng Diyos at isinasakabuhayan, ang buong pagkatao ay nagiging marangal. Sa pamamagitan ng matwid at maawaing pakikitungo, ay ipakikita naman ng mga kamay, na gaya ng isang tatak, ang mga simulain ng kautusan ng Diyos. Ang mga ito ay iingatang malinis na di-nadurungisan ng mga suhol, at ng lahat na marumi at mapandaya. Magiging masipag ang mga ito sa mga gawa ng pag-ibig at kahabagan. Ang mga mata, na nakatuon sa isang marangal na layunin, ay magiging malinaw at tapat. Ang mukhang nagbabadya at matang nagsasalita, ay magpapatotoo sa walang dungis na likas ng umiibig at gumagalang sa salita ng Diyos. Nguni't ang lahat ng ito ay hindi napag-unawa ng mga Hudyo noong kapanahunan ni Kristo. Ang utos na ibinigay kay Moises ay pinakahuluganan nilang ang mga utos ng Kasulatan ay dapat isuot o ikabit sa katawan ng tao. Dahil dito'y isinulat nila ang mga ito sa maliliit na piraso ng papel, at itinatali sa lantad na paraan sa palibot ng ulo at mga galang ng kamay. Nguni't ito'y wala ring nagawa upang lalong maitatag sa puso at pag-iisip ang kautusan ng Diyos. Ang mga maliliit na pirasong ito ng papel o pergamino ay isinuot o ikinabit lamang na parang mga tsapa, upang makaakit ng pansin. Inakalang ang mga ito ay magbibigay ng simoy ng kabanalan sa may taglay nito upang sila'y igalang ng mga tao. Hinagkis ni Jesus ang walang-kabuluhang pagkukunwaring ito:BB 878.3

    “Datapwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakterya, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit, at iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga, at pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi, Rabi. Datapwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong Guro, samakatwid baga'y si Kristo; at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa: sapagka't isa ang inyong Ama, samakatwid baga'y Siya na nasa langit. Ni huwag kayong patawag na panginoon: sapagka't iisa ang inyong Panginoon, samakatwid baga'y ang Kristo.” Sa ganitong malilinaw na salita ay inihayag ng Tagapagligtas ang mapag-imbot na diwang naghahangad matanyag sa katungkulan at kapangyarihan, na nagpapakita ng pakunwaring kapakumbabaan, samantalang ang puso ay puno ng kasakiman at kapanaghilian. Pagka may mga taong inanyayahan sa isang piging, ang mga panauhin ay pinaupo nang ayon sa kanilang katayuan sa buhay, at ang mga pinalilikmo sa pinakamarangal na luklukan ay siyang tumatanggap ng unang pagaasikaso at mga tanging pagtingin. Lagi nang pinagmimithiang matamo ng mga Pariseo ang mga karangalang ito. Nguni't ang ganitong gawain ay sinansala ni Jesus.BB 879.1

    Sinansala rin naman Niya ang kapalaluang ipinakikita sa pag-iimbot ng titulong rabi (guro), o panginoon. Ang ganitong titulo, wika Niya, ay hindi para sa mga tao, kundi kay Kristo. Ang mga saserdote, mga eskriba, at mga pinuno, na mga tagapagpaliwanag at tagapangasiwa ng kautusan, ay magkakapatid na lahat, at mga anak ng iisang Ama. Ipinakadiin ni Kristo sa mga tao na hindi nila dapat ibigay sa sinumang tao ang titulo ng karangalan na nagpapakilalang nakokontrol niya ang kanilang budhi o ang kanilang pananampalataya.BB 880.1

    Kung si Kristo'y naririto sa lupa ngayon, na naliligid ng mga nagtataglay ng titulong “Kagalang-galang” o “Tunay na Kagalang-galang,” hindi kaya Niya uulitin ang Kaniyang sinabing, “Ni huwag kayong patawag na panginoon: sapagka't iisa ang inyong Panginoon, samakatwid baga'y ang Kristo”? Ganito ang ipinahahayag ng Kasulatan tungkol sa Diyos, “Banal at kagalang-galang ang Kaniyang pangalan.” Awit 111:9. Sinong tao ang karapatdapat kapitan ng ganitong titulo? Gaano nga kaliit ang inihahayag na karunungan at katwiran ng tao! Gaano nga karami sa mga taong gumagamit ng titulong ito ang humahamak sa pangalan at likas ng Diyos! Ay, gaano nga kadalas na ang makasanlibutang hangarin, panlulupig, at ang pinakahamak na mga kasalanan ay itinatago sa loob ng magarang kasuutan ng isang nasa banal at mataas na tungkulin! Nagpatuloy ang Tagapagligtas:BB 880.2

    “Datapwa't ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. At sinumang nagmamataas ay mabababa; at sinumang nagpapakababa ay matataas.” Paulit-ulit na itinuro ni Kristo na ang tunay na kadakilaan ay sinusukat sa kahalagahang moral. Ayon sa sukatan ng langit, ang kadakilaan ng likas ay nakabatay sa pamumuhay na gumagawa ng kabutihan sa ating mga kapwa tao, at sa pagpapakita ng mga gawa ng pag-ibig at kahabagan. Si Kristong Hari ng kaluwalhatian ay naging isang alipin ng taong nagkasala.BB 881.1

    “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw,” wika ni Jesus, “sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok.” Sa pamamagitan ng pagsisinsay sa mga sinasabi ng mga Kasulatan, ay binulag ng mga saserdote at ng mga tagapagtanggol ng kautusan ang mga pag-iisip niyaong mga dapat sana'y nakatanggap ng kaalaman tungkol sa kaharian ni Kristo, at ng banal na kabuhayang siyang kailangan sa tunay na kabanalan.BB 881.2

    “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.” Ang mga Pariseo ay may malaking impluwensiya sa mga tao, at sinamantala nila ito upang lalong mapabuti ang kanilang sariling mga kapakanan. Natamo nila ang pagtitiwala ng mga banal na babaeng balo, at nang magkagayo'y ipinakilala nila sa mga ito na tungkulin ng mga ito na itaan ang kanilang ari-arian sa mga layuning panrelihiyon. Nang mapasakanila na ang salapi ng mga ito, ay ginamit ito ng mga tusong magkakasabuwat sa sarili nilang kapakinabangan. At upang mapagtakpan ang kanilang kadayaan, ay nananalangin sila nang mahahaba sa paningin ng mga tao, at gumagawa ng malaking pagtatanghal ng kanilang pagbabanal. Ang ganitong pagpapaimbabaw ay sinabi ni Kristong naghahatid sa kanila ng lalong malaking parusa. Ganito ring suwat o saway ang nauukol sa maraming nagbabansag na sila'y mga banal sa kasalukuyan nating panahon. Ang kanilang mga kabuhayan ay nadurungisan ng kasakiman at katakawan, gayunma'y tinatakpan nila ito ng wari'y damit ng kalinisan, at sa ganito'y nadadaya nilang sumandali ang kanilang mga kapwa tao. Nguni't ang Diyos ay hindi nila madadaya. Nababasa Niya ang bawa't layunin ng puso, at hahatulan Niya ang bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa.BB 882.1

    Walang-awang hinatulan ni Kristo ang mga pagmamalabis, nguni't kaunti man ay hindi Niya niwalanghalaga ang tungkulin. Pinagwikaan Niya ang kasakimang humuthot at nagwaldas ng mga kaloob ng babaeng balo. Kaalinsabay naman nito'y pinuri Niya ang babaeng balong nagdala ng kaniyang handog sa kabang-yaman ng Diyos. Ang pagmamalabis at pagwawaldas ng tao sa kaloob ay hindi nag-aalis ng pagpapala sa nagbibigay.BB 882.2

    Si Jesus ay nasa patyo o looban ng templo na kinaroroonan ng mga kabangyaman, at Kaniyang minasdan ang mga nagsisidating at naghuhulog ng kanilang mga kaloob. Marami sa mga maykaya ay nagdala ng malalaking halaga, at ito'y kanilang inihulog nang may malaking pagmamarangya. Buong kalungkutang minasdan sila ni Jesus, nguni't wala Siyang sinabing anuman tungkol sa kanilang malalaking handog. Walang anu-ano'y nagliwanag ang Kaniyang mukha nang Kaniyang makita ang isang dukhang babaeng balo na atubili pang lumapit, na para bagang natatakot na siya'y mapagmasdan. Samantalang ang mayayaman at ang mga palalo ay sunud-sunod sa pagsasalimbayan, na naghuhulog ng kanilang mga handog, ang babaeng balo naman ay nagpapakaliit-liit na para bagang bahagya nang makapangahas na umusad palapit. At gayunma'y hangad niyang gumawa ng isang bagay, maliit man iyon, para sa gawang kaniyang minamahal. Tiningnan niya ang hawak niyang handog. Napakaliit iyon kung ihahambing sa mga handog ng mga nasa palibot niya, nguni't walang-wala siya kundi iyon lamang. Naghintay siya ng kaniyang pagkakataon, at pagkatapos ay nagmamadali niyang inihulog ang kaniyang dalawang lepta, at nagmamadali ring tumalikod at umalis. Nguni't ang ginawa niyang ito ay hindi nalingid sa paningin ni Jesus, na matamang nakatuon ang mata sa kaniya.BB 883.1

    Tinawag ng Tagapagligtas ang Kaniyang mga alagad upang lumapit sa Kaniya, at sinabi sa kanilang pansinin nila ang karukhaan ng babaeng balo. Pagkatapos ay sumapit sa pandinig ng babaeng balo ang Kaniyang mga salita ng pagpuri: “Sa katotohana'y sinasabi Ko sa inyo, Ang dukhang babaeng balong ito ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat.” Nangilid sa mga mata ng babaeng balo ang mga luha ng katuwaan nang madama niyang ang ginawa niya ay naunawaan at pinahalagahan. Marami ang magsasabing impukin na niya ang kaniyang ihahandog upang magamit niya sa kaniyang sariling pangangailangan; kung ibibigay niya iyon sa mga kamay ng laging-busog na mga saserdote, ay hindi rin ito mapapansin sa karamihan ng malalaking handog na dinadala sa kabang-yaman. Nguni't naunawaan ni Jesus ang laman ng kaniyang puso. Siya'y naniwalang ang paglilingkod sa templo ay talagang itinakda ng Diyos, at sabik siyang gawin ang buo niyang makakaya upang maitaguyod ito. Ginawa niya ang kaniyang makakaya, at ang ginawa niya ay naging isang bantayog sa kaniyang alaala sa buong panahon, at naging kaniyang katuwaan sa walang-hanggan. Ang puso niya ay kalakip ng kaniyang kaloob; ang halaga niyon ay sinukat, hindi sa halaga ng salapi, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig sa Diyos at sa pagmamalasakit sa Kaniyang gawain na nag-udyok sa kaniya upang gawin iyon.BB 883.2

    Tungkol sa dukhang babaeng balo ay sinabi ni Jesus, Siya “ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat.” Ang mga masalapi ay nagbigay ng buhat sa kasaganaan nila, at ang marami sa kanila ay upang makita at purihin ng mga tao. Ang malalaki nilang abuloy o mga kaloob ay hindi nakabawas sa kanilang kaginhawahan, o sa luho man nila; hindi nila kinailangang magsakripisyo, at hindi maitutulad sa halaga ng lepta ng babaeng balo.BB 885.1

    Ang adhikain ay siyang umuuri sa ating mga gawa, na tinatatakan ang mga ito ng kadustaan o ng mataas na kahalagahang moral. Hindi ang mga malalaking bagay na nakikita ng bawa't mata at pinupuri ng bawa't dila ang ibinibilang ng Diyos na pinakamahalaga. Ang maliliit na tungkuling masayang ginagampanan, ang maliliit na kaloob na hindi ipinagmamarangya, na sa tingin ng mga tao ay walang-halaga, ay siyang madalas na na- giging pinakamataas o pinakamahalaga sa paningin Niya. Ang pusong sumasampalataya at umiibig ay siyan'g higit na minamahal ng Diyos kaysa pinakamamahaling kaloob. Ibinigay ng dukhang babaeng balo ang buo niyang ikabubuhay upang magawa ang maliit niyang ginawa. Tiniis niyang mawalan ng ibibili ng pagkain maibigay lamang niya ang dalawang leptang yaon sa gawaing kaniyang minamahal. At ginawa niya iyon sa pananampalataya, na nagtitiwalang hindi pababayaan ng Kaniyang Amang nasa langit ang malaki niyang pangangailangan. Ang diwang ito na salat sa pagkamakasarili at ang pananampalatayang tulad-ng-sa-bata ang nagtamo ng papuri ng Tagapagligtas.BB 885.2

    Sa gitna ng mga dukha ay marami ang nananabik na magpakita ng kanilang pasasalamat sa Diyos dahil sa Kaniyang biyaya at katotohanan. Malaki ang hangarin nilang makibahagi sa kanilang higit na nakaririwasang mga kapatid sa pagsustento o pagtataguyod ng Kaniyang gawain. Ang mga kaluluwang ito ay hindi dapat sansalain. Pabayaan silang magtipon ng kanilang mga lepta sa banko ng langit. Ang waring maliliit na mga kaloob na ito, kung ibinibigay ng pusong pinag-uumapawan ng pag-ibig sa Diyos, ay nagiging mga banal na kaloob, mga walang-katumbas na handog, na kinaluluguran at pinagpapala ng Diyos.BB 886.1

    Nang sabihin ni Jesus tungkol sa babae, Siya'y “naghulog nang higit kaysa kanilang lahat,” ay totoo ang Kaniyang sinabi, hindi lamang tungkol sa adhika nito, kundi sa mga ibinunga rin naman ng kaniyang kaloob. Ang “dalawang lepta na ang halaga'y halos isang beles” ay nagpasok sa kabang-yaman ng Diyos ng halagang higit pang malaki kaysa mga iniabuloy ng mayayamang Hudyong yaon. Ang impluwensiya ng maliit na kaloob na yaon ay naging katulad ng isang batis, na maliit sa pasimula, nguni't lumaki nang lumaki at lumalim nang lumalim habang umaagos sa buong mga panahon. Sa sanlibong mga kaparaanan ay nakatulong ito sa ikagiginhawa ng mga dukha at sa ikalalaganap ng ebanghelyo. Ang kaniyang halimbawa ng pagpapakasakit sa sarili ay gumawa nang gumawa sa libu-libong mga puso sa lahat ng lupain at sa lahat ng panahon. Nakaantig ito sa mayayaman at sa mahihirap, at ang mga handog nila ay lalong nagpalaki sa halaga ng kaniyang kaloob. Ang pagpapala ng Diyos sa lepta ng babaeng balo ay siyang pinanggalingan ng malalaking ibinunga. Ganyan din ang mangyayari sa bawa't kaloob na ibinibigay at sa bawa't gawang ginaganap nang may tapat na hangaring ukol sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ito'y nakakawing sa mga panukala ng Makapangyarihan sa lahat. Walang taong makatataho sa mga ibubunga nitong mabuti.BB 886.2

    Ipinagpatuloy ng Tagapagligtas ang Kaniyang mga batikos sa mga eskriba at mga Pariseo: “Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay walang anuman; datapwa't kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya! Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto? At, kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay walang anuman; datapwa't kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, nagkakasala nga siya. Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog?” Ang mga hinihingi ng Diyos ay ipinaliwanag ng mga saserdote nang alinsunod sa kanilang mali at makitid na pamantayan. Sila ang naglagay ng mga pagkakaiba-iba ng bigat ng mga iba't ibang kasalanan, na sina6abing ang sa iba ay magagaan, at ang sa iba pa ay mabibigat na anupa't hindi maipatatawad. Nang dahil sa salapi ay pinagpaumanhinan nila ang mga tao sa pagkukulang ng mga ito sa kanilang mga panata. At dahil din sa malalaking halaga ng salapi ay ipinipikit nila ang kanilang mga mata sa mabibigat na mga kasalanan. Kaalinsabay din naman nito ang ibang mga kaso ay ginagawaran ng mga saserdote at mga pinuno ng mabibigat na hatol sa maliliit lamang na pagkukulang.BB 887.1

    “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuwena at ng anis at ng komino, ar inyong pinababayaang di-ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na di iba't ang katarungan, ang pagkahabag, at ang pananampalataya: dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di-gawin yaong iba.” Sa mga pangungusap na ito ay muling hinahatulan ni Kristo ang pagmamalabis sa banal na tungkulin. Ang tungkulin na rin ay hindi Niya isinasa-isantabi. Ang sistema ng pag-iikapu ay itinalaga ng Diyos, at ito ay isinagawa na buhat pa ng kauna-unahang mga panahon. Si Abraham, na ama ng mga tapat, ay nagbayad ng mga ikapu ng lahat niyang tinatangkilik. Kinilala ng mga pinunong Hudyo ang tungkulin ng pagbabayad ng ikapu, at ito ay matwid; nguni't hindi nila ipinaubaya sa mga tao ang pagsasakatuparan ng sarili nilang mga paniniwala tungkol sa tungkulin. Mga utos na sapilitan ang inilagda sa bawa't kaso o bagay. Ang mga tagubilin at mga utos ay naging gayon na lamang kasikot na anupa't mahirap nang tuparin ang mga iyon. Walang makapagsabi kung sinunod nila ang kanilang mga tungkulin. Sapagka't Diyos ang nagbigay nito, ang sistema ng pagiikapu ay makatarungan at makatwiran; nguni't ginawa itong mabigat at nakapapagod ng mga saserdote at mga rabi.BB 888.1

    Lahat ng mga iniuutos ng Diyos ay mahalaga. Kinilala ni Kristo na isang tungkulin ang pagbabayad ng mga ikapu; subali't ipinakilala rin naman Niya na hindi dahilan ito upang kaligtaan at pabayaan ang iba pang mga tungkulin. Hustung-husto at tapat na tapat ang mga Pariseo sa pag-iikapu sa mga bunga ng halaman, gaya ng yerbabuwena, anis, at komino; maliit ang halagang nakukuha nito sa kanila, at ito'y nagbibigay sa kanila ng karangalan sa pagiging-tapat at banal. Kaalinsabay naman nito ang walang-kabuluhan nilang mga paghihigpit ay nagpahirap sa mga tao at sumira ng paggalang nila sa mga banal na sistemang itinakda ng Diyos. Pinuno nila ang isip ng mga tao ng maliliit na bagay, at inihiwalay ang kanilang pansin sa mahahalagang katotohanan. Ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na di iba't ang katarungan, kahabagan, at katotohanan, ay pinabayaan. “Dapat sana ninyong gawin ang mga ito,” sabi ni Kristo, “at huwag pabayaang di-gawin yaong iba.”BB 888.2

    Sinira ng mga rabi ang ibang mga kautusan sa gayunding paraan. Sa mga tagubiling ibinigay sa pamamagitan ni Moises ay ipinagbawal ang kumain ng anumang maruming bagay. Ang pagkain ng laman ng baboy, at ng laman ng iba pang mga hayop, ay ipinagbawal, sapagka't ito ang magpaparumi sa dugo, at magpapaigsi sa buhay. Nguni't hindi iniwan ng mga Pariseo ang mga ipinagbabawal na ito ayon sa pagkahkabigay sa kanila. Gumawa pa sila ng di-makatwirang mga pagmamalabis. Kabilang sa mga pagmamalabis na ito ay kanilang iniutos na salain ang lahat ng tubig na ginagamit, baka ito'y nagkakaroon ng maliliit na insekto o kulisap, na kauri ng maruruming hayop. Nang ihambing ni Jesus ang maliliit na paghihigpit na ito sa malalaki nilang mga pagkakasala, ay sinabi Niya sa mga Pariseo, “Kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo.”BB 889.1

    “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi; na may anyong maganda sa labas datapwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumal-dumal.” Kung paanong ang loob ng pinaputi at ginayakang libingan ay siyang kinakukublihan ng mga nabubulok na bangkay, gayundin namang ang panlabas na kabanalan ng mga saserdote at mga pinuno ay nagkukubli ng kanilang katampalasanan. Nagpatuloy pa si Jesus:BB 889.2

    “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginagayakan ang mga libingan ng mga matwid, at sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang, disi'y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta. Kaya't kayo'y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo'y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta.” Upang ipakilala ng mga Hudyo ang pagpapahalaga nila't paggalang sa mga nangamatay na propeta, ay pinagsikapan nilang mapaganda ang mga libingan ng mga ito; nguni't hindi naman sila nakinabang sa mga turo ng mga ito, ni dininig man ang kanilang mga suwat o sansala.BB 890.1

    Noong panahon ni Kristo ay mayroong pamahiin ang mga tao na nag-aalang-alang sa mga pahingahang dako ng mga patay, at malalaking halaga ng salapi ang ginugol sa paggagayak ng mga ito. Sa paningin ng Diyos ay ito'y pagsamba sa diyos-diyusan. Sa kanilang labis na paggalang sa mga patay ay ipinakilala nilang hindi nila iniibig ang Diyos nang higit sa lahat, ni ang kanilang mga kapwa man nang tulad sa kanilang mga sarili. Ang ganito ring paraan ng pagsamba sa diyos-diyusan ay malaganap ngayon. Marami ang nagkakasala ng pagpapabaya sa mga babaeng balo at sa mga ulila, sa mga maysakit at mga dukha, upang makapagtayo ng nagmamahalang mga bantayog para sa mga patay. Ang panahon, salapi, at pagod ay malayang ginugugol sa layuning ito, samantalang ang mga tungkulin naman sa mga nabubuhay—mga tungkuling malinaw na ipinagagawa ni Kristo—ay hindi ginagawa.BB 890.2

    Itinayo ng mga Pariseo ang mga tumba o mga libingan ng mga propeta, at ginayakan ang mga ito, at sinabi sa isa't isa, Kung tayo sana'y nangabubuhay nang mga kaarawan ng ating mga magulang, hindi sana tayo nakiisa sa kanila sa pagtitigis ng dugo ng mga lingkod ng Diyos. Kaalinsabay naman nito'y pinagpapanukalaan nilang kitlin ang buhay ng Kaniyang Anak. Ito'y dapat ding maging aral sa atin. Dapat itong makapagmulat ng ating mga mata upang ating makita ang kapangyarihan ni Satanas sa pagdaya sa pag-iisip na tumatalikod sa liwanag ng katotohanan. Marami ang sumusunod sa landas ng mga Pariseo. Iginagalang nila yaong mga nangamatay sa kanilang pananampalataya. Namamangha sila sa pagkabulag ng mga Hudyo sa pagtatakwil kay Kristo. Kung kami lamang ay nabubuhay noong Kaniyang kaarawan, sinasabi nila, buong galak sana naming tinanggap ang Kaniyang turo; hindi sana kami naging mga karamay sa pagkakasala niyaong mga nagsitanggi sa Tagapagligtas. Datapwa't pagka ang pagtalima sa Diyos ay nangangailangan ng pagtanggi sa sarili at ng pagpapakababa, ang mga tao ring ito ang nagpapawalang-halaga sa kanilang mga paniniwaia, at tumatangging tumalima Sa gayo'y ipinakikita nila ang diwa ring iyon ng mga Pariseo na hinatulan ni Kristo.BB 891.1

    Bahagya nang nadama ng mga Hudyo ang kakilakilabot na kapanagutang napapaloob sa pagtatakwil nila kay Kristo. Buhat nang araw na matigis ang unang walang-salang dugo, nang ang matwid na si Abel ay mahulog sa kamay ni Cain, ang kasaysayan ding ito ay paulitulit na nangyayari, nang may papalaking katampalasanan. Sa bawa't panahon ay may mga propetang nagtaas ng kanilang mga tinig laban sa mga kasalanan ng mga hari, mga pinuno, at mga tao, na sinasalita ang mga pangungusap na ibinigay sa kanila ng Diyos, at tinatalima ang Kaniyang kalooban kahit na manganib ang kanilang mga buhay. Sa pana-panahon ay may natatalaksang kakila-kilabot na kaparusahan sa mga nagsisitanggi sa liwanag at katotohanan. Ito'y unti-unti ngayong ibinababa ng mga kaaway ni Kristo sa sarili nilang mga ulo. Ang kasalanan ng mga saserdote at mga pinuno ay higit na malaki kaysa alinmang naunang salin-ng-lahi. Sa pagkakatakwil nila sa Tagapagligtas, ay nananagot sila sa dugo ng lahat ng mga matwid na taong pinatay buhat kay Abel hanggang kay Kristo. Malapit na nilang mapuno at paapawin ang saro ng kanilang katampalasanan. At di-magluluwat at ito'y ibubuhos na sa kanilang mga ulo bilang ganti o parusa ng katarungan. Tungkol dito'y binabalaan sila ni Jesus:BB 891.2

    “Upang mabubo sa inyo ang lahat na matwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias, na pinatay ninyo sa pagitan ng santuwaryo at ng dambana. Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang Iahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.”BB 892.1

    Batid ng mga eskriba at mga Pariseong nakinig kay Jesus na totoo ang mga sinabi Niya. Batid nila kung paano pinatay ang propetang si Zacarias. Samantalang ang mga salita ng pagbababala ng Diyos ay nasa mga labi pa Niya, ay inalihan ng maka-Satanas na kagalitan ang tumalikod na hari, at sa utos nito ay pinatay ang propeta. Ang dugo niya ay nabakas sa mga bato ng patyo ng templo, at hindi na maalis; ito'y namalagi upang magpatotoo laban sa tumalikod na Israel. Habang nakatayo ang templo, ay doroon ang bakas ng banal na dugo, na humihibik sa Diyos upang siya'y ipaghiganti. Nang banggitin ni Jesus ang nakapangingilabot na mga kasalanang ito, ay pinagharian ng sindak ang buong karamihan.BB 892.2

    Sa pagkakatingin ni Jesus sa hinaharap, ay sinabi Niya na ang di-pagsisisi ng mga Hudyo at ang kanilang kalupitan sa mga lingkod ng Diyos ay magiging gayundin sa hinaharap gaya ng nangyari sa nakaraan:BB 893.1

    “Kaya't, narito, sinusugo Ko sa inyo ang mga propeta, at ang mga pantas na lalaki, at ang mga eskriba: at ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong pag-uusigin sa bayanbayan.” Ang mga propeta at mga pantas na lalaki, na puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo,—gaya nina Esteban, Santiago, at marami pang iba,— ay mga hinatulan at pinatay. Nakataas ang kamay sa langit, at ang Kaniyang persona ay nababalot ng banal na liwanag, na nagsalita si Kristo bilang isang hukom sa mga nasa harap Niya. Ang Kaniyang tinig, na madalas marinig na nangungusap nang mahinahon at namamanhik, ay narinig ngayon na sumasaway at humahatol. Nanginig ang mga nagsisipakinig. Ang impresyon o kakintalang nagawa ng Kaniyang mga salita at ng Kaniyang anyo ay hindi na kailanman mapapawi.BB 893.2

    Kinapootan ni Kristo ang pagpapaimbabaw, ang mabibigat na kasalanan, na sa pamamagitan nito'y sinisira ng mga tao ang sarili nilang mga kaluluwa, na dinadaya ang mga tao at nilalapastangan ang Diyos. Sa mainam at mapanlinlang na pangangatwiran ng mga saserdote at mga pinuno ay nakita Niya ang paggawa ng mga kinakasangkapan ni Satanas. Matalas at nananaliksik ang Kaniyang pagbatikos sa kasalanan; nguni't hindi naman Siya bumigkas ng mga salita ng paghihiganti. Mayroon Siyang banal na pagkagalit sa prinsipe ng kadiliman; gayunma'y hindi Siya nagpakita ng yamot na damdamin. Kaya ang Kristiyanong namumuhay nang kaayon ng Diyos, na nagtataglay ng matatamis na likas ng pag-ibig at kahabagan, ay makakaramdam ng banal na pagkagalit laban sa kasalanan; nguni't hindi siya mauudyukan ng silakbo ng, galit na alipustain ang umaalipusta sa kaniya. Maging sa pakikiharap man sa mga taong inuudyukan ng kapangyarihang buhat sa ibaba upang panatilihin ang kasinungalingan, kay Kristo'y mapananatili pa rin niya ang kahinahunan at pagpipigil.BB 893.3

    Banal na kahabagan ang nakabadha sa mukha ng Anak ng Diyos nang tapunan Niya ng tingin ang templo at pagkatapos ay ang mga nakikinig sa Kaniya. Sa tinig na pinipiyapis ng matinding pamimighati ng puso at ng mapapait na pagluha ay bumulalas Siya, “Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya, makailang inibig Kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo!” Ito ang naghihirap na pamamaalam. Sa panaghoy ni Kristo ay puso na mismo ng Diyos ang tumatangis. Ito ang mahiwagang pamamaalam ng mapagpahinuhod na pag-ibig ng Diyos.BB 894.1

    Nangatahimik ang mga Pariseo at mga Saduceo. Tinawag ni Jesus ang Kaniyang mga alagad, at humanda nang lisanin ang templo, hindi bilang isang nagapi at napilitang umurong sa kaniyang mga kalaban, kundi bilang isa na nakatapos ng kaniyang gawain. Umalis Siyang mananagumpay sa labanan.BB 894.2

    Ang mga hiyas ng katotohanang namutawi sa mga labi ni Kristo nang makasaysayang araw na yaon ay iningat-ingatan sa puso ng marami. Sa ganang kanila'y mga bagong isipan ang nagkabuhay, mga bagong hangarin ang nagising, at isang bagong kasaysayan ang pinasimulan. Pagkatapos na si Kristo'y mabayubay sa krus at mabuhay na mag-uli, ang mga taong ito ang lumagay sa unahan, at tinupad ang utos sa kanila ng Diyos na taglay ang karunungan at kasigasigang tumutugon sa laki ng gawain. Dinala nila ang isang pabalitang namanhik sa puso ng mga tao, at pinapanghina ang matatandang pamahiin na maluwat nang nagpaunano sa kabuhayan ng mga libu-libo. Sa kanilang pagpapatotoo ay naging parang mga walang-kabuluhang haka-haka ang mga teorya at mga pilosopiya ng mga tao. Sa mga nangamamangha't gimbal na karamihang nagkatipon sa templo sa Jerusalem, ay dakilang mga bagay ang ibinunga ng mga pangungusap ng Tagapagligtas.BB 894.3

    Datapwa't ang Israel sa pagiging isang bansa ay humiwalay na sa Diyos. Ang katutubong mga sanga ng punong olibo ay nangabali na. Sa kahuli-hulihang pagsulyap Niya sa loob ng templo, ay sinabi ni Jesus sa basag na tinig, “Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak. Sapagka't sinasabi Ko sa inyo, Buhat ngayon ay hindi ninyo Ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.” Hanggang sa oras na iyon ay tinawag Niya ang templo na bahay ng Kaniyang Ama; subali't ngayon, pagkalabas ng Anak ng Diyos sa mga kutang yaon, ay babawiin na ng Diyos ang Kaniyang pakikiharap sa templong itinayo sa ikaluluwalhati Niya. Buhat ngayon ay mawawalan na ng kahulugan ang mga seremonya, at mawawalan na rin ng halaga ang paglilingkod dito.BB 895.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents