Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Bukal Ng Buhay

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 68—Sa Labas ng Patyo

    Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 12:20-43.

    “Mayroon ngang ilang Griyego na nagsiahon sa kapistahan upang magsisamba: ang mga ito nga'y nagsilapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus. Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres: at lumapit si Andres at si Felipe at kanilang sinabi kay Jesus.”BB 896.1

    Nang panahong ito ang gawain ni Kristo ay waring dumaraan sa malupit na kabiguan. Nagtagumpay Siya sa pakikipagtalo sa mga saserdote at mga Pariseo, nguni't maliwanag na Siya'y hindi nila kailanman tatanggaping Mesiyas. Sumapit na ang huling paghihiwalay. Sa palagay ng mga alagad Niya ay waring talagang wala nang pag-asa. Nguni't nalalapit na si Jesus sa wakas ng Kaniyang gawain. Ang dakilang pangyayaring nauukol hindi lamang sa bansang Hudyo, kundi sa buong sanlibutan din naman, ay malapit nang maganap. Nang mapakinggan ni Kristo ang sabik na kahilingang, “Ibig sana naming makita si Jesus,” na iniaalingawngaw ang nagugutom na sigaw ng sanlibutan, ay nagliwanag ang Kaniyang mukha, at sinabi Niya, “Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin.” Sa pakiusap ng mga Griyego ay nakita Niya ang tanda ng mga ibubunga ng Kaniyang dakilang sakripisyo.BB 896.2

    Ang mga taong ito'y nanggaling sa Kanluran upang hanapin ang Tagapagligtas nang panahong nagtatapos na ang Kaniyang buhay sa lupa, tulad din naman ng mga Pantas na lalaking nagbuhat sa Silangan noong Siya'y isilang. Nang panahong ipanganak si Kristo ay abalangabala ang mga Hudyo sa kanilang matatayog na mga panukala na anupa't hindi nila napag-alaman ang Kaniyang pagdating. Ang mga Mago o mga Pantas na nagmula sa mga bansang walang-pagkakilala sa tunay na Diyos ay nagsirating sa pasabsaban na taglay ang kanilang mga kaloob, upang sumamba sa Tagapagligtas. Gayundin ang mga Griyegong ito, na kumakatawan sa mga bansa, mga angkan, at mga bayan ng sanlibutan, ay nagsirating upang makita si Jesus. Gayundin maaakit ng krus ng Tagapagligtas ang mga tao ng lahat ng mga bansa at ng lahat ng mga panahon. Gayundin “marami ang magsisipanggaling sa silangan at sa kanluran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaae, at ni Jacob, sa kaharian ng langit.” Mateo 8:11.BB 897.1

    Nabalitaan ng mga Griyego ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem. May mga nag-akala, at nagkalat ng balita, na Kaniyang pinalayas ang mga saserdote at mga pinuno sa templo, at Kaniyang aangkinin ang luklukan o trono ni David, at maghahari sa Israel. Ibig maalaman ng mga Griyego ang katotohanan tungkol sa Kaniyang misyon. “Ibig sana naming makita si Jesus,” sabi nila. Pinagbigyan naman ang nais nila. Nang sabihin kay Jesus ang kahilingan nila, ay nasa dako Siya ng templo na walang sinumang pinapapasok kundi mga Hudyo lamang, nguni't nilabas Niya ang mga Griyego sa labas ng patyo, at Siya'y personal na nakipag-usap sa kanila.BB 897.2

    Dumarating na ang oras ng pagluwalhati kay Kristo. Nakatayo na Siya sa lilim ng krus, at ang pag-uusisa ng mga Griyego ay nagpakilala sa Kaniya na ang sakripisyong malapit na Niyang gawin ay maghahatid sa Diyos ng maraming mga anak na lalaki at mga anak na babae. Batid Niyang ilang saglit lamang ay makikita na Siya ng mga Griyego sa isang kalagayang hindi nila inaasahan. Makikita nila Siyang itatabi kay Barrabas, na isang tulisan at mamamatay-tao, at pipiliin itong pawalan na kahalili ng Anak ng Diyos. Maririnig nila ang mga tao, na inuudyukan ng mga saserdote at mga pinuno, sa gagawin nilang pagpili. At sa katanungang, “Ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” ay ibibigay ang sagot na, “Ipako Siya sa krus.” Mateo 27:22. Pagka ginawa na ang ganitong pampalubag-loob para sa mga kasalanan ng mga tao, batid ni Kristong magiging sakdal na ang Kaniyang kaharian, at aabot na sa buong sanlibutan. Siya'y gagawa bilang Tagapagsauli, at mananaig ang Kaniyang Espiritu. Saglit Siyang tumanaw sa dumarating na panahon, at narinig Niya ang mga tinig na sa lahat ng mga dako ng lupa ay nagsisipagtanyag ng, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. Sa mga taga-ibang lupang ito ay nakita Niya ang pangako ng isang masaganang ani, pagka nagiba na ang pader na naghihiwalay sa mga Hudyo at sa mga Hentil, at pagka narinig na ng lahat ng mga bansa, mga wika, at mga bayan ang pabalita ng kaligtasan. Ang paghihintay sa pangyayaring ito, ang katuparan ng Kaniyang mga inaasahan, ay ipinahahayag sa pangungusap na, “Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin.” Nguni't ang paraang ipangyayari ng pagluluwalhating ito ay di-kailanman nawawala sa isip ni Kristo. Ang pagtitipon sa mga Hentil ay siyang susunod sa nalalapit na Niyang pagkamatay. Sa pamamagitan lamang ng Kaniyang kamatayan maililigtas ang sanlibutan. Tulad sa isang butil ng trigo, ang Anak ng tao ay dapat munang mapahasik sa lupa at mamatay, at malibing upang mawala sa paningin; nguni't Siya ay muling mabubuhay.BB 897.3

    Ipinakilala ni Kristo ang Kaniyang hinaharap, na inilarawan iyon sa pamamagitan ng mga bagay ng katalagahan o kalikasan, upang maunawaan ng mga alagad. Ang tunay na bunga ng Kaniyang misyon ay maaabot sa pamamagitan ng Kaniyang kamatayan. “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo,” wika Niya, “malibang ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang mag-isa: nguni't kung mamamatay, ay nagbubunga nang marami.” Kapag ang butil ng trigo ay nahulog sa lupa at namatay, ito'y sumisibol, at nagbubunga. Kaya nga ang pagkamatay ni Kristo ay magbibigay ng bunga para sa kaharian ng Diyos. Alinsunod sa batas ng mga pananim o mga halaman, buhay ang ibubunga ng Kaniyang kamatayan.BB 899.1

    Sa mga nagbubungkal ng lupa ay lagi nilang nakikita ang ganitong paghahalimbawa. Taun-taon ay pinangangalagaan ng tao ang panustos niyang butil sa pamamagitan ng wari'y pagtatapon ng pinakamabuti sa mga binhi. Sa loob ng isang panahon ay kailangang ito'y matabunan ng lupang inararo, na babantayan ng Panginoon. Pagkatapos ay lilitaw ang dahon, saka ang uhay, at saka ang butil sa uhay. Subali't ang ganitong pagtubo ay hindi mangyayari malibang ang butil ay matabunan at matago muna sa paningin, at magmistulang nawala.BB 899.2

    Ang binhing nabaon sa lupa ay siyang nagbubunga, at ito rin naman ang siyang itinatanim uli. Sa ganito ay dumarami ang ani. Kaya nga ang pagkamatay ni Kristo sa krus ng Kalbaryo ay magbubunga ng walanghanggang buhay. Ang pagbubulay-bulay ng sakripisyong ito ay ikaluluwalhati niyaong mga, bilang siyang bunga nito, ay mangabubuhay sa buong panahong walang-katapusan.BB 899.3

    Ang butil ng trigong nangangalaga sa sarili nitong buhay ay hindi makapagbubunga. Nananatili itong nagiisa. Kung inibig lamang ni Kristo, nailigtas sana Niya ang Kaniyang sarili sa kamatayan. Nguni't kung ginawa Niya ito, sana'y mananatili Siyang nag-iisa. Wala Siyang madadala sa Diyos na mga anak na lalaki at mga anak na babae. Sa pamamagitan lamang ng pag-aalay Niya ng Kaniyang buhay makapagbibigay Siya ng buhay sa sangkatauhan. Sa pamamagitan lamang ng pagkabuwal Niya sa lupa upang mamatay saka Siya magiging binhi ng malaking aning yaon—ang malaking karamihan na matutubos sa Diyos buhat sa bawa't bansa, at lipi, at wika, at bayan.BB 900.1

    Sa katotohanang ito ay iniuugnay ni Kristo ang aral ng pagsasakripisyo ng sarili na dapat matutuhan ng lahat: “Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang-hanggan.” Lahat ng ibig magbunga sa pagiging mga manggagawang kasama ni Kristo ay dapat munang mahulog sa lupa at mamatay. Ang buhay ay dapat mahasik sa tudling ng pangangailangan ng sanlibutan. Ang pag-ibig sa sarili, ang pagmamalasakit sa sarili, ay dapat mamatay. At ang batas ng pagsasakripisyo ng sarili, ay siyang batas ng pagpapanatili sa sarili. Napamamalagi ng magsasaka ang kaniyang butil o binhi sa pamamagitan ng paghahagis o paghahasik nito. Ganyan din sa buhay ng tao. Nagbigay upang mabuhay. Ang buhay na mapananatili ay ang buhay na malayang ibinibigay sa paglilingkod sa Diyos at sa tao. Ang mga taong nagsasakripisyo ng kanilang buhay sa sanlibutang ito alang-alang kay Kristo ay makapag-iingat nito sa buhay na walang-hanggan.BB 900.2

    Ang buhay na ginagamit para sa sarili ay natutulad sa binhing kinakain. Nawawala ito, nguni't hindi dumarami. Makapagtitipon ang tao ng lahat niyang kayang tipunin para sa sarili; makapamumuhay siya at makapagiisip at makapagpapanukala para sa kaniyang sarili; subali't ang buhay niya'y lumilipas at napaparam, at wala na siya. Ang batas ng paglilingkod sa sarili ay batas ng pagpuksa sa sarili.BB 900.3

    “Kung ang sinumang tao'y maglilingkod sa Akin,” wika ni Jesus, “ay sumunod sa Akin; at kung saan Ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod Ko: kung ang sinumang tao'y maglilingkod sa Akin, ay siya'y pararangalan ng Aking Ama.” Lahat ng nakipasan kay Jesus ng krus ng sakripisyo ay makakasama Niya sa Kaniyang kaluwalhatian. Ikinagalak ni Kristo na sa pagkakahamak at pagkakapagpahirap sa Kaniya ay kasama Niyang maluluwalhati ang Kaniyang mga alagad. Sila ang mga bunga ng pagkakapagsakripisyo ng Kaniyang sarili. Ang pagkakalikha sa kanila ng sarili Niyang likas at diwa ay siya Niyang gantimpala, at siyang magiging katuwaan Niya sa buong panahong walang-hanggan. Sa katuwaang ito ay kabahagi sila kapag ang bunga ng kanilang pagpapagal at pagsasakripisyo ay nakikita na sa mga puso at mga kabuhayan ng iba. Sila'y mga manggagawang kasama ni Kristo, at sila'y pararangalan ng Ama gaya rin naman ng Kaniyang pagpaparangal sa Kaniyang Anak.BB 901.1

    Ang pasabi ng mga Griyego, palibhasa'y paunang naglalarawan ng pagtitipon ng mga Hentil, ay siyang nagpaalaala kay Jesus ng Kaniyang buong misyon. Dumaan sa harap Niya ang gawain ng pagtubos, buhat nang panahong ito ay panukalain sa langit, hanggang sa Kaniyang nalalapit na kamatayan. Isang mahiwagang ulap ang waring nakalukob sa Anak ng Diyos. Ang lambong nito ay nadama ng mga nasa kalapit Niya. Siya'y naupong nag-iisip. Sa wakas ay pinunit ang katahimikan ng Kaniyang malungkot na tinig, “Ngayon ay nagugulumihanan ang Aking kaluluwa; at ano ang Aking sasabihin? Ama, iligtas Mo Ako sa oras na ito.” Sa paghihintay ng sasapitin Niya ay parang umiinom na si Kristo sa saro ng kapaitan. Ang Kaniyang pagkatao ay nangunti sa oras ng kapabayaan at pag-iisa, sa panahong sa malas ay pababayaan Siya pati ng Diyos, sa panahong Siya'y makikita ng lahat na hinampas at pinarusahan at dinalamhati ng Diyos. Siya'y nanliit sa pagkakalantad sa madla, sa pagkakaturing sa Kaniya na parang pinakamasama sa lahat ng mga kriminal, at sa nakahihiya at nakawawala-ng-dangal na kamatayan. Ang pagkakaisip Niya tungkol sa Kaniyang pakikilaban sa mga kapangyarihan ng kadiliman, ang pagkadama Niya ng nakapangingilabot na bigat ng pagsalansang ng sangkatauhan, at ng galit ng Ama nang dahil sa kasalanan ay nakapagpalumo sa diwa ni Jesus, at nabadha sa Kaniyang mukha ang maputlang kulay ng kamatayan.BB 901.2

    Saka sumunod ang pagpapasakop sa kalooban ng Kaniyang Ama. “Dahil dito,” sabi Niya, “ay naparito Ako sa oras na ito. Ama, luwalhatiin Mo ang Iyong pangalan.” Sa pamamagitan lamang ng kamatayan ni Kristo maigugupo ang kaharian ni Satanas. Sa ganitong paraan lamang matutubos ang tao, at maluluwalhati ang Diyos. Sumang-ayon si Jesus na magbata ng hirap, tinanggap Niyang magsakripisyo. Ang Hari ng kalangitan ay sumang-ayong magdusa bilang Tagapagdala ng Kasalanan. “Ama, luwalhatiin Mo ang Iyong pangalan,” sinabi Niya. Nang mabigkas ni Kristo ang mga salitang ito, ay dumating ang sagot na buhat sa alapaap na nakayungyong sa ibabaw ng Kaniyang ulo: “Niluwalhati Ko na, at muli Kong luluwalhatiin.” Ang buong buhay ni Kristo, magbuhat sa pasabsaban hanggang sa panahong salitain Niya ang pangungusap na ito, ay ikinaluwalhati ng Diyos; at sa dumarating na pagsubok ang Kaniyang Diyos-taong paghihirap ay tunay na makaluluwalhati sa pangalan ng Kaniyang Ama.BB 902.1

    Kapag karakang narinig ang tinig, isang liwanag ang pumuslit buhat sa alapaap, at pinaligiran si Kristo, na para bagang niyakap Siya ng mga kamay ng Walanghanggang Kapangyarihan na katulad ng isang kuta ng apoy. Napamulagat sa sindak at pagtataka ang mga tao sa tanawing ito. Walang nakapangahas na magsalita. Tikom ang mga labi at pigil ang paghingang nakatayo ang lahat na ang mga mata'y nakatuon kay Jesus. Palibhasa'y naibigay na ang patotoo ng Ama, ang alapaap ay tumaas na, at nangalat sa langit. Natapos sa sansaglit ang pag-uusap ng Ama at ng Anak.BB 903.1

    “Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi naman ng mga iba, Isang anghel ang nakipag-usap sa Kaniya.” Datapwa't ang nag-uusisang mga Griyego ay nakakita sa alapaap, narinig ang tinig, naunawaan ang kahulugan niyon, at tunay na nakilala si Kristo; sa ganang kanila Siya'y nahayag bilang ang Isinugo ng Diyos.BB 903.2

    Ang tinig ng Diyos ay narinig nang bautismuhan si Jesus sa pasimula ng Kaniyang ministeryo, at muling narinig nang Siya'y magbagong-anyo sa bundok. Ngayon sa katapusan ng Kaniyang ministeryo ay narinig ito sa ikatlong pagkakataon, ng lalong malaking bilang ng mga tao, at sa ilalim ng natatanging mga pangyayari. Kabibigkas pa lamang ni Jesus ng napakasolemneng katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga Hudyo. Nasabi na Niya ang kahuli-hulihan Niyang pamanhik, at naigawad na rin Niya ang hatol sa kanila. Ngayo'y muling inilagay ng Diyos ang Kaniyang tatak sa misyon ng Kaniyang Anak. Kinilala Niya ang Isa na itinakwil ng Israel. “Ang tinig na ito'y hindi dumating dahil sa Akin,” sabi ni Jesus, “kundi dahil sa inyo.” Ito ang pinakapamutong na katunayan ng Kaniyang pagka-Mesiyas, ang pinakahudyat na buhat sa Ama na si Jesus ay nagsalita ng katotohanan, at Siya nga ay Anak ng Diyos.BB 903.3

    “Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito,” patuloy na wika ni Kristo, “ngayon ang prinsipe ng sanlibutang ito ay palalayasin. At Ako, kung Ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin Ko sa Akin din. Ito'y sinabi Niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay Niya.” Ito ang krisis ng sanlibutan. Kung Ako ay maging pampalubag-loob para sa mga kasalanan ng mga tao, ay magliliwanag ang sanlibutan. Masisira ang pagkakahawak ni Satanas sa mga kaluluwa ng mga tao. Ang dating wangis ng Diyos sa mga tao na nasira ay mababalik uli, at isang sambahayan ng sumasampalatayang mga banal ang sa wakas ay magmamana ng tahanan sa langit. Ito ang bunga ng pagkamatay ni Kristo. Ang tanawin ng tagumpay ay siyang pumuno sa isip ng Tagapagligtas. Nakita Niya ang krus, ang malupit at kahiya-hiyang krus, na kasama ang lahat nitong dulot na lagim, na nagniningning sa kaluwalhatian.BB 904.1

    Nguni't ang gawain ng pagtubos sa tao ay hindi siya lamang nagampanan ng krus. Naipakita rin sa santinakpan ang pag-ibig ng Diyos. Ang prinsipe ng sanlibutang ito ay pinalayas. Ang lahat ng paratang ni Satanas laban sa Diyos ay napasinungalingan. Ang kadustaang ipinukol niya sa langit ay napawi na magpakailanman. Nailapit na sa Manunubos ang mga anghel at ang mga tao. “Ako, kung Ako'y mataas na mula sa lupa,” wika Niya, “ang lahat ng mga tao ay palalapitin Ko sa Akin din.”BB 904.2

    Maraming tao ang nakapalibot kay Kristo nang bigkasin Niya ang mga salitang ito, at may isang nagsabi, “Aming narinig sa kautusan na ang Kristo ay lumalagi magpakailanman: at paanong sinasabi Mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?” Sinabi nga sa kanila ni Jesus, “Kaunting panahon na lamang sasa gitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: sapagka't ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo. Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.”BB 904.3

    “Nguni't bagaman gumawa Siya sa harap nila ng gayong maraming mga tanda, gayunma'y hindi sila nagsisampalataya sa Kaniya.” Minsa'y tinanong nila ang Tagapagligtas, “Ano nga ang Iyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan Ka namin?” Juan 6:30. Hindi mabilang na mga tanda ang naibigay na; nguni't ipinikit nila ang kanilang mga mata at pinatigas nila ang kanilang mga puso. Ngayong ang Ama na mismo ang nagsalita, at wala na silang mahihingi pang tanda, ay ayaw pa rin nilang maniwala.BB 905.1

    “Gayunman maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa Kaniya; datapwa't dahil sa mga Pariseo ay hindi nila ipinahayag Siya, baka sila'y mapalayas sa sinagoga.” Inibig nila ang papuri ng mga tao at hindi ang pagsang-ayon ng Diyos. Upang maiwasan nila ang pula at pagkapahiya, ay itinatwa nila si Kristo, at tinanggihan ang alok Niyang buhay na walang-hanggan. At gaano nga karami sa buong mga dantaon sapul noon ang gumagawa ng ganito ring bagay! Sa kanila'y naaangkop ikapit ang lahat ng mga salitang nagbababala ng Tagapagligtas: “Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito.” “Ang nagtatakwil sa Akin,” wika ni Jesus, “at hindi tumatanggap sa Aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw.” Juan 12:48.BB 905.2

    Sa aba niyaong mga hindi nakaaalam ng panahon ng sa kanila'y pagdalaw! Marahan at malungkot na nilisan ni Kristo ang patyo ng templo.BB 905.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents