Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Bukal Ng Buhay

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 14—“Nasumpungan Namin ang Mesiyas”

    Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 1:19-51.

    Si Juan Bautista ay nangangaral at nagbibinyag ngayon sa Bethabara, sa ibayo ng Jordan. Hindi ito malayo sa pook na pinatigil ng Diyos ang agos hanggang sa makaraan ang Israel. Buhat dito ay malapit na ang matibay na kuta ng Jerico na iginiba ng mga hukbo ng langit. Ang alaala ng mga pangyayaring ito ay muling nasariwa ngayon, at nagbigay ng tindi sa pabalita ni Juan. Ang Diyos na gumawa ng gayong kahanga-hangang mga kaba-balaghan sa mga panahong nakaraan ay hindi kaya muling magpapakita ng Kaniyang kapangyarihan upang iligtas ang Israel? Iyan ang isipang gumigiyagis sa kalooban ng mga taong dumaragsa sa mga pampang ng Jordan.BB 161.1

    Nag-ugat ng malalim ang kapangyarihan ng pangangaral ni Juan sa bayan na anupa't napilitan ang mga pinuno ng relihiyon na ito'y kanilang matyagan. Ang lahat ng mga papulong-bayan ay minanmanan ng mga Romano dahil sa panganib na lumikha ng gulo, at anumang pagbubuhatan ng pagbabangon o paghihimagsik ng mga tao ay ipinangamba naman ng mga pinunong Hudyo. Hindi kinilala ni Juan ang kapangyarihan ng Sanedrin kaya nga hindi na siya humingi sa kanila ng pahintulot na makapangaral; at kaniya rin namang pinangusapan at sinaway ang mga pinuno at mga tao, at ang mga Pariseo at mga Sadueeo. Gayon pa man ay sinundan-sundan pa rin siya ng mga tao. Sa malas ay waring patuloy na lumalago ang kaniyang gawain. Bagaman hindi siya sumangguni sa Sanedrin, ay itinuring pa rin nito na siya ay nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan, dahil sa siya ay isang tagapagturo ng bayan.BB 161.2

    Ang kapulungang ito ng Sanedrin ay binubuo ng mga kagawad na buhat sa mga saserdote, sa mga pinuno ng bayan, at sa mga tagapagturo ng bansa. Karaniwan nang ang pangulo ay ang dakilang saserdote. Lahat ng mga kagawad nito ay mga lalaking may kagulangan na, nguni't hindi naman matatanda; mga lalaking pantas, mga bihasa hindi lamang sa relihiyon at kasaysayan ng mga Hudyo, kundi sa lahat din naman ng sangay ng karunungan. Sila'y mga walang kapintasan at mapagpahinuhod. Ang dakong pinagtitipunan nila ay isang silid na kaugnay ng templo sa Jerusalem. Noong mga araw na may kasarinlan pa ang mga Hudyo, ang Sanedring ito ay siyang kataas-taasang hukuman ng bansa, na may angking kapangyarihang ukol sa bayan at sa relihiyon. Bagama't ngayon ay sakop sila ng mga gobernador na Romano, gayon pa man'y kinikilala pa rin ang kapangyarihan nito sa mga suliraning pambayan at panrelihiyon.BB 162.1

    Hindi maaaring iliban ng Sanedrin ang pagsisiyasat sa gawain ni Juan. May ilang nakaalaala sa pangitaing nakita ni Zacarias sa templo, at sa hula ng ama na nag-sasabing ang anak niya ay siyang magiging tagapagbalita ng Mesiyas. Dahil sa mga ligalig at. mga pagbabagong nangyari sa loob ng tatlumpung taon, ay halos nawala na sa alaala ang mga bagay na ito. Nguni't ngayon ay biglang nagunita dahil sa sila'y nabalisa sa pangangaral ni Juan.BB 162.2

    Maluwat nang panahon buhat nang magkaroon ng propeta ang Israel, maluwat na buhat nang mangyari ang isang pagbabago o repormasyon na tulad ng nasasaksihan nila ngayon. Waring bago at nakapagtataka ang utos na mangumpisal ng kasalanan. Marami sa mga pinuno ng bayan ang aayaw lumapit kay Juan upang makinig sa kaniyang mga pamanhik at mga babala, baka pa sila mapilitang magtapat ng mga lihim ng kanilang buhay. Gayunman ang kaniyang pangangaral ay isang tuwirang pagbabalita ng tungkol sa Mesiyas. Alam ng lahat na ang pitumpung sanlinggo ng hula ni Daniel, na sumasaklaw sa pagdating ng Mesiyas, ay malapit nang magwakas; at nananabik na ang lahat na sila'y magsitanggap ng pambansang karangalang inaasahan nila noon. Napakalaki ng katuwaa't kasiglahan ng lahat na anupa't napilitan ang Sanedrin na magpasiya kung tatanggapin o tatanggihan ang gawain ni Juan. Unti-unti nang nawawalan sila ng kapangyarihan sa mga tao. At nagiging malubha nang suliranin kung pano nila mapananatili ang kanilang katayu-an. Sa hangad nilang matiyak ang ipapasiya, ay nagpasugo sila sa Jordan ng isang pulutong ng mga saserdote at mga Levita upang makipag-usap sa bagong tagapagturo.BB 162.3

    Isang karamihan ang nagkakatipon, na nakikinig sa kaniyang mga salita, nang magsilapit ang mga kinatawang inutusan. Nagsilapit ang mga palalong rabi na nagsalitang may kagilasan sa hangad na paghambugan ang mga tao at igalang ng propeta. May paggalang, at halos takot, na nagbigay sa kanila ng daan ang karamihan. Tumayo sa harap ng propeta ang ilang mga dakilang lalaki, na nararamtan ng mga mamahaling damit, at nasa matataas na katungkulan at kapangyarihan.BB 163.1

    “Sino ka ba?” tanong nila.BB 163.2

    Palibhasa'y alam ni Juan ang iniisip nila, siya'y sumagot, “Hindi ako ang Kristo.”BB 163.3

    “Kung gayon ay sino ka? Ikaw ba'y si Elias?”BB 163.4

    “Hindi ako.”BB 163.5

    “Ikaw ba yaong propeta?”BB 163.6

    “Hindi.”BB 163.7

    “Sino ka? upang maibigay namin ang sagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?”BB 163.8

    “Ako ang tinig na sumisigaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinasabi ni propeta Isaias.”BB 164.1

    Ang kasulatang tinutukoy ni Juan ay ang magandang hula ni Isaias na: “Inyong aliwin, inyong aliwin ang Aking bayan, sabi ng iyong Diyos. Mangagsalita kayong may pag-aliw sa Jerusalem, at sigawan ninyo siya na ang kaniyang pakikipagdigma ay naganap, na ang kaniyang kasamaan ay ipinatawad. ... Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon, pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos. Bawa't libis ay mataas, at bawa't bundok at burol ay mababa: at ang mga baku-bako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat ng tao.” Isaias 40:1-5.BB 164.2

    Noong una, pagka maglalakbay ang isang hari sa mga dako ng kaniyang kaharian na bihirang mapuntahan, ay isang pulutong ng mga tao ang inuutusang magpauna sa karuwahe ng hari upang patagin ang matatarik na dako at pantayin ang mga lubak, nang sa gayon ay matiwasay na makapaglalakbay ang hari at walang anumang maka-abala. Ang ugaling ito ay siyang halimbawang ginamit ng propeta upang ilarawan ang gawain ng ebanghelyo. “Bawa't libis ay mataas, at bawa't bundok at burol ay mababa.” Pagka hinipo ng Espiritu ng Diyos ang kaluluwa, at ginising ito ng kahanga-hangang kapangyarihan nito, ay nabababa ang kapalaluan ng tao. Nakikitang walanghalaga ang makasanlibutang kalayawan, katungkulan, at kapangyarihan. Nababagsak “ang mga haka at mga bagay na matayog na nagmamataas laban sa pagkakilala sa Diyos”; at bawa't isipan ay nadadalang bihag “sa pagtalima kay Kristo.” 2 Corinto 10:5. Pagkatapos ay saka pa lamang mabubunyi bilang siya lamang may halaga ang katangian ng kapakumbabaan at maibiging pagpapakasakit, na gayon ay bahagya nang pahalagahan ng mga tao. Ito ang gawain ng ebanghelyo, at bahagi nito ang pabalita ni Juan.BB 164.3

    Nagpatuloy ang pagtatanong ng mga rabi: “Bakit ka nga nagbibinyag, kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang propetang iyon?” Ang mga salitang “ang propetang iyon” ay tumutukoy kay Moises. Ang mga Hudyo ay nahulog sa paniniwalang si Moises ay ibabangon mula sa mga patay, at dadalhin sa langit. Hindi nila alam na si Moises ay binuhay na. Nang pasimulan ni Juan Bautista ang kaniyang pangangaral, inakala ng marami na baka siya na nga si Moises na ibinangon sa mga patay, dahil sa siya'y bihasang-bihasa sa mga hula at sa kasaysayan ng Israel.BB 165.1

    Pinaniwalaan rin noon na bago dumating ang Mesiyas, ay pakikita si Elias. Ang pag-asang ito ay siyang ikinaila ni Juan; nguni't may lalong malalim na kahulugan ang kaniyang sagot. Pagkaraan nito, ay tinukoy ni Jesus si Juan sa ganitong pangungusap, “Kung ibig ninyong tanggapin, siya ay si Elias na darating.” Mateo 11:14, R.V. Si Juan ay naparito sa diwa at kapangyarihan ni Elias, upang gawin ang gaya ng ginawa ni Elias. Kung tinanggap siya ng mga Hudyo, sana.'y nangyari ito sa kanila. Nguni't hindi nila tinanggap ang pabalita niya. Sa kanila siya'y hindi si Elias. Kaya hindi niya naganap sa kanila ang layuning sadya niyang ipinarito.BB 165.2

    Marami doon sa mga nagkatipon sa Jordan ay mga kaharap nang binyagan si Jesus; nguni't iilan lamang sa kanila ang nakakita sa tandang ibinigay noon. Nang sumunod na mga buwan ng pangangaral ni Juan Bautista, ay marami ang ayaw makinig sa tawag na pagsisisi. Kaya pinatigas nila ang kanilang mga puso at pinadilim ang kanilang pag-iisip. Hindi nila napagkilala ang patotoong ibinigay ng Langit noong si Jesus ay binyagan. Ang mga mata na di-kailanman itiningin nang may pananampalataya sa Kaniya na di-nakikita ng karaniwang paningin ay hindi nakakita ng paghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; ang mga pakinig na di-kailanman nakinig sa Kaniyang tinig ay hindi nakarinig ng mga salita ng patotoo. Ganyan din ngayon. Madalas ay nahahayag sa mga kapulungan ng mga tao ang pakikiharap ni Kristo at ng mga banal na anghel, at gayon pa ma'y marami pa rin ang hindi nakaaalam. Wala silang nararamdamang di-pangkaraniwan. Datapwa't sa mga iba ay nagpapakahayag ang Tagapagligtas. Kapayapaan at katuwaan ng nag-uumapaw sa kanilang mga puso. Sila'y naaaliw, napasisigla, at pinagpapala.BB 165.3

    Ang mga pinag-utusang buhat sa Jerusalem ay nagtanong kay Juan, “Bakit ka nagbibinyag?” at sila'y naghihintay ng kasagutan. Walang anu-ano, nang ilingap niya ang kaniyang mga mata sa malaking kapulungan, biglang nagliwanag ang kaniyang paningin, sumaya ang kaniyang mukha, at ang buo niyang pag-katao ay pinagharian ng matinding damdamin. Nakaunat ang kaniyang mga kamay na siya'y sumigaw, “Ako'y nagbibinyag sa tubig: sa gitna ninyo ay may Isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala, Siya nga ay dumarating na kasunod ko, na ako'y di-karapat-dapat na magkalag ng mga panali ng Kaniyang panyapak.” Juan 1:27, R.V.BB 166.1

    Ang pabalita ay tiyak at di-pagkakamalian, na maibabalik nila sa Sanedrin. Walang ibang mapagkakapitan ng mga pangungusap ni Juan kundi iyong Isang maluwat nang ipinangako. Nasa gitna nila ang Mesiyas! Buong pagtatakang nagpalinga-linga ang mga saserdote at ang mga pinuno sa palibot nila, sa pag-asang matutuklasan nila Siya na sinalita ni Juan. Datapwa't hindi nila makilala Siya sa gitna ng karamihan.BB 166.2

    Noong si Jesus ay binyagan, at ituro Siya ni Juan na Siya ang Kordero ng Diyos, isang bagong liwanag ang nahayag tungkol sa gawain ng Mesiyas. Napabaling ang isip ng propeta sa mga salita ni Isaias na ang wika, “Siya'y tulad sa isang korderong dinala sa patayan.” Isaias 53:7. Nang mga linggong sumunod, ay muling pinag-aralan ni Juan ang mga hula at turo tungkol sa gawaing paghahandog o paghahain. Hindi niya napagkilala nang maliwanag ang pagkakaiba ng dalawang bahagi ng gawain ni Kristo,—una, bilang isang nagbabatang hain, at ikalawa, bilang isang nagwawaging hari,—subali't nakilala niya na ang pagdating ng Mesiyas ay may lalong malalim na kahulugan kaysa naunawa ng mga saserdote o ng mga tao. Nang matanaw niya si Jesus sa gitna ng karamihan nang Ito'y pauwi nang buhat sa ilang, ay may pagtitiwalang hinintay niya Ito na magbigay sa mga tao ng tanda ng tunay Nitong likas. Halos inip na inip na siya sa paghihintay na sabihin ng Tagapagligtas ang layunin Nito; nguni't walang sinabi Ito, at wala ring ibinigay na tanda. Ni hindi tinugon ni Jesus ang ipinahayag ni Juan tungkol sa Kaniya, kundi nakilahok Siya sa mga alagad ni Juan, na di-nagpakita ng anumang katunayan ng Kaniyang natatanging gawain, at wala ring ginawang anumang mga hakbang upang Siya'y mapansin.BB 166.3

    Kinabukasan ay nakita ni Juan na si Jesus ay dumarating. Nang matanaw ng propeta ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos na nakapatong sa ulunan ni Jesus, ay sinabi niya, “Narito, ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! Ito yaong aking sinasabi, Sa hulihan ko ay dumarating ang isang lalaki na magiging una sa akin. ... At Siya'y hindi ko nakilala; datapwa't upang Siya'y mahayag sa Israel, dahil dito'y naparito ako na bumabautismo sa tubig. ... Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit; at dumapo sa Kaniya. At Siya'y hindi ko nakikilala: datapwa't ang nagsugo sa akin upang bumautismo sa tubig, ay siyang nagsabi sa akin, Ang makita mong babaan ng Espiritu, at manahan sa Kaniya, ay Siya nga ang bumabautismo sa Espiritu Santo. At aking nakita, at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.” Juan 1:29-34.BB 167.1

    Ito na kaya ang Kristo? Magkalangkap ang pangingimi at paghanga na minasdan ng mga tao ang Isa na kasasabi pa lamang ni Juan na siyang Anak ng Diyos. Taimtim na naantig ng mga salita ni Juan ang kani lang mga damdamin. Nagsalita siya sa kanila sa pangalan ng Diyos. Araw-araw ay nakikinig sila sa kaniya na sinusumbatan ang kanilang mga kasalanan, at arawaraw naman ay tumitindi ang kanilang paniniwala na si Juan ay isinugo nga ng Langit. Subali't sino ang Isang ito na dakila pa kaysa kay Juan Bautista? Sa kaniyang tindig at pananamit ay walang nababakas na tanda ng mataas na katayuan. Siya sa malas ay isang karaniwang tao, na nararamtan ng damit ng mga maralitang tulad din nila.BB 168.1

    May ilang mga tao sa gitna ng karamihang ito na nakakita sa kaluwalhatian at sa tinig ng Diyos noong binyagan si Kristo. Nguni't buhat nang panahong yaon ay malaki na ang ipinagbago ng anyo ng Tagapagligtas. Nang Siya'y binyagan ay nakita nila ang mukha Niyang nagliwanag sa kaluwalhatian ng langit; nguni't ngayon, Siya'y maputla, hapo, at payat, kaya't si Juan lamang ang nakakilala sa Kaniya.BB 168.2

    Datapwa't habang Siya'y tinititigan ng mga tao, ay natatanaw nila ang Kaniyang mukhang kinababadhaan ng pagmamahal at kapangyarihan ng Diyos. Bawa't sulyap ng paningin, bawa't ayos ng mukha, ay nagtataglay ng tanda ng kapakumbabaan at ng di-mabigkas na pagibig. Para bagang Siya'y nababalot ng kapangyarihan ng kabanalan. At bagama't banayad at karaniwan ang Kaniyang mga kilos, ay nadama rin sa Kaniya ng mga tao ang isang natatagong kapangyarihan, na hindi lubusang maikubli. Ito na nga kaya Yaong maluwat nang hinihintay ng Israel?BB 168.3

    Naparito si Jesus sa karalitaan at kabanalan, upang Siya'y maging ating halimbawa at Manunubos. Kung Siya'y naparitong may karangyaan ng isang hari, paano Niya maituturo ang kababaan? Paano Niya maiaaral ang mahahayap na katotohanan na gaya ng Kanyang Sermon sa Bundok ng mga Olibo? Paano nga Niya mabibigyan ng pag-asa ang mga maralita kung Siya'y naparitong isang hari?BB 168.4

    Sa ganang marami, gayon pa man, ay waring malayung-malayong mangyari na Itong itinuturo ni Juan ay siyang maging katuparan ng kanilang matatayog na pagasa. Dahil dito'y marami ang nangabigo, at labis na nagulumihanan.BB 169.1

    Ang mga salitang ibig na ibig marinig ng mga saserdote at mga rabi, na isasauli na ngayon ni Jesus ang kaharian sa Israel, ay hindi man lamang nabanggit ni Juan. Ganyang hari ang inaasam-asam at hinihintay-hintay nila; ganyang hari ang handa nilang tanggapin. Datapwa't hindi nila matatanggap na hari ang isa na magtatayo sa kanilang mga puso ng kaharian ng katwiran at kapayapaan.BB 169.2

    Nang sumunod na araw, samantalang ang dalawang alagad ay nakatayo sa malapit, ay natanaw uli ni Juan si Jesus sa gitna ng mga tao. Muling nagliwanag ang mukha ng propeta sa kaluwalhatian ng Diyos na dinakikita, at siya'y sumigaw ng “Masdan ninyo ang Kordero ng Diyos!” Nalipos ng damdamin ang puso ng mga alagad. Hindi nila lubos na naunawaan ang mga iyon. Ano kaya ang ibig sabihin ng pangalang itinawag ni Juan kay Jesus—“ang Kordero ng Diyos”? Ni hindi ito ipinaliwanag ni Juan.BB 169.3

    Iniwan nila si Juan at hinanap si Jesus. Ang isa sa dalawa ay si Andres, na kapatid ni Simon; ang isa pa ay si Juan ebanghelista. Ito ang mga unang alagad ni Kristo. Palibhasa'y kinilos ng matinding udyok ng dam-damin, sinundan nila si Jasus—na sabik na kausapin Siya, gayunma'y nangingimi at nauumid, sapagka't hindi nila lubos na maisip ang kahulugan ng isipang, “Ito nga kaya ang Mesiyas?”BB 169.4

    Talastas ni Jesus na sinusundan Siya ng mga alagad. Sila ang mga unang bunga ng Kaniyang ministeryo, at nalipos ng tuwa ang puso ng banal na Guro nang magsitugon ang mga taong ito sa Kaniyang biyaya. Gayunman sa Kaniyang paglingon, ay tinanong lamang Niya sila, “Anong hinahanap ninyo?” Ibig Niyang sila ang magkusa kung ibig nilang bumalik o kaya'y magsabi ng kanilang nais.BB 170.1

    Iisa lamang ang kanilang layunin. Iisang tao lamang ang pumupuno sa kanilang isip. Napabulalas sila ng, “Rabi, ... saan Ka nakatira?” Sa maigsi nilang paguusap sa tabi ng daan ay hindi nila natanggap ang kanilang pinananabikan. Ibig nilang mag-isang makaniig si Jesus, maupo sa Kaniyang paanan, at makinig sa Kaniyang mga salita.BB 170.2

    “Sinabi Niya sa kanila, Parito kayo at inyong tingnan. Sila'y nagsilapit at tiningnan nila kung saan Siya tumatahan, at nakipanuluyan sila sa Kaniya nang araw na yaon.”BB 170.3

    Kung si Juan at si Andres ay may diwang di mapaniwalain na gaya ng mga saserdote at mga pinuno, hindi sana sila nasumpungang nakikinig at nag-aaral sa paanan ni Jesus. Nagsilapit sana sila sa Kaniya bilang mga kritiko, upang hatulan ang Kaniyang mga salita. Marami ang sa ganitong paraan ay napapagsarhan tuloy ng napakamahahalagang pagkakataon. Nguni't hindi ganyan ang ginawa ng mga unang alagad na ito. Pinaking-gan nila ang tawag ng Espiritu Santo nang mangaral si Juan Bautista. Ngayon ay nakilala nila ang tinig ng Tagapagturong buhat sa langit. Sa ganang kanila ang mga salita ni Jesus ay lipos ng kasariwaan at katotohanan at kagandahan. Liwanag ng Diyos ang tumanglaw sa aral ng mga Kasulatan ng Matandang Tipan. Ang sari-saring paksa ng katotohanan ay tinanglawan ng bagong liwanag.BB 170.4

    Pagsisisi at pananampalataya at pag-ibig ang nagbibigay-kaya sa kaluluwa upang matanggap ang karunungang buhat sa langit. Ang pananampalatayang gumagawa dahil sa pag-ibig ay siyang susi ng karunungan, at bawa't isang umiibig ay “nakakakilala sa Diyos.” 1 Juan 4:7.BB 171.1

    Ang alagad na si Juan ay isang taong may maalab at taimtim na pag-ibig, masigasig nguni't palaisip. Untiunti niyang nabanaagan ang kaluwalhatian ni Kristo— hindi ang panlabas na karangyaan at kapangyarihang pansanlibutan na itinuro sa kaniya na kaniyang asahan, kundi “ang kaluwalhatiang gaya ng sa Bugtong ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan.” Juan 1:14. Lulong na lulong ang isip niya sa pagbubulay ng kahanga-hangang paksa.BB 171.2

    Sinikap ni Andres na ipamahagi ang katuwaang pumuno sa kaniyang puso. Hinanap niya ang kaniyang kapatid na si Simon, at kaniyang sinabi, “Nasumpungan namin ang Mesiyas.” Hindi na hinintay ni Simon ang pangalawang tawag. Narinig na rin niya ang pangangaral ni Juan Bautista, at nagmadali siyang lumapit sa Tagapagligtas. Tinitigan siya ni Kristo, at nabasa Nito ang kaniyang likas at ang buong kasaysayan ng kaniyang buhay. Ang likas niyang mabiglain, ang puso niyang maibigin at maawain, ang matayog niyang panukala at kayabangan, ang kasaysayan ng kaniyang pagkakasala, ang kaniyang pagsisisi, ang kaniyang mga paggawa, at ang kaniyang pagkamatay bilang isang martir—nabasa itong lahat ng Tagapagligtas, at sa kanya'y sinabi Nito, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan, tatawagin kang Cepas, na kung liliwanagin ay, Isang bato.”BB 171.3

    “Kinabukasan ay pumaroon si Jesus sa Galilea, at nasumpungan Niya si Felipe, at sinabi Niya sa kaniya, Sumunod ka sa Akin.” Sumunod si Felipe, at karaka- rakang siya'y naging isa ring manggagawa ni Kristo.BB 171.4

    Tinawag ni Felipe si Nathanael. Itong si Nathanael ay kasama ng karamihan nang ituro ni Juan si Jesus bilang siyang Kordero ng Diyos. Nabigo si Nathanael nang makita niya si Jesus. Ang taong ito nga kaya ay siyang Mesiyas, gayong mukhang manggagawa at maralita? Gayunma'y hindi matanggihan ni Nathanael si Jesus, dahil sa tumimo sa kaniyang puso ang paniniwala sa balita ni Juan.BB 173.1

    Nang tawagin ni Felipe si Nathanael, ay nasa gitna ito ng mga kakahuyan at kasalukuyang pinag-iisip ang ipinahayag ni Juan at ang mga hula tungkol sa Mesiyas. Kaniyang idinalangin na kung ang ibinalita ni Juan ay siyang talagang Tagapagligtas, ay ipakilala sana Ito sa kaniya, at sumakaniya nga ang Espiritu Santo at tiniyak sa kaniya na dinalaw na nga ng Diyos ang Kaniyang bayan at ipinagbangon sila ng sungay ng kaligtasan. Alam ni Felipe na sinaliksik ng kaibigan niyang si Nathanael ang mga hula ng Kasulatan, at nang kasalukuyang ito'y nananalangin sa ilalim ng punong igos, ay doon niya ito nasumpungan. Sa kubling pook na ito na nakakanlong sa mayayabong na sanga ng kahoy madalas silang manalanging magkasama.BB 173.2

    Ang sabing, “Nasumpungan namin Yaong tungkol sa Kaniya ay isinulat ni Moises at ng propeta,” sa ganang kay Nathanael ay isang sagot sa kaniyang dalangin. Nguni't nanginginig pa ang pananampalataya ni Felipe. May pag-aalinlangang idinugtong niya, “Si Jesus na taga-Nazareth, na anak ni Jose.” Muling nanaig ang masamang diwa sa puso ni Nathanael. Bumulalas siya ng, “Maaari bang lumitaw ang anumang mabuting bagay sa Nazareth?”BB 173.3

    Hindi nakipagtalo si Felipe. Sinabi laamng niya, “Halika at tingnan mo. Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa Kaniya, at sinabi Niya, Narito ang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang daya!” Sa pagtataka'y napabulalas si Nathanael, “Kailan Mo ako nakilala? Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa lilim ng puno ng igos, ay nakita kita.”BB 173.4

    Sapat na iyon. Ang Espiritu ng Diyos na nagpatotoo kay Nathanael nang siya'y nananalangin sa lilim ng puno ng igos ay nagsalita ngayon sa kaniya sa pamamagitan ng bibig ni Jesus. Bagama't nag-aalinlangan, at medyo nadadaig ng maling saloobin, si Nathanael ay lumapit kay Kristo na taglay ang tapat na hangaring makilala ang katotohanan, at kaya naman ngayon ay ibinigay ang kaniyang nasa. Ang Kaniyang pananampalataya ay humigit pa doon sa naghatid sa kaniya kay Jesus. Siya'y sumagot at nagsabi, “Rabi, Ikaw ang Anak ng Diyos; Ikaw ang Hari sa Israel.”BB 174.1

    Kung si Nathanael ay nanangan sa sabi-sabi ng mga rabi, hindi niya sana nasumpungan si Jesus. Kaya siya naging alagad ay sapagka't siya na rin ang tumingin at humatol. Ganyan din ang nangyayari sa marami ngayon dahil sa maling saloobin. Ibang-iba sana ang mangyayari kung sila ang lalapit at titingin!BB 174.2

    Habang ang tao'y nananangan sa mga sabi-sabi ng kapwa, ay walang makakakilala sa katotohanang makapagliligtas. Gaya ni Nathanael, dapat nating pag-aralan ang salita ng Diyos, at idalanging tanglawan tayo ng Espiritu Santo. Yaong nakakita kay Nathanael nang ito'y nasa lilim ng puno ng igos ay siya ring makakakita sa atin sa lihim na dakong panalanginan. Ang mga anghel na buhat sa sanlibutan ng kaliwanagan ay lumalapit doon sa mga may kapakumbabaang humihingi ng banal na patnubay.BB 174.3

    Ang pagkakatawag kina Juan at Andres at Simon, at kina Felipe at Nathanael, ay siyang pasimula ng pagkakatatag ng Iglesya Kristiyana. Itinuro ni Juan Bautista ang dalawa sa mga alagad niya kay Kristo. Saka ang isa sa mga ito, si Andres, ang nakasumpong sa kaniyang kapatid, at inilapit ito sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay tinawag si Felipe, at hinanap naman nito si Nathanael. Ang mga halimbawang ito ay dapat magturo sa atin ng kahalagahan ng sarilinang paggawa, ng tuwirang pakikiusap sa ating mga kamag-anak, mga kaibigan, at mga kapitbahay. May mga taong nagpapanggap na nakakakilala kay Kristo sa buong buhay nila, nguni't di-kailanman nakagawa ng sarilinang paggawa upang makapaghatid sa Tagapagligtas ng kahit isa man lamang kaluluwa. Ipina-uubaya nila sa ministro ang lahat ng paggawa. Maaaring karapat-dapat siya sa kaniyang gawain, nguni't hindi niya magagawa ang iniwan at itinadhana ng Diyos sa mga kaanib ng iglesya.BB 174.4

    Marami ang nangangailangan ng paglilingkod ng mga mapagmahal na Kristiyano. Marami ang nagsilusong sa kapahamakan na sana'y nangaligtas kung ang mga kapitbahay nila ay gumawa ng sarilinang paglilingkod para sa kanila. Marami ang nangaghihintay na sila lamang ay lapitan at anyayahan. Sa sarili nating tahanan, sa ating mga kapitbahay, at sa bayang ating pinakikipama-yanan, ay may gawaing ating magagawa bilang mga misyonero ni Kristo. Kung tayo'y mga Kristiyano, ay ikalu-lugod nating gawin ang gawaing ito. Karaka-rakang mahikayat ang isang tao ay sumisibol sa kaniyang puso ang hangaring maipakilala niya sa iba kung gaano kahalagang kaibigan si Jesus. Hindi niya maiimpit sa kaniyang puso ang nagliligtas at nagpapabanal na katotohanan.BB 175.1

    Lahat ng nangagtalaga sa Diyos ay magiging mga daluyan ng liwanag. Sila'y ginagawa ng Diyos na mga kasangkapan Niya upang maghatid sa mga iba ng mga kayamanan ng Kaniyang biyaya. Ang Kaniyang pangako ay, “At Aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nangasa palibot ng Aking burol; at Aking palalagpakin ang ulan sa kapanahunan; magkakaroon ng ulan ng pagpapala.” Ezekiel 34:26.BB 175.2

    Sinabi ni Felipe kay Nathanael, “Halika at tingnan mo.” Hindi niya hininging tanggapin nito ang patotoo ng iba, sukat na ang tingnan niya lamang si Kristo. Ngayong si Jesus ay nakaakyat na sa langit, ang mga alagad Niya ay siya Niyang mga kinatawan sa gitna ng mga tao, at ang isang pinakamabisang paraan ng paghikayat ng mga kaluluwa sa Kaniya ay ang pagsasakabuhayan ng Kaniyang likas sa araw-araw. Ang impluwensiya natin sa mga iba ay hindi gaanong nasasalig sa ating mga sinasalita kundi sa ating mga pamumuhay. Maaaring tutulan at labanan ng mga tao ang-ating pangangatwiran, matatanggihan nila ang ating mga pamanhik; nguni't ang di-makasariling pagpapakita ng pag-ibig ay isang katwirang hindi nila malalabanan. Ang isang kabuhayang tapat, na kinakikitaan ng maamong likas ni Kristo, ay isang kapangya-rihan sa sanlibutan.BB 175.3

    Ang aral ni Kristo ay bunga ng Kaniyang paniniwala at karanasan sa buhay, at yaong mga tinuturuan Niya ay nagiging mga tagapagturong paris din Niya. Ang salita ng Diyos, pagka binibigkas ng isang napabanal na rin sa pamamagitan nito, ay may kapangyarihang nagbibigaybuhay na humihikayat sa mga nakikinig, at nagpapapa-niwala sa kanila na ito ay isang buhay na katotohanan. Pagka tinanggap ng isang tao ang katotohanan dahil sa mahal niya ito, ay ipakikilala niya ito sa kaniyang mga kilos at sa paraan ng kaniyang pagsasalita. Ipinakikilala niya ang kaniyang narinig, nakita, at nahipo tungkol sa salita ng buhay, upang ang mga iba naman ay magkaroon ng pakikisama sa kaniya sa pamamagitan ng pagkakilala kay Kristo. Ang kaniyang patotoo, na nagbubuhat sa mga labing hinipo ng bagong buhat sa dambana ng Langit, ay katotohanan sa pusong tumatanggap, at nagpapabanal sa likas.BB 176.1

    At siya na nagsisikap magbigay ng liwanag sa mga iba ay tatanggap ng pagpapala. “Magkakaroon ng ulan ng pagpapala.” “Ang dumidilig ay madidilig din.” Kawikaan 11:25. Maaaring matupad ng Diyos ang Kaniyang layuning mailigtas ang mga makasalanan nang hindi tayo katulong; subali't upang tayo'y makabuo ng isang likas na gaya ng kay Kristo, ay dapat tayong makibahagi sa Kaniyang gawain. Upang kamtin natin ang Kaniyang kagalakan—alalaong baga'y ang kagalakan na makita ang mga taong tinubos ng Kaniyang pagpapakasakit—dapat tayong tumulong sa Kaniyang mga paggawa upang sila'y mangatubos.BB 176.2

    Ang unang pagpapahayag ni Nathanael ng kaniyang pananampalataya, na lubos at maalab at tapat, ay dumating sa pandinig ni Jesus na tulad sa isang awitin. At Siya'y “sumagot at sinabi sa kaniya, Dahil ba sa sinabi Ko sa iyo, na ikaw ay nakita Ko sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? Lalo pang mga dakilang bagay kaysa rito ang makikita mo.” Inasahan ng Tagapagligtas na liligaya Siya sa Kaniyang gawaing pangangaral ng mabubuting balita sa mga maamo, sa pagpapagaling sa mga may bagbag na puso, at sa pagtatanyag ng kalayaan sa mga bihag ni Satanas. At nang maisip Niya ang mahahalagang mga pagpapalang dinala Niya sa mga tao, ay idinugtong ni Jesus, “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, Buhat ngayon ay makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.”BB 177.1

    Dito'y parang sinasabi ni Jesus na, Sa pampang ng Jordan ay nabuksan ang mga langit, at lumapag sa Akin ang Espiritung tulad sa isang kalapati. Ang nakita ninyong iyan ay isa lamang tanda na Ako nga ang Anak ng Diyos. Kung ganyan ang inyong paniniwala sa Akin, ay mabubuhay ang inyong pananampalataya. Makikita ninyong bukas ang mga langit, at hindi na kailanman magsasara. Ako ang nagbukas' niyan sa inyo. Umaakyat ang mga anghel ng Diyos, na dinadala sa Ama ang mga panalangin ng mga nangangailangan at mga nagdadalamhati, at sila'y nananaog na dala ang pagpapala at pag-asa, ang sigla, tulong, at buhay, sa mga anak ng mga tao.BB 177.2

    Ang mga anghel ng Diyos ay walang-tigil ng pagma-manhik-manaog sa lupa at langit. Ang mga kababalaghan ni Kristo sa mga maysakit at nahihirapan ay mga gawa ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pangangasiwa ng mga anghel. At sa pamamagitan nga ni Kristo, sa ilalim ng pangangasiwa ng mga anghel, kaya dumara-ting sa atin ang mga pagpapalang buhat sa Diyos. Nang ibihis ng Tagapagligtas ang katawang-tao, ay nakipagkaisa Siya sa mga pangangailangan ng mga nagkasalang anak na lalaki't babae ni Adan, samantalang sa pamama-gitan naman ng Kaniyang pagka-Diyos ay humahawak Siya sa luklukan ng Diyos. Sa ganito si Kristo ay siyang paraan ng pakikipagtalastasan ng tao sa Diyos, at ng Diyos sa tao.BB 178.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents