Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 20—Si Jose sa Ehipto

    Samantala, si Jose at ang mga bumibihag sa kanya ay nasa kanilang daan patungo sa Ehipto. Samantalang ang pulutong ay naglalakbay patungo sa timog na hangganan ng Canaan, nakikita ng bata sa malayo ang mga gulod na kung saan naroon ang mga tolda ng kanyang ama. Mapait ang kanyang iyak sa pag-iisip sa isang nagmamahal na ama sa kanyang kalungkutan at kapighatian. Muli ang pangyayari sa Dotan ay nagbalik sa kanyang alaala. Nakita niya ang kanyang mga galit na kapatid at nadama ang kanilang matatalas na pagtingin sa kanya. Ang mga tumataginting, at nagkukutyang mga salita na sumalubong sa kanyang pakiusap samantalang humihibik ay umaalingawngaw sa kanyang mga tainga. Tumingin siya sa hinaharap na may nanginginig na puso. Anong laking pagbabago ng kalagayan—mula sa pagiging lubos na iniingatang anak tungo sa isang itinakwil at walang kakayanang alipin.MPMP 251.1

    Subalit, sa awa't tulong ng Maykapal, maging ang karanasang ito ay magiging isang pagpapala sa kanya, natutunan niya sa ilang mga oras ang sa ibang paraan ay hindi niya natutunan sa loob ng maraming mga taon. Ang kanyang ama, malakas at taimtim ang pag-ibig sa kanya, ay nakagawa ng hindi mabuti sa kanya sa pagtatangi at kalabisang ito. Ang hindi tamang pagtingin na ito ay makapagpagalit sa kanyang mga kapatid at nag-udyok na sila'y gumawa ng kalupitan na naghiwalay sa kanya mula sa kanyang tahanan. Ang mga bunga nito ay hayag sa sarili niyang likas. Napasigla ang mga kamalian na ngayon ay kinakailangang mabago. Siya ay naging masyadong inde- pendente at mapaghanap. Nasanay sa pagkalinga ng ama, nadama niyang hindi siya handa sa mga kahirapan na nasa harap niya, sa mapait, at walang kumakalingang-buhay ng isang dayuhan at isang alipin.MPMP 251.2

    At ang kanyang isip ay napatuon sa Dios ng kanyang ama. Sa kanyang pagkabata siya ay tinuruang umibig at matakot sa Kanya. Malimit sa tolda ng kanyang ama ay nakinig siya sa salaysay tungkol sa pangitain ni Jacob na nakita niya sa kanyang pagtakas mula sa kanyang tahanan bilang isang maninirahan sa malayo at isang takas. Naisaysay sa kanya ang tungkol sa mga pangako ng Dios kay Jacob, at kung paanong ang mga iyon ay natupad—kung, paanong sa oras ng pangangailangan, ang mga anghel ng Dios ay dumating upang magturo, umaliw, at ingatan siya. At natutunan niya ang pag-ibig ng Dios sa pagkakaloob para sa tao ng isang Tagapagtubos. Ngayon ang lahat ng mahahalagang liksyong ito ay malinaw na dumating sa kanya. Si Jose ay naniwala na ang Dios ng kanyang mga ama ay magiging Dios niya. Noon at doon din ay ibinigay niya ang kanyang sarili ng lubos sa Panginoon, at kanyang idinalangin na ang tagapag- ingat ni Israel ay sumakanya sa malayong lupain na kanyang titirhan.MPMP 251.3

    Ang kanyang kaluluwa ay nanginig na may mataas na kapasyahang patunayan na siya ay magiging tapat sa Dios—sa lahat ng pagkakataon upang kumilos bilang isang lingkod ng hari ng kalangitan. Buong puso niyang paglilingkuran ang Panginoon; at kanyang haharapin ang mga pagsubok sa kanya na may katatagan at gagampanan ang bawat tungkulin na may katapatan. Ang isang araw na karanasan ay naging panahon ng pagbabago sa buhay ni Jose. Ang kakilakilabot na sakuna na yaon ay nakapagbago sa kanya mula sa isang kinagigiliwang bata tungo sa isang lalaki, maalalahanin, matapang, at may pagsupil sa sarili.MPMP 252.1

    Pagdating sa Ehipto, si Jose ay ipinagbili kay Potipar, kapitan ng bantay ng hari, na pinaglingkuran niya sa loob ng sampung taon. Dito siya humarap sa mga di pangkaraniwang tukso. Siya ay nasa kalagitnaan ng pagsamba sa mga diyus-diyusan. Ang pagsamba sa di tunay na mga diyos ay napapalibutan ng lahat ng karangyaang makahari, na tinutustusan ng kayamanan at kultura ng pinakasibilisadong bansa noon. Gano'n pa man iningatan ni Jose ang kanyang pagiging simple at tapat sa Dios. Ang mga tanawin at tugtugin ng lahat ng bisyo ay nasa paligid niya, subalit siya ay nagmistulang isang hindi nakakakita at hindi nakaririnig. Ang kanyang pag-iisip ay hindi pinahintulutang manahan sa mga bagay na hindi kaaya-aya. Ang pagnanais na kaluguran ng mga Ehipcio ay hindi maaaring maging dahilan upang ikubli niya ang kanyang paninindigan. Kung sinubukan niyang gawin iyon, maaaring siya ay nadaig ng tukso; subalit hindi niya ikinahiya ang pananampalataya ng kanyang mga ama, at hindi siya gumawa ng ano mang pagsisikap upang ikubli ang katotohanan na siya'y isang sumasamba kay Jehova.MPMP 252.2

    “At ang Panginoon ay suma kay Jose, at naging lalaking mapalad.... At nakita ng kanyang panginoon, na ang Panginoon ay sumasakanya, at ang lahat ng kanyang ginagawa ay pinagpala ng Panginoon sa kanyang kamay.” Ang pagtitiwala ni Potipar kay Jose ay nadagdagan araw-araw, hanggang sa huli ay itinaas siya upang maging kanyang katiwala, na may ganap na kapamahalaan sa lahat ng kanyang ari-arian. “At kanyang ipinamahala ang lahat niyang tinatangkilik sa kamay ni Jose; at hindi siya nakikialam ng anomang kanya, liban sa tinapay na kanyang kinakain.”MPMP 253.1

    Ang hayag na pag-unlad ng lahat ng inilalagay sa pangangalaga ni Jose ay hindi bunga ng isang himala; kundi ng kanyang kasipagan, pag-iingat, at lakas na pinutungan ng pagpapala ng Dios. Ipinalalagay ni Jose na ang kanyang tagumpay ay bunga ng pagkalugod ng Dios, at maging ang kanyang panginoon na mapagsamba sa diyus-diyusan ay naniniwala na ito ang dahilan ng kanyang di napapantayang pag- unlad. Kung walang matibay, at mahusay na napapangunahang paggawa, gano'n pa man, ang pagtatagumpay ay di maaabot kailan man. Ang Dios ay naluwalhati sa katapatan ng Kanyang lingkod. Kanyang panukala iyon na sa kadalisayan at pagiging matuwid ng sumasampalataya sa Dios ay makita ang kaibahan ng mga sumasamba sa mga diyus-diyusan—upang sa gano'n ang liwanag ng makalangit na biyaya ay magningning sa kalagitnaan ng mga sumasamba sa mga diyus-diyusan.MPMP 253.2

    Ang pagkamahinahon at katapatan ni Jose ang nakaakit sa puso ng punong kapitan, na itinuring siya bilang isang anak sa halip na isang alipin. Ang kabataan ay dinala upang makaugnay ang mga taong mataas ang tungkulin at kaalaman, at siya ay nagkaroon ng kaalaman sa agham, mga wika, at mga pangyayari—isang edukasyong kailangan ng isang magiging punong ministro ng Ehipto sa hinaharap.MPMP 253.3

    Subalit ang pananampalataya ni Jose at katapatan ay dadaan sa mga apoy ng pagsubok. Ang asawa ng kanyang panginoon ay nagsikap hikayatin ang kabataang lalaki upang lumabag sa kautusan ng Dios. Hanggang sa mga sandaling ito siya ay nananatiling di narurumihan ng kabulukang lumalaganap sa lupaing iyon ng mga hindi sumasamba sa Dios; subalit ang tuksong ito, na biglaan, malakas, at lubhang kaakit-akit—paano ito kinakailangang maharap? Alam na alam ni Jose kung ano ang magiging bunga ng pagtanggi. Sa kabilang panig naman ay ang pagtatakip, pagkalugod, at mga kaloob; sa isang panig, kahihiyan, pagkakulong, marahil pagkamatay. Ang buong buhay niya sa hinaharap ay nakasalalay sa kapasyahan niya sa mga sandaling iyon. Magtatagumpay ba arig paninindigan? Si Jose ba ay mananatiling tapat sa Dios? Taglay ang di mabigkas na pag-aalala, ang mga anghel ay nagmasid sa pangyayari.MPMP 253.4

    Ang tugon ni Jose ay naghayag ng kapangyarihan ng paninindigan sa relihiyon. Hindi niya pagtataksilan ang pagtitiwala ng kanyang panginoon sa lupa, at, ano man ang mangyari siya ay magiging tapat sa kanyang Panginoon sa langit. Sa ilalim ng nagmamasid na mga mata ng Dios at ng mga banal na anghel marami ang nagbibigay laya sa kanilang mga sarili sa paggawa ng mga kasalanang hindi nila gagawin sa harap ng kanilang kapwa tao, subalit una sa isip ni Jose ay ang tungkol sa Dios. “Paano ngang... aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?” wika niya.MPMP 254.1

    Kung ating ikasisiya ang patuloy na pagkadama na nakikita at naririnig ng Dios ang lahat ng ating ginagawa at sinasabi at nag- iingat ng isang tapat na talaan ng ating mga pananalita at kilos, at kinakailangang ang lahat ng iyon ay kinakailangan nating harapin, katatakutan natin ang gumawa ng kasalanan. Mangyaring tandaan palagi ng mga bata na saan man sila naroroon, at anuman ang kanilang ginagawa, sila ay nasa harapan ng Dios. Walang anuman sa ating mga ginagawa ang hindi namamasdan. Hindi natin maitatago ang ating mga ginagawa mula sa Dios. Ang mga batas ng tao, ' bagaman minsan ay malupit, ay malimit nasasalansang ng walang nakababatid, at nagiging ligtas sa parusa. Subalit hindi gano'n sa kautusan ng Dios. Ang pinakamalalim na hating gabi ay hindi maaaring pagkublihan ng nagkasala. Maaaring isipin niya na siya ay nag-iisa, subalit sa bawat isinasagawa ay may hindi nakikitang saksi. Yaong layunin ng kanyang puso ay hayag sa pagsisiyasat ng Dios. Bawat kilos, bawat salita, bawat iniisip, ay hayag na hayag na waring mayroong isang tao sa buong sanlibutan, at ang pagmamasid ng buong kalangitan ay nakatuon sa kanya.MPMP 254.2

    Si Jose ay nagdusa dahil sa kanyang katapatan, dahil sa kanyang pagtitimpi ay pinaghigantihan sa pamamagitan ng pag-aatang sa kanya ng isang mabigat na krimen, kung kaya't siya ay ipiniit sa bilangguan. Kung si Potipar ay naniwala sa akusasyon ng kanyang asawa laban kay Jose, ang batang Hudyo ay malamang napatay; subalit ang kabinihan at pagkamatuwid na tapat na mapagkikilanlan ng kanyang ugali ay katibayan ng kanyang pagiging walang sala; at gano'n pa man, upang mailigtas ang karangalan ng sambahayan ng kanyang panginoon, siya ay iniwan sa kahihiyan at pagkabilanggo.MPMP 254.3

    Sa simula si Jose ay malupit na pinakitunguhan ng mga may hawak sa bilangguhan. Sabi ng mang-aawit, “Ang kanyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal: hanggang sa panahon na nangyari ang kanyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.” Mga Awit 105:18, 19. Subalit ang tunay na pagkatao ni Jose ay nagningning, maging sa kadiliman ng piitan. Siya ay matibay na nanghawak sa kanyang pananampalataya at pagtitdis; ang mga taon ng tapat niyang paglilingkod ay binayaran ng lubhang kalupitan gano'n pa man siya ay hindi nalumbay o nawalan ng pagtitiwala. Mayroon siyang kapayapaan na nagmumula sa nababatid na kawalan ng kasalanan, at ipinagkatiwala niya ang kanyang kalagayan sa Dios. Hindi siya nagkaroon ng kalungkutan sa pag- iisip-isip sa sarili niyang kasalanan, sa halip ay kinalimutan ang kanyang mga kalungkutan sa pamamagitan ng pagpapagaan ng kalungkutan ng iba. Maging sa piitan, may gawaing gagampanan. Siya ay inihanda ng Dios sa paaralan ng kahirapan para sa mas higit na kapakinabangan, at hindi niya tinanggihan ang kinakailangang pag- sasanay. Sa piitan, sa pagkasaksi ng mga bunga ng pang-aapi, kalupitan, at ang bunga ng krimen, kanyang natutunan ang liksyon tungkol sa katarungan, pakikiramay, at habag, na naghanda sa kanya sa pag- gamit ng kapangyarihan na may katalinuhan at pagkahabag.MPMP 257.1

    Unti-unting nakuha ni Jose ang pagtitiwala ng tagapag-ingat ng piitan, at pagdaka'y pinagkatiwalaan ng pamamahala sa lahat ng mga bilanggo. Iyon ang bahagi na kanyang ginampanan sa piitan—ang kabutihan ng kanyang araw-araw na pamumuhay at ang kanyang pakikiramay para doon sa mga nasa kaguluhan at pagkalito—na nagbukas ng daan para sa kanyang hinaharap na pag-unlad at karangalan. Ang bawat sinag ng liwanag na idinudulot natin sa iba ay nagliliwanag rin sa atin. Bawat salita na may kagandahang loob at pakikiramay na sinalita sa nalulungkot, bawat isinasagawa upang matulungan ang inaapi, at bawat kaloob sa nangangailangan, kapag isinagawa dahil sa tamang layunin, ay nagbubunga ng mga pagpapala para sa nagkakaloob.MPMP 257.2

    Ang puno ng magtitinapay at ang puno ng katiwala ng saro ay napiit sa bilangguan dahil sa ilang kasalanan, at sila ay napasa ilalim ng pamamahala ni Jose. Isang umaga, sa pagkabatid na sila'y lungkot na lungkot, magalang niyang itinanong ang dahilan at sinagot na kapwa sila nagkaroon ng isang kapuna-punang panaginip, na ninanais nilang malaman kung ano ang kahulugan. “Hindi ba ukol sa Dios ang mga paliwanag?” wika ni Jose, “isinasamo ko sa inyo, na inyong saysayin sa akin.” Sa pagsasalaysay ng bawat isa ng kanyang panaginip, inihayag ni Jose ang kahulugan noon: sa loob ng tatlong araw ang puno ng katiwala ng saro ay ibabalik sa kanyang tungkulin, ay magbibigay ng saro sa kamay ni Paraon gaya ng dati, subalit ang puno ng magtitinapay ay ipapapatay sa utos ng hari. Sa dalawa ay naganap ang inihula sa kanila.MPMP 257.3

    Ang tagapaghatid ng saro ng hari ay nagkaroon ng lubos na pagpapasalamat kay Jose, para sa nakaaaliw na pakahulugan sa panaginip at sa marami niyang isinagawang pagtulong sa kanya; at kapalit noon ang huli, sa isang nakakakilos na pagtukoy sa sarili niyang pagkabilanggo, ay nakiusap na ang kanyang kalagayan ay maparating sa hari. “Alalahanin mo ako,” wika niya, “kung ikaw ay mapabuti na, at isinasamo ko sa iyo, na pagpakitaan mo ako ng kagandahang loob, at banggitin mo ako kay Faraon, at ako'y alisin mo sa bahay na ito: sapagkat ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo: at dito naman ay wala akong ginawang anoman, upang ako'y ilagay nila sa bilangguan.” Nakita ng puno ng katiwala ng saro ang pagsasakatuparan ng panaginip; subalit nang maibalik sa pagiging kalugod-lugod sa hari, hindi na niya naalala ang tumulong sa kanya. Sa loob ng dalawang taon si Jose ay nanatili sa bilangguan. Ang pag- asang nasindihan sa kanyang puso ay dahan-dahang namatay, at sa lahat ng pagsubok ay napadagdag ang mapait na kagat ng kawalan ng utang na loob.MPMP 258.1

    Subalit malapit nang buksan ng kamay ng Dios ang mga pinto ng bilangguan. Ang hari ng Ehipto isang gabi ay nagkaroon ng dalawang panaginip, na mukhang tumutukoy sa iisang pangyayari at tila naghahayag ng sakunang mangyayari sa hinaharap. Hindi niya mati- yak ang kanilang kahulugan, subalit patuloy silang nakapagpagulo sa kanyang isip. Ang mga mago at pantas sa kanyang kaharian ay hindi makapaghayag ng kahulugan. Ang kaguluhan ng isip at pagkalito ng hari ay nadagdagan, at ang malaking takot ay lumaganap sa buong palasyo niya. Ang pangkalahatang pagkabalisa ay nagpaalaala sa puno ng katiwala ng saro sa mga nangyari sa sarili niyang panaginip; kaugnay noon ay naalaala niya si Jose, at nakadama siya ng pagsisisi sa kanyang pagkalimot at kawalan ng utang na loob. Kaagad niyang ipinabatid sa hari kung paanong ang sarili niyang panaginip at ang panaginip ng puno ng magtitinapay ay ipinaliwanag ng isang Hebreong bilanggo, at kung paanong ang mga inihula ay natupad.MPMP 258.2

    Kahiya-hiya para kay Faraon ang lampasan ang mga mago at pan- tas ng kanyang kaharian at komunsulta sa isang dayuhan at isang alipin, subalit handa siyang tanggapin ang pinakaabang paglilingkod kung ang kanyang naguguluhang isip ay makakasumpong ng lunas. Si Jose ay mabilis na ipinatawag; hinubad niya ang kanyang suot pang bilanggo, nag-ahit, sapagkat ang kanyang buhok ay humaba sa panahon ng kanyang kahihiyan at pagkabilanggo. At siya ay inihatid sa harap ng hari.MPMP 259.1

    “At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at walang makapagpaliwanag: at nabalitaan kita, na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipaliwanag mo. At sumagot si Jose kay Faraon, na sinasabi, wala sa akin; Dios ang magbibigay ng sagot ng kapayapaan kay Faraon.” Ang tugon ni Jose sa hari ay naghayag ng kapakumbabaan at ng pananampalataya sa Dios. Mahusay niyang tinanggihan ang karangalan ng pagkakaroon sa kanyang sarili ng ibayong karunungan. “Wala sa akin.” Ang Dios lamang ang makapagpapaliwanag ng mga lihim na ito.MPMP 259.2

    At si Faraon ay nagpatuloy upang isaysay ang kanyang mga panaginip: “Narito, nakatayo ako sa tabi ng ilog: at, narito, ay nagsiahon sa ilog na pitong bakang matatabang laman at magagandang anyo: at nanginain sa talahiban: at, narito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailan may hindi ako nakakita sa buong Ehipto ng ibang kawangis ng mga yaon sa kapangitan. At kinain ng mga bakang payat at pangit, ang pitong nauunang bakang matataba: at nang kanilang makain, ay hindi man lamang malaman na sila'y kanilang nakain; kundi ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. Sa gayo'y nagising ako. At nakakita ako sa aking panaginip, at, narito, pitong uhay ay tumataas sa isang tangkay, mapipintog at mabubuti. At, narito, may pitong uhay na lanta, mga pipi, at tinutuyo ng hanging silanganan na nagsitaas na kasunod ng mga yaon: at nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabuti: at aking isinaysay sa mga mago: datapuwat walang makapaghayag niyaon sa akin.”MPMP 259.3

    “Ang panaginip ni Faraon ay iisa,” ang sabi ni Jose, “ang gagawin ng Dios ay ipinahayag kay Faraon.” Magkakaroon ng pitong taon ng lubhang kasaganahan. Ang mga parang at halamanan ay mamumunga ng marami na kailan man ay hindi pa nangyari. Ang panahong ito ay susundan ng pitong taon ng tag-gutom. “At ang kasaganaan ay hindi malalaman sa lupain, dahil sa tag-gutom na sumusunod; sapagkat magiging napakahigpit.” Ang pag-uulit ng panaginip ay katunayang kapwa ang katiyakan at kalapitan ng katuparan. “Ngayon nga'y”, kanyang itinuloy, “humanap si Faraon ng isang taong matalino at pantas, at ilagay sa lupain ng Ehipto. Gawing ganito ni Faraon, at maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, na paglimahing bahagi ang lupain ng Ehipto sa loob ng pitong taon ng kasaganaan. At kanilang tipunin ang lahat ng pagkain nitong mabubuting taon na dumarating, at magkamalig ng trigo sa kapangyarihan ng kamay ni Faraon, na pinakapagkain sa mga bayan at ingatan. At ang pagkain ay kamaligin na ilaan sa lupain sa pitong taong kagutom na mangyayari sa lupain.”MPMP 260.1

    Ang paliwanag ay makatuwiran at di pabago-bago, at ang iminumungkahi noon ay mahusay, kung kaya't ang pagiging wasto noon ay di mapag-aalinlanganan. Subalit sino ang kinakailangang pagkatiwalaan ng pagpapatupad ng panukala? Nasa katalinuhan ng pagpiling ito nakasalalay ang kaligtasan ng bansa. Ang hari ay nabagabag. Sa loob ng ilang panahon ang bagay tungkol sa pagpili ay isinaalang-alang. Sa pamamagitan ng punong katiwala na nabatid ng hari ang katalinuhan at kahusayang ipinakita ni Jose sa pangangasiwa sa bilangguan; pinatutunayang siya ay may kahusayang di pangkaraniwan sa pangangasiwa. Ang tagapaghatid ng saro, na ngayon ay punong-puno ng pagsisisi sa sarili, ay nagsikap magbayad sa kanyang kawalan ng utang na loob, sa pamamagitan ng pinakamahusay na pagpuri sa tumulong sa kanya; at ang ibayo pang pag-uusisa ng hari ay nagpatunay sa katapatan ng kanyang sinabi. Sa buong kaharian si Jose ang nag-iisang tao na may kaloob na karunungan upang maghayag ng panganib na nagbabanta sa kaharian at ng kinakailangang paghahanda upang iyon ay maharap; at ang hari ay naniniwala na siya ang pinaka handa upang ipatupad ang mga panukala na kanyang iminungkahi. Mapapatunayang ang kapangyarihan ng Dios ay sumasa kanya, at walang sino man sa mga tauhan ng kaharian ang handa upang pangasiwaan ang kalagayan ng bansa sa krisis na ito. Ang katotohanan na siya ay isang Hebreo at alipin ay maliit na bagay kung ihahambing sa kanyang karunungan at mahusay na kapasyahan. “Makasusumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na taong kinakasihan ng Espiritu ng Dios?” ang wika ng hari sa kanyang mga tagapayo.MPMP 260.2

    Ang pagpili ay ipinasya, at kay Jose ang kahanga-hangang pahayag ay isinaad, “Yamang ipinabatid sa iyo ng Dios ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo: ikaw ay magpuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay pamamahalaan mo ang aking buong bayan: sa luklukang hari lamang magiging mataas ako sa iyo.” Ang hari ay nagpatuloy sa pagbibigay kay Jose ng tanda ng kanyang mataas na tungkulin. “At inalis ni Faraon sa kamay niya ang kanyang tandang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuutan ng magandang lino at nilagyan siya ng isang kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg; at siya'y pinasakay niya sa ikalawang karro na tinatangkilik ni Faraon; at isinisigaw sa harapan niya, Lumuhod kayo.”MPMP 261.1

    “Ginawa niya siyang panginoon sa kanyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari: upang talian ang kanyang mga pangulo sa kanyang kaligayahan, at turuan ang kanyang mga kasangguni ng karunungan.” Mga Awit 105:21, 22. Mula sa kulungan si Jose ay itinaas upang maging pangulo sa buong lupain ng Ehipto. Yaon ay isang katungkulang may mataas na karangalan, subalit puno ng kahirapan at panganib. Walang sino man ang makatatayo sa gano'ng kataas na kalagayan na walang panganib. Kung paanong hindi sinasaktan ng malakas na hangin ang mabababang bulaklak sa mga lambak, samantalang binubunot ang matatayog na puno sa itaas ng bundok, gano'n din naman yaong mga nagpapatuloy sa kabutihan sa mababang uri ng pamumuhay ay maaaring mahila sa hukay sa pamamagitan ng mga tuksong humahampas sa pagtatagumpay at karangalang makasanlibutan. Subalit ang pagkatao ni Jose ay nagtagumpay sa pagsubok kapwa sa kahirapan at sa kasaganahan. Ang gano'n ding pagtatapat sa Dios ay nahayag ng siya ay tumindig sa palasyo ng mga Faraon tulad noong siya ay nasa kulungan. Siya ay isa pa ring dayuhan sa isang lupain ng mga hindi sumasamba sa Dios, hiwalay sa kanyang mga kapatid, na mga sumasamba sa Dios; subalit lubos niyang pinaniniwalaan na ang Dios ang nangunguna sa kanya, at sa patuloy na pananalig sa Dios ay tapat niyang ginampanan ang kanyang mga tungkulin ng kanyang kalagayan. Sa pamamagitan ni Jose ay natawag ang pansin ng hari at ng mga dakilang tao ng Ehipto tungo sa tunay na Dios; at bagaman sila'y nanindigan sa kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan, natuto nilang igalang ang mga prinsipyong nahayag sa buhay at pagkatao ng sumasamba kay Jehova.MPMP 261.2

    Paano si Jose nagkaroon ng gano'ng katatagan ng pagkatao, pagiging matuwid, at karunungan? —Sa kanyang pagkabata inuna niya ang tungkulin kaysa kanyang hilig; at ang pagiging matuwid, simpleng pagtitiwala, at marangal na likas ng kabataan ay nagbunga sa mga gawa ng kanyang pagkatao. Isang dalisay at simpleng buhay ang nagpabuti sa mahusay na paglago ng kapangyarihan ng kapwa pangangatawan at pag-iisip. Ang pakikiugnay sa Dios sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa at ang pagmumuni-muni sa mga dakilang katotohanan na ipinagkatiwala sa mga tagapagmana ng pananampalataya ay nakapagpataas at nakapagparangal sa kanyang espirituwalidad, pinalawak at pinatibay ang pag-iisip sa paraang hindi magagawa ng ano mang pag-aaral. Ang tapat na pagharap sa gawain sa ano mang tungkulin, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas, ang siyang nagsanay sa bawat kapangyarihan para sa pinakamataas na paglilingkod. Siya na nabubuhay ayon sa kalooban ng Manlalalang ay kumukuha para sa kanyang sarili ng pinakawasto at pinakamarangal na pagpapalagong pagkatao. “Ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.” Job 28:28.MPMP 262.1

    Kakaunti ang nakababatid sa bunga ng maliliit na bagay sa paghubog ng pagkatao. Walang anuman na dapat nating gawin ang tunay na maliit. Ang iba't ibang pangyayari na ating nakakasalubong araw- araw ay iginayak upang subukin ang ating katapatan at upang ihanda tayo sa higit pang ipagkakatiwala sa atin. Sa pamamagitan ng pananatili sa prinsipyo sa paggawa ng mga karaniwang gawain, ang isip ay nasasanay upang hawakan ang mga pangangailangan ng mga tungkuling higit sa layaw at kinahihiligan. Ang mga isip na nasanay ng gano'n ay hindi nanlulupaypay sa pagitan ng mabuti at masama, tulad ng damong humahapay sa hampas ng hangin; sila ay tapat sa tungkulin sapagkat kanilang sinanay ang kanilang sarili sa mga kasanayan ng pagtatapat at katotohanan. Sa pamamagitan ng pagiging tapat sa pinakamaliit na bagay sila ay nagkakaroon ng lakas upang maging tapat sa mas malalaking bagay.MPMP 262.2

    Ang isang matuwid na pagkatao ay may higit na halaga kaysa ginto ng Ophir. Kung wala noon ay walang makapapanhik tungo sa isang marangal na pagiging makapangyarihan. Subalit ang pagkatao ay hindi namamana. Iyon ay hindi nabibili. Ang kahusayan ng pagkatao at kapinuhan ng pag-iisip ay hindi bunga ng pangyayaring hindi sinasadya. Ang mga pinakamahalagang kaloob ay walang halaga malibang sila ay mapagbuti. Ang pagkakaroon ng isang marangal na pagkatao ang gawaing pang habang buhay at kinakailangang maging bunga ng masikap at matiyagang paggawa. Ang Dios ay nagbibigay ng mga pagkakataon; ang pagtatagumpay ay nakasalalay sa paggamit sa mga iyon.MPMP 263.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents