Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 27—Ang Kautusang Ibinigay sa Israel

    Ang kabanatang ito ay batay sa Exodo 19 hanggang 24.

    Di nagtagal ng sila'y magtayo ng kampamento sa Sinai, si Moises ay tinawagang pumanhik sa bundok upang makipagtagpo sa Dios. Mag-isa siyang pumanhik sa matarik at malubak na landas, at lumapit sa ulap na tanda ng lugar na kinaroroonan ng Dios. Ang Israel ngayon ay kukunin na tungo sa isang malapit at kakaibang relasyon sa Kataas-taasan sa Lahat—upang itatag bilang isang iglesia at isang bansa sa ilalim ng pamahalaan ng Dios. Ang mensahe kay Moises para sa mga tao ay:MPMP 357.1

    “Inyong nakita ang Aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala Ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit Ko sa Akin din. Kaya't ngayon, kung tunay na inyong susundin ang Aking tinig, at iingatan ang Aking tipan, ay magiging isang tanging kayamanan nga kayo sa Akin, na higit sa lahat ng bayan: sapagkat ang buong lupa ay Akin; at kayo'y magiging isang kaharian ng mga saserdote sa Akin, at isang banal na bansa.”MPMP 357.2

    Si Moises ay nagbalik sa kampamento, at nang matawag ang mga matanda sa Israel, inulit niya sa kanila ang mensahe ng Dios. Ang kanilang tugon ay, “Yaong lahat na sinalita ng Panginoon ay aming gagawin.” Kaya't sila'y pumasok sa isang solemneng pakikipagtipan sa Dios, iginagarantiya ang kanilang mga sarili na tatanggapin Siya bilang kanilang Hari, na sa pamamagitan noon sila ay naging, sa isang natatanging kaisipan, mga tagasunod sa Kanyang kapangyarihan.MPMP 357.3

    Muling pumanhik ang kanilang pinuno sa bundok, at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Narito ako'y naparirito sa iyo sa isang sali- muot na ulap upang marinig ng bayan pagka Ako'y magsasalita sa iyo, at paniwalaan ka rin naman nila magpakailan man.” Nang sila'y magkaroon ng mga kahirapan sa daan, sila'y nagreklamo kay Moises at kay Aaron, at inakusahan silang nag-aakay sa buong Israel mula sa Ehipto upang sila ay patayin. Si Moises ay pararangalan ng Panginoon sa harap nila, upang sila'y maakit magtiwala sa kanyang mga ipinag-uutos.MPMP 357.4

    Pinanukala ng Dios na gawing isang lubhang kahanga-hanga ang okasyon ng pagsasalita ng Kanyang kautusan, ayon sa marangal na likas noon. Kinakailangang madama ng mga tao ng lahat ng kaugnay ng paglilingkod sa Dios ay kinakailangang harapin ng may dakilang paggalang. Sabi ng Panginoon kay Moises, “Pumaroon ka sa bayan at papagbanalin mo sila ngayon at bukas at labhan nila ang kanilang mga damit, at humanda sa ikatlong araw: sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.” Sa loob ng mga araw na ito ang lahat ay kinakailangang gamitin ang pagkakataon sa solemneng paghahanda sa pag- harap sa Dios. Ang kanilang katauhan at ang kanilang damit ay kinakailangang walang anumang karumihan. At kapag inihayag ni Moises ang kanilang mga kasalanan, kinakailangang italaga nila ang kanilang mga sarili sa pagpapakumbaba, pag-aayuno, at pananalangin, upang ang kanilang mga puso ay malinis mula sa kasalanan.MPMP 358.1

    Ang mga paghahanda ay naisakatuparan, ayon sa iniutos; at bilang pagsunod sa iba pang iniutos, ipinag-utos ni Moises na lagyan ng harang ang paligid ng bundok, upang walang tao ni hayop man ang makapasok sa banal na dako. Sino mang mangahas na pumasok o mangahas na humawak doon, ang parusa ay dagliang pagkamatay.MPMP 358.2

    Sa kinaumagahan ng ikatlong araw, samantalang ang mga mata ng buong bayan ay nakatingin sa bundok, at ang tuktok noon ay nata- takpan ng isang makapal na ulap, na higit pang naging maitim at makapal, dumadaloy pababa hanggang sa ang buong bundok ay na- balot sa kadiliman at kilabot na kababalaghan. At isang tunog ng pakakak ang narinig, nag-aanyaya sa mga taong makipagtagpo sa Dios; at sila ay pinangungunahan ni Moises tungo sa paanan ng bundok. Mula sa salimuot na kadiliman ay kumisap ang maliwanag na mga kidlat, samantalang ang mga dagundong naman ng kulog ay umaalingawngaw at muling umaalingawngaw sa kalapit na mga bundok. “At ang buong bundok ng Sinai ay umuusok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyaon na nasa apoy: at ang usok niyaon ay napaiilanglang na parang usok ng isang hurno, at ang buong bundok ay umuugang mainam.” “At ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay paris ng apoy na manunupok sa ibabaw ng taluktok ng bundok” sa harap ng natipong karamihan. At “lumakas ng lumakas ang tunog ng pakakak.” Kakilakilabot ang mga pagpapa- hayag ng presensya ni Jehova anopa't ang mga Israelita ay nanginig sa takot, at umubob sa harap ng Panginoon. Maging si Moises ay nagsabi, “Ako'y totoong nasisindak at nanginginig.” Hebreo 12:21.MPMP 358.3

    At ngayon ang pagkulog ay tumigil na; ang pakakak ay hindi na naririnig; ang lupa ay hindi na umuuga. Mayroong solemneng kata- himikan, at ang tinig ng Dios ay narinig. Nagsasalita mula sa makapal na kadilimang nakabalot sa Kanya, samantalang Siya'y nakatayo sa bundok, napapaligiran ng isang grupo ng mga anghel, ipinaalam ng Panginoon ang Kanyang kautusan. Si Moises sa paglalarawan ng tagpong iyon, ay nagsabi: “Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai, at bumangon mula sa Seir na patungo sa kanila; Siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran, at Siya'y nanggaling mula sa laksa-laksang mga banal: sa Kanyang kanan ay may hawak na isang mahigpit na kautusan sa kanila. Oo at Kanyang iniibig ang bayan: lahat ng kanyang mga banal ay nasa Iyong mga kamay: at sila'y umuupo sa iyong paanan; na bawat isa'y tatanggap ng Iyong mga salita.” Deuteronomio 33:2,3.MPMP 359.1

    Inihayag ni Jehova ang Kanyang sarili, hindi lamang sa kagilagila- las na karilagan ng hukom at ng tagapag-utos, kundi bilang isang mahabaging tagapagbantay ng Kanyang bayan: “Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin.” Siya na kanila nang nakilala bilang kanilang Patnubay at Tagapagligtas, na naglabas sa kanila mula sa Ehipto, na naghanda ng daan para sa kanila sa dagat, at pumuksa kay Faraon at sa Kanyang hukbo, na nagpahayag ng Kanyang sarili bilang nakahihigit sa lahat ng mga diyos ng Ehipto—Siya iyon na ngayon ay bumibigkas ng Kanyang kautusan.MPMP 359.2

    Ang kautusan ay hindi binanggit sa panahong ito para lamang sa mga Hebreo. Sila ay pinarangalan ng Dios sa pagkuha sa kanila bilang mga tagapagbantay at tagapag-ingat ng Kanyang kautusan, subalit iyon ay kinakailangang hawakan bilang isang banal na kaloob para sa buong sanlibutan. Ang mga batas ng sampung utos ay ang- kop sa lahat ng sangkatauhan, at ang mga iyon ay ipinagkaloob para sa pagtuturo at pamamahala ng lahat. Sampung mga batas, maiksi, linalaman ang lahat, at makapangyarihan, saklaw ang katungkulan ng tao sa Dios at sa kanyang kapwa tao; at lahat ay nakasalalay sa dakilang pangunahing prinsipyo ng pag-ibig. “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo, at ng buong pag-iisip mo; at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Lucas 10:27. Tingnan din ang Deuteronomio 6:4, 5; Levitico 19:18. Sa Sampung Utos ay isinasakatuparan ang detalye ng mga prinsipyong ito, at ginagawang angkop sa lahat ng kundisyon at kalagayan ng tao.MPMP 359.3

    “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap Ko.”MPMP 360.1

    Si Jehova, ang walang hanggan, nangyari sa pamamagitan ng sarili, Isang hindi nilikha, Siya na Pinagmulan at Tumutustos sa lahat, ang tanging karapat-dapat sa kataas-taasang paggalang at pagsamba. Ang tao ay binabawalang magbigay sa ano mang bagay ng unang lugar sa kanilang pag-ibig at paglilingkod. Ano man ang ating pinahahalaga- han na nakakabawas sa ating pag-ibig sa Dios o nakapahadlang sa paglilingkod na nauukol sa Kanya, iyon ang ginagawa nating diyos.MPMP 360.2

    “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyo na nasa itaas sa langit, o nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: huwag mong yuyukuran sila, o paglilingkuran man sila.”MPMP 360.3

    Ang ikalawang utos ay nagbabawal sa pagsamba sa tunay na Dios sa pamamagitan ng mga larawang inanyuan o mga kawangis. Maraming mga di Kristianong bansa na nag-aangking ang mga larawan ay pawang mga hugis o simbolo na sa pamamagitan noon ang Dios ay sinasamba, subalit inihayag ng Dios na ang gano'ng uri ng pagsamba ay kasalanan. Ang pagtatangkang ihayag ang Isang walang hanggan sa pamamagitan ng materyal na mga bagay ay makapagpapababa sa pagkakilala ng tao sa Dios. Ang isip, na naalis mula sa walang hanggang kasakdalan ni Jehova, ay maaakit sa nilalang sa halip na sa Manlalalang. At samantalang ang kanyang pagkakilala sa Dios ay nakababa, ang tao din naman ay mabababa.MPMP 360.4

    “Akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin.” Ang malapit at banal na relasyon ng Dios sa Kanyang bayan ay inihaha- yag sa pamamagitan ng anyo ng pag-aasawa. Ang pagsamba sa diyus- diyusan bilang espirituwal na pangangalunya, ang galit ng Dios laban doon ay angkop na tawaging paninibugho.MPMP 360.5

    “Dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa Akin.” Di maiiwasang ang mga anak ay magdusa bunga ng pag- kakamali ng mga magulang, subalit sila ay di pinarurusahan dahil sa kasalanan ng mga magulang, malibang sila ay makibahagi sa kani- lang mga kasalanan. Karaniwan ay gano'n ang nangyayari, gano'n pa man, na ang mga anak ay lumalakad sa hakbang ng kanilang mga magulang. Sa pamamagitan ng minana at ng halimbawa ang mga anak ay nagiging kabahagi ng kasalanan ng ama. Masamang hilig, ligaw na panglasa, malaswang moralidad, gano'n din ang mga ka- ramdaman at kasamaan ng katawan, ay naisasalin bilang pamana sa anak mula sa ama, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon. Ang kilabot na katotohanang ito ay kinakailangang magkaroon ng so- lemneng kapangyarihan upang pigilan ang mga tao sa pagsunod sa maling landas ng kasalanan.MPMP 360.6

    “Pinagpapakitaan Ko ng kaawan ang libu-libong umiibig sa Akin at tumutupad ng Aking mga utos.” Sa pagbabawal ng pagsamba sa mga diyus-diyusan, ang ikalawang utos ay nangangahulugan ng pagsamba sa tunay na Dios. At doon sa mga tapat sa paglilingkod sa Kanya, ang kahabagan ay ipinangako, hindi lamang hanggang sa ikatlo at ikaapat na herenasyon tulad ng galit na ipinagbabanta doon sa mga may galit sa Kanya, kundi sa libung mga lahi.MPMP 361.1

    “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagkat hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng Kanyang pangalan sa walang kabuluhan.”MPMP 361.2

    Ang utos na ito ay hindi lamang nagbabawal sa di totoong panu- numpa at pangkaraniwang pagtutungayaw, datapuwat ipinagbabawal nito sa atin ang paggamit ng pangalan ng Dios sa isang di makabulu- han o walang pag-iingat na paraan, at walang pakundangang dakilang kahulugan noon. Sa di natin iniisip na pagbanggit sa Dios sa pangkaraniwang pag-uusap, sa pagtawag sa Kanya tungkol sa walang kabuluhang mga bagay, at sa malimit at di iniisip na pag-ulit sa Kanyang pangalan, ay ating linalapastangan Siya. “Banal at kaga- lang-galang ang Kanyang pangalan.” Awit 111:9. Ang lahat ay kinakailangang magmuni-muni sa Kanyang pagkahari, Kanyang ka- dalisayan at kabanalan, upang ang puso ay magkaroon ng pagkadama ng Kanyang pagkamataas ang uri; at ang Kanyang banal na pangalan ay kinakailangang banggitin ng may paggalang at kataimtiman.MPMP 361.3

    “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangilin. Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain. Ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalaki ni babae, ni ang iyong aliping lalaki ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan: sapagkat sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at pinakabanal.”MPMP 361.4

    Ang Sabbath ay hindi ipinakilala bilang isang bagong institusyon, kundi bilang isang itinatag sa paglalang. Iyon ay kinakailangang ala- lahanin at ipangilin bilang alaala ng ginawa ng Manlalalang. Itinu- turo ang Dios bilang Siyang Gumawa ng langit at ng lupa, itinatang- hal nito ang tunay na Dios na iba sa lahat ng diyus-diyusan. Lahat ng nangingilin ng ikapitong araw ay nagpapahayag sa pamamagitan nito na sila ay sumasamba kay Jehova. Kaya't ang Sabbath ay tanda ng pagtatapat ng tao sa Dios habang mayroong sino man sa lupang maglilingkod sa Kanya. Ang ikaapat na utos ang bukod tangi sa sampu kung saan masusumpungan kapwa ang pangalan at titulo ng Tagapag-utos. Iyon lamang ang bukod tanging naghahayag ng kung kaninong kapangyarihan ibinigay ang kautusan. Kaya't iyon ang nag- lalaman ng tatak ng Dios, isinama sa Kanyang kautusan bilang kati- bayan ng katotohanan at kapangyarihan.MPMP 362.1

    Ang Dios ay nagbigay sa tao ng anim na araw upang gumawa, at iniutos Niya na ang sarili nilang mga gawa ay gawin sa anim na araw ng paggawa. Ang mga gawa ng pangangailangan at kahabagan ay pinahihintulutan kung Sabbath, ang may sakit at nagdurusa sa ano mang panahon ay kinakailangang pangalagaan; subalit ang maaaring maiwasang gawain ay mahigpit na pinaiiwasan. “Iyong iurong ang iyong paa sa Sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa Aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang Sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon na marangal; at iyong pararangalan na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan” Isaias 58:13. Ni hindi nagtapos ang pagbabawal dito. “Ni magsasalita ng iyong mga sariling salita,” wika ng propeta. Yaong nag-uusap tungkol sa hanapbuhay o nagpapanukala sa araw ng Sabbath ay itinuturing ng Dios na sa katotohana'y naghahanapbu- hay. Upang maingatang banal ang Sabbath, ni hindi natin dapat pahintulutan ang ating mga isip na mag-isip ng mga bagay na maka- mundo. At sinasakop ng utos ang lahat ng nasa loob ng ating pintuang daan. Ang mga kasama sa bahay ay kinakailangang isa-isang tabi ang kanilang makamundong gawain sa panahon ng mga banal na oras. Ang lahat ay kinakailangang makiisa sa pagpaparangal sa Dios sa pamamagitan ng malugod na paglilingkod sa Kanyang banal na araw.MPMP 362.2

    “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.”MPMP 363.1

    Ang mga magulang ay karapat-dapat sa isang antas ng pagmamahal at paggalang na hindi nararapat sa kanino mang tao. Ang Dios mis- mo, na naglagay sa kanila ng responsibilidad para sa mga kaluluwang itinagubilin sa kanila, ay nag-utos na sa mga unang taon ng kanilang buhay, ang mga magulang ang tatayo sa lugar ng Dios sa kanilang mga anak. At sino mang tumatanggi sa mararapat na pamamahala ng kanyang mga magulang ay tumatanggi sa pamamahala ng Dios. Ang ikalimang utos ay nag-uutos sa mga anak hindi lamang upang mag- bigay galang, pagpapasakop, at pagsunod sa kanilang mga magulang, kundi pati ang sila'y bigyan ng pagmamahal at kabaitan, upang mapa- gaan ang kanilang mga pasanin, ingatan ang kanilang reputasyon, at upang sumaklolo at umaliw sa kanila sa katandaan. Iyon ay nag- uutos din sa kanila na igalang ang mga ministro at mga namumuno at iba pang binigyan ng Dios ng kapamahalaan.MPMP 363.2

    Iyon, sabi ng apostol, ang “unang utos na may pangako.” Efeso 6:2. Para sa Israel, na di magtatagal ay umaasang papasok sa Canaan, iyon ay isang pangako sa masunurin, ng mahabang buhay sa mabu- ting lupain; subalit iyon ay may higit na malawak na kahulugan, kabilang ang lahat ng Israel ng Dios, at nangangako ng buhay na walang hanggan sa lupa kapag iyon ay naging malaya na sa lahat ng sumpa ng kasalanan.MPMP 363.3

    “Huwag kang papatay.”MPMP 363.4

    Ang lahat ng di makatarungang gawain na nagpapaiksi ng buhay; ang espiritu ng pagkagalit at paghihiganti, o ang pagbibigay laya sa ano mang kinahihiligan na humahantong sa mga gawang nakakasakit sa iba, o nagiging sanhi ng pag-iisip na sila'y masaktan (sapagkat ang “sinomang napopoot sa kanyang kapatid ay mamamatay-tao”); ang makasariling di pagtugon sa mga nangangailangan o naghihirap; ang lahat ng pagbibigay laya sa sarili o sa kailangang pagkakait o labis na paggawa na humahantong sa pagkasira ng kalusugan—ang lahat ng ito ay sa higit na malaki o maliit na bahagi, ay paglabag sa ikaanim na utos.MPMP 363.5

    “Huwag kang mangangalunya.”MPMP 364.1

    Ang batas na ito ay nagbabawal hindi lamang sa mga gawang malaswa, kundi pati sa malaswang isip at pagnanasa, o ano mang gawaing nakapupukaw sa mga iyon. Ang kadalisayan ay ipinag-uutos hindi lamang sa panglabas kundi pati sa mga lihim na layunin at damdamin ng puso. Si Kristo, na nagturo ng malawak ng kahulugan ng kautusan ng Dios, ay nagsabi na maging ang masamang kaisipan o pagtingin ay tunay na kasalanan ng gaya ng ipinagbabawal na gawa.MPMP 364.2

    “Huwag kang magnanakaw.”MPMP 364.3

    Kapwa ang hayag at di hayag na mga kasalanan ay kabilang sa ipinagbabawal na ito. Ang ikawalong utos ay nagbabawal sa pangu- nguha ng tao at pang-aalipin, at mga digmaang panlulupig. Ipinagbabawal noon ang mga pagnanakaw at pangloloob. Ipinag-uutos noon ang masusing pagtatapat sa pinakamaliit na bahagi ng buhay. Ipinagbabawal ang panglalamang sa pangangalakal, at nag-uutos na ba- yaran ang matuwid na pagkakautang o kaupahan. Inihahayag noon na ang ano mang pagtatangkang makalamang dahilan sa kakulangan ng kaalaman, kahinaan, o kasawiang palad ng iba ay itinatala bilang panlilinlang sa mga aklat ng langit.MPMP 364.4

    “Huwag kang magbibintang sa iyong kapwa.”MPMP 364.5

    Ang pagsasabi ng di totoo sa ano mang paraan, ang bawat pagta- tangka o layuning manlinlang ng ating kapwa, ay kabilang dito. Ang tangkang manlinlang ang bumubuo ng kasinungalingan. Sa pamamagitan ng pagsulyap ng mata, hudyat ng kamay, inihahayag ng katawan, ang kasinungalingan ay maaaring masabi na kasing bisa ng salita. Ang lahat ng sinasadyang kalabisan ng ipinapahayag, bawat hudyat o pagmumungkahing naghahatid ng kasinungalingan o kalabisan, maging ang pagsasabi ng katotohanan sa paraang makapang- liligaw, ay kasinungalingan. Kabilang sa utos na ito ang pagbabawal sa bawat gawang makasisira sa dangal ng kapwa sa pamamagitan ng paghahayag ng di totoo o pagmumungkahi ng masama, sa pamamagitan ng paninira o pagsasalaysay ng kasinungalingan. Maging ang sinasadyang di pagsasabi ng katotohanan, na sa pamamagitan noon ang iba ang masasaktan, ay isang paglabag sa ikasiyam na utos.MPMP 364.6

    “Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapwa, huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa, ni ang kanyang aliping lalaki o babae, ni ang kanyang baka, ni ang kanyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapwa.”MPMP 364.7

    Ang ikasampung utos ay humahampas sa pinaka ugat ng lahat ng kasalanan, ipinagbabawal ang pagnanasang makasarili, na pinagmu- mulan ng masamang gawa. Siya na sa pagsunod sa Dios ay umiiwas maging sa makasalanang pagnanasa sa pag-aari ng iba ay hindi mag- kakasala ng paggawa ng masama sa kanyang kapwa nilalang.MPMP 365.1

    Iyon ang mga banal na batas ng Sampung Utos, sinalita sa kalagitnaan ng mga kulog at apoy, at may kahanga-hangang pagpapakita ng kapangyarihan at pagkahari ng Tagapag-utos. Sinamahan ng Dios ang pagpapahayag ng Kanyang kautusan ng pagpapakitang kapangyarihan at kaluwalhatian, upang hindi makalimutan ng Kanyang bayan ang tagpong iyon, at upang sila'y humanga na may ganap na pagsamba sa May-akda ng kautusan, ang Lumikha ng langit at ng lupa. Kanya ring ipakikita sa lahat ng tao ang kabanalan, kahalagahan, at pagkapermanente ng Kanyang kautusan.MPMP 365.2

    Ang bayan ng Israel ay napuno ng takot. Ang nakasisindak na kapangyarihan ng pagsasalita ng Dios ay nagmukhang higit sa makakayanan ng kanilang puso. Sapagkat samantalang ang dakilang batas ng Dios kung ano ang wasto ay inihahayag sa kanila, kanilang nabatid ng higit sa dati ang masamang likas ng kasalanan, at ang sarili nilang kasalanan sa paningin ng isang Banal na Dios. Sila ay umurong mula sa bundok sa takot at pagkasindak. Ang karamihan ay sumigaw kay Moises, “Magsalita ka sa amin, at aming didinggin: datapuwat huwag magsalita ang Dios sa amin, baka kami ay mamatay.” Ang pinuno ay tumugon, “Huwag kayong matakot: sapagkat ang Dios ay naparito upang subulan kayo, at upang ang takot sa Kanya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala.” Ang bayan, gano'n pa man, ay nanatili sa malayo nagmamasid na may pagkatakot sa tagpong iyon, samantalang si Moises ay “lumapit sa salimuot na kadiliman na kinaroroonan ng Dios.”MPMP 365.3

    Ang isip ng mga tao, na binulag at pinahina ng pagkaalipin at pagsamba sa diyus-diyusan, ay hindi handa upang ganap na mauna- waan ang malawak na prinsipyo ng sampung utos ng Dios. Upang ang ipinagagawa ng Sampung Utos ay lubos pang maunawaan at maisakatuparan, ay may ibinigay na karagdagang mga batas, inila- larawan at isinasakatuparan ang mga prinsipyo ng Sampung Utos. Ang mga utos na ito ay tinawag na kahatulan, kapwa sapagkat iyon ay inihanda sa walang hanggang karanungan at pagkamakatarungan at sapagkat ang mga hukom ay hahatol ayon doon. Di tulad ng Sampung Utos, iyon ay kay Moises lamang inihayag, na siyang mag- hahayag noon sa mga tao.MPMP 365.4

    Ang una sa mga batas na ito ay tungkol sa mga alipin. Noong unang mga panahon minsan ang mga kriminal ay ipinagbibili ng mga hukom sa pagkaalipin; minsan ang mga mangungutang ay ipinagbibili ng pinag-uutangan; maging ang pagkapulubi ay nagiging sanhi upang ipagbili ng ilang mga tao ang kanilang mga sarili o kanilang mga anak. Subalit ang isang Hebreo ay hindi maaaring maipagbili bilang isang alipin habang buhay. Ang bilang ng kanyang paglilingkod ay limitado hanggang anim na taon. Sa ikapito siya ay kinakailangang palayain. Ang pagnanakaw ng tao, sinasadyang pag- patay, at paglaban sa mga magulang ay kinakailangang parusahan ng kamatayan. Ang pagkakaroon ng mga aliping hindi kalahi ng mga Israelita ay ipinapahintulot, subalit ang kanilang buhay at pagkatao ay mahigpit na iniingatan. Ang pumatay ng alipin ay pinarurusahan; ang isang pananakit na ginawa ng kanyang panginoon, bagaman hindi lalabis sa pagkawala ng isang ngipin, ay dahilan upang siya ay palayain.MPMP 366.1

    Ang mga Israelita ay naging mga alipin sa lumipas, at ngayon sila ay magkakaroon ng mga alipin sa ilalim nila, kinakailangang maging maingat sila baka magkaroon din sila ng espiritu ng pagkamalupit at mapaghanap na kanilang naranasan sa ilalim ng kanilang mga Ehipciong taga-atang. Ang alaala ng sarili nilang mapait na pagkaalipin ay makatutulong sa kanila upang ilagay ang kanilang mga sarili sa lugar ng alipin, at umaakay sa kanila upang maging mabait at mahabagin, upang pakitunguhan ang iba kung paanong nanaisin nilang sila ay pakitunguhan.MPMP 366.2

    Ang karapatan ng mga balo at mga ulila ay bukod tanging ininga- tan, at isang nangangalagang pagtingin sa mga nasa kalagayang walang kakayanan ay ipinag-utos. “Kung iyong dalamhatiin sila sa anomang paraan,” sabi ng Panginoon, “at sila'y dumaing sa Akin, ay walang pagsala, na Aking didinggin ang kanilang daing; at ang Aking pag-iinit ay mangaalab, at Aking papatayin kayo ng tabak; at ang inyong mga asawa ay magiging mga balo, at ang inyong mga anak ay mga ulila.” Ang mga taga ibang lupa na sumama sa mga Israelita ay kinakailangang maingatan mula sa kamalian o pang-aapi. “Ang taga ibang lupa ay huwag mong pipighatiin sapagkat talastas ninyo ang puso ng taga ibang lupa, yamang kayo'y naging mga taga ibang lupa, sa lupain ng Ehipto.”MPMP 366.3

    Ang pagkuha ng labis na pagpapatubo mula sa mga mahihirap ay ipinagbabawal. Ang damit o kumot ng isang mahirap na nakuha bilang isang sangla, ay kinakailangang maisauli sa kanya sa pagtata- kip-silim. Ang magkasala ng pagnanakaw ay kinakailangang magsauli ng doble. Ang paggalang sa mga hukom at mga pinuno ay ipinag- utos, at ang mga hukom ay binabalaan laban sa pagsira sa kahatulan, pagtulong sa di tamang gawain, o pagtanggap ng suhol. Ang mga paninirang puri ay ipinagbawal, ang paggawa ng kabutihan ay iniutos, maging sa mga magkaaway.MPMP 367.1

    Muli ang bayan ay pinaalalahanan ng banal na utos tungkol sa Sabbath. Nagtakda ng taon-taong kapistahan, na doon ang lahat ng lalaki sa bansa ay kinakailangang magtipon sa harap ng Panginoon, dala sa Kanya ang kanilang mga handog ng pasasalamat at ang mga unang bunga ng kanilang kasaganaan. Ang layunin ng lahat ng mga utos na ito ay sinabi: sila ay nagmula hindi lamang sa pawang di napag-isipang paggamit ng kapangyarihan; ang lahat ay ipinagkaloob sa ikabubuti ng Israel. Sabi ng Panginoon, “kayo'y magpapakabanal na tao sa akin”—karapat-dapat upang kilalanin ng isang banal na Dios.MPMP 367.2

    Ang mga batas na ito ay kinakailangang itala ni Moises, at maingat na pahalagahan bilang pundasyon ng batas ng bansa, at, kasama ng sampung batas na kanilang inilalarawan, bilang kundisyon ng pagsa- sakatuparan ng mga pangako ng Dios sa Israel.MPMP 367.3

    Ngayon ang mensahe mula kay Jehova ay ibinigay sa kanila: “Narito, Aking sinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong Aking inihanda sa iyo. Mag-ingat kayo sa Kanya, at dinggin ninyo ang Kanyang tinig: Huwag ninyong mungkahiin Siya; sapagkat hindi Niya patatawarin ang inyong pagsalangsang: sapagkat ang Aking pangalan ay nasa Kanya. Datapwat kung didinggin mong lubos ang Kanyang tinig, at gagawin mo ang lahat ng Aking sinasalita; ay magiging kaaway nga Ako ng iyong mga kaaway, kaalit ng iyong mga kaalit.” Sa lahat ng panahon ng mga paglalakbay ng Israel, si Kristo, sa haligi ng ulap at ng apoy, ang kanilang Pinuno. Samantalang may mga simbulong tumutukoy sa isang Tagapagligtas na darating, ay mayroon ding Tagapagligtas kasalukuyan, na nagbibigay ng mga utos kay Moises para sa bayan, at siyang nasa kanilang harapan bilang tanging daluyan ng pagpapala.MPMP 367.4

    Pagkababa mula sa bundok, “lumapit si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at ang lahat ng mga palatuntunan. At ang buong bayan ay sumagot ng paminsan, at nagsabi, Lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon, ay aming gagawin.” Ang pangakong ito kasama ng mga salita ng Panginoon na kanilang ipinangakong susundin, ay isinulat ni Moises sa isang aklat.MPMP 368.1

    At sumunod ang pagpapatibay sa tipan. Isang altar ang itinayo sa paanan ng bundok, at sa tabi noon ay nagtayo ng labing dalawang haligi, “ayon sa labing dalawang lipi ng Israel,” bilang tanda ng kanilang pagtanggap sa tipan. At ang mga hain ay inilapit ng mga binatang pinili para sa paglilingkod na iyon.MPMP 368.2

    Nang madilig ang altar ng dugo ng mga hain, kinuha ni Moises “ang aklat ng tipan, at binasa sa pakinig ng bayan.” Sa ganoong paraan ang mga kundisyon ng tipan ay inulit sa isang solemneng paraan, at ang lahat ay may kalayaang pumili kung sasang-ayon doon o hindi. Kanilang ipinangako nang una pa lamang na kanilang susundin ang tinig ng Dios; subalit mula noon ay narinig nilang inihayag ang kanilang kautusan; at ang mga prinsipyo noon ay inisa-isa, upang kanilang malaman kung gaano ang kasangkot sa tipanang ito. At muli ang bayan ay tumugon ng may pagkakaisa, “Lahat ng sinalita ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magmamasunurin.” “Nang salitain ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, ay kumuha siya ng dugo,...at winisikan ang aklat at gayon din ang buong bayan, na sinasabi, Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Dios tungkol sa inyo.” Hebreo 9:19, 20.MPMP 368.3

    Ang mga paghahanda ay isinasagawa na ngayon para sa ganap na pagtatatag ng piniling bayan sa ilalim ni Jehova bilang kanilang Hari. Tumanggap si Moises ng utos, “Sumampa ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at si Aaron, si Nadab, at si Abihu, at pitumpung mga matanda sa Israel; at sumamba kayo mula sa malayo: At si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon.” Samantalang ang bayan ay sumasamba sa paanan noon, ang mga lalaking ito na pinili ay tinawa- gan upang pumanhik sa bundok. Ang pitumpung matatanda ay tutu- long kay Moises sa pamamahala sa Israel, at inilagay ng Dios sa kanila ang Kanyang Espiritu, at pinarangalan sila ng isang pagtanaw sa Kanyang kapangyarihan at kadakilaan. “At kanilang nakita ang sa Kanyang kapangyarihan at kadakilaan. At kanilang nakita ang Dios ng Israel; at mayroon sa ilalim ng Kanyang mga paa na parang isang yaring lapag na batong zafiro, at paris din ng langit sa kaliwa- nagan.” Hindi nila nakita ang Dios, subalit nakita nila ang kaluwalhatian ng Kanyang pakikiharap. Bago nangyari ito hindi nila matitiis ang ganitong tanawin; subalit ang naging pagpapahayag ng kapangyarihan ng Dios ay nakapagpamangha sa kanila upang sila'y magsisi; sila'y nakapagmuni-muni sa Kanyang kaluwalhatian, kadalisayan, at kaawaan, hanggang sa sila'y makakalapit na sa Kanya na naging pak- sa ng kanilang mga pagmumuni-muni.MPMP 368.4

    Si Moises at “si Josue na kanyang tagapangasiwa” ngayon ay inu- tusan upang makipagtagpo sa Dios. At para sa panahong sila'y wala ay hinirang na lider si Aaron at si Hur, katulong ang ibang matanda, upang pumalit sa kanyang lugar. “At sumampa si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanahan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.” Sa loob ng anim na araw ay tinakpan ng ulap ang bundok bilang tanda ng natatanging presensya ng Dios; gano'n pa man ay walang pagpapahayag ng Kanyang sarili at pagpapahayag ng Kanyang kalooban. Sa loob ng panahong ito si Moises ay naghintay upang anyayahan sa harapan ng Kataas-taasan sa Lahat. Siya ay inutusang, “Sambahin mo Ako sa bundok, at dumoon ka,” at bagaman ang kanyang pagtitiis at pagkamasunurin ay sinubok, ay hindi siya napagod ng paghihintay, ni hindi iniwan ang kanyang kinaroroonan. Ang mga sandaling ito ng paghihintay para sa kanya ay isang panahon ng paghahanda, ng mahigpit na pagsusuri sa sarili. Maging ang kinalulugurang lingkod na ito ng Dios ay hindi kaagad makakalapit sa Kanyang harapan at makatatagal sa pagpapahayag ng Kanyang kaluwalhatian. Anim na araw ang kinailangang magamit upang maitalaga ang kanyang sarili sa Dios sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanyang puso, pagmumuni-muni, at pananalangin bago siya mahanda sa isang pakikipag-ugnayan sa kanyang Manlalalang.MPMP 369.1

    Nang ikapitong araw, na siyang Sabbath, si Moises ay tinawagan sa loob ng ulap. Ang makapal na ulap ay bumukas sa paningin ng buong Israel, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas na gaya ng isang nanunupok na apoy. “At pumasok si Moises sa gitna ng ulap, at sumampa sa bundok: at si Moises ay natira sa bundok ng apat na pung araw at apat na pung gabi.” Hindi kabilang sa apat na pung araw at gabing pananatili sa bundok ang anim na araw ng paghahanda. Sa loob ng anim na araw si Josue ay kasama ni Moises, at magkasama silang kumain ng mana at uminom mula sa “sapang nanggaling sa bundok.” Subalit si Josue ay hindi pumasok na kasama ni Moises sa loob ng ulap, at nagpatuloy siyang kumain at uminom samantalang naghihintay kay Moises, samantalang si Moises naman ay nag-ayuno sa loob ng apat na pung araw.MPMP 369.2

    Samantalang si Moises ay nasa bundok, si Moises ay tumanggap ng utos tungkol sa paggawa ng isang santuwaryo kung saan ang pakikiharap ng Dios ay bukod tanging mahahayag. “At kanilang igawa Ako ng isang santuwaryo; upang Ako'y makatahan sa gitna nila” (Exodo 25:8), ang utos ng Dios. Sa ikatlong pagkakataon ang Sabbath ay ipinag-utos. “Ito'y isang tanda sa Akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man,” pahayag ng Panginoon, “upang inyong makilala na Ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo. Inyong ipangingilin ang Sabbath nga; sapagkat yao'y pangilin sa inyo...sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na yaon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kanyang bayan.” Exodo 31:17, 13, 14. Kabibigay pa lamang ng utos para sa mabilis na pagtatayo ng taber- nakulo sa paglilingkod sa Dios; at ngayon ay maaaring isipin ng mga tao, na sapagkat ang layunin ay ang kaluwalhatian ng Dios, at sapagkat kailangang-kailangan nila ng bahay sambahan, na sila ay pawa- walang sala sa paggawa kung Sabbath. Upang maingatan sila sa pag- kakamaling ito, ang babala ay ibinigay. Maging ang kabanalan at pangangailangan ng ganoong natatanging gawain para sa Dios ay hindi kinakailangan umakay sa kanila upang labagin ang Kanyang banal na araw ng kapahingahan.MPMP 370.1

    Mula ngayon ang bayan ay pararangalan ng nananatiling pakiki- harap ng kanilang hari. “Ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at Ako'y magiging kanilang Dios,” “at ang tolda ay pakakaba- nalin sa pamamagitan ng Aking kaluwalhatian” (Exodo 29:45, 43), ang katiyakang ibinigay kay Moises. Bilang tanda ng kapangyarihan at pagpapahayag ng Kanyang kalooban, ay may ibinigay kay Moises na isang kopya ng sampung utos na isinulat ng daliri ng Dios sa dalawang tapyas na bato (Deuteronomio 9:10; Exodo 32:15, 16), upang may kabanalang mailagay sa santuwaryo, na, kung magagawa, ay magiging hayag na sentro ng pagsamba ng bansa.MPMP 370.2

    Mula sa isang lahi ng mga alipin ang mga Israelita ay itinaas sa lahat ng mga bansa upang maging isang tanging kayamanan ng Hari ng mga hari. Sila ay inihiwalay ng Dios mula sa sanlibutan, upang Kanyang maipagkatiwala sa kanila ang isang banal na gawain. Ginawa Niya silang katiwala ng Kanyang kautusan, at layunin Niyang, sa pamamagitan nila, ay maingatan sa kalagitnaan ng mga tao ang kaalaman tungkol sa Kanya. Kaya't ang liwanag ng langit ay magliliwanag sa isang sanlibutang nababalot ng kadiliman, at isang tinig ang mari- rinig na nakikiusap sa lahat ng mga bansa upang tumalikod mula sa kanilang pagsamba sa diyus-diyusan upang maglingkod sa buhay na Dios. Kung ang mga Israelita ay magiging tapat sa kanilang tungkulin, sila'y magiging isang kapangyarihan sa sanlibutan. Ang Dios ang kanilang magiging tanggulan, at Kanyang itataas sila sa lahat ng mga bansa. Ang Kanyang liwanag at katotohanan ay mahahayag sa pamamagitan nila, at sila'y titindig sa ilalim ng Kanyang marunong at banal na paghahari bilang halimbawa ng kahigitan ng pagsamba sa Kanya laban sa lahat ng uri ng pagsamba sa diyus-diyusan.MPMP 370.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents