Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 69—Tinawagan Tungo sa Trono si David

    Ang kabanatang ito ay batay sa 2 Samuel 2 hanggang 5:5.

    Ang pagkamatay ni Saul ay nag-alis ng mga panganib na naging sanhi ng pagiging isang lagalag ni David. Ang landas ay bukas na ngayon sa kanya upang makauwi sa sarili niyang lupain. Nang ang mga araw ng pagluluksa para kay Saul at kay Jonathan ay matapos, “nag-usisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako sa alin man sa mga bayan ng Juda? At sinabi ng Panginoon sa kanya, Umahon ka. At sinabi ni David, Saan ako aahon? At kanyang sinabi, Sa Hebron.”MPMP 829.1

    Ang Hebron ay nasa dalawampung milya sa hilaga mula sa Beerseba, at halos nasa kalagitnaan ng daan mula sa lungsod na iyon tungo sa magiging lugar ng Jerusalem. Ang dating tawag doon ay Kirjath- arba, ang lungsod ni Arba, ang ama ni Anak. Pagdaka iyon ay tinawag na Mamre, at narito ang libingan ng mga patriarka, “ang yungib ng Machpela.” Ang Hebron ay naging pag-aari ni Caleb at ngayon ay pangunahing lungsod ng Juda. Iyon ay nasa isang libis na napa- palibutan ng matabang bulubundukin at mabungang lupain. Ang pinakamagagandang mga ubasan ng mga Filisteo ay nasa mga hangganan noon. Kasama ng maraming mga tanim na olibo at iba pang mga punong kahoy na mga prutas.MPMP 829.2

    Si David at ang kanyang mga tagasunod ay madaling naghanda upang sundin ang pahayag na kanilang tinanggap mula sa Dios. Ang anim na raang armadong mga lalaki, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, at kanilang mga kawan at mga hayupan, di nagtagal ay nasa kanila nang landas tungo sa Hebron. Samantalang ang grupo ay pumapasok sa lungsod ang mga lalaki ng Juda ay naghihintay upang tanggapin si David bilang hari ng Israel sa hinaharap. Kaagad nagkaroon ng paghahanda para sa kanyang koronasyon. “At kanilang pinahiran ng langis doon si David upang maging hari sa sambahayan ng Juda.” Subalit walang ginawang pagsisikap upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng dahas sa ibang mga lipi.MPMP 829.3

    Isa sa mga unang isinagawa ng bagong kinoronahang hari ay ang ipahayag ang kanyang mapagmahal na pagtingin sa alaala ni Saul at ni Jonathan. Nang marinig ang tungkol sa matapang na isinagawa ng mga lalaki ng Jabes-galaad sa pagliligtas sa mga bangkay ng mga namatay na mga pinuno at sa pagbibigay sa kanila ng marangal na libing, si David ay nagpadala ng embahada sa Jabes na may pahayag na, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon na kayo'y nagpakita ng kagandahang-loob na ito sa inyong panginoon, samakatuwid baga'y kay Saul, at inyong inilibing siya. At ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng kagandahang-loob.” At kanyang ipinahayag ang pagkakalagay sa kanya sa trono ng Juda at inanyayahan ang pagtatapat noong naging mga tapat ang kalooban.MPMP 830.1

    Ang mga Filisteo ay hindi tumutol sa ginawa ng Juda na gawing hari si David. Naging kaibigan nila siya sa kanyang pag-iibang bayan, upang takutin at pahinain ang kaharian ni Saul, at ngayon sila ay umaasa na dahil sa kanilang naging kagandahang-loob kay David ang paglaganap ng kanyang kapangyarihan, sa huli, ay makakabuti sa kanila. Subalit ang paghahari ni David ay hindi rin naging malaya sa kaguluhan. Nang siya ay koronahan ay nagsimula ang madilim na tala ng pagsasabwatan at panghihimagsik. Si David ay hindi naupo sa trono ng isang traydor; siya ay napili ng Dios upang maging hari ng Israel, at hindi nagkaroon ng dahilan upang hindi pagtiwalaan o kaya'y hadlangan. Gano'n pa man hindi pa halos kinikilala ang kanyang kapangyarihan ng mga lalaki ng Juda, na sa pamamagitan ng impluwensya ni Abner, si Isbosheth, ang anak ni Saul, ay ipinuroklamang hari, at pinaupo na isang kaagaw ng trono sa Israel.MPMP 830.2

    Si Isboseth ay pawang isang mahina at hindi mapagkakatiwalaang kinatawan ng sambahayan ni Saul, samantalang si David ay higit na handang magpasan ng mga responsibilidad ng kaharian. Si Abner, na nanguna sa pagtataas kay Isboseth tungo sa pagiging hari, ay dating punong kawal sa hukbong sandatahan ni Saul, at siyang pinaka- kinikilalang lalaki sa Israel. Alam ni Abner na si David ang pinili ng Panginoon para sa trono ng Israel, subalit dahil sa matagal na panghuhuli at pag-uusig sa kanya, hindi siya ngayon handa upang ang anak ni Isai ang humalili sa kaharian na pinagharian ni Saul.MPMP 830.3

    Ang mga pangyayari na kinaroonan ni Abner ay nagpalago sa tunay niyang pagkatao at ipinakita siya na isang ambisyoso at walang prinsipyo. Naging malapit na malapit siya kay Saul at naim- pluwensyahan ng espiritu ng hari upang itakwil ang lalaki na pinili ng Dios upang maghari sa Israel. Ang kanyang galit ay pinatindi ng masakit na pananalita na binitiwan sa kanya ni David noong ang banga ng tubig at ang sibat ng hari ay nakuha mula sa piling ni Saul samantalang siya ay tulog sa kampo. Naalaala niya kung paanong si David ay sumigaw sa pakinig ng hari at ng bayan ng Israel, “Hindi ka ba matapang na lalaki? at sinong gaya mo sa Israel? bakit nga hindi mo binantayan ang iyong panginoon na hari?... Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Buhay ang Panginoon, kayo'y marapat na mamatay, sapagkat hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinahiran ng langis ng Panginoon.” Ang pagsansalang ito ay naging mahapdi sa kanyang dibdib, at ipinasya niyang isa- katuparan ang layunin niyang maghiganti at lumikha ng pagkaka- bahagi sa Israel, kung saan siya ay maaaring maitaas. Ginamit niya ang kinatawan ng namatay na hari upang isulong ang makasarili niyang ambisyon at layunin. Alam niya na mahal ng bayan si Jonathan. Ang alaala sa kanya ay iniibig, at ang unang matagumpay na pakikipagbaka ni Saul ay hindi pa nakakalimutan ng hukbo. May kapas- yahang marapat sa isang higit na mabuting gawain, ang mapang- himagsik na pinunong ito ay sumulong upang isakatuparan ang kanyang mga panukala.MPMP 830.4

    Ang Mahanaim, sa kabilang panig ng Jordan, ang pinili para sa dakong tirahan ng hari, sapagkat iyon ay nagbibigay ng pinaka- malaking pananggalang laban sa pananalakay, maging mula kay David o mula sa mga Filisteo. Dito ginanap ang koronasyon ni Isboseth. Ang kanyang paghahari ay una munang tinanggap ng mga lipi sa silangang bahagi ng Jordan, at sa huli ay lumaganap hanggang sa buong Israel liban lamang sa Juda. Sa loob ng dalawang taon ay ikinasiya ng anak ni Saul ang kanyang mga karangalan sa kanyang nakatagong kapitolyo. Subalit si Abner, sa layuning mapalaganap ang kanyang kapangyarihan sa buong Israel, ay naghanda para sa agresibong pakikipagbaka. At “nagkaroon nga ng pagbabaka ang sambahayan ni Saul at ang sambahayan ni David: at si David ay lumakas ng lumakas, ngunit ang sambahayan ni Saul ay humina ng humina.”MPMP 831.1

    Sa huli ay binuwag ng panlilinlang ang tronong itinatag ng maruming pag-iisip at ng ambisyon. Si Abner, na nayayamot na sa mahina at hindi maasahang Isboseth, ay pumanig kay David, na may alok na ilipat sa kanya ang lahat ng lipi ng Israel. Ang kanyang mga alok ay tinanggap ng hari, at siya ay marangal na pinauwi upang isakatuparan ang kanyang panukala. Subalit ang malugod na pagkatanggap sa ganon na lamang katapang at kilalang isang mandirigma ay pumukaw sa paninibugho ni Joab, ang punong kawal sa hukbo ni David. Nagkaroon ng madugong pag-aalitan sa pagitan ni Abner at ni Joab, sapagkat pinatay ng isa si Asahel, na kapatid ni Joab, sa panahon ng paglalabanan sa pagitan ng Israel at ng Juda. Ngayon si Joab, sa pagkita ng isang pagkakataon upang maipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang kapatid at maiiwas ang kanyang sarili mula sa isang posibleng karibal, ay napakahamak na gumawa ng paraan upang maharang at mapatay si Abner.MPMP 831.2

    Si David, nang marining ang traydor na pagsalakay na ito, ay mariing nagpahayag, “Ako at ang aking kaharian ay walang sala sa harap ng Panginoon magpakailan man sa dugo ni Abner na anak ni Ner: Bumagsak sa ulo ni Joab, at sa buong sambahayan ng kanyang ama.” Dahil sa hindi pa naisasaayos na kalagayan ng kaharian, at sa kapangyarihan at posisyon ng mga pumatay—sapagkat ang kapatid ni Joab na si Abisai ay nakasama niya—hindi ni David maaaring I hatulan ang krimen na may makatarungang kaparusahan, gano'n pa man ipinahayag niya sa madla ang kanyang pagkasuklam sa madugong kagagawan. Ang libing ni Abner ay nagkaroon ng mga pagpaparangal ng madla. Ang hukbong sandatahan, sa pangunguna ni Joab ay pinag- utusang makibahagi sa mga serbisyo ng pagluluksa, na may punit na mga kasuutan at nararamtan ng magaspang na damit. Ang hari ay nagpahayag ng kanyang pagkalungkot sa pamamagitan ng pag-aayuno sa araw ng libing; sumunod siya sa kabaong bilang pangunahing tagapagluksa; at sa libingan siya ay nagpahayag ng isang parangal sa patay na isang matinding panunumbat sa mga pumatay. At tinangisan ng hari si Abner, at sinabi,MPMP 832.1

    “Marapat bang mamatay si Abner,
    ng gaya ng pagkamatay ng isang mangmang?
    Ang iyong mga kamay ay hindi nangatatalian,
    O ang iyong mga paa man ay nangagapos:
    Kung paanong nabuwal ang isang lalaki
    sa harap ng mga anak ng kasamaan
    Ay gayon ka nabuwal.”
    MPMP 832.2

    Ang magandang pagkilala ni David sa isa na naging pinakamapait na kaaway niya ay nakakuha sa pagtitiwala at paghanga ng buong Israel. “At nahalata ng buong bayan, at minagaling nila: palibhasa'y anumang ginagawa ng hari ay nakalulugod sa buong bayan. Sa gayo'y naunawa ng buong bayan at ng buong Israel sa araw na yaon, na hindi sa hari ang pagpatay kay Abner na anak ni Ner.” Sa lihim na kalipunan ng kanyang mga pinagkakatiwalaang mga tagapayo at mga lingkod ang hari ay nagsalita ng tungkol sa krimen, at nang mabatid ang kawalan niya ng kakayanan upang maparusahan ang mga pumatay ayon sa kanyang ninanais, iniwan niya ang bagay na iyon sa katarungan ng Dios: “Hindi ba ninyo nalalaman na may isang prinsipe at mahal na tao, na nabuwal sa araw na ito sa Israel? At ako'y mahina sa araw na ito, bagaman pinahirang hari; at ang mga lalaking ito na anak ni Sarvia ay totoong mahirap kasamahin: gantihan nawa ng Panginoon ang manggagawang masama ayon sa kanyang kasamaan.”MPMP 832.3

    Si Abner ay naging tapat sa kanyang mga alok at mga pakiki- pagharap kay David, gano'n pa man ang kanyang mga layunin ay masama at makasarili. Matiyaga niyang tinutulan ang hari na pinili ng Dios, sa pag-asang magkakaroon ng karangalan para sa kanyang sarili. Hinanakit, nasugatan ng kapurihan, at matinding galit ang umakay sa kanya upang talikuran ang layunin na matagal niyang pinaglingkuran; at sa pagtakas tungo kay David umasa siyang tatanggap ng pinakamataas na posisyon ng karangalan sa paglilingkod sa kanya. Kung siya ay nagtagumpay sa kanyang layunin, ang kanyang talento at ambisyon, ang kanyang malaking impluwensya at kaku- langan ng pagkamaka-diyos, ay maaaring nagpahamak sa trono ni David at sa kapayapaan at pag-unlad ng bayan.MPMP 833.1

    “Nang mabalitaan ng anak ni Saul, na si Abner ay patay na sa Hebron, ang kanyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat na taga Israel ay nabagabag.” Kapansin-pansin na ang kaharian ay hindi na mapananatili pa ng matagal. Di nagtagal isa pang gawa ng panlilinlang ang tumapos sa pagbagsak ng nanghihinang kapangyarihan. Si Isboseth ay pinatay sa masamang paraan ng dalawa sa kanyang mga kapitan, na, nang mapugot ang kanyang ulo, ay nagmadaling dinala iyon sa hari ng Juda, na umaasang sila ay tatanawan ng utang na loob dahil sa makalulugod sa kanya.MPMP 833.2

    Sila ay humarap kay David dala ang kanilang madugong katibayan ng kanilang krimen, na nagsasabi, “Tingnan mo ang ulo ni Isboseth na anak ni Saul na iyong kaaway na umuusig ng iyong buhay; at ipinanghiganti ng Panginoon ang aking panginoon na hari sa araw na ito kay Saul, at sa kanyang binhi.” Subalit si David, na ang trono ay ang Dios ang nagtatag, na iniligtas ng Dios mula sa kanyang mga kaaway, ay hindi nagnanasa sa tulong ng panlilinlang upang maitatag ang kanyang mga kaaway, ay hindi nagnanasa sa tulong ng panlilinlang upang maitatag ang kanyang kapangyarihan. Sinabi niya sa mga pumatay kay Saul. “Gaano pa kaya,” dagdag niya, “kung pinatay ng masasamang mga lalaki ang isang matuwid na tao sa kanyang sariling bahay, sa kanyang higaan, hindi ko ba sisiyasatin ngayon ang kanyang dugo sa inyong kamay, at aalisin kayo sa lupa? At iniutos ni David sa kanyang mga bataan, at pinatay nila sila...ngunit kanilang kinuha ang ulo ni Isboseth, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.”MPMP 833.3

    Nang mamatay si Isboseth nagkaroon ng pangkalahatang pagnanasa sa mga namumunong mga lalaki sa Israel na si David ay maging hari ng lahat ng mga lipi. “Nang magkagayo'y naparoon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, at nagsipagsalita, na nagsisipagsabi, narito, kami ay iyong buto at iyong laman.” Kanilang ipinahayag, “Ikaw ang naglalabas at nagpapasok sa Israel: at sinabi ng Panginoon sa iyo: Ikaw ay magiging pastor ng Aking bayang Israel: at ikaw ay magiging prinsipe sa Israel. Sa gayo'y nagsiparoon ang lahat ng mga matanda sa Israel sa hari sa Hebron: at ang Haring si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon.” Sa gano'ng paraan sa pamamagitan ng awa at tulong ng Dios ang landas ay nabuksan para sa kanya upang makarating sa trono. Wala siyang personal na ambisyong tinutugunan, sapagkat hindi niya hinanap ang karangalan na doon siya ay inihatid.MPMP 834.1

    Mahigit sa walong libong mga inanak ni Aaron at ng mga Levita ay naglingkod kay David. Ang naging pagbabago ng mga tao ay kapansin-pansin at tiyak. Ang pagbabago ay naging matahimik at marangal, angkop sa dakilang gawain na kanilang isinasagawa. Halos kalahating milyong mga kaluluwa, na dating mga nasasakupan ni Saul, ang dumagsa sa Hebron at sa mga kalapit noon. Ang mga burol at mga libis ay naging buhay dahil sa lubhang karamihan. Ang oras ng koronasyon ay itinakda; ang lalaki na pinalayas mula sa korte ni Saul, na tumakas tungo sa mga kabundukan at mga burol at sa mga yungib ng lupa upang mailigtas ang kanyang buhay, ay malapit nang tumanggap ng pinakamataas na parangal na maaaring ipagkaloob sa isang tao ng kanyang mga kapwa tao. Ang mga saserdote at mga matanda, nararamtan ng mga kasuutan ng kanilang banal na tungkulin, mga opisyal at mga kawal na may nagkikinangang mga sibat at mga turbante, at mga dayuhan mula sa malalayo, ay tumindig upang saksihan ang koronasyon ng piniling hari. Si David ay nararamtan ng kasuutang panghari. Ang banal na langis ay inilagay ng punong saserdote sa kanyang kilay, sapagkat ang pagpapahid ni Samuel ay isang hula ng magaganap sa inagurasyon ng hari. Ang oras ay dumating, at si David, sa pamamagitan ng isang solemneng serbisyo, ay itinalaga sa kanyang tungkulin bilang kinatawan ng Dios. Ang setro ay inilagay sa kanyang mga kamay. Ang tipan ng kanyang matuwid na pagiging hari ay isinulat, at ibinigay ng mga tao ang kanilang panata ng katapatan. Ang dayadema ay inilagay sa may kanyang kilay, at ang koronasyon ay natapos. Ang Israel ay mayroon nang hari na pinili ng Dios. Siya na matiyagang naghintay sa Panginoon, nakita niya na ang pangako ng Dios ay natupad. “At si David ay dumakila ng dumakila; sapagkat ang Panginoon na Dios ng mga hukbo, ay sumasa kanya.” 2 Samuel 5:10.MPMP 834.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents