Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Paggawa sa Ilalim ng Kahirapan

    Bagama’t maingat si Pablo sa pagtuturo sa mga nahikayat niya ng malinaw na turo ng Kasulatan tungkol sa wastong tangkilik ng gawain ng Dios, at bagama’t bilang isang ministro ng ebanghelyo ay inangkin niya sa sarili ang “matuwid sa pagtigil sa paggawa” (1 Corinto 9:6) ng sekular na gawain upang matustusan ang sarili, gayunman sa ilang pagkakataon sa kanyang paglilingkod, siya ay nagtrabaho upang matustusan ang sarili.AGA 262.1

    Sa mga Judio ang paggawang pisikal ay hindi nagpapababa o kakatwa. Sa pamamagitan ni Moises ang mga Hebreo ay naturuang magsanay ng mga anak sa kasipagan; at itinuring na kasalanan ang pabayaang ang mga kabataan ay lumaking walang alam sa pisikal na paggawa. Bagama’t ang anak ay sasanayin sa banal na paglilingkod, ang kaalaman sa praktikal na buhay ay mahalaga. Bawat kabataan, mayaman o mahirap man ang magulang, ay tuturuan ng isang gawain. Ang mga magulang na magpabaya dito ay itinuturing na lumalabag sa turo ng Panginoon. Ayon sa kaugalian, maaga pa ay natutuhan na ni Pablo ang paggawa ng tolda.AGA 262.2

    Bago siya naging alagad ni Kristo, si Pablo ay may mataas na tungkulin, at hindi kinailangang magtrabaho ng mabigat upang mabuhay. Ngunit matapos na maubos na ang kanyang kayamanan para sa gawain ni Kristo, kinailangang maghanapbuhay siya upang mabuhay. Lalong totoo ito sa mga dakong ang kanyang mga motibo ay maaaring di maunawaan.AGA 262.3

    Sa Tesalonica natin unang nadinig na si Pablo ay gumamit ng kamay sa paghahanapbuhay kasabay ng pangangaral ng Salita. Sa pagsulat sa mga mananampalataya doon, ipinaalaala niyang “baka naging pabigat siya” sa kanila, at idinagdag pa: “Sapagkat inaalaala ninyo mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagdaramdam: amin ngang ipinangaral ang ebanghelyo ng Dios na kami’y gumagawa gabi’t araw, upang huwag kaming maging isang pasanin sa kaninuman sa inyo.” 1 Tesalonica 2:6, 9. Muli, sa ikalawang pagsulat sa kanila, inihayag niyang siya at mga kasamang manggagawa habang kasama nila ay hindi “kumain ng tinapay ninuman na walang kabuluhan.” Araw at gabi ay gumawa siya, kanyang sinulat, “upang kami ay huwag maging pasanin sa kaninuman sa inyo: hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang kami ay mangakapagbigay sa inyo ng isang uliran, upang kami ay inyong tularan.” 2 Tesalonica 3:8, 9.AGA 262.4

    Sa Tesalonica si Pablo ay nakatagpo ng mga ayaw gumamit ng kamay. Tungkol sa uri ng mga taong ito na siya ay sumulat: “Ang ilan sa inyo na nagsisilakad ng walang kaayusan, na hindi man lamang nagsisigawa, kundi mapakialam sa mga bagay ng iba. Sa mga gayon nga ay aming iniuutos at ipinamamanhik sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila’y magsigawang may katahimikan, at magsikain ng kanilang sariling tinapay.” Habang gumagawa si Pablo sa Tesalonica, siya ay naging maingat sa pagbibigay ng halimbawa. “Sapagkat noong pa man kami ay kasama ninyo,” kanyang sinulat, “ay aming iniutos ito sa inyo, kung ang sinuman ay ayaw gumawa, ay huwag din namang kumain.” Talatang 11, 12, 10.AGA 263.1

    Sa bawat panahon si Satanas ay nagsikap na sirain ang pagsisikap ng mga lingkod ng Dios sa pamamagitan ng pagpapasok sa iglesia ng diwa ng panatisismo. Gayon din sa panahon ni Pablo, at sa mga kasunod na daantaon sa panahon ng Repormasyon. Sina Wycliffe, Luther, at iba pang nagpala sa sanlibutan sa kanilang impluwensya at pananampalataya, ay sumagupa sa katusuhan ng kaaway na nagsikap na akayin sa panatisismo ang mga isipang sobra sa sigasig, ngunit kulang sa kabanalan. Mga kaluluwang naligaw ay nagsikap magturong ang pagtatamo ng tunay na kabanalan ay naghahatid sa isipan sa ibabaw ng mga bagay sa lupa, at inaakay silang tumigil sa anumang paggawa. Ang iba na may kakatwang isipan sa Kasulatan, ay nagturong kasalanan ang maghanapbuhay—na ang mga Kristiano ay di dapat mabahala sa kanilang kalagayang temporal, kundi dapat na magtalaga ng buong buhay sa mga bagay na espirituwal. Ang halimbawa at turo ni apostol Pablo ay tuwirang tuligsa sa ganitong kakatwang isipan.AGA 263.2

    Si Pablo ay hindi lubusang umasa sa kanyang hanapbuhay habang nasa Tesalonica. Sa pagsulat niya sa Filipos, kinilala niya ang mga kaloob na bigay sa kanya habang naglilingkod sa Tesalonica, “Sapagkat sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.” Filipos 4:16. Sa kabila ng katotohanang tumanggap siya ng ganitong tulong, naging maingat naman siya na ibigay sa Tesalonica ang halimbawa ng sipag, upang walang sinumang makasumbat sa kanya ng kasakiman, at upang silang may isipang panatiko tungkol sa paggawang manwal ay mabigyang praktikal na sumbat.AGA 263.3

    Nang unang dumalaw si Pablo sa Corinto, napagitna siya sa mga taong may hinala sa mga taga-ibang bayan. Ang mga Griyego sa mga dalampasigan ay mga mangangalakal. Sila ay sanay sa tusong negosyo, na nananampalatayang ang kanilang pagtutubo ay kabanalan, at ang pagkamal ng salapi, sa mabuti o masamang paraan man, ay kapuri-puri. Alam ni Pablo ang mga katangiang ito, at hindi siya magbibigay ng pagkakataon sa kanilang masabing nangangaral siya ng ebanghelyo upang magpayaman. Matuwid sanang humingi siya ng tangkilik sa mga nahikayat sa Corinto; ngunit hindi niya ginamit ang karapatang ito, upang ang bisa at kapakinabangan niya bilang isang ministro ay hindi masugatan ng walang katarungang paratang na siya’y nangangaral upang magpayaman. Aalisin niya ang lahat ng pagkakataong magbubunga ng maling isipan, upang ang puwersa ng kanyang pabalita ay hindi mawala.AGA 264.1

    Pagdating niya sa Corinto, agad natagpuan ni Pablo ang “isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isinilang sa Pontus, dumating galing sa Italia, kasama ang asawang si Priscila.” Sila ay kapareho ng kanyang hanapbuhay. Dahilan sa utos ni Claudio, na ang lahat ng Judio ay pinalayas sa Roma, si Aquila at Priscila ay nakarating sa Corinto, at doon ay nagtatag ng hanapbuhay na paggawa ng mga tolda. Nagtanong si Pablo tungkol sa kanila, at nang malamang ang mga ito ay may takot sa Dios at nagsisikap umiwas sa mga impluwensyang nagpapasama, “siya ay nakipanirahan sa kanila, at gumawa.... At nakipagsanggunian tuwing Sabbath sa sinagoga, at humikayat sa mga Griyego at Judio.” Gawa 18:2-4.AGA 264.2

    Di nagtagal si Silas at Timoteo ay dumating sa Corinto upang makasama ni Pablo sa paggawa. Ang mga ito ay may dalang pondo mula sa mga iglesia sa Macedonia bilang tangkilik sa gawain.AGA 264.3

    Sa ikalawang pagliham sa mananampalataya sa Corinto, nang ang iglesia dito ay napalakas na, nirepaso ni Pablo ang kanyang naging pakikipamayan sa kanila. “Ako nga baga’y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili, upang kayo’y mangataas dahil sa ipinangaral ko sa inyo na walang bayad ang ebanghelyo ng Dios? Aking sinamsaman ang ibang mga iglesia, sa pagtangap ko ng upa sa kanila, upang ipangasiwa ko sa inyo. At pagka ako’y kaharap ninyo at nagkukulang ng ikabuhuhay, ako’y hindi naging pasan sa kaninuman: sapagkat mga kapatid nang sila’y manggaling sa Macedonia ay tumakip ng aming pangangailangan; at sa lahat ng mga bagay ay pinag-ingatan kong huwag maging pasanin sa inyo, at mag-iingat nga ako. Kung paanong nasa akin ang katotohanan ni Kristo, sinuman ay hindi makapipigil sa akin sa pagmamapuring ito sa mga dako ng Acaya.” 2 Corinto 11:7-10.AGA 264.4

    Sinabi ni Pablo kung bakit sinunod niya ang ganitong bagay sa Corinto. Upang hindi siya makapagbigay ng anumang dahilan sa “kanilang nagnanasa ng kadahilanan.” 2 Corinto 11:12. Kasabay ng kanyang hanapbuhay na paggawa ng tolda, matapat siyang gumawa sa pangangaral ng ebanghelyo. Siya na rin ang naghayag tungkol sa kanyang paggawa, “Tunay na ang mga tanda ng apostol ay pawang nangyari sa inyo sa buong pagtitiis, sa pamamagitan ng mga tanda, at mga kababalaghan, at ng mga gawang makapangyarihan.” At kanyang idinagdag, “Sapagkat ano nga ang inyong ikinahuli sa ibang mga iglesia, kundi ang ako’y hindi naging pasanin sa inyo? Ipatawad ninyo sa akin ang kamaliang ito. Narito, ito ang ikatlo na ako’y handang pumariyan sa inyo; at ako’y hindi magiging pasanin ninyo: sapagkat hindi ko hinahanap ang inyo, kundi kayo.... At ako’y gugugol ng may malaking kagalakan at pagugugol dahil sa inyong mga kaluluwa.” 2 Corinto 12:12-15.AGA 265.1

    Sa mahabang panahon ng kanyang paglilingkod sa Efeso, na sa loob ng tatlong taon ay nagsagawa siya ng agresibong pangangaral sa buong rehiyon, si Pablo ay naghanapbuhay din. Sa Efeso tulad sa Corinto si Pablo ay napasigla ng presensya ni Aquila at Priscila, na sumama sa kanyang pagbabalik sa Asia sa pagtatapos ng ikalawang paglalakbay misyonero.AGA 265.2

    Mayroong nagsalita laban sa paghahanapbuhay ni Pablo, na nagsabing ito ay hindi kaayon ng kanyang pagiging ministro ng ebanghelyo. Bakit si Pablo na ministrong pinakamataas ang ranggo, ay kailangang isama ang paghahanapbuhay sa pangangaral ng Salita? Hindi baga marapat ang manggagawa sa kanyang upa? Bakit kailangang gumugol siya ng panahon sa paggawa ng tolda na dapat sanang maiukol ang panahon sa lalong mabuting paggawa?AGA 265.3

    Ngunit hindi ipinalagay ni Pablo na kalugihan ang panahong iniukol sa hanapbuhay. Habang kasama sina Aquila at Priscila sa paggawa hindi nalagot ang kanyang kaugnayan sa Punong Guro, hindi nagpabaya sa anumang pagkakataong sumaksi para sa Tagapagligtas, sa pagtulong sa mga nangangailangan ng tulong. Ang kanyang isipan ay laging umaabot sa mga kaalamang espirituwal. Nagbigay siya sa mga kamanggagawa ng mga aral sa mga espirituwal na bagay, at nagbigay ng halimbawa sa kasipagan at pagka masinop. Siya ay manggagawang mabilis, mahusay, matiyaga, “maningas sa espiritu, naglilingkod sa Panginoon.” Roma 12:11. Kasabay ng hanapbuhay, naabot ng apostol ang isang uri ng mga taong hindi sana maaabot sa ibang paraan. Ipinakita niya sa mga kasamahan niyang ang husay sa mga karaniwang bagay ay isang kaloob mula sa Dios, na nagkakaloob ng kakayahan at karunungang matuwid. Itinuro niyang kahit na sa mga pang-araw-araw na paggawa, ang Dios ay dapat parangalan. Ang mga kamay niyang pinatigas ng paggawa ay hindi nagbawas ng anuman sa puwersa ng kanyang pagsamo bilang isang ministrong Kristiano.AGA 265.4

    Kung minsan ay gumawa si Pablo sa gabi at araw, hindi lamang sa sariling tustos kundi upang makatulong din sa ibang kamanggagawa. Ibinahagi niya ang kanyang kita kay Lucas, at tumulong din kay Timoteo. Kung minsan ay nagtiis siya ng gutom upang makatulong lamang sa iba. Ang buhay niya ay hindi makasarili. Sa pagtatapos ng kanyang ministri, sa pamamaalam sa mga matatanda sa Efeso, sa Miletus, maaari niyang itaas sa kanila ang kanyang mga kamay na pagal sa paggawa, at masabing, “hindi ko hinangad ang pilak, o ginto, o kasuotan ng sinumang tao. Oo, kayo na rin ang nakaaalam nito, na sa paggawa ay marapat ninyong tangkilikin ang mga mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, kung paanong sinabi Niya, Lalong mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.” Gawa 20:3335.AGA 266.1

    Kung nararamdaman ng mga ministro na sila ay naghihirap at nagkukulang sa pangangailangan dahil sa gawain ni Kristo, dalawin nila sa pamamagitan ng imahinasyon ng pag-iisip ang lugar na doon ay gumawa si Pablo. Dapat nilang isipin na habang ang piniling lalaking ito ng Dios ay gumagawa, siya’y nagtratrabaho dahil sa tinapay na matuwid niyang kinita dahil sa kanyang paggawa bilang alagad.AGA 266.2

    Ang paggawa ay isang pagpapala at hindi isang sumpa. Ang diwa ng katamaran ang sumisira ng kabanalan, at pumipighati sa Espiritu ng Dios. Ang isang lawang hindi umaagos ay mabaho, ngunit ang dalisay, at umaagos na ilog ay nagsasabog ng kalusugan at kagalakan sa buong lupain. Alam ni Pablo na silang hindi gumagawang pisikal di magtatagal ay manghihina. Hinangad niya na maturuan ang mga kabataang ministro na sa paggamit ng kanilang mga kamay, sa pagsasanay ng kanilang mga kalamnan at litid, sila ay magiging lalong malakas na makatagal sa mga paggawa at kahirapan na nakaantabay sa mga bukiran ng ebanghelyo. Nadama niyang ang mga sariling turo ay magkukulang sa puwersa at buhay kung hindi niya wastong sinasanay ang lahat ng mga sangkap.AGA 266.3

    Ang tamad ay nagpapalampas ng di mababayarang karanasang nakukuha sa matatag na pagsasagawa ng mga karaniwang tungkulin ng buhay. Libu-libo ang nabubuhay na inuubos lamang ang mga biyayang kaloob ng Dios sa kanila. Nakakaligtaan nilang magbalik sa Panginoon ng mga handog ng pasasalamat para sa mga kayamanang ipinagkatiwala sa kanila. Nakakalimutan nilang sa matalinong pangangalakal ng mga talentong pahiram sa kanila, sila ay hindi lamang taga-ubos kundi tagagawa din. Kung nauunawaan nila ang gawaing nais ng Panginoong kanilang gampanan bilang mga pantulong na mga kamay ng Dios, hindi sila iiwas sa kapanagutan.AGA 267.1

    Ang kapakinabangan ng mga kabataang nakadadamang sila ay tinawagan ng Dios upang mangaral, ay nakasalig sa paraan ng kanilang paggawa. Silang pinili ng Dios para sa ministeryo ay marapat maghayag ng kadbayan ng kanilang mataas na pagkatawag, at sa bawat posibleng paraan ay magsisikap na maging mahusay na manggagawa. Magsisikap silang makakuha ng karanasan na magaangkop sa kanila na magplano, magsaayos, at magsagawa. Sa pagkadama ng kabanalan ng kanilang pagkatawag, sisikapin nilang, sa pagdisiplina sa sarili ay higit at higit na makatulad ng kanilang Panginoon, na naghahayag ng Ivanyang kabutihan, pag-ibig, at katotohanan. Habang naghahayag sila ng sikap sa pagpapalago ng mga talentong ipinagkadwala sa kanila, ang iglesia naman ay marapat na matalinong tumulong sa kanila.AGA 267.2

    Hindi lahat ng nakadadamang sila ay dnawagan upang mangaral, ang dapat payuhang agad ay umasa sa iglesia sa tangkilik na salapi para sa sarili at sa kanilang pamilya. May panganib na ang ilan na limitado ang karanasan ay mapasama ng papuri, at ng di matalinong pampasigla na agad ay tumanggap ng lubos na suporta na wala namang pagsisikap sa sariling kayod. Ang kayamanang ukol sa pagpapalaganap ng gawain ng Dios ay di dapat maubos ng mga lalaking nagnanais lamang na mangaral upang sila ay makatanggap ng tangkilik, at sa gayon ay mabigyang kasiyahan ang makasariling ambisyong guminhawa sa buhay.AGA 267.3

    Ang mga kabataang nagnanais ipaglingkod ang kanilang mga kaloob sa gawain ay makasusumpong ng mahalagang liksyon sa halimbawa ni Pablo sa Tesalonica, Corinto, Efeso, at iba pang dako. Bagama’t mahusay na tagapagsalita, at pinili ng Dios ukol sa isang tanging gawain, hindi niya ikinahiya ang paggawa, o nanghimagod man sa pagsasakripisyo para sa gawaing minamahal niya. “Kahit na hanggang sa oras na ito,” liham niya sa Corinto, “kami ay nagugutom, at nauuhaw at hubad, at sinusubok, at walang tiyak na tirahan; at sa paggawa sa aming sariling mga kamay: bagama’t tinutuya kami’y nagpapala; bagama’t pinag-uusig, ay tinitiis namin.” 1 Corinto 4:11, 12.AGA 268.1

    Isa sa pinakadakilang guro, tinupad ni Pablo ang pinakamababa at pinakamataas na tungkulin. Sa mga pagkakataong kailangan ang panustos habang naglilingkod sa Panginoon, magaan sa kaloobang naghanapbuhay siya. Gayunman, handa siya na anumang sandali ay iwan ang paggawang sekular upang harapin ang mga kalaban ng ebanghelyo, o samantalahin ang pagkakataon upang makahikayat ng mga kaluluwa kay Jesus. Ang kanyang sigasig at sipag ay isang batikos sa katamaran at hilig sa ginhawa.AGA 268.2

    Si Pablo ay nagbigay halimbawa laban sa isipang lumalaganap sa iglesia noon, na ang ebanghelyo ay matagumpay lamang na maisasabalikat ng mga taong lubusang hiwalay sa paghahanapbuhay. Ipinakita niya sa praktikal na paraan kung ano ang magagawa ng laykong natatalaga sa mga dakong ang mga tao ay di pa nakaaalam ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang landas niya ay naging inspirasyon sa mga maraming hamak na manggagawa na may pagnanais na gawin ang bahagi upang mapalago ang gawain ng Dios habang sila ay naghahanapbuhay. Sina Aquila at Priscila ay hindi tinawagang magkaloob ng buong panahon sa ministri ng ebanghelyo; gayunman ang mga hamak na manggagawang ito ay ginamit ng Dios upang ipakita kay Apolo ang lalong sakdal na daan ng kaligtasan. Ang Panginoon ay gumagamit ng iba’t ibang kasangkapan sa pagsasagawa ng Kanyang adhikain; at bagama’t ang ilang may natatanging kakayahan ay pinipili upang mag-ukol ng buong kalakasan sa gawain ng pagtuturo at pangangaral ng ebanghelyo, marami pang iba, na hindi napatungan ng kamay sa ordinasyon, ay tinatawagan upang gumanap ng mahalagang papel sa pagliligtas ng kaluluwa.AGA 268.3

    May isang malawak na bukirang bukas para sa mga sariling sikap na misyonero. Marami ang makakakuha ng mahahalagang karanasan sa paglilingkod habang kaugnay sa isang gawaing manwal; at sa pamamagitan nito ay makapagpapalago ng malalakas na manggagawa para sa mahalagang paglilingkod sa nangangailangang bukiran.AGA 269.1

    Ang lingkod ng Dios na nagsasakripisyo at walang pagod na gumagawa sa salita at doktrina, ay may pasaning mabigat sa kanyang puso. Hindi niya sinusukat ang paggawa sa bilang ng oras. Ang kanyang upa ay hindi impluwensya sa kanyang paggawa, o naililigaw man sa kanyang paggawa dahilan sa hindi mainam na mga kalagayan. Tinanggap niya ang gawain mula sa langit, at sa langit siya nakatanaw para sa ganti sa gawaing ipinagkatiwala sa kanya.AGA 269.2

    Panukala ng Dios na ang mga ganitong manggagawa ay mapalaya sa hindi kailangang bagabag, upang maging buo ang kanilang pagkakataong sundin ang payo ni Pablo kay Timoteo, “Bulay-bulayin mo ang mga bagay na ito; ipagkaloob mong lubusan ang iyong sarili sa kanila.” 1 Timoteo 4:15. Bagama’t kailangang sila’y maging maingat na mag-ehersisyong sapat upang ang isipan at katawan ay maging malakas, hindi naman panukala ng Dios na sila’y mapilitang gumugol ng malaking panahon sa sekular na paggawa.AGA 269.3

    Ang mga tapat na manggagawang ito, bagama’t laang gumugol at magugol para sa ebanghelyo, ay hindi ligtas sa mga tukso. Kung nabibigatan ng bagabag sapagkat ang iglesia ay nagkukulang na ipagkaloob sa kanila ang angkop na panustos na salapi, ang ilan ay masugid na sinasalakay ng manunukso. Kapag nakikita nilang ang kanilang paggawa ay hindi ldnaluluguran, sila ay nanlulupaypay. Totoo, nakatanaw sila sa huling tanawin ng paghuhukom para sa kanilang angkop na ganti, at ito ang nagpapasigla sa kanila; ngunit ang kanilang mga pamilya ay nangangailangan ng pagkain at damit. Kung sila lamang ay mapapawalan sa kanilang banal na komisyon, magalak silang maghahanapbuhay. Ngunit nadadama nilang ang kanilang panahon ay ukol sa Dios, sa kabila ng pagiging kulang sa sapat na pananaw sa hinaharap ng mga taong dapat magkaloob ng kanilang panustos. Babangon sila at pagtatagumpayan ang mga tukso upang gumawa hanggang sila ay di na maaabot pa ng mga pangangailangan; at patuloy silang gagawa sa pagpapalago ng gawaing higit na mahal sa kanila kaysa sariling buhay. Upang magawa ito, sila kung minsan ay mapipilitang tulad ni Pablo na sa ilang panahon ay maghanapbuhay habang patuloy sa gawain ng ebanghelyo. Ito ay gagawin nila hindi para sa sariling kapakanan, kundi ukol sa gawain ng Dios dito sa lupa.AGA 269.4

    May mga panahong sa tingin ng mga lingkod ng Dios, imposibleng magampanan nila ang gawain, dahilan sa kakulangan ng pananalaping panustos sa isang gawaing malakas at matatag. May nangangambang sa mga pasilidad na kanilang hawak ay di nila magagawa ang kanilang buong tungkulin. Ngunit kung magpapatuloy lamang sa pananampalataya, ang pagliligtas ng Dios ay mahahayag, at ang kasaganaan ang mahahayag sa kanilang mga pagsisikap. Siyang nagutos sa Kanyang mga alagad na humayo sa lahat ng bahagi ng lupa ang magtatangkilik sa bawat manggagawang susunod sa Kanyang utos na maghayag ng Kanyang pabalita.AGA 270.1

    Sa pagtatayo ng Kanyang gawain, hindi laging malinaw na inihaharap ng Panginoon sa mga lingkod Niya ang lahat ng bagay. Kung minsan ay sinusubok Niya ang pagtitiwala ng bayan sa pagdadala ng mga pangyayaring tutulak sa kanila na humayo sa pananampalataya. Madalas na inihahatid Niya sila sa kagipitan at dako ng pagsubok, at inaatasan silang magpatuloy gayong ang kanilang mga paa ay nakatapak na sa tubig ng Jordan. Sa mga ganitong pagkakataon, na ang maningas na panalangin ng Kanyang mga lingkod ay pumapaitaas sa Kanya sa taimtim na pananampalataya, ang Dios ay nagbubukas ng daan sa harapan nila at inaakay sila sa lalong malawak na dako.AGA 270.2

    Kapag nadama ng mga mensahero ng Dios ang kanilang mga kapanagutan sa isang nangangailangang bahagi ng ubasan ng Panginoon, at sa diwa ng Punong Manggagawa ay walang pagod na gagawa sa ikahihikayat ng kaluluwa, ang mga anghel ng Dios ang maghahanda ng landas nila at ng panustos na salapi sa pagsasakatuparan ng gawain. Silang naliwanagan ay malayang magkakaloob ng tangkilik sa gawain. Tutugon silang masagana sa bawat panawagan ng tulong, at ang Espiritu ng Dios ang kikilos sa kanilang mga puso upang matangkilik ang gawain ng Panginoon hindi lamang sa sariling bayan, kundi sa mga rehiyon sa dako pa roon. Sa ganito ay mapalalakas ang mga manggagawa sa ibang mga dako, at ang gawain ng Panginoon ay susulong sa Kanyang itinalagang paraan.AGA 270.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents