Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Huling Paglalakbay ni Pablo sa Jerusalem

    Hinangad na malabis ni Pablo na makarating sa Jerusalem bago dumating ang Paskua, upang magkaroon siya ng pagkakataong makatagpo ang lahat ng magtitipon mula sa iba’t ibang bahagi ng lupa para sa kapistahan. Matagal na niyang inaasam na maging instrumento siya sa pag-aalis ng maling akala ng mga hindi nananampalatayang mga kababayan, upang sila ay maakay na tanggapin ang mahalagang liwanag ng ebanghelyo. Nais din niyang makatagpo ang iglesia sa Jerusalem at maibigay sa kanila ang mga kaloob ng mga iglesiang Gentil sa mga dukhang kapatid sa Judea. Sa pagdalaw na ito ay umaasa siyang maghatid ng lalong matibay na pagkakaisa ng mga Judio at Gentil na nahikayat sa pananampalataya.AGA 294.1

    Matapos ang paggawa sa Corinto, nagpasya siyang maglayag na tuwiran tungo sa isang pantalan sa dalampasigan ng Palestina. Lahat ay isinaayos, at handa na sanang pumanhik ng barko, nang sabihin sa kanya ang isang pakana ng mga Judio na siya ay patayin. Sa nakaraan ang mga kalabang ito ay napigilan sa kanilang mga tangkang patigilin ang paggawa ng apostol.AGA 294.2

    Ang tagumpay ng kanyang gawain ang muling bumuhay sa galit ng mga Judio. Mula sa lahat ng dako ay dumating ang mga balita kung paanong ang bagong doktrina ay nagpalaya sa mga Judio mula sa pagtupad sa mga seremonya at ang mga Gentil ay nabigyan ng mga kapantay na mga karapatan tulad ng mga Judiong mga anak ni Abraham. Si Pablo, sa kanyang pangangaral sa Corinto, ay nagharap ng ganitong mga argumentong makapangyarihang inilahad niya sa kanyang mga liham. Ang kanyang mariing salita, “Walang Griyego o Judio, walang pagtutuli o di pagtutuli” (Colosas 3:11), ay itinuring ng kanyang mga kaaway bilang isang matapang na paglapastangan, at nagpasya silang patahimikin ang kanyang tinig.AGA 294.3

    Nang matanggap ang babala sa pakanang ito, si Pablo ay nagpasyang umikot sa daan ng Macedonia. Ang planong makarating sa Jerusalem para sa Paskua ay kinailangang isantabi, ngunit umasa siyang makakarating doon sa Pentecostes.AGA 294.4

    Kasama ni Pablo at Lucas sina “Sopater ng Berea; at mga taga Tesalonica, sina Aristarco at Segundo; at si Gaio ng Derbe, at Timoteo; at mula sa Asia, si Tichico at Trofimo.” Taglay ni Pablo ang malaking halaga ng salapi mula sa mga iglesia ng mga Gentil, na panukala niyang ibigay sa mga kapatid na nangangasiwa ng gawain sa Judea; at dahilan dito ay isinaayos niyang ang mga kapatid na itong kasama niya ay maging kinatawan ng mga iglesiang nagkaloob.AGA 295.1

    Sa Filipos ay tumigil sila Pablo upang makibahagi sa Paskua. Si Lucas ay naiwang kasama niya, at ang iba ay nagtuloy sa Troas upang doon na siya hintayin. Ang mga taga Filipos ang pinakamapagmahal at tunay sa pusong mga nahikayat ng apostol, at sa loob ng walong araw na pamamalagi niya roon ay naranasan ng apostol ang mapayapa at maligayang pakikisama nila.AGA 295.2

    Mula sa Filipos ay naglayag si Pablo at Lucas sa loob ng limang araw, at nakasapit sa Troas at nakatagpo ang mga kasamahan. Nanatili sila roon ng pitong araw.AGA 295.3

    Sa huling gabi ng pamamalagi nila doon ang mga kapatid ay “dumating upang sila’y maghati ng tinapay na magkakasama.” Sapagkat aalis na ang kanilang mahal na guro, nagkatipon ang higit na malaking bilang. Nagtipon sila sa isang “silid sa itaas” sa ikatlong palapag ng bahay. Doon, sa init ng pag-ibig at malasakit sa kanila, ang apostol ay nangaral hanggang hatinggabi.AGA 295.4

    Sa isang bintanang nakabukas ay nakaupo ang isang kabataang may pangalang Euticho. Sa mapanganib na pagkakaupong ito ay nakatulog siya, at nahulog sa bakuran sa ibaba. Agad ay nagkaroon ng kaguluhan. Ang kabataan ay patay na nang buhatin, at marami ang pumalibot sa kanya na tumatangis at nagluluksa. Ngunit sa pagdaan ni Pablo sa pulutong na nahintakutan, niyakap niya ang kabataang ito, at nag-ukol sa Dios ng maningas na panalangin upang isauli ang buhay ng kabataan. Tinugon ang kanyang kahilingan. Sa ibabaw ng lumbay at kalungkutan ang tinig ng apostol ay narinig, “Huwag kayong mabagabag; sapagkat ang kanyang buhay ay nasa kanya.” May pagdiriwang na muling nagtipon ang mga mananampalataya sa mataas na silid. Nakibahagi sila sa komunyon, at si Pablo ay “patuloy na nagsalita hanggang sa pagbubukang liwayway.”AGA 295.5

    Ang barkong sasakyan ni Pablo at mga kasama ay paalis na, at ang mga ito ay nagmadaling sumampa. Ngunit pinili ni Pablo na magdaan sa lupa sa pagitan ng Troas at Assos, at katagpuin na lamang ang mga kasamahan dito. Nagkaloob ito sa kanya ng maikling panahon upang magbulay-bulay at manalangin. Ang mga kahirapan at panganib kaugnay ng kanilang pagdalaw sa Jerusalem, ang isipan ng iglesia tungkol sa kanya at sa kanyang paggawa, gayundin ang kalagayan ng mga iglesia at ang interes ng gawain ng ebanghelyo sa ibang bukiran, ay laging pinag-uukulan ng kanyang taimtim at maningas na pagiisip, at sinamantala niya ang tanging pagkakataong ito upang tumanggap ng kalakasan arpatnubay mula sa Dios.AGA 295.6

    Habang naglalakbay sila mula sa Assos, dumaan sila sa siyudad ng Efeso na doon ay matagal na gumawa ang apostol. Malaki ang pagnanais ni Pablo na madalaw muli ang iglesia doon, sapagkat mayroon siyang mahalagang tagubilin at payong ibibigay sa kanila. Datapuwat naisip niya na mabuting magpatuloy na lamang, sapagkat naisin niyang “kung maaari ay makarating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.” Pagsapit sa Miletus, mga tatlumpong milya mula sa Efeso, naalaman niyang mula roon ay maaaring magpasabi sa iglesia bago muling tumulak ang barko. Agad-agad ay nagpadala siya ng pabalita sa mga matatanda upang ang mga ito ay makatagpo niya bago magpatuloy sa paglalakbay.AGA 296.1

    Bilang tugon ay nagdatingan sila, at si Pablo ay makapangyarihang nagsalita sa kanila, sa pagpapayo at pamamaalam. “Nalalaman ninyo na mula nang unang araw na ako’y tumungtong sa Asia, kung paano ang pakikisama ko sa inyo sa buong panahon, na ako’y naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip, at ng mga luha, at ng mga pagsubok na dumating sa akin, dahil sa mga pagbakay ng mga Judio: kung paanong hindi ko ikinait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na palakinabangan, at hayag na itinuro sa inyo, at sa mga bahay-bahay, na sinaksihan ko sa mga Judio, at gayundin sa mga Griyego, ang pagsisisi sa Dios, at ang pananampalataya sa ating Panginoongjesu-Cristo.”AGA 296.2

    Lagi na lamang na itinaas ni Pablo ang banal na utos. Naipakita niyang ang kautusan ay walang kapangyarihang makapagligtas sa tao mula sa kabayaran ng pagsuway. Ang gumagawa ng kamalian ay dapat magsisi at magpakababa sa harapan ng Dios, na kanilang pinagalit sa pagsalangsang nila sa Kanyang kautusan; at dapat ding sila ay manampalataya sa dugo ni Kristo bilang tanging paraan ng pagpapatawad. Ang Anak ng Dios ay namatay bilang kanilang sakripisyo at pumanhik sa langit upang tumayo sa harapan ng Ama bilang kanilang tagapagtanggol. Sa pagsisisi at pananampalataya ay maaari silang mapalaya sa paghatol ng kasalanan, at sa biyaya ni Kristo ay maaaring makasunod sa batas ng Dios.AGA 296.3

    “At ngayon, narito,” ipinagpatuloy ni Pablo, “ako na natatali sa espiritu ay pasasa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon: maliban na pinatotohanan sa akin ng Banal na Espiritu sa bawat bayan, na sinasabing ang mga tanikala at mga kapighatian ay nagsisipag-antay sa akin. Datapuwat hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo ng ebanghelyo ng biyaya ng Dios. At ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat, na aking nilibot na pinarangalan ng kaharian, ay hindi na ninyo muling makikita pa ang aking mukha.”AGA 297.1

    Hindi pinanukala ni Pablo na ibigay ang ganitong patotoo, ngunit habang siya ay nagsasalita, ang Espiritu ng inspirasyon ay dumating sa kanya, nagpatibay ng kanyang mga takot na ito na nga ang huling pakikipagkita niya sa mga kapatid sa Efeso.AGA 297.2

    “Kaya nga pinatotohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako’y malinis sa dugo ng lahat ng mga tao. Sapagkat hindi ko ikinait ang pagsasaysay sa inyo ng buong kapasyahan ng Dios.” Walang takot na magpatisod, walang naisin sa pakikipagkaibigan o papuri, ang makakapigil kay Pablo na ibahagi sa kanila ang tagubilin, babala, at pagtutuwid na galing sa Dios. Ang Dios ay naghahanap sa Kanyang mga lingkod ngayon ng kawalang takot sa pangangaral ng salita at sa pagsasagawa ng Kanyang mga kahatulan. Ang ministro ni Kristo ay hindi lamang maghaharap sa mga tao ng mga katotohanang kahalihalina sa kanila, at hindi ipagkakait ang ibang maaaring magbigay sa kanila ng kirot. Dapat na masdan niyang mabuti ang paglago ng likas. Kapag nakikita niyang mayroong tupang nagmamahal sa kasalanan, bilang tapat na pastor ay dapat siyang magbigay ng payo mula sa salita ng Dios na angkop sa pangangailangan. Kung pababayaan niya sila sa kanilang sariling gawa na hindi nabababalaan, siya ay mananagot para sa kanilang mga kaluluwa. Ang pastor na tumutupad ng mataas na gawain ay dapat magbigay sa bayan ng tapat na turo tungkol sa bawat sangkap ng pananampalatayang Kristiano, ipapakita sa kanila ang marapat nilang gawin at marapat na maging kalagayan nila upang kasama ni Pablo ay kanilang masabi, “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.”AGA 297.3

    “Ingatan ninyo ang inyong sarili,” ang payo ni Pablo sa kanyang mga kapatid, “at ang buong kawan, na sa kanila’y ginawa kayo ng Banal na Espiritu na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon, na binili Niya ng Kanyang sariling dugo.” Kung ang mga ministro ng Dios ay patuloy na magtataglay sa isipan na sila ay nakikitungo sa mga tinubos ng dugo ni Kristo, magkakaroon sila ng lalong malalim na pagkadama ng kahalagahan ng kanilang gawain. Dapat silang mag-ingat sa sarili at sa kanilang kawan. Ang kanilang sariling halimbawa ang maglalarawan at magsasakatuparan ng kanilang mga tagubilin. Bilang mga guro ng daan ng buhay, hindi sila dapat magbukas ng pagkakataon upang ang katotohanan ay masiraang puri. Bilang mga kinatawan ni Kristo sila ay dapat magpanarili ng karangalan ng Kanyang pangalan. Sa kanilang katapatan, kadalisayan ng buhay, maka-Dios na pagsasalita, patutunayan nilang sila ay marapat nga sa mataas na pagkatawag.AGA 298.1

    Ang mga panganib na sasalakay sa iglesia sa Efeso ay inihayag sa apostol. “Aking talastas,” kanyang sinabi, “na pag-alis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagp’apatawad sa kawan. At sa inyo ay magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.” Si Pablo ay nanginig para sa iglesia, sa pagtingin sa hinaharap, nakikita niya ang mga atake na dadanasin ng iglesia kapwa mula sa loob at labas na mga kaaway. Sa solemne at maalab na pakikiusap, kanyang pinayuhan ang mga kapatid na kanilang bantayang mabuti ang kanilang banal na pagtitiwala. Bilang halimbawa kanyang itinuro sa kanila ang kanyang walang kapagurang paggawa: “Kaya nga kayo’y mangagpuyat, na alalahaning sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng paalaala sa bawat isa na may pagluha.”AGA 298.2

    “At ngayo’y, mga kapatid,” kanyang itinuloy, “ipinagtatagubilin ko kayo sa Dios, at sa salita ng Kanyang biyaya, na makapagpapatibay, at makapagbibigay sa inyo ng mana sa kasamahan ng lahat na mga pinapaging banal. Hindi ko inimbot ang pilak ninuman, o ang ginto, o ang pananamit.” Ang ibang mga kapatid sa Efeso ay mayayaman; datapuwat si Pablo ay hindi humiling ng personal na tulong mula sa kanila. Hindi bahagi ng kanyang mensahe na manawagan para sa kanyang sariling kapakanan. “Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito,” kanyang pinahayag, “ay nangaglilingkod sa mga kinakailangan ko, at sa aking mga kasamahan.” Sa gitna ng kanyang mga puspusang paggawa at patuloy na paglalakbay para sa gawain ni Kristo, hindi lamang nasasapatan ang kanyang mga sariling pangangailangan, kundi naglalaan din ng ilan bilang suporta sa kanyang kapwa manggagawa at tulong sa mga mahihirap. Nakamit niya ang mga ito dahil sa pagiging masikap at pagtitipid. Kanyang ipinakita ang kanyang sariling halimbawa, sa kanyang pagsabi, “na nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na Siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.”AGA 298.3

    “At nang makapagsalita na siya ng gayon, ay nanikluhod siya at nanalanging kasama silang lahat. At silang lahat ay nagsipanangis nang di kawasa, at nagsiyakap sa leeg ni Pablo at siya’y hinagkan nila, na ikinahapis ng lalo sa lahat ang salitang sinabi niya, na hindi na nila makikitang muli pa ang kanyang mukha. At kanilang inihatid siya sa kanyang paglalakbay hanggang sa daong.”AGA 299.1

    Mula sa Miletus ang mga manlalakbay ay “tuwid na patungo sa Coos, at sa kasunod na araw ay sa Roda, at mula doon ay sa Patara,” sa timog-kanlurang baybayin ng Asia Minor, na doon ay “nakatagpo sila ng barkong maglalayag hanggang Fenicia,” “sumakay sila at naglakbay.” Sa Tiro, na doo’y nagdiskarga ang barko, nakatagpo nila ang ilang alagad, at namalagi sila ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay binabalaan sila sa mga panganib na naghihintay kay Pablo sa Jerusalem, at nagmungkahi ang mga itong “huwag siyang tutungtong ng Jerusalem.” Ngunit hindi pinabayaan ng apostol na ang pangambang ito sa kahirapan at pagkabilanggo ang magtaboy sa kanya mula sa kanyang adhikain.AGA 299.2

    Sa katapusan ng linggong ginugol sa Tiro, lahat ng mga kapatid, kasama ang mga asawa at mga anak, ay sumama kay Pablo hanggang sa barko, at bago pumanhik ang apostol, sila ay lumuhod sa dalampasigan at nanalangin, siya para sa kanila, at sila para sa kanya.AGA 299.3

    Sa pagpapatuloy ng paglalakbay patungong timog, nakarating ang mga manlalakbay sa Cesarea, at “pumasok sa bahay ni Felipe na mangangaral, na isa sa pito; at nagsitahang kasama niya.” Dito ay ginugol ni Pablo ang ilang araw ng kapayapaan at kagalakan—ang pinakahuling lubos na kalayaang kanyang mararanasan sa mahabang panahon.AGA 299.4

    Habang nanatili si Pablo sa Cesarea, “ay dumating na galing sa Judea ang isang propeta, na nagngangalang Agabo. At sa paglapit sa amin,” sabi ni Lucas, “at pagkakuha ng pamigkis ni Pablo, ay ginapos niya ang kanyang sariling mga paa’t kamay, at sinabi, Ganito ang sabi ng Banal na Espiritu, Ganitong gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito, at siya’y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil.”AGA 300.1

    “At nang marinig namin ang mga bagay na ito,” nagpatuloy si Lucas, “kami, at gayon din ang nangaroroon doon, ay nagsipamanhik sa kanya na huwag umahon sa Jerusalem.” Ngunit si Pablo ay hindi lumihis sa landas ng tungkulin. Susundan niya si Kristo kung kinakailangan sa bilangguan at sa kamatayan. “Anong ginagawa ninyo, na nagsisitangis at dinudurog ang aking puso?” kanyang naibulalas; “sapagkat ako’y nahahanda na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Nakikitang sila ay nagpasakit sa damdamin na hindi nagpapabago sa kanyang layunin, ang kapatiran ay huminto sa kanilang kahilingan, sinasabi lamang na, “Mangyari ang kalooban ng Panginoon.”AGA 300.2

    Ang maikling panahon ng pamamalagi sa Cesarea ay nagwakas, at kasama ng ilang mga kapatid, si Pablo at mga kasamahan ay naglakbay patungong Jerusalem, na ang mga puso ay sakbibi ng madilim na ulap ng dumarating na kasamaan.AGA 300.3

    Kailanman ay di naglakbay ang apostol tungong Jerusalem na ganito kalungkot. Alain niyang makasusumpong siya ng mga bagong kaibigan at maraming kaaway. Papalapit siya sa siyudad na tumanggi at nagpapatay sa Anak ng Dios, at ngayon ay may nakabantang galit ng Dios. Naalaala niya ang sariling dating mapait ang damdamin laban sa mga alagad ni Kristo, at nakadama siya ng pinakamalalim na habag sa kanyang mga nadadayang kababayan. At gaano kaliit ang kanyang pag-asang matulungan sila! Ang katulad na bulag na galit na nagpainit ng kanyang puso noon, ay siya ring di maipaliwanag na kapangyarihang nagpapasiklab ng puso ng buong bansa laban sa kanya.AGA 300.4

    Hindi siya maaaring umasa sa pakikiramay at tulong ng kahit na mga kapatid sa pananampalataya. Ang mga Judio na hindi hikayat na masinop na sinundan ang kanyang mga landas, ay hindi naging mabagal sa pagkakalat ng mga hindi mainam na balita sa Jerusalem, kapwa personal at sa pamamagitan ng liham, tungkol sa kanya at sa kanyang paggawa; at ang ilan, kahit na mga apostol at matatanda, ay tumanggap ng mga balitang ito bilang siyang katotohanan, na hindi nagsikap na tuligsain ang mga ito, at hindi rin naghayag na naising makipagkasundo sa kanya.AGA 300.5

    Gayunman, sa gitna ng mga panlulupaypay na ito, ang apostol ay hindi nalumbay. Nagtiwala siyang ang Tinig na nangusap sa kanyang puso ay siya ring mangungusap sa kanyang mga kababayan, at ang Panginoong minamahal at pinaglilingkuran ng kanyang kapwa mga alagad ang siyang magsasanib ng kanilang mga puso sa gawain ng ebanghelyo.AGA 301.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents