Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    ‘‘Muntik Mo no Akong Noponiwola”

    Si Pablo ay nag-apila kay Ceasar, at walang magawa si Festo kundi ipadala ito sa Roma. Datapuwat lumipas pa ang ilang panahon bago nakasumpong ng isang barko; at sapagkat may iba pang bilanggong isasabay sa pag-alis ni Pablo, ang pagbibigay-pansin sa kanilang mga kaso ay nangailangan din ng panahon. Ito ang nagbigay ng pagkakataon kay Pablo upang maglahad ng kanyang pananampalataya sa mga pangunahing tao sa Cesarea, at gayundin kay Haring Agrippa II, ang huli sa mga Herodes.AGA 327.1

    “Nang makaraan nga ang ilang araw si Haring Agrippa at si Bernice ay nagsidating sa Cesarea at nagsibati kay Festo. At nang sila’y magsitira doong maraming araw, ay isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, May isang taong bilanggo na iniwan ni Felix: tungkol sa kanya nang ako’y nasa Jerusalem, ang mga pangulong saserdote at ang mga matatanda sa mga Judio, ay nangagbigay-alam sa akin, na hinihinging ako’y humatol laban sa kanya.” Inihanay niya ang mga pangyayaring nagtulak sa apila ng bilanggo kay Ceasar, tungkol sa hindi kalaunang paglilitis kay Pablo sa harap niya, at sinabing ang mga Judio ay wala namang maiharap na tamang paratang laban kay Pablo, kundi “mga ilang katanungan tungkol sa kanilang mga pamahiin, at tungkol sa isang Jesus, na patay na, na pinatitibayan ni Pablo na buhay pa.”AGA 327.2

    Habang nagsasalaysay si Festo, nagkaroon ng interes si Agrippa at nagwika, “Nais kong mapakinggan ang taong ito.” Sa pakikipagkasundo sa kanyang kagustuhan, isang pagtatagpo ang isinaayos kinabukasan. “Kaya’t nang lanabukasan, nang dumating si Agrippa, at si Bernice, na may malaking karilagan, at nang mangakapasok na sila sa hukuman, na kasama ang mga pangulong kapitan, at mga maginoo sa bayan, sa utos ni Festo ay ipinasok si Pablo.”AGA 327.3

    Sa karangalan ng kanyang mga panauhin, sinikap ni Festo na ang pagtitipong ito ay magkaroon ng karangyaan. Ang mamahaling kasu- otan ng prokurador at mga panauhin, ang mga sandata ng mga kawal, at ang mga makikintab na baluti ng mga kumander, ay nagbigay ng kinang sa tanawin.AGA 327.4

    At ngayon, si Pablo na nakaposas ay tumayo sa pagkakatipon. Anong pagkakaiba ang nakita sa tanawin! Si Agrippa at Bernice ay nagtataglay ng kapangyarihan at katungkulan, at dahil dito ay taglay nila ang pagtingin ng sanlibutan. Ngunit dukha sila sa mga katangian ng likas na may malaking halaga sa Dios. Sila ay tagalabag ng kautusan ng Dios, masama ang puso at kabuhayan. Ang kanilang paggawa ay kinamumuhian ng langit.AGA 328.1

    Ang matandang bilanggo na nakatanikala sa kanyang sundalong bantay ay walang taglay sa kaanyuan ng anumang bagay na pararangalan ng mundo. Gayunman sa lalaking ito, na sa tingin ay walang kaibigan o kayamanan o katungkulan, at isang bilanggo dahilan sa kanyang pananampalataya sa Anak ng Dios, ay pinagmamalasakitan ng buong langit. Ang mga anghel ang maglilingkod sa kanya. Kung isa lamang sa mga anghel na ito ang magpapamalas ng kanyang kaluwalhatian, ang pagmamataas at karangyaan ng mga dugong bughaw na ito ay lalabo; ang hari at mga kawaksi sa korte ay malulugmok sa lupa, tulad ng mga kawal Romano sa libingan ni Kristo.AGA 328.2

    Si Festo na rin ang nagpakilala kay Pablo sa nagkakatipon: “Haring Agrippa, at lahat ng mga lalaking nariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito, na tungkol sa kanya’y nagsasakdal sa akin sa Jerusalem at dito naman ang buong karamihan ng mga Judio, na nangagsisigawang hindi marapat na siya’y mabuhay pa. Datapuwat aking nasumpungan siyang walang anumang ginawang marapat sa kamatayan, at sapagkat siya rin ang naghabol sa emperador ay ipinasiya kong siya’y ipadala. Tungkol sa kanya’y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, Haring Agrippa, upang pagkatapos ng pagsisiyasat ay magkaroon ng sukat na maisulat. Sapagkat inaakala kong hindi katuwiran, na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi magpahiwatig naman ng mga sakdal laban sa kanya.”AGA 328.3

    Binigyan ni Haring Agrippa si Pablo ng kalayang magsalita para sa sarili. Ang apostol ay hindi nasilaw ng makikinang na palabas o ng mataas na ranggo ng kanyang mga kaharap; sapagkat alam niya kung gaano kaliit ang halaga ng kayamanan at kapangyarihan sa sanlibutan. Ang makalupang karangyaan at kapangyarihan ay hindi magpapasindak isang saglit man sa kanyang tapang o mag-aalis ng kanyang pagpigil sa sarili.AGA 328.4

    “Ikinaliligaya kong lubha, Haring Agrippa,” kanyang sinabi, “na sa harapan mo’y gawin ko ang aking pagsasanggalang sa araw na ito tungkol sa lahat ng mga bagay na isinasakdal ng mga Judio laban sa akin: lalong lalo na sapagkat bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga suliranin na mayroon ang mga Judio: kaya nga ipinamamanhik ko sa iyo na pagdalitaan mong dinggin ako.”AGA 329.1

    Isinaysay ni Pablo ang kanyang pagkahikayat mula sa matigas na kawalang pananampalataya kay Jesus ng Nasaret bilang Manunubos ng sanlibutan. Inilarawan niya ang pangitain ng langit na pumuno sa kanya ng hindi maibadyang takot, ngunit matapos ay naging bukal ng pinakadakilang kaginhawahan—isang pagpapahayag ng kaluwalhatian ng langit, na sa gitna noon ay nakaupo Siyang kanyang kinamumuhian, at ang mga alagad Niya ay kanyang sinisikap wasakin. Mula sa oras na iyon si Pablo ay naging bagong tao, taimtim at masigasig na mananampalataya ni Jesus, dahilan sa nagpapabagong kahabagan ng Dios.AGA 329.2

    Malinaw at makapangyarihang inihanay ni Pablo kay Agrippa ang mga pangyayaring kaugnay ng buhay ni Kristo dito sa lupa. Nagpatotoo siyang ang Mesias ng propesiya ay napakita na sa katauhan ni Jesus ng Nasaret. Ipinakita niya kung paanong ang Lumang Tipan ay naghayag na ang Mesias ay paririto bilang isang tao sa gitna ng mga tao; at kung paanong sa buhay ni Jesus ay natupad ang bawat sangkap ng propesiyang inihanay ni Moises at ng mga propeta. Upang matubos ang sanlibutang waglit, ang banal na Anak ng Dios ay nagtiis ng krus, inaglahi ang kahihiyan, at pumanhik sa langit na matagumpay sa kamatayan at sa libingan.AGA 329.3

    Bakit nga ba, wika ni Pablo, magiging kagulat-gulat ang pagka-buhay na mag-uli ni Kristo? Minsan ay naging gayon ito sa kanya; ngunit paano niya matatanggihan ang isang bagay na kanya mismong nakita at narinig? Sa pintuan ng Damasco ay nakatagpo niya ang Kristo na namatay at muling nabuhay, na Siya ring lumakad sa mga lansangan ng Jerusalem, namatay sa Kalbaryo, nagkalag ng tanikala ng kamatayan at pumanhik sa langit. Kung paanong tunay na nakita at nakipag-usap sa Kanya sina Cefas, Santiago, Juan, o iba pang mga alagad, ay gayon din siya. Ang Tinig Niya ang nag-atas sa kanyang maghayag ng ebanghelyo ng Tagapagligtas na muling nabuhay, at paano nga siya susuway? Sa Damasco, sa Jerusalem, sa buong Judea, at sa mga rehiyong malalayo, siya’y sumaksi kay Jesus na Napako, na ipinakita sa lahat ng uri ng tao na sila ay dapat “magsisi at manumbalik sa Dios, at gumawa ng mga bagay na angkop sa pagsisisi.”AGA 329.4

    “Dahil dito’y,” pahayag ng apostol, “hinuli ako ng mga Judio sa templo, at pinagsisikapang ako’y patayin. Nang aking tamuhin nga ang tulong mula sa Dios, nananatili ako hanggang sa araw na ito, na nagpapatotoo sa maliliit at gayundin sa malalaki, na wala akong sinasabing anuman kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: kung paano nga na ang Kristo ay kailangang maghirap, at kung paanong Siya muna sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay ay magtatanyag ng ilaw sa bayan, at gayundin sa mga Gentil.”AGA 330.1

    Ang buong kapulungan ay nakinig na tulala sa paglalahad ni Pablo ng mga kahanga-hangang karanasan. Ang apostol ay nagsasaysay ng kanyang paboritong paksa. Walang isa mang nakarinig ang nagalinlangan sa kanyang kataimtiman. Ngunit sa nakahihikayat na pagsasalitang ito ay pinigil siya ni Festo, “Pablo, ikaw ay ulol; ang masyadong dunong mo ay siyang nagpapaulol sa iyo.”AGA 330.2

    Datapuwat sinabi ni Pablo, “Hindi ako ulol, kagalang-galang na Festo; kundi nagsasalita ako ng mga salitang katotohanan at kahinahunan. Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, na sa kanya’y nagsasalita naman ako ng buong laya: sapagkat naniniwala ako na sa kanya’y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagkat ito’y hindi ginawa sa isang sulok.” Pagkatapos, binalingan niya si Agrippa, at tuwirang nagtanong, “Haring Agrippa, naniniwala ka ba sa mga propeta? Alam ko na naniniwala ka.”AGA 330.3

    Malalim na naapektuhan, sa sandaling iyon si Agrippa ay parang nawala sa kanyang kapaligiran at sa dignidad ng kanyang katungkulan. Ang tanging nalalaman lamang niya ay ang mga katotohanan ng kanyang nadinig, at ang tanging nakita ay ang hamak na bilanggong ito na nakatayo sa harapan niya bilang embahador ng Dios, tumugon siyang kusang-loob, “Sa kakaunting pagkahikayat ay ibig mo akong maging Kristiano.”AGA 330.4

    At sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Dios, na sa kakaunti o sa marami man, ay hindi lamang ikaw, kundi pati ng lahat ng mga nagsisipakinig sa akin ngayon, ay pawang maging katulad ko naman, tangi lamang sa mga tanikalang ito.”AGA 330.5

    Sina Festo, Agrippa, at Bernice ayon sa katarungan ay dapat sanang siyang may tanikala. Lahat ay nagkasala ng mabibigat na krimen. Ang mga tagalabag na ito ay nakarinig sa araw na iyon ng alok ng kaligtasan sa pangalan ni Kristo. Mayroon sanang kahit iisa na nahikayat upang tanggapin ang alok na biyaya at pagpapatawad. Ngunit itinakwil ni Agrippa ang iniaalok na kahabagan, at tumangging tanggapin ang krus ng ipinakong Manunubos.AGA 331.1

    Ang pag-uusisa ng hari ay nasapatan na, at tumayo ito sa pagkakaupo, at humudyat na tapos na ang panayam. Sa paghihiwalay ng nagkatipon, sila ay nag-uusapan, “Ang taong ito ay walang nagawang marapat sa kamatayan o tanikala man.”AGA 331.2

    Bagama’t si Agrippa ay isang Judio, hindi siya kasama sa bulag na sigasig at maling akala ng mga Pariseo. “Ang lalaking ito,” wika niya kay Festo, “ay mapalalaya sana kung hindi naghabol kay Ceasar.” Ngunit ang kaso ay napaabot na sa mas mataas na tribunal, at labas na sa pamamahala ni Festo o Agrippa.AGA 331.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents