Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Isang Tapat na Katulong na Pastor

    Kakaunti ang nabanggit sa aklat ng Mga Gawa tungkol sa huling bahagi ng paggawa ni apostol Pedro. Sa panahon ng mga abalang taon matapos ibuhos ang Banal na Espiritu sa Araw ng Pentecostes, siya ay kabilang sa mga walang pagod na nagsikap upang maabot ang mga Judio na pumaroon sa Jerusalem upang sumamba sa mga taunang pagdiriwang.AGA 389.1

    Sa pagdami ng mananampalataya sa Jerusalem at sa ibang mga dakong nadalaw ng mga mensahero ng krus, ang mga talentong taglay ni Pedro ay naging malaking halaga sa naunang iglesia Kristiana. Ang impluwensya ng kanyang patotoo tungkol kay Jesus ng Nasaret ay lumaganap sa malapit at malayo. Napaatang sa kanya ang dobleng kapanagutan. Nagbigay siya ng positibong pagsaksi tungkol sa Mesias sa mga hindi nananampalataya, puspos na gumagawa para sa kanilang pagkahikayat; gayundin gumawa siya ng tanging paggawa sa mga mananampalataya, upang sila ay palakasin sa pananampalataya kay Kristo.AGA 389.2

    Matapos na si Pedro ay maakay sa pagtanggi sa sarili at lubusang umasa sa kapangyarihan ng langit, siya ay tumanggap ng panawagan upang maging manggagawang pastor. Sinabi ni Kristo kay Pedro, bago nito itanggi Siya, “Kapag ikaw ay nahikayat, ay palalakasin mo ang iyong mga kapatid.” Lucas 22:32. Ang mga salitang ito ay mahalaga para sa malawak at mabisang paggawa ng apostol sa hinaharap para sa kanilang mananampalataya. Ukol sa gawaing ito, ang sariling karanasan ni Pedro sa kasalanan at pagdurusa at pagsisisi ang naghanda sa kanya. Hangga’t hindi niya naalaman ang sariling kahinaan, na kanya namang naalaman ang pangangailangan ng mananampalataya na umasa kay Kristo. Sa gitna ng mga tukso ay naunawaan niyang ang tao ay makalalakad na panatag kung lubusang magtitiwala at aasa sa Tagapagligtas.AGA 389.3

    Sa huling pakikipagpulong ni Kristo sa mga alagad sa tabing dagat, si Pedro, sinubok ng tadong ulit na tanong, “Iniibig mo ba Ako?” (Juan 21:15-17), ay naibalik sa piling ng labindalawa. Ang kanyang gawain ay itinalaga: siya ay magpapakain ng kawan ng Panginoon. Ngayon, hikayat at tinanggap, hindi lamang niya hahanapin upang maligtas ang nasa labas ng kawan, kundi magiging pastor din ng tupa.AGA 389.4

    Iisang kondisyon ng paglilingkod ang binanggit ni Kristo kay Pedro—“Iniibig mo ba Ako?” Ito ang mahalagang pangangailangan. Taglay man ni Pedro ang bawat iba pang katangian, kung wala ang pag-ibig kay Kristo, hindi siya maaaring maging tapat na pastor ng kawan ng Dios. Ang kaalaman, kagandahang-loob, galing sa pagsasalita, sigasig—lahat ay mahalaga sa mabuting paggawa; ngunit kung wala ang pag-ibig ni Kristo sa puso, ang gawain ng Kristianong ministro ay isang kabiguan.AGA 390.1

    Ang pag-ibig kay Kristo ay hindi isang pakiramdam, kundi isang buhay na simulain, na dapat mahayag bilang kapangyarihang nananahan sa puso. Kung ang likas at kilos ng pastor ay paghahalimbawa ng mga katotohanang kanyang pinasusulong, sasangayunan ng Panginoon ang patibay sa Kanyang gawain. Ang pastor at kawan ay magiging isa, pinagkaisa ng pag-asa kay Kristo.AGA 390.2

    Ang paraan ng pakikitungo ng Tagapagligtas kay Pedro ay liksyon para sa kanya at mga kapatid. Bagama’t ikinaila ni Pedro ang kanyang Panginoon, ang pag-ibig naman ni Kristo para sa kanya ay hindi nagbago. At sa pagharap ng apostol sa paglilingkod ng salita sa iba, kanyang pakikitunguhan ang makasalanan na may pagtitiis, malasakit, at nagpapatawad na pag-ibig. Sa pag-alala sa sariling kahinaan at kabiguan, dapat niyang pakitunguhan ang mga tupa sa kanyang pangangalaga na malumanay tulad ng ginawa ni Kristo sa kanya.AGA 390.3

    Ang taong makasalanan, ay walang tiyaga at pagmamahal sa mga nagkakasala at natutukso. Hindi niya nababasa ang puso; hindi niya alam ang mga pakikibaka at larot nito. Kailangan niyang matutuhan ang sansalang may pag-ibig, ang palong nagpapagaling, ang babalang may pag-asa.AGA 390.4

    Sa buong gawain ni Pedro, siya ay matapat na nagbantay sa kawang ipinagkatiwala sa kanya, at pinatunayang karapat-dapat sa tagubilin at kapanagutang ibinigay sa kanya ng Tagapagligtas. Lagi na lamang na itinaas niya si Jesus ng Nasaret bilang Pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas ng tao. Isinuko niya ang sariling buhay sa disiplina ng Punong Manggagawa. Sa bawat kapangyarihang nasa kanya ay sinikap niyang maturuan ang mananampalataya sa aktibong paglilingkod. Ang banal niyang halimbawa at walang pagod na paggawa ay nagpasigla sa mga kabataang may mga kakayahan upang lubusang ipagkaloob ang sarili sa gawain ng ministri. Sa paglakad ng panahon, ang impluwensya ng apostol bilang tagapagturo at lider ay lumago; at bagama’t hindi nawala sa kanya ang pasaning gumawa para sa mga Judio, gayunma’y tinaglay niya ang patotoo sa maraming lupain, at nagpalakas ng pananampalataya ng lubhang karamihan sa ebanghelyo.AGA 390.5

    Sa mga huling taon ng kanyang paggawa, si Pedro ay kinasihang sumulat sa mga mananampalatayang nasa “Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia.” Ang mga liham niya ay naging paraan ng muling pagbuhay ng tapang at pagpapalakas ng pananampalataya ng mga nagdaranas ng kahirapan at pagsubok, at muling pagtatatag ng mabubuting gawa ng mga natutukso at may panganib na lumuwag ang kapit sa Dios. Ang mga liham na ito ay nagtataglay ng patotoo ng isang sa kanya ay nanagana ang mga pagdurusa ni Kristo at Kanyang kaginhawahan; isang nabago ng Kanyang biyaya, at ang pag-asa sa walang hanggang buhay ay tiyak at matatag.AGA 391.1

    Sa pasimula ng kanyang unang liham, ang matandang lingkod ng Dios ay nag-ukol sa kanyang Panginoon ng papuri at pasasalamat. “Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo,” kanyang sinabi, “na ayon sa Kanyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli ni Jesu-Cristo sa mga patay, sa isang manang hindi nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo, na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon.”AGA 391.2

    Sa pag-asang ito ng tiyak na pamana sa lupang binago, nagdiwang ang mga naunang Kristiano, kahit na sa pinakamahigpit na pagsubok at kahirapan. “Na ito ang inyong totoong ikinagagalak,” sinulat ni Pedro, “bagama’t ngayo’y sa sandaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok: upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kaysa ginto na nasisira, bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal ni Jesu-Cristo: na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama’t ngayon ay hindi ninyo Siya nakikita,...na kayo’y nagagalak na totoo na may galak na di maipahayag at puspos ng kaluwalhatian: na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.”AGA 391.3

    Ang mga salita ng apostol ay isinulat upang maituro sa mga mananampalataya sa bawat panahon, at ito ay may tanging kahalagahan sa mga mabubuhay sa panahong “ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na.” Ang kanyang mga payo at babala, mga salita ng pananampalataya at pampalakas-loob, ay kailangan ng bawat kaluluwa na nais magpanatili ng pananampalatayang “matatag hanggang sa wakas.” Hebreo 3:14.AGA 392.1

    Sinikap ng apostol na ituro sa mga mananampalataya ang kaha-lagahan ng pag-iingat sa isipang hindi gumala sa mga paksang ipinagbabawal, o maglaan ng lakas sa mga walang kabuluhang paksa. Silang tatayo laban sa mga pakana ni Satanas, ay dapat bantayan ang mga daanan ng kaluluwa; dapat niyang iwasan ang pagbasa, pagtingin, o pagdinig sa mga magmumungkahi ng maraming isipan. Ang pagiisip ay hindi dapat maiwang naglalagalag sa bawat paksang ihaharap ng kaaway ng kaluluwa. Ang puso ay dapat na mabantayang masikap, kung hindi ang mga kasamaan sa labas ay gigising sa mga kasamaan sa loob, at ang kaluluwa ay maliligaw sa kadiliman. “Kaya’t inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pag-iisip,” sinulat ni Pedro, “na maging mapagpigil kayo, at inyong ilagak na lubos ang inyong pag-asa sa biyayang dadalhin sa inyo sa pagkahayag ni Jesu-Cristo;...na huwag kayong umasal na ayon sa inyong dating mga masasamang pita nang kayo’y nasa kawalang kaalaman: ngunit yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay magpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; sapagkat nasusulat, Kayo’y magpakabanal; sapagkat Ako’y banal.”AGA 392.2

    “Gugulin ninyo sa takot ang panahon ng inyong pangingibang bayan: na inyong nalalamang kayo’y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa Korderong walang kapintasan at walang dungis, samakatuwid baga’y ang dugo ni Kristo: na nakilala nga nang una bago itatag ang sanlibutan, ngunit inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo, na sa pamamagitan Niya ay nananampalataya kayo sa Dios, na sa Kanya’y bumuhay na muli sa mga patay, at sa Kanya’y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang inyong pananampalataya at pag-asa ay mapasa Dios.”AGA 392.3

    Kung ang pilak o ginto ay sapat na pantubos sa kaligtasan ng tao, gaano nga kadaling ito ay magampanan ng Dios na nagsabing, “Ang pilak at ginto ay Akin.” Haggai 2:8. Ngunit tanging sa dugo ng Anak ng Dios lamang maaaring matubos ang makasalanan. Ang panukala ng kaligtasan ay binalangkas sa sakripisyo. Isinulat ni apostol Pablo, “Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng adng Panginoong JesuCristo, na bagaman Siya’y mayaman, gayunma’y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan ay magsiyaman kayo.” 2 Corinto 8:9. Ibinigay ni Kristo ang sarili para sa atin upang matubos tayo sa lahat ng kasamaan. At bilang putong na pagpapala ng kaligtasan, “ang kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Jesu-Cristo na Panginoon natin.” Roma 6:23.AGA 393.1

    “Yamang nilinis ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pagtalima sa katotohanan, sa pag-ibig na hindi pakunwari sa mga kapatid,” ipinagpatuloy ni Pedro, “mag-ibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa’t isa.” Ang salita ng Dios—ang katotohanan—ang daluyan na dito ay naghahayag ang Panginoon ng Kanyang Espiritu at kapangyarihan. Ang pagsunod sa salita ay nagbubunga ng kailangang katangian—“walang pakunwaring pag-ibig sa kapatid.” Ang pag-ibig na ito ay isinilang sa langit at umaakay sa mga matataas na motibo at paggawang hindi makasarili.AGA 393.2

    Kapag ang katotohanan ay naging nananahang simulain sa buhay, ang tao ay “muling ipinanganganak, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa salita ng Dios, na nabubuhay at namamalagi magpakailanman.” Ang pagkapanganak na muling ito ay bunga ng pagtanggap kay Kristo bilang Verbo ng Dios. Kapag ang banal na katotohanan ay nag-ugat sa puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, mga bagong isipan ay nagigising, at ang mga kalakasang dati’y tulog ay napakikilos upang makipagtulungan sa Dios.AGA 393.3

    Ganito ang naganap kay Pedro at kapwa apostol. Si Kristo ang tagapagpahayag ng katotohanan sa sanlibutan. Sa Kanya ang binhing di nasisira—ang salita ng Dios—ay nahasik sa puso ng mga tao. Ngunit marami sa mahahalagang liksyong sinalita ng Dakilang Guro ay nadinig ng mga hindi nakaunawa ng mga ito. Nang, matapos na Siya ay pumanhik sa langit, ipinaalaala ng Banal na Espiritu ang mga turo Niya sa mga alagad, ang kanilang natutulog na pandama ay nagising. Ang kahulugan ng mga katotohanan ay sumilang sa kanilang mga isipan bilang bagong pagpapahayag, at ang katotohanan, dalisay at walang halo, ay nakasumpong ng sisidlan. Pagkatapos ang kahangahangang karanasan ng Kanyang buhay ay napasakanila. Ang Salita ay nagpatotoo sa pamamagitan nila bilang mga lalaking Siya ang nagtalaga, at sila ay nangaral ng makapangyarihang katotohanan, “Ang Verbo ay nagkatawang tao, at tumahang kasama natin,...puno ng biyaya at katotohanan.” “Sapagkat sa Kanyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya.” Juan 1:14, 16.AGA 393.4

    Nagpayo ang apostol sa mananampalataya na pag-aralan ang mga Kasulatan, na ang matuwid na pagkaunawa nito ay gagawang tiyak ukol sa walang hanggan. Nadama ni Pedro na sa karanasan ng bawat tao na lubusang magtatagumpay ay magkakaroon ng mga tagpo ng kagulumihanan at pagsubok; ngunit alam din niyang ang pagkaunawa ng mga Kasulatan ay maghahatid sa isipan ng tinutuksong anak ng Dios ng mga pangakong magbibigay ginhawa sa puso at kalakasan sa pananampalataya.AGA 394.1

    “Ang lahat ng laman ay gaya ng damo,” kanyang sinabi, “at lahat ng kanyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo ay natutuyo at ang bulaklak ay nalalanta: datapuwat ang salita ng Panginoon ay namamalagi magpakailanman. At ito ang salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo. Kaya’t sa paghihiwalay ng lahat na kasamaan, at lahat ng pandaraya, at pagpapaimbabaw, at mga pananaghili, at ng lahat ng panlalait, gaya ng mga sanggol na bagong panganak ay nasain ninyo ang mga gatas na walang daya na para sa espiritu, upang sa pamamagitan nito’y magsilago kayo sa ikaliligtas; kung inyong mapagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya.”AGA 394.2

    Marami sa mga mananampalatayang pinag-ukulan ni Pedro ng liham na ito ay namumuhay sa gitna ng mga pagano, at malaki ang nakasalig sa kanilang pananatiling tapat sa kanilang banal na pagkatawag. Iniharap ng apostol sa kanila ang mga karapatan ng pagiging mga alagad ni Kristo. “Kayo’y isang lahing hirang,” kanyang sinulat, “isang makaharing saserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios; upang inyong ihayag ang mga karangalan Niyang tumawag sa inyo mula sa kadiliman hanggang sa Kanyang kagilagilalas na kaliwanagan: na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwat ngayo’y bayan ng Dios: na hindi nagkamit ng awa, datapuwat ngayo’y nagkamit ng awa.AGA 394.3

    “Mga minamahal, ipinamamanhik ko sa inyong tulad sa mga nangingibang bayan at nagsisipaglakbay, na kayo’y magsipagpigil sa mga masasamang pita ng laman, na nakilapaglaban sa kaluluwa; na kayo’y magkaroon ng taimtim na ugali sa gitna ng mga Gentil; upang sa mga bagay na sinasabi nila laban sa inyong tulad sa nagsisigawa ng masama, dahil sa inyong mabubuting gawa, na kanilang nakikita, ay purihin nila ang Dios sa araw ng pagdalaw.”AGA 395.1

    Malinaw na inihanay ng apostol ang isipang dapat iukol ng mananampalataya sa mga maykapangyarihang sibil: “Kayo’y pasakop sa bawat palatuntunan ng tao alang-alang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan; o sa mga gobernador, na sinugo niya sa paghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti. Sapagkat siyang kalooban ng Dios, na sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatatahimik ang kamangmangan ng mga taong palalo: na gaya nang kayo’y malaya, at ang inyong kalayaan ay hindi ginagamit na balabal ng kasamaan, kundi gaya ng mga alipin ng Dios. Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang pagkakapatiran. Matakot kayo sa Dios. Igalang ninyo ang hari.”AGA 395.2

    Ang mga alila ay pinayuhang manatiling nagpapasakop sa kanilang mga panginoon na “may buong takot; hindi lamang sa mabubuti at mahinahon, kundi gayon din naman sa mababagsik, sapagkat ito’y kalugod-lugod,” paliwanag ng apostol, “kung dahil sa budhing ukol sa Dios, ay magtiis ang sinuman ng mga kalumbayan, na magbata ng di matuwid. Sapagkat anong kapurihan nga, kung kayo’y nagkakasala, at kayo’y tinatampal ay inyong tanggaping may pagtitiis? ngunit, kung kayo’y gumagawa ng mabuti, at kayo’y nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito’y kalugod-lugod sa Dios. Sapagkat sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagkat si Kristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y magsisunod sa mga hakbang Niya: na Siya’y hindi nagkasala o kinasumpungan man ng daya ang Kanyang bibig: na, nang Siya’y alipustain, ay hindi gumanti ng pag-alipusta; nang Siya’y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang Kanyang sarili doon sa humahatol na matuwid: na Siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa Kanyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa ating mga kasalanan ay mabuhay tayo sa katuwiran: na dahil sa Kanyang mga sugat ay nagsigaling kayo. Sapagkat kayo’y gaya ng mga tupang naliligaw; datapuwat ngayon ay nangabalik kayo sa Pastor at Obispo ng inyong mga kaluluwa.”AGA 395.3

    Pinayuhan ng apostol ang kababaihan na maging mahinhin sa ugali, pananamit at pagkilos. Kanyang ipinayo, “Na huwag sa labas ang kanilang paggayak ng gaya ng pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng mga hiyas na ginto, o pagbibihis ng maringal na damit; kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios.”AGA 396.1

    Ang liksyong ito ay angkop sa mga mananampalataya sa bawat panahon. “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” Mateo 7:20. Ang panloob na kagayakan ng isang maamo at payapang diwa ay hindi mahahalagahan. Sa buhay ng tunay na Kristiano ang panlabas na gayak ay laging katugma ng panloob na kapayapaan at kabanalan. “Kung ang sinumang tao’y ibig sumunod sa Akin,” sinabi ni Kristo, “ay tumanggi sa kanyang sarili,, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.” Mateo 16:24. Ang pagtanggi sa sarili at sakripisyo ang palatandaan ng buhay Kristiano. Ang katibayan ng hikayat na panlasa ay makikita sa pananamit ng lahat ng lumalakad sa landas na inihanda ng Panginoon para sa tinubos.AGA 396.2

    Matuwid na magmahal sa kagandahan at naisin ito; ngunit nais ng Dios na tayo ay umibig at hanapin muna ang pinakamataas na kagandahan, na hindi lilipas. Walang panlabas na kagayakan ang maihahambing sa halaga o kagandahan ng “diwang maamo at payapa,” “ang linong pino, maputi at malinis” (Apocalipsis 19:14), na isusuot ng lahat ng mga banal sa lupa. Ang damit na ito ang magpapaganda at magpapamahal sa kanila dito, at sa dako pa roon ay magiging tanda nila sa pagpasok sa palasyo ng Hari. Ang pangako Niya ay, “Sila’y kasama Kong magsisilakad na may mga damit na maputi: sapagkat sila’y karapat-dapat.” Apocalipsis 3:4.AGA 396.3

    Sa pagtanaw sa hinaharap sa panahong mapanganib na haharapin ng iglesia ni Kristo, nagpayo ang apostol sa mananampalataya na maging matatag sa harap ng pagsubok at paghihirap. “Mga minamahal,” kanyang sinulat, “huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo’y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo’y hindi karaniwang bagay.”AGA 396.4

    Ang pagsubok ay bahagi ng edukasyong makukuha sa paaralan ni Kristo, upang dalisayin ang mga anak ng Dios mula sa dumi ng sanlibutan. Dahilan sa pag-akay ng Dios kung kaya’t dumarating ang mga pagsubok sa Kanyang mga anak. Ang pagsubok at balakid ay paraan ng Dios sa pagdidisiplina, at gayundin sa pagtatagumpay. Siyang nakababasa ng puso ng tao ay nakikita ang kanilang mga kahinaan na higit sa sarili nilang pangmasid. Nakikita Niyang ang ilan ay may mga katangiang, kung maaakay na matuwid, ay magagamit sa paglago ng Kanyang gawain. Sa Kanyang paglalaan ay inaakay Niya ang mga ito sa iba’t ibang kalagayan at pangyayari, upang kanilang matuklasan ang mga kahinaang lingid sa kanilang kaalaman. Binibigyan Niya sila ng mga pagkakataong mapagtagumpayan ang mga kahinaang ito, at maiangkop ang sarili sa paglilingkod. Madalas na ipinahihintulot Niya ang mga apoy ng pagsubok upang sila ay madalisay.AGA 396.5

    Ang pangangalaga ng Dios sa Kanyang pamana ay walang katapusan. Hindi Niya ipahihintulot na dumating ang pagdurusa sa Kanyang mga anak na hindi mahalaga sa kanilang pangkasalukuyan at pangwalang hanggang kabutihan. Siya ang dadalisay sa iglesia, tulad ng pagdalisay ni Kristo sa iglesia nang Siya’y narito pa sa lupa. Lahat ng dinadala Niya sa Kanyang bayan sa mga pagsubok at paghihirap ay yaong magbibigay ng lalong malalim na kabanalan at dakilang kalakasan upang mapasulong ang mga tagumpay ng krus.AGA 397.1

    May panahon sa karanasan ni Pedro na hindi siya laang makita ang krus sa gawain ni Kristo. Nang ipaalam ni Kristo sa mga alagad ang darating na paghihirap at kamatayan Niya, naipahayag ni Pedro, “Malayo nawa sa Iyo, Panginoon: hindi ito mangyayari sa Iyo.” Mateo 16:22. Ang habag sa sarili na naalis nang makabahagi siya sa paghihirap ni Kristo, ang nagpanumbalik kay Pedro. Sa apostol ay naging mapait na liksyon itong mabagal niyang natutuhan, na ang landas ni Kristo sa lupa ay pagdurusa at kahihiyan. Ngunit sa init ng hurno ay natutuhan niya ang liksyon. At ngayon, ang dating masiglang paggawa at anyo ay pinayuko na ng pasanin at mga taon ng paggawa, ay maaari niyang maisulat, “Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo’y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo’y di karaniwang bagay: kundi kayo’y magalak, sapagkat kayo’y karamay sa mga hirap ni Kristo; upang, sa pagkahayag ng Kanyang kaluwalhatian, ay mangagalak kayo ng malabis na galak.”AGA 397.2

    Sa pagsulat sa mga matanda sa iglesia tungkol sa kanilang mga kapanagutan bilang katulong na pastor ng kawan ni Kristo, isinulat ng apostol: “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na gumamit kayo ng pamumuno na hindi sapilitan, kundi may kasanayan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pag-iisip; ni hindi din naman ang gaya ng kayo’y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo’y mga maging uliran ng kawan. At pagkahayag ng Pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian.”AGA 397.3

    Silang nasa tungkulin ng pagiging katulong na pastor ay dapat na matiyagang magbantay sa kawan ng Panginoon. Ito ay hindi pagbabantay na parang diktador, kundi sa paraang magpapalakas at magpapasigla at mag-aangat. Ang ministri ay higit pa sa pagsesermon; nangangahulugan ito ng maningas, at personal na paggawa. Ang iglesia sa lupa ay binubuo ng mga lalaki at babaeng nangangailangan ng matiyaga, at masikap na paggawa upang sila’y masanay at madisiplina upang matanggap nila sa buhay na ito, at sa hinaharap ang putong ng kaluwalhatian at imortalidad. Kailangan ang mga pastor—mga tapat na pastol—na hindi pupuring walang kabuluhan sa bayan ng Dios, o magiging marahas sa kanila, kundi mga magpapakain ng tinapay ng buhay—mga lalaking sa kanilang buhay sa bawat araw ay nakadadama ng nagpapabagong kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at nagtataglay ng malakas at hindi makasariling pag-ibig sa kanilang pinaglilingkuran.AGA 398.1

    Kailangan ang matalinong paggawa ng katulong na pastor upang kanyang maharap ang paglayo, kapaitan, inggit, at selos sa loob ng iglesia, at kailangang siya ay gumawa sa diwa ni Kristo upang ang mga bagay ay maisaayos. Mga tapat na babala ay dapat ibigay, hindi lamang sa pagsasalita sa pulpito, kundi sa personal na paggawa. Ang pusong naliligaw ay maaaring hindi masiyahan dito, at ang lingkod ng Dios ay maaaring hatulang mali at batikusin. Ngunit alalahanin ng lingkod ng Dios na ang “karunungang mula sa itaas una muna ay dalisay, at mapayapa, maamo, madaling mapakiusapan, puno ng kahabagan at mabubuting bunga, walang pagtatangi, at walang pagpapaimbabaw. At ang bunga ng katuwiran ay inihahasik sa kapayapaan nilang mga mapagpayapa.” Santiago 3:17, 18.AGA 398.2

    Ang gawain ng ministro ng ebanghelyo ay “maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga, na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay.” Efeso 3:9. Kapag ang pumapasok sa gawaing ito ay pipiliin ang pinakamaliit na pagsasakripisyo, at masisiyahan na lamang sa pagsesermon, at pababayaan na ang gawain ng ministri para sa iba, ang kanyang mga paggawa ay hindi tinatanggap ng Dios. Mga tao na dahil sa kanila ay namatay si Kristo ay napapahamak dahilan sa kawalan ng personal at may direksyong paggawa; at ang ministro ay nagkakamali sa pagkatawag sa kanya kung hindi siya laang gumawa ng personal na pangangalaga sa kawan.AGA 398.3

    Ang diwa ng tunay na pastor ay paglimot sa sarili. Inaalis niya ang paningin sa sarili upang magampanan ang mga gawa ng Dios. Sa pangangaral ng salita at personal na paggawa sa mga tahanan, nalalaman niya ang kanilang mga pangangailangan, ang kanilang mga kalumbayan, mga pagsubok; at sa pakikipagtulungan sa Dakilang Tagapasan, nakikibahagi siya sa kanilang mga kahirapan, nagbibigay ginhawa sa kanilang mga bagabag, nagpapagaan ng pagkauhaw ng kanilang mga kaluluwa, at hinihikayat ang kanilang mga puso sa Dios. Sa gawaing ito ang ministro ay pinaglilingkuran ng mga anghel ng Dios, at siya na rin ay natuturuan at naliliwanagan sa katotohanang nagpapapantas sa kaligtasan.AGA 399.1

    Kaugnay ng mga tagubilin sa kanilang nasa mga tungkulin ng pagkakatiwala sa iglesia, inihanay ng apostol ang pangkalahatang simulaing dapat sundin ng lahat ng kaanib ng iglesia. Ang nakababatang mga kaanib ay pinapayuhang sundin ang halimbawa ng nakatatanda sa pagsasakabuhayan ng kababaan ni Kristo: “Gayundin naman kayong mga kabataan, ay magsisuko sa mga matatanda. Oo, kayong lahat ay mangagbigkis ng kapakumbabaan, na kayo-kayo’y maglingkuran: sapagkat ang Dios ay sumasalangsang sa mga palalo, datapuwat nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba. Kaya’t kayo’y magpakumbaba sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Dios, upang kayo’y Kanyang itaas sa kapanahunan; na inyong ilagak sa Kanya ang lahat ng inyong kabalisahan; sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit Niya. Kayo’y maging mapagpigil, kayo’y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya, na siya’y labanan ninyong matatag sa inyong pananampalataya.”AGA 399.2

    Sa ganito ay sumulat si Pedro sa mga mananampalataya sa panahon ng natatanging pagsubok sa iglesia. Marami na ang nakadanas ng paghihirap na kasama ni Kristo, at di magtatagal ay haharap ang iglesia sa kalunos-lunos na pag-uusig. Sa loob ng ilang maikling taon silang nagsitayong mga guro at lider ng iglesia ay magbubuwis ng kanilang mga buhay para sa ebanghelyo. Hindi magtatagal ay papasok ang mga ganid na lobo na hindi magpapatawad sa kawan. Ngunit walang anuman sa mga ito ang magdadala ng panlulupaypay sa mga tao na ang pag-asa ay nakalagak kay Kristo. Sa mga salita ng pampasigla at pampalakas-loob, itinuro ni Pedro ang mga isipan ng mananampalataya mula sa mga kasalukuyan at hinaharap na pagsubok sa “isang pamanang hindi masisira, at hindi lilipas.” “Ang Dios ng biyaya, na tumawag sa atin sa walang hanggang kaluwalhatian kay Kristo Jesus, pagkatapos na kayo’y makapagbata sa sandaling panahon, ay Siya rin ang magpapasakdal, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. Suma-Kanya nawa ang paghahari magpakailanman. Siya nawa.”AGA 399.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents