Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Matatag Hanggang Wakas

    Sa ikalawang liham na ipinadala ni Pedro sa kanilang nagtamo ng “katulad na mahalagang pananampalataya” na kasama niya, inilahad ng apostol ang panukala ng Dios sa pagpapalago ng likas Kristiano. Kanyang isinulat:AGA 401.1

    “Biyaya at kapayapaan ang sa inyo’y dumami sa pagkakilala sa Dios, at kay Jesus na Panginoon natin, yamang ipinagkaloob sa atin ng Kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, sa pamamagitan ng pagkakilala sa Kanya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng Kanyang sariling kaluwalhatian at kagalingan: na dahil dito ay ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang mahahalaga at napakadakilang mga pangako: upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi tayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pita.AGA 401.2

    “Sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman; at sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan; at sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pag-ibig. Sapagkat kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.”AGA 401.3

    Ang mga salitang ito ay puno ng tagubilin, at nagbibigay ng susi ng tagumpay. Inihaharap ng apostol sa mga mananampalataya ang hagdanan ng pagsulong Kristiano, na ang bawat baitang nito ay kumakatawan sa paglago sa pagkakilala sa Dios, at sa pag-akyat dito ay hindi dapat matigil. Pananampalataya, kagalingan, kaalaman, pagtitimpi, pagtitiis, kabanalan, pag-ibig sa kapatid, at mapagbigay ay mga baitang ng hagdanan. Tayo ay naliligtas sa pag-akyat sa bawat baitang hanggang maabot ang pamantayan ni Kristo para sa atin. Sa ganito ay ginagawa tayong pantas sa karunungan, at katuwiran, at kabanalan, at pagtubos.AGA 401.4

    Tinawag ng Dios ang Kanyang bayan sa kaluwalhatian at kabutihan, at ito ay mahahayag sa kabuhayan ng lahat ng lubusang nakaugnay sa Kanya. Sa pagkakaroon ng kaloob ng langit, sila ay lalago sa kasakdalan, na “iniingatan ng kapangyarihan ng Dios sa pananampalataya.” 1 Pedro 1:5. Kaluwalhatian ng Dios na ipagkaloob ang Kanyang kagalingan sa mga anak Niya. Hangarin Niyang makita ang mga lalaki at babaeng umaabot sa pinakamataas na pamantayan; at kung sa pananampalataya sila ay nanghahawakan sa kapangyarihan ni Kristo, kapag sila ay namanhik sa Kanyang hindi nagkukulang na mga pangako, at inaangkin ang mga ito, kapag sila ay naghahanap sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, sila ay magiging ganap sa Kanya.AGA 402.1

    Matapos matanggap ang pananampalataya ng ebanghelyo, ang kasunod na gawain ng mananampalataya ay idagdag sa likas ang kabudhan, at sa ganito ay malinis ang puso at mahanda ang isipan sa pagtanggap ng kaalaman ng Dios. Ang kaalamang ito ang saligan ng lahat ng tunay na edukasyon at lahat ng tunay na paglilingkod. Ito ang tanging sanggalang sa tukso; at ito lamang ang huhubog sa tao sa likas na katulad ng sa Dios. Sa pagkakilala sa Dios at sa Kanyang Anak na si Jesu-Cristo ay ibinibigay sa mananampalataya ang “lahat ng bagay na patungkol sa buhay at kabanalan.” Walang mabuting kaloob na ipinagkakait sa kanyang taimtim na nagnanais na matamo ang katuwiran ng Dios.AGA 402.2

    “Ito ang buhay na walang hanggan,” sabi ni Kristo, “na Ikaw ay makilala nila na iisang Dios, at Siyang Iyong sinugo, samakatuwid baga’y si Jesu-Cristo.” Juan 17:3. At inihayag ng propeta Jeremias: “Huwag magmapuri ang pantas sa kanyang karunungan, o magmapuri man ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan: kundi magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kanyang nauunawaan at kanyang nakikilala Ako, na Ako ang Panginoon na nagsasagawa sa lupa ng kagandahang-loob, kahatulan, at katuwiran: sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod Ako, sabi ng Panginoon.” Jeremias 9:23, 24. Ang taong magtatamo ng ganitong karunungan ay makauunawa ng lawak at lalim at taas ng maaabot niya sa espirituwal.AGA 402.3

    Walang sinumang dapat mabigo sa pag-abot sa kanyang kalagayan ng kasakdalan ng likas Kristiano. Sa sakripisyo ni Kristo ay inilaan ang paghahanda para sa mananampalataya upang makatanggap ng mga bagay na ukol sa buhay at kabanalan. Nananawagan ang Dios sa atin na ating abutin ang pamantayan ng kasakdalan at inihaharap sa atin ang halimbawa ng likas ni Kristo. Sa Kanyang pagkatao, pinasakdal ng buhay na patuluyang paglaban sa kasamaan, ipinakita ng Tagapagligtas na ang tao sa buhay na ito ay makaaabot sa kasakdalan ng likas. Ito ang kasiguruhan ng Dios na tayo man ay magtatamo ng lubos na tagumpay.AGA 402.4

    Inihaharap sa mananampalataya ang kahanga-hangang pagka-kataong maging katulad ni Kristo, na masunurin sa bawat panuntunan ng kautusan. Ngunit sa ganang sarili ang tao ay hindi makaaabot sa kalagayang ito. Ang kabanalang inihahayag ng salita ng Dios na dapat niyang abutin bago siya maligtas ay bunga ng paggawa ng banal na biyaya habang siya ay nagpapasakop sa disiplina at paghubog ng mga impluwensya ng Espiritu ng katotohanan. Ang pagsunod ng tao ay mapasasakdal lamang ng insenso ng katuwiran ni Kristo, na siyang nagbibigay halimuyak sa bawat gawa ng pagsunod. Ang bahagi ng Kristiano ay makipagpunyagi upang pagtagumpayan ang bawat kahinaan. Palagiang siya ay dadalangin sa Tagapagligtas upang pagalingin ang mga kasiraan ng kaluluwang makasalanan. Wala siyang karunungan o lakas man upang magtagumpay; ang mga ito ay buhat sa Panginoon, at ipinagkakaloob Niya sa kanilang sa kahihiyan at pagsisisi ay lalapit sa Kanya upang matulungan.AGA 403.1

    Ang gawain ng pagbabago mula sa walang kabanalan tungong kabanalan ay walang tigil. Sa bawat araw ang Dios ay gumagawa sa ikababanal ng tao, at ang tao naman ay makikipagtulungan sa Kanya, ng buong pagsisikap sa paglilinang ng mga matuwid na likas. Dapat na siya ay magdagdag ng biyaya sa biyaya; at habang siya ay nasa paggawang ito ng pagdaragdag, ang Dios naman ay gumagawa sa kanya ng pagpaparami. Ang ating Tagapagligtas ay laging nakikinig at tumutugon sa panalangin ng pusong nagsisisi, at ang biyaya at kapayapaan ay pinararami sa mga tapat. Magalak na Siya ay nagkakaloob ng mga pagpapalang kailangan nila sa pakikibaka laban sa mga kasamaang nakasasagupa nila.AGA 403.2

    Mayroong nagsisikap na pumanhik sa hagdanan ng paglagong Kristiano; ngunit habang ginagawa ito ay nagdtiwala naman sa kapangyarihan ng tao, at di magtatagal ang mga ito ay mawawala ang paningin kay Jesus, ang May-akda at Tagapagpasakdal ng kanilang pananampalataya. Ang bunga ay kabiguan—ang pagkawala ng lahat na nakamtan na. Tunay ngang malungkot ang kapalaran nilang napagod na sa daan, na nagpahintulot sa kaaway na nakawin sa kanila ang mga biyayang Kristiano na nabubuo sa kanilang mga puso at kabuhayan. “Siyang nagkukulang sa mga bagay na ito ay bulag, at hindi nakikita ang malayo, at nakalimutang siya ay nalinis na mula sa mga dating kasalanan.”AGA 403.3

    Ang apostol Pedro ay mayroong mahabang karanasan sa mga bagay ng Dios. Ang pananampalataya niya sa kapangyarihan ng Dios upang magligtas ay napalakas pa sa paglakad ng panahon, hanggang mapatunayan niyang walang alinlangan na walang posilibidad ng kabiguan sa kanyang, sumusulong sa pananampalataya, na sa bawat yugto ay pataas nang pataas hanggang sa pinakadulong baitang na umaabot sa pintuan ng langit.AGA 404.1

    Sa maraming taon ay iminumungkahi ni Pedro sa mga mananampalataya ang pangangailangan ng patuloy na paglago sa biyaya at kaalaman ng katotohanan; at ngayon, sa pagkaalam na hindi magtatagal siya ay magiging martir para sa kanyang pananampalataya, muli ay tinawagan niya ng pansin ang mananampalataya sa mga mahahalagang karapatang nasa harapan niya. Sa kasiguruhan ng kanyang pana-nampalataya ang matandang apostol ay nagpasigla sa mga kapatid na maging matatag sa kanilang adhikain sa kabuhayang Kristiano. “Lalong pagsikapan ninyo,” kanyang pakiusap, “na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo: sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailanman: sapagkat sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.” Napakamahal na kasiguruhan! Maluwalhati ang pag-asang nasa harap ng mananampalataya sa pagsulong niya sa pamamagitan ng pananampalataya tungo sa rurok ng kasakdalang Kristiano!AGA 404.2

    “Kaya’t magiging handa akong lagi,” ipinagpatuloy ng apostol, “na ipaalaala ko sa inyo ang mga bagay na ito, bagama’t inyong nalalaman, at kayo’y pinatitibay sa katotohanang nasa inyo. At inaakala kong matuwid, na samantalang ako’y nasa tabernakulong ito, upang kilusin ko kayo na ipaalaala sa inyo; yamang alang nalalaman na dumarating na madali ang paghihiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesu-Cristo. Oo, pagsi- sikapan ko na sa tuwi-tuwina, pagkamatay ko’y inyong maalaala ang mga bagay na ito.”AGA 404.3

    Ang apostol ay may karapatang magsalita ng mga adhikain ng Dios tungkol sa lahi ng tao; sapagkat sa panahon ng ministri ni Kristo ay nakita at narinig niya ang tungkol sa kaharian ng Dios. “Sapagkat kami ay hindi nagsisunod sa mga kathang ginawang mainam,” kanyang pinaalaala sa mga mananampalataya, “noong aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagparjto ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng Kanyang karangalan. Sapagkat Siya’y tumanggap sa Dios Ama ng karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa Kanya ang isang tinig mula sa marangal na kaluwalhatian, Ito ang sinisinta Kong Anak, na Siya Kong kinalulugdan. At ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit nang kami ay kasama Niya sa banal na bundok.” Gaano man kalakas ang katibayang ito ng pag-asa ng mananampalataya, mayroon pang lalong matibay na pagsaksi ang propesiya, na dito ay mapatatatag ang pananampalataya ng lahat. “At kami,” pinahayag ni Pedro, “ay mayroong lalong panatag na salita ng propesiya; na mabuti ang inyong sinusundan, na gaya sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukangliwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso: na maalaman muna ito, na alin mang propesiya ng Kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Sapagkat hindi sa kalooban ng tao dumating ang propesiya kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyukan ng Banal na Espiritu.”AGA 405.1

    Sa pagtataas sa “tiyak na salita ng propesiya” na panatag na patnubay sa panahon ng panganib, ang apostol naman ay nagbabala sa iglesia laban sa mga sulo ng huwad na propesiya, na ilalahad ng mga “bulaang guro,” na palihim na magpapasok ng mga “erehe pati na ang pagtatatwa sa Panginoon.” Ang mga bulaang gurong ito na babangon sa loob na rin ng iglesia at ituturing na tunay ng ilang mga kapatid ay inihambing ng apostol sa “mga balong di maglalaman ng tubig, mga ulap na itinataboy ng bagyo; at nakalaan para sa kanila ang pusikit na kadiliman.” “Lalong sumasama ang huling kalagayan nila kaysa nang una. Sapagkat magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kaysa pagkatapos na makakilala ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.”AGA 405.2

    Sa pagbabalik-tanaw sa pagdaan ng mga panahon hanggang sa pagtatapos nito, si Pedro ay kinasihang ibalangkas ang mga kalagayang makikita sa sanlibutan bago dumating sa ikalawa si Kristo. “Na maalaman muna ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya,” kanyang sinulat, “na nagsisilakad ayon sa kani-kanyang masasamang pita, at magsisipagsabi, Saan naroon ang pangako ng Kanyang pagparito? sapagkat buhat nang araw na mamayapa ang aming mga magulang, ay nananatili ang lahat ng mga bagay na gaya ng kalagayan nila mula nang pasimulan ang paglalang.” Ngunit “kapag kanilang sasabihing, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo’y darating sa kanila ang biglang pagkawasak.” 1 Tesalonica 5:3. Hindi naman lahat ay masisilo ng kaaway. Sa pagdating ng wakas ng lahat ng bagay sa lupa, mayroong mga tapat na makakakilala ng mga tanda ng panahon. Bagama’t malaldng bahagi ng mga mananampalataya ang magkakaila ng kanilang pananampalataya sa kanilang mga gawa, may isang nalabing mananatili hanggang sa wakas.AGA 405.3

    Naging buhay sa puso ni Pedro ang pag-asa ng pagbabalik ni Kristo, at binigyan niyang kasiguruhan ang iglesia sa katuparan ng pangako ng Tagapagligtas, “At kung Ako ay makaparoon upang ipaghanda kayo ng dakong kalalagyan, muling paririto Ako upang tanggapin kayo sa Aking sarili.” Juan 14:3. Sa mga tapat at sinusubok ang pagbabalik ay maaaring parang nagtatagal, ngunit tiniyak ng apostol: “Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa Kanyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na ang sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi. Datapuwat darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyon ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.AGA 406.1

    “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnay ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain, na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios, na dahil dito’y ang sangkalangitan na nagniningas ay mapupugnaw, at ang mga bagay sa langit ay matutunaw sa matinding init? Ngunit, ayon sa Kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran.AGA 406.2

    “Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo’y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan Niya kayo sa kapayapaan, na walang dungis, at walang kapintasan. At inyong ariin na ang pagpapahinuhod ng Panginoon ay pagliligtas; na gaya rin naman ni Pablo, na ating minamahal na kapatid, na ayon sa karunungang ibinigay sa kanya ay sinulatan kayo.... Kaya nga, mga minamahal, yamang nalalaman ninyo nang una ang mga bagay na ito, ay magsipag-ingat kayo, baka kung maligaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama, ay mahulog kayo sa inyong sariling katiyagaan. Datapuwat magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.”AGA 407.1

    Sa paglalaan ng Dios, si Pedro ay pinahintulutang tapusin ang kanyang gawain sa Roma, na doon ay ipinabilanggo siya ni Nero halos kasabay ng huling pag-aresto kay Pablo. Sa ganito ang dalawang beteranong sa loob ng maraming taon ay pinaghiwalay ng kanilang mga paggawa, ay nagsabalikat ng kanilang huling pagsaksi para kay Kristo sa malaking lunsod ng sanlibutan, at sa lupa nito ay dadanak ang kanilang dugo bilang binhi ng masaganang ani ng mga banal at mga martir.AGA 407.2

    Mula nang maibalik si Pedro matapos na ikaila niya si Kristo, siya ay walang takot na humarap sa panganib, at nagbigay ng mabuting halimbawa sa pangangaral ng isang Tagapagligtas na ipinako, muling nabuhay at pumanhik sa langit. Habang nasa bilangguan, naalaala niya ang mga salita ni Kristo sa kanya: “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig: ngunit pagtanda mo’y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan mo ibig.” Juan 21:18. Sa ganito ay ipinaalam ni Jesus sa apostol ang magiging paraan ng kanyang kamatayan, pati na ang pag-uunat ng kanyang kamay sa kamatayan sa krus.AGA 407.3

    Si Pedro, bilang isang Judio at taga-ibang lupa, ay nahatulang hampasin at ipako. Sa pagharap sa nakatatakot na kamatayang ito, naalaala ng apostol ang kanyang dakilang pagkakasala sa pagkakaila kay Jesus sa oras ng Kanyang pagsubok. Dati ay mabilis siyang tumanggi sa krus, ngayon ay itinuring niyang kagalakan ang magbuwis ng buhay para sa ebanghelyo, sa isipang, siya na nagkaila sa Panginoon, ang mamatay sa paraang tulad ng sa Panginoon, ay napakalaking karangalan. Taimtim na si Pedro ay nakapagsisi na ng mga kasalanan at napatawad na ni Kristo, tulad ng makikita sa mataas na kapanagutang ipinagkaloob sa kanya sa pag-aalaga ng mga tupa. Ngunit hindi niya mapatawad ang sarili. Kahit na ang mga pagdurusang dadanasin ay hindi makapagpabawas ng pait ng kanyang kapanglawan at pagsisisi. Bilang huling pabor, nakiusap siya sa mga berdugo na siya ay ipako sa krus na patiwarik. Ang kahilingan ay pinagbigyan, at sa paraang ito ay namatay ang dakilang apostol Pedro.AGA 407.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents