Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Ang Iglesiang Matagumpay

    Mahigit sa labing-walong daantaon ang lumipas matapos na ang mga apostol ay mamahinga sa kanilang mga paggawa, ngunit ang kasaysayan ng kanilang mga hirap at sakripisyo para kay Kristo ay kabilang pa sa mga minamahal na kayamanan ng iglesia. Ang kasaysayang ito, na isinulat sa pangangasiwa ng Banal na Espiritu, ay itinala upang ang mga alagad ni Kristo sa bawat panahon ay mapalakas sa lalong sigasig at sikap sa gawain ng Tagapagligtas.AGA 449.1

    Ang utos ni Kristo sa mga alagad ay kanilang ginampanan. Sa paghayo ng mga mensaherong ito ng krus sa paghahayag ng ebanghelyo, nagkaroon ng gayong pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios na kailanman ay hindi nakita ng tao. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang mga apostol ay nagpayanig sa sanlibutan. Sa bawat bansa ay nadala ang ebanghelyo sa isang salinlahi.AGA 449.2

    Maluwalhati ang naging bunga ng ministri ng mga piniling apostol ni Kristo. Sa pasimula ng kanilang ministri ang ilan sa kanila ay walang pinag-aralan, ngunit ang kanilang tuon sa gawain ng Panginoon ay walang pasubali, at sa ilalim ng Kanyang pagtuturo sila ay naihanda sa dakilang gawaing itinalaga sa kanila. Ang biyaya at katotohanan ay naghari sa kanilang mga puso, nagpasigla ng kanilang mga motibo at pumipigil sa kanilang pagkilos. Ang kanilang mga buhay ay natago kay Kristo sa Dios, ang sarili ay nakaligtaan at nalubog sa lalim ng walang hanggang pag-ibig.AGA 449.3

    Ang mga alagad ay mga lalaking marunong manalangin at taimtim na magsalita, mga lalaking maaaring manghawakan sa Kalakasan ng Israel. Gaano nga kalapit na sila ay tumayo sa panig ng Dios, at itinali ang mga sariling karangalan sa Kanyang luklukan! Si Jehova ang kanilang naging Dios. Ang Kanyang karangalan ang kanilang karangalan. Ang Kanyang katotohanan ang kanilang katotohanan. Anumang batikos sa ebanghelyo ay parang malalim na humihiwa sa kanilang mga kaluluwa, at sa bawat kapangyarihan ng kanilang pagkatao ay nakipagbaka sila para sa gawain ni Kristo. Maaari nilang itaas ang salita ng buhay sapagkat natanggap nila ang pagpapahid ng langit. Malaki ang kanilang inaasahan, kung kaya’t malaki rin ang kanilang naging pagsisikap. Naghayag sa kanila si Kristo, at sa Kanya ay tumanaw sila para sa patnubay. Ang kanilang unawa sa katotohanan at ang kanilang kapangyarihang tumayo sa kalaban ay nasukat ng kanilang pakildayon sa kalooban ng Dios. Si Jesu-Cristo, ang karunungan at kapangyarihan ng Dios, ay naging paksa ng kanilang bawat talumpati. Ang Kanyang pangalan—ang tanging pangalang ibinigay sa silong ng langit na sukat ikaligtas ng tao—ay itinaas nila. Sa paghahayag nila ng kaganapan ni Kristo, ang Tagapagligtas na muling nabuhay, ang mga salita nila ay nagpakilos sa mga puso, at mga lalaki at babae ay nahikayat sa ebanghelyo. Lubhang karamihan na tumuya sa pangalan ng Tagapagligtas at nanghamak sa Kanyang kapang-yarihan ang ngayon ay nangumpisal na mga alagad ng Ipinako sa krus.AGA 449.4

    Hindi sa sariling kapangyarihan nagampanan ng mga alagad ang kanilang misyon, kundi sa kapangyarihan ng buhay na Dios. Ang kanilang gawain ay hindi madali. Ang pagbubukas ng gawain ng iglesia Kristiana ay puno ng kahirapan at mapait na kalumbayan. Sa paggawa nila ang mga alagad ay nakasagupa ng palagiang kakulangan, panunuya, at pag-uusig; ngunit hindi nila pinahalagahan ang sariling buhay at nagalak na sila ay matawag na magdusa para kay Kristo. Ang alinlangan, pag-aatubili, at kahinaan ng adhikain ay di nasumpungan sa kanilang mga pagsisikap. Laan silang gumugol at magugol. Ang pagkadama ng kanilang kapanagutan ang nagpadalisay at nagpasagana ng kanilang karanasan; at ang biyaya ng langit ay nahayag sa mga tagumpay na kanilang natamo para kay Kristo. Sa kalakasan ng walang hanggang kapangyarihan ang Dios ay gumawa sa pamamagitan nila upang ang ebanghelyo ay magtagumpay.AGA 450.1

    Sa saligang si Kristo na rin ang nagtatag, ang mga apostol ay nagtatag ng iglesia ng Dios. Sa Kasulatan ang pagtatayo ng isang templo ay madalas na ginagamit na paglalarawan sa pagtatatag ng iglesia. Si Kristo ay binabanggit ni Zacarias bilang Sanga na siyang magtatayo ng templo ng Panginoon. Binanggit niya ang mga Gentil na kasamang magtatayo nito: “At silang nangasa malayo ay magsisiparito at mangagtatayo sa loob ng templo ng Panginoon;” at wika ni Isaias, “At itatayo ng mga taga-ibang lupa ang iyong mga kuta.” Zacarias 6:12, 15; Isaias 60:10.AGA 450.2

    Tungkol sa pagtatayo ng templo, wika ni Pedro, “Na kayo’y magsilapit sa Kanya na batong buhay, na sa katotohana’y itinakwil ng tao, datapuwat sa Dios ay hirang, mahalaga. Kayo rin naman na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.” 1 Pedro 2:4, 5.AGA 451.1

    Sa minahan ng mga Judio at Gentil gumawa ang mga apostol, naglabas ng mga batong magiging saligan. Sa pagsulat ni Pablo sa mga mananampalataya sa Efeso, wika niya: “Kaya nga, hindi na kayo mga taga-ibang lupa at mga manlalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sambahayan ng Dios; na mga itinatayo sa ibabaw ng mga apostol at ng mga propeta, na si Kristo Jesus din ang pangulong bato na panulok; na sa kanya’y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon: na sa kanya’y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.” Efeso 2:19-22.AGA 451.2

    At sa mga taga Corinto naman ay sumulat din siya: “Ayon sa biyaya ng Dios na ibinigay sa akin, na tulad sa matalinong tagapagtayo, ay inilagay ko ang pinagsasaligan; at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ngunit ingatan ng bawat tao kung paano ang pagtatayo niya sa ibabaw nito. Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito’y si Kristo Jesus. Datapuwat kung ang sinuma’y magtatayo sa ibabaw ng pinagsasaligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, tuyong dayami; ang gawa ng bawat isa ay mahahayag: sapagkat ang araw ay magsasaysay, sapagkat sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawat isa kung ano iyon.” 1 Corinto 3:10-13.AGA 451.3

    Ang mga apostol ay nagtayo sa isang tiyak na saligan, ang Batong Buhay. Sa saligang ito ay nagdala sila ng mga batong kinuha sa mga minahan ng sanlibutan. Gumawa sila sa kabila ng mga balakid. Naging napakahirap ito sa harap ng mahigpit na pagsalungat ng mga kaaway ni Kristo. Kinailangang sila ay makipaglaban sa maling akala, muhi, at panatisismo ng mga nagtayo sa huwad na pundasyon. Marami sa mga nagtayo ng iglesia ang matutulad sa mga nagtayo ng pader sa panahon ni Nehemias na kanyang isinulat: “Silang nangagtayo ng kuta, at silang nangagpapasan ng mga pasan ay nagsipagsakbat, bawat isa’y may isa ng kanyang mga kamay na iginagawa sa gawain, at may isa na inihahawak ng kanyang sakbat.” Nehemias 4:17.AGA 451.4

    Mga hari at gobernador, mga saserdote at pinuno, ay nagsikap na wasakin ang templo ng Dios. Ngunit sa harap ng pagkabilanggo, pahirap at kamatayan, mga tapat na lalaki ay nagsabalikat ng gawain; at ang gusali ay patuloy na tumaas, naging maganda at maayos. Kung minsan ang mga gumagawa ay halos mabulag ng mga ulap ng pamahiing nakapalibot sa kanila. Kung minsan ay halos magapi sila ng karahasan ng mga kaaway. Ngunit sa pananampalatayang hindi matinag at tapang na hindi masindak, sila ay nagpatuloy sa paggawa.AGA 452.1

    Isa-isa ang mga pangunahin sa pagtatayo ay naigupo ng kaaway. Si Esteban ay binato; si Santiago ay pinaslang ng tabak; si Pablo ay pinugutan ng ulo; si Pedro ay ipinako sa krus; si Juan ay itinapon. Gayunman ay lumago ang iglesia. Mga bagong manggagawa ay kumuha ng lugar ng mga nalugmok sa daan, at bato ay napatong sa kapwa bato sa gusali. Sa ganito ay unti-unting tumaas ang templo ng iglesia ng Dios.AGA 452.2

    Mga daantaon ng mahigpit na pag-uusig ang sumunod sa’ pag-tatayo ng iglesia Kristiana, ngunit kailanman ay hindi nagkulang sa mga lalaking itinuring na higit na mahalaga sa sariling buhay ang pagtatayo ng templo ng Dios. Sa ganito ay nasulat: “Ang iba’y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito’y sa mga tanikala at bilangguan naman: sila’y pinagbabato, pinaglalagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing; na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan; (na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanlibutan:) na nangaliligaw sa mga ilang, at sa mga kabundukan, at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.” Hebreo 11:36-38.AGA 452.3

    Ang kaaway ng katuwiran ay hindi nagpabaya upang pigilan ang gawaing natalaga sa mga tagapagtayo ng Panginoon. Datapuwat ang Dios ay “hindi nagpabayang hindi nagbigay ng patotoo tungkol sa kanyang sarili.” Gawa 14:17. Mga manggagawa ay ibinangon na makapangyarihang nagtanggol ng pananampalatayang ipinagkaloob sa mga banal. Ang kasaysayan ang nagtatala ng kabayanihan at tatag ng mga lalaking ito. Tulad ng mga apostol, marami sa kanila ang nalugmok sa paggawa, ngunit ang templo ay patuloy na natayo. Ang mga manggagawa ay napatay, ngunit ang gawain ay nagpatuloy. Ang mga Waldensian, si John Wycliffe, Huss at Jerome, Martin Luther at Zwingli, si Cranmer, Latimer at Knox, ang mga Huguenot, sina John at Charles Wesley, at marami pang iba ay nagdala sa saligan ng mga materyales na magtatagal hanggang sa walang hanggan. At sa mga kasunod na taon, silang nagsikap na marangal na pasulungin ang pagpapakalat ng salita ng Dios, at silang sa paggawa sa lupain ng mga pagano ay naghanda ng daan para sa pagpapahayag ng huling pabalita—ang mga ito ay nakatulong din upang ang gusali ay maitayo.AGA 452.4

    Sa mga panahong dumaan mula sa mga apostol, ang pagtatayo ng templo ng Dios ay hindi natidgil. Maaari tayong lumingon sa mga daantaon upang maldta ang mga makikintab na batong naging kasangkapan ng gusali na tulad ng kislap ng liwanag ay naglagos sa kadiliman ng kamalian at pamahiin. Sa buong walang hanggan ang mga mahal na hiyas na ito ay magniningning na walang kupas, nagpapatotoo sa kapangyarihan ng katotohanan ng Dios. Ang kislap ng makintab na mga batong ito ay maghahayag ng pagkakaiba ng dilim sa liwanag, ng ginto ng katotohanan sa labo ng kamalian.AGA 453.1

    Si Pablo at ibang mga apostol, at lahat ng mga matuwid na nabuhay mula noon, ay kumuha ng kanilang papel sa pagtatayo ng gusali. Ngunit ang templo ay hindi pa tapos. Tayong nabubuhay ngayon ay may gawaing dapat gampanan, papel na dapat kunin. Kailangang magdagdag tayo ng materyales na tatayo sa subukan ng apoy—-ginto, pilak, at mamahaling bato, “pinakinang tulad ng sa isang palasyo.” Awit 144:12. Sa kanilang magtatayo para sa Dios, si Pablo ay may pampasigla at babala: “Kung ang gawa ng sinuman ay manatiii, na kanyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya’y tatanggap ng kagantihan. Kung ang gawa ng sinuman ay masunog, siya’y malulugi: ngunit siya sa kanyang sarili ay maliligtas; gayunma’y tulad sa pamamagitan ng apoy.” 1 Corinto 3:14, 15. Ang Kristianong matapat na maghahayag ng salita ng buhay, na aakay sa mga lalaki at babae sa daan ng kabanalan at kapayapaan, ay magdadala ng materyales sa saligan na mananatili, at sa kaharian ng Dios ay pararangalan siya bilang pantas na tagapagtayo.AGA 453.2

    Tungkol sa mga apostol ay nasusulat, “At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatotohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip.” Marcos 16:20. Kung paanong noon ay sinugo ni Kristo ang mga alagad, gayundin ngayon ay isinusugo Niya ang mga kaanib ng iglesia. Ang kapangyarihang lumakip sa mga apostol ay para sa kanila din. Kung ang Dios ang magiging kalakasan nila, Siya ay gagawang kasama nila, at sila ay hindi gagawang walang kabuluhan. Dapat nilang mapag-aralan na ang gawaing ito ay nagtataglay ng tatak ng Dios. Sinabi Niya kay Jeremias, “Huwag mong sabihing, Ako ay bata: sapagkat saan man lata susuguin ay paroroon ka, at anumang iutos ko sa iyo ay sasalitain mo. Huwag kang matakot dahil sa kanila; sapagkat ako’y sumasaiyo upang iligtas kita, sabi ng Panginoon. Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.” Jeremias 1:7-9. At inaatasan Niya tayong humayo sa pagbabahagi ng salitang kaloob Niya sa atin, na nakadadama ng Kanyang banal na hipo sa ating mga labi.AGA 453.3

    Ipinagkaloob ni Kristo sa iglesia ang isang banal na gawain. Bawat kaanib ay dapat na maging daluyang sa pamamagitan niya ay maihahayag ng Dios sa sanlibutan ang mga kayamanan ng Kanyang biyaya, ang hindi masaliksik na mga kayamanan ni Kristo. Walang higit pang ninanais si Kristo liban sa mga kinatawan Niyang maglalarawan sa sanlibutan ng Kanyang Espiritu at Kanyang likas. Wala nang higit pang kailangan ang sanlibutan kaysa mga pagpapahayag sa pamamagitan ng tao ng pag-ibig ng Tagapagligtas. Ang buong langit ay naghihintay para sa mga lalaki at babaeng sa kanila ay maihahayag ng Dios ang kapangyarihan ng Kristianismo.AGA 454.1

    Ang iglesia ay ahensya ng Dios sa paghahayag ng katotohanan, at pinagkalooban Niya ng kapangyarihang gumanap ng isang tanging gawain; at kung siya ay magiging tapat sa Kanya, masunurin sa Kanyang mga utos; mananahan sa gitna niya ang kagalingan ng banal na biyaya. Kung siya ay magiging tapat, at pararangalan ang Panginoong Dios ng Israel, walang kapangyarihang maaaring magpagupo sa kanya.AGA 454.2

    Ang sigasig para sa Dios at sa Kanyang gawain ang nagpakilos sa mga alagad upang makapangyarihang magbigay ng pagsaksi sa ebanghelyo. Hindi ba gayong katulad na sigasig ang parang apoy na dapat lumukob sa ating mga puso upang magpasyang magbalita ng tumutubos na pag-ibig, ng tungkol kay Kristo at Siyang ipinako? Karapatan ng bawat Kristianong hindi lamang hintayin, kundi padaliin ang pagparito ng Tagapagligtas.AGA 454.3

    Kung ang iglesia ay magbibihis ng damit ng katuwiran ni Kristo, na aalis sa anumang pakikipag-ugnayan sa sanlibutan, nasa harapan niya ang bukang-liwayway ng maningning at maluwalhadng araw. Ang pangako ng Dios sa kanya ay maninindigan magpakailanman. Siya ay gagawin Niyang walang katapusang kagalingan, isang kagalakan ng maraming salinlahi. Ang katotohanan na di pinapansin at tinatanggihan, ay magtatagumpay. Bagama’t sa ilang pagkakataon ay parang ito ay naaantala, gayunman ay di kailanman matitigil. Pagkakalooban Niya ito ng dagdag na puwersa, upang makapagbigay pa ng higit na impluwensya. Taglay ang lakas ng langit, ito ay maglalagos sa pinakamalakas na sagabal at magtatagumpay sa bawat hadlang.AGA 455.1

    Ano ang nagpanadli sa Anak ng Dios sa Kanyang buhay ng paggawa at sakripisyo? Nakita Niya ang mga bunga ng paghihirap ng Kanyang kaluluwa at Siya’y nasiyahan. Sa pagtingin sa walang hanggan, nakita Niya ang kaligayahan nilang sa pamamagitan ng Kanyang kahihiyan ay napatawad at nagtamo ng walang hanggang buhay. Nadinig Niya ang sigaw ng tagumpay ng mga tinubos. Nadinig Niya ang mga dnubos na umaawit ng awit ni Moises at ng Kordero.AGA 455.2

    Maaari tayong makatanaw sa hinaharap, sa kapalaran ng langit. Sa Biblia ay nakalarawan ang mga kaluwalhatian ng hinaharap, mga tanawing iginuhit ng kamay ng Dios, at ang mga ito ay mahal para sa Kanyang iglesia. Sa pananampalataya ay maaari tayong tumayo sa pintuan ng walang-hanggang siyudad, at mapakinggan ang mabiyayang pagtanggap sa kanilang sa buhay na ito ay nakipagtulungan kay Kristo, na itinuring na karangalan ang magdusa para sa Kanya. Sa pagkarinig ng mga salitang, “Magsiparito kayong mga pinagpala ng aking Ama,” inialay nila ang kanilang mga korona sa paanan ng Manunubos, na nagsasabing, “Karapat-dapat ang Korderong pinaslang upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at karangalan, at kaluwalhatian, at pagpapala.... Karangalan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay mapasa-kanyang nakaupo sa luklukan, at sa Kordero magpakailan-kailanman.” Mateo 25:34; Apocalipsis 5:12, 13.AGA 455.3

    Doon ay makakatagpo ng tinubos silang nag-akay sa kanila sa Tagapagligtas, at ang lahat ay magsasanib sa pagpupuri sa Kanyang namatay upang ang tao ay magkaroon ng buhay na tulad ng sa Dios. Ang tunggalian ay nagwakas na. Ang bagabag at pag-aalitan ay nawa- kasan na. Mga awit ng tagumpay ang pupuno sa kalangitan sa pagawit sa kagalakan ng mga tinubos. Karapat-dapat, karapat-dapat ang Korderong pinaslang, at muling nabubuhay, isang nagtagumpay na mananagumpay.AGA 455.4

    “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan, na di mabilang ng sinuman, na mula sa bawat angkan, at mga bayan, at mga wika, na nakatayo sa harapan ng luklukan, at sa harapan ng Kordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay; at nagsisigawan ng tinig na malakas, na nangagsasabi, Ang pagkaligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero.” Apocalipsis 7:9, 10.AGA 456.1

    “Ang mga ito’y ang mga nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit at pinaputi sa dugo ng Kordero. Kaya’t sila’y nasa harapan ng luklukan ng Dios, at nangaglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kanyang tabernakulo. Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang init. Sapagkat ang Kordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawat luha ng kanilang mga mata.” “At hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.” Apocalipsis 7:14-17; 21:4.AGA 456.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents